Chereads / Whirlwind Marriage (Tagalog) / Chapter 46 - Siya Ang Pambato Ng Kanilang Kompanya

Chapter 46 - Siya Ang Pambato Ng Kanilang Kompanya

Dahil sa lambing ng tono nito ay napahanga nang kaunti si Gu Jingze kay Lin Che. Ngunit, nang makita niya ang mukha nitong puno ng kasakiman ay kaagad naman siyang bumalik sa dating sarili.

Gagawin talaga ng babaeng ito ang lahat para lang sa pera. Hindi ba nito kayang magpakumbaba man lang?

"Seryoso nga ako. Wala akong pagsasabihan na kahit sino kung pumatay ka man ng tao o ano pa mang krimen ang magawa mo. Isa pa, pareho lang naman tayo ng kalagayan, tama ba ako?" Masayang sabi ni Lin Che.

"Parang may gusto akong sakalin ngayon hanggang sa mamatay ito ngunit hindi ko magawa dahil sa batas at aking konsensya." Masama ang tingin ni Gu Jingze.

"Huh? Hindi ka maaaring maging marahas nang ganyan. Bakit? Sino ba iyan?"

Nilamon ni Gu Jingze ng tingin ang buong katawan ni Lin Che.

Gaano man kahina ang isip ni Lin Che, agad din naman niyang nakuha ang ibig nitong sabihin.

Siya pala iyon...

Aminado naman siya na sagabal lang siya sa pag-iibigan nila ni Mo Huiling, pero hindi naman nito kailangang pag-isipan siya nang ganoon kasama.

"Gu Jingze, bakit ba nagmamadali kang patayin ako nang walang dahilan? Mag-isip ka nga. Kung papatayin mo ako, hindi mo ito mababago at tiyak na magiging isa kang kriminal. Kung hahayaan mong mamuhay tayo ngayon nang mapayapa, magagawa ko ang lahat ng gusto kong gawin at ganoon ka rin sa loob ng ilan pang taon. Pagkatapos nito ay pwede na kayong magsama ni Miss Mo. Hindi ba't mas maganda iyon? Hindi mo na kailangang mag-abala pa nang ganyan, diba?"

Huminga nang malalim si Gu Jingze at tumingin sa harapan. Sinenyasan na niya ang driver upang magsimula na itong magmaneho.

Kung patuloy pa siyang makikipagbangayan kay Lin Che sa maliit na espasyong iyon, baka mabaliw siya sa katangahan nito.

Nang makarating na sila sa bahay ay mabilis na bumaba si Gu Jingze. Pinanood niya lang si Lin Che na nahihirapang makababa habang nagmamadali namang inilabas ng driver ang wheelchair. Napailing siya at pinilit na pakalmahin ang sarili bago bumalik doon upang tulungan itong makaupo sa wheelchair.

Pagsapit ng gabi, mag-isang nakaupo si Lin Che sa kwarto habang nakatingin sa kanyang cellphone at binabasa ang mga balita tungkol sa engagement party ni Lin Li.

Sa balitang iyon ay mapapansin kung gaano kaganda at nakakainggit ang buong party.

Sa ibaba ay nabasa ni Lin Che ang mga comments ng karamihan na pinupuri si Lin Li dahil sa taglay nitong kagandahan at si Qin Qing naman sa kakisigan nito.

Huminga siya nang malalim saka pinatay ang mga komento. Humiga siya sa kama at binuksan ang kanyang Weibo Page.

Palagi itong puno ng iba't-ibang usapan kaya in-off niya rin ang mga topic. Pero, dumako ang kanyang tingin sa isang latest na Weibo thread. Napakahaba ng laman nito at aktibo pa rin sa kasalukuyan.

Binuksan niya iyon para tingnan...

Nagsimula ang thread sa isang mensahe: "Kahit sa tingin ko ay hindi mo deserve ang aming Gu Jingyu, gusto ka pa rin niya. So, bilang kasapi ng Yu Feathers, ibinibigay na namin sa iyo ang aming pagpapala."

Alam ng lahat na ang Yu Feathers ay tumutukoy sa mga fans ni Gu Jingyu.

Naguguluhan si Lin Che. Ano ang ibig sabihin na gusto siya nito...

Kasunod ng mensaheng iyon ay isa pang comment, "Sila na ba talaga? Congratulations."

"Alagaan mong mabuti ang aming Jingyu, ha. Napakabait niya at napakasipag. Please, huwag mo siyang sasaktan."

Habang patuloy na nagbabasa si Lin Che, pakiramdam niya ay may mali. Nang oras ding iyon ay tinawagan siya ni Yu Minmin.

Nang sagutin niya ito ay kaagad nagsalita si Yu Minmin, "Lin Che, ano'ng nangyayari? Kayo na ni Gu Jingyu?"

"Kami na nino?" Wala siyang ideya kung ano ang nangyari.

"May ipinost si Gu Jingyu sa kanyang Weibo. Hindi mo pa ba ito nabasa?"

Siyempre, wala siyang kaalam-alam.

"Nagkakagulo na ang lahat. Tingnan mo kung ano ang sinabi niya. Para bang ini-announce na niya sa lahat ang relasyon ninyong dalawa at sinabihan niya ang lahat na hayaan ka na nila. Hindi ko talaga..."

"Titingnan ko muna..." Pagputol ni Lin Che sa sinasabi nito.

Pinatay niya kaagad ang tawag na iyon at tiningnan ang Weibo ni Gu Jingyu.

Doon ay may nakita siyang mahabang mensahe na ilang minuto pa lang nitong ipinost.

Ayon doon, "Mula noon hanggang ngayon, palagi akong nagsusumikap at ibinibigay ko ang lahat ng aking makakaya. Natatakot ako na baka masaktan ko ang aking mga tagahanga, ang aking kompanya, at ang lahat ng kaibigan ko at pamilya na patuloy na sumusuporta sa akin. Kahit kailan ay hindi ako namuhay nang para sa sarili ko lamang. Pero ngayon, gusto ko namang mabuhay para sa aking sarili. Dahil diyan, umaasa ako na kami ay susuportahan pa rin ninyo..."

Mabilis din naman niyang binasa ang mga comments sa ibaba.

Ang ilan sa mga taong sumali sa mainit na usapang iyon ay nagcomment ng ganito: "Kawawa naman si Gu Jingyu. Suportahan natin siya."

"Parang mahahati ang puso ko kapag nakikita ko si Gu Jingyu nang ganito. Ano man ang maging desisyon mo, palagi akong magtitiwala at susuporta sa'yo."

"Tao lang din ang mga artista. Kailangan din nila ng privacy. Ang iniisip lang naman namin ay ang iyong trabaho at hangga't maayos naman ito, hindi na kami makikialam sa kung sino man ang gusto mong makasama sa buhay. Susuportahan ka namin palagi."

Pakiramdam ni Lin Che ay mababaliw na siya.

Isinapubliko din naman ng mga tabloid at ng Weibo ang post na iyon at ibinalita sa madla. "Nagparinig na si Gu Jingyu sa kanyang mensahe na talaga ngang may namamagitan sa kanila ng kapwa niya artista na si Lin Che."

Ang mga balita na tungkol sa engagement ni Lin Li ay kaagad na natakpan ng napakalaking balitang ito.

Nakakunot ang noo ni Lin Che at wala talaga siyang magawa nang mga oras na iyon.

Gusto niyang tanggalin ang lahat ng mga komento doon pagkatapos makatanggap ng mga masasakit na comments. Bagama't karamihan ng mga iyon ay mas magalang sa kanya dahil kay Gu Jingyu, marami pa rin ang nagpahiwatig ng kanilang pag-aasam na balang araw ay itatapon din siya nito.

Wala naman talagang namamagitan sa kanilang dalawa. Paano siya nito itatapon?

Kinabukasan ay kaagad siyang pumunta sa kanilang kompanya.

Nilapitan agad siya ni Yu Minmin at kinausap. "Wala kang ibang dapat gawin sa ngayon. Ginagawa na ng kompanya ang lahat. Huwag ka na munang magsasalita ng kahit ano at baka lalo lang lumaki ang problemang ito."

Mahinang sumagot si Lin Che. "Wala akong dapat sabihin. Ni hindi ko nga alam kung ano ang dapat kong sabihin eh. Dahil wala naman talagang namamagitan sa aming dalawa. Balak ba akong pabagsakin ni Gu JIngyu?"

Nag-aalala rin si Yu Minmin na baka nga bigla na lang itong magsalita at sabihin ang totoo. Kung ganoon, lalo lang lalala ang sitwasyon.

Lahat ng mga baguhang artista na sumisikat pa lamang ay laging nasasangkot sa ganitong klase ng mga isyu. Gusto ng mga ito ang mabilisang pag-akyat sa kasikatan. Hangga't may pagkakataong maibalita ang kanilang pangalan, gagawin ng mga ito ang lahat para lang sumikat, at kasabay nito, ay ang pagkagulo ng mga bagay-bagay.

Subalit, naniniwala si Yu Minmin na walang ganoong intensyon si Lin Che. Mukhang nagulat din ito sa mga nangyayari. Naniniwala siya na hindi ito nag-iisip nang ganoon.

Dahil dito, alam niyang wala siyang dapat ikabahala. Ngumiti siya para pakalmahin si Lin Che. "Okay din naman 'to. Hindi mo ba nakikita? Hindi ba't sinusuportahan naman kayo ni Gu Jingyu ng lahat ng inyong tagahanga?"

"Ang importante sa ngayon ay ang katotohanan na wala talagang namamagitan sa aming dalawa. Anong kalokohan naman ang sinusuportahan nila?"

Naisip ni Yu Minmin kung gaano kalinis ang pag-iisip nito. Wala talaga itong masamang intensiyon.

Lalo siyang humanga kay Lin Che. Tinapik niya ang balikat nito at nagsalita. "Baka gumagawa lang si Gu Jingyu ng pabor para sa'yo. Ano mang bagay na may kinalaman kay Gu Jingyu at talagang pinapansin ng lahat. Tingnan mo nalang ang nangyari sa engagement ni Lin Li. Sandali lang itong nailagay sa headline at pagkatapos ay mabilis na napunta sa wala. Sa palagay ko ay siya ang talagang sumusuka ng dugo ngayon."

Huminga na lang nang malalim si Lin Che. Wala pa talaga siyang sapat na karanasan sa mga bagay na ito. Mas mainam kung ipauubaya niya nalang ito sa kompanya.

Ang ibang maliliit na artista ay nakaramdam naman ng inis habang pinagmamasdan siyang personal na inilalakad ni Yu MInmin.

"Sino ba'ng nag-aakala na sisikat siya nang ganito?"

"Oo nga. Parang nakakuha na siya ng importansiya sa kompanya."

"Ano ba talaga ang nakita ni Gu Jingyu sa kanya?"

"Siguro mas mabuti kung patuloy na lang tayong mabuhay," ang lahat ay may sari-sariling sinasabi sa isyung ito.