Chereads / Whirlwind Marriage (Tagalog) / Chapter 41 - Ako Ang Boyfriend Ni Lin Che

Chapter 41 - Ako Ang Boyfriend Ni Lin Che

Nilingon ni Lin Che ang sariling ama. "Papa, bakit mo naman nasabi na wala akong prinsipyo? Wala akong kinalaman sa isyung iyon!"

"Kung talagang nagsasabi ka ng totoo, maaari ka pa namang bumawi sa amin kung pupuntahan mo ngayon din ang mga Cheng at hihingi ka ng tawad sa kanila. Hanggang ngayon ay wala pa rin silang ibang nahahanap na kapalit mo." Mas gugustuhin pa ni Han Caiying ang mamatay kaysa hayaan si Lin Yu na ipakasal doon at wala ring ibang magagawa si Lin Youcai kundi ang panoorin na lang ang mga Cheng na ipasa ang kanilang kayamanan sa ibang tao. Kapag naiisip niya ito ay lalo lang siyang nagagalit.

Hindi makapaniwala si Lin Che. Nangungutya ang kanyang tingin sa ama at hindi niya maintindihan kung bakit iyon pa rin ang iniisip nito sa mga oras na ito.

"Papa, kalimutan mo na ang tungkol sa bagay na iyan. Kahit anong sabihin mo ay hindi ako papayag. Ang totoo niyan ay mayroon na akong boyfriend kaya hinding-hindi ako magpapakasal sa ibang lalaki." Hindi inamin ni Lin Che na may asawa na siya. Ang sinabi niya lang ay mayroon na siyang boyfriend.

Nagulat si Lin Youcai. Naghihinalang tiningnan niya si Lin Che. "Totoo ba iyang sinasabi mo?"

Napatawa si Lin Che. "Bakit naman ako magsisinungaling tungkol sa bagay na ito?"

"Gu Jingyu?"

"Siyempre hindi. Gawa-gawa lang ang balitang iyan!"

Makikita sa mga mata ni Lin Youcai ang pagkadismaya. Imposible ngang mangyari iyon. Sa hitsura ni Lin Che, paano niya magagawang makuha ang pansin ng isang taong katulad ni Gu Jingyu?

Suminghal si Lin Youcai sa kanya. "Huwag na huwag mong susubukang dalhin sa pamamahay na ito ang kahit sinong pobre na kauri mo. Ngayon pa lang ay sinasabi ko na sa iyo. Hindi ako papayag. Tiyakin mo rin na hindi ka magpapaloko. Hindi ko pa rin talaga makita kung ano ba ang mali sa mga Cheng. Kung mapapabilang ka sa pamilya nila, tiyak na magiging isa kang kagalang-kagalang na Madam saan ka man magpunta. Magiging masagana ang iyong buhay at magkakaroon ka ng maraming pera."

"Kung talagang gustong-gusto mong mapasaiyo ang kayamanan ng mga Cheng, bakit hindi mo nalang ipadala ang asawa mo para magpakasal sa anak nila? Anak mo ako pero gusto mo akong ibenta. Anong..."

Nanlumo na lang si Lin Che. Hindi niya maunawaan kung bakit pa ba siya ipinanganak sa pamilyang ito.

Lumubog naman ang mukha ni Lin Youcai. Samantala, narinig ni Han Caiying ang sinabing iyon ni Lin Che.

"Lin Che, anong kabastusan itong ipinapakita mo? Hinayaan kitang pumasok sa pamamahay ko para dumalo sa engagement at itinuring kita bilang kasapi ng pamilyang ito. Ang lakas ng loob mong magsalita ng ganyan sa amin ng iyong ama!"

Nangungutya ang ngiti ni Lin Che. "Ikaw lang ang higit na nakakaalam kung bakit mo ako pinapunta dito. Isa pa, may boyfriend na ako. Hindi ako naniniwalang magpapatuloy pa rin sa akin ang mga Cheng. Kaya mas makabubuti kung kakalimutan na ninyo ang plano niyong ito."

Namula ang buong mukha ni Han Caiying. "Walang hiya ka talagang babae ka! Kung sino-sinong lalaki lang ang nilalapitan mo tapos ngayon sasabihin mo samin na may boyfriend ka na? Ipinapakita mo pa rin ba kung gaano ka kababa? Ikaw..."

Alam na ni Lin Che na kahit ano pa ang gawin niya, palagi pa rin siyang mali sa mga mata nila.

Kung katulad pa rin siya sa dati at bumalik ngayon, sasabihin ng mga ito na wala man lang siyang respeto sa pamamahay na ito.

Kapag naman inayos niya ang sarili at bumalik ngayon, sasabihin ng mga ito na gusto niya lang magmalaki.

Tumalikod na si Lin Che at kaagad na umalis doon.

Ngunit, biglang nagsalita ang isang mahinang tinig. "Pinipilit ba ninyong magpakasal si Lin Che sa ibang lalaki?"

Ang boses na iyon...

Ito'y malalim, may pagkapaos ngunit puno ng katiyakan ang pagsasalita.

Lumingon si Lin Che at nakita si Gu Jingze sa likuran. Nakasuot ito ng itim na suit at naglalakad palapit sa kaniya.

Dahil sa matikas na tindig ni Gu Jingze ay nagmukha itong isang hari. Hindi nagpapatinag ang kanyang mga mata at walang sinuman ang mangangahas na titigan ito nang matagalan.

Habang nakaupo sa kanyang wheelchair, naramdaman ni Lin Che ang kamay nito na tumutulak sa kanya nang walang kahirap-hirap.

Hindi niya inaasahan na darating ito.

Walang sinuman ang nag-akala na darating ito.

Kahit si Lin Che ay hindi niya sinabi na pupunta siya sa engagement na ito.

Mag-asawa lang sila dahil sa isang kontrata. Ayaw niyang abalahin pa ito sa kanyang personal na mga lakad.

Nang inangat niya ang kanyang ulo, nakatagpo niya ang malalim at maitim nitong mga mata na mahahalatang kanina pa nakatingin sa kanya. Pagkatapos ay itinaas ni Gu Jingze ang kanyang mga mata at nanghahamak na sinulyapan sina Lin Youcai at Han Caiying.

Tinarayan ni Han caiying si Gu Jingze at pabalang na tinanong. "Saan ka nanggaling?"

Walang interes na nilingon niya si Han Caiying. Malamig ang kanyang boses at bagama't pinipigilan niya, kapansin-pansin pa rin ang tulis sa kanyang mga salita. "Iyan ba ang iyong Stepmother?" Hindi niya pinansin si Han Caiying at tiningnan lamang si Lin Che.

Humarap si Lin Che kay Han Caiying at sumagot. "Hmmm."

Galit na dinuro ni Han Caiying si Gu Jingze. "Ha! Ikaw marahil ang pobreng nobyo ni Lin Che, ano?

Sinong nagpapasok sa iyo dito?"

Hinawakan ni Gu Jingze ang wheelchair at tumingin kay Han Caiying. Nang hindi kumukurap, sinagot niya ito. "Ito ay isang engagement party. Siyempre, kailangang dumalo ng mga kapamilya. At dahil inimbita mo si Lin Che, kailangan ko ring dumalo, tama ba ako?"

Naisip ni Lin Che na hindi siguro napansin ni Han Caiying kung sino ba talaga si Gu Jingze.

Hindi lubusang maisip ni Lin Che mayroon palang perpektong lalaki sa mundo. Una, nasa kanya na ang lahat. Kahit kailan ay hindi siya maaabot ni Lin Che at wala rin naman siyang balak gawin iyon. Pangalawa, kahit sinusubukan ng mga reporters na kunan ito ng larawan ay hindi nagtatagumpay ang mga ito. Lagi itong napapalibutan ng mga taong magpoprotekta sa kanya kaya't walang kahit isang larawan ang nakakalusot sa mga ito.

Ganoon ito kailap. Naririnig lang ng mga tao ang tungkol sa kanya ngunit wala pang nakakakita sa kanya.

Sinuri ni Han Caiying si Gu Jingze. Totoo namang hindi ito pangit. Baka isa rin itong artista?

Suminghal ulit si Han Caiying. "Sino ka ba sa palagay mo at inaari mo ang iyong sarili bilang kapamilya? Kung gusto mong pakasalan at dalhin ang aming Lin Che, kailangan mo munang kunin ang aming permiso na tiyak namang hindi namin ibibigay sa iyo. Hinding-hindi."

Diretsahan naman itong sinagot ni Gu Jingze, walang kahit anong init sa kanyang tinig. "Hindi ko kailangan ang permiso ng kahit sino sa kung sino ang gusto kong pakasalan."

"Hah! Napakayabang mo naman. Siya ay kabilang ng pamilyang Lin at anak namin siya, hindi siya isang mumurahing bagay na pwede mong kunin kahit kailan mo gustuhin. Sabihin mo muna sakin. Ano bang pinagkakaabalahan mo? Magkano ba ang kinikita mo sa isang buwan? May sarili ka bang bahay?"

"Tagarito ka ba? May sasakyan ka?"

"Gaano kalaki ba ang dote na inihanda mo para sa amin? Sasabihin ko sa iyo na ang pinakamababang dote na aming tinatanggap ay isang milyong yuan. Kung hindi mo iyan kayang maabot, kalimutan mo nalang iyang plano mo. Sa tagal ng panahon ng paninirahan nito dito, ang pagkain dito, at ang paggamit bilang pribelihiyo sa titulo bilang Miss Lin... Lahat ng iyan ay sobrang gastos. At hinding-hindi maaari na kunin mo lang siya nang libre."

(Note***: Ang katumbas ng isang milyong yuan dito sa atin ay mahigit pitong milyong peso.)

Inulit ni Gu Jingze ang sinabi nito. "Isang milyong yuan?"

"Anong problema? Hindi mo kaya? Kung hindi mo kaya, pwes umalis ka na."

Nang mga oras na iyon, mula sa likuran ay pinapatigil naman ni Lin Youcai si Han Caiying. Tiningnan niya si Gu Jingze nang may galak sa mga mata at parang gusto niyang pasayahin ito. "Ikaw ba talaga ang nobyo ng aming Lin Che?"

Lumingon si Gu Jingze kay Lin Che na kasalukuyang kinakagat ang labi.

Ang mga mata nito ay nagliliwanag na parang isang lawa na nakaharap sa bituin, banayad na umaagos.

Sumagot si Gu Jingze, "Oo, ako nga."

Tumawa si Lin Youcai. "Itong si Lin Che talaga oo. Hindi niya man lang sinabi sa'min na may boyfriend na pala siya. Sana sinabi niya ito nang mas maaga pa."