Chereads / Whirlwind Marriage (Tagalog) / Chapter 49 - May Alam Akong Mas Magandang Paraan

Chapter 49 - May Alam Akong Mas Magandang Paraan

Hindi nagtagal ay nakarating na si Gu Jingze sa kanilang bahay.

Nandoon na rin sa may pintuan si Qin Hao at naghihintay sa kanya. Nang makita nito na dumating na ang amo, mahina niyang sinabi, "Sir, nagsimula po ang lahat ng ito nang mag-post si Sir Jingyu sa kanyang Weibo. Bagama't hindi niya malinaw na sinabi, mahihinuha pa rin kaagad na si Sir Jingyu ay... ay..."

Lumingon si Gu Jingze. "Ay ano?"

"Umaamin sa kanyang relasyon kay Madam."

Nagbibiro lang siguro ito. Nakakatawa naman yata ang sinabi nito!

Nagdilim ang mukha ni Gu Jingze.

Nagtagpo ang kanyang mga kilay at kapansin-pansin ang paggalaw ng mga ugat sa kanyang katawan.

Nakita ni Gu Jingze na napakarami ng mga comments ang nandoon sa ilalim ng post ni Gu Jingyu sa Weibo.

"Sa palagay ko ay mukhang bagay naman pala sila. Kung talagang sila na, edi sila na."

"Ang sarap talaga sa mata ng Lin Cheng ito. At least diba kakaiba ang kanyang mukha kaysa sa karaniwang sikat na artista. Hindi na masiyadong masama."

"Kung nakapagpasya na si Jingyu, eh di pumayag na rin tayo. Congratulations sa inyong dalawa. Sana ay magtagal kayo."

Pinatay ni Gu Jingze ang kanyang cellphone at tumingin sa itaas, ang kanyang mukha ay singdilim ng mabagyong gabi. Nakakatakot ang anyo nito at walang sinuman ang mangangahas na titigan ito.

"Sir..."

"Akala ko ba ay napatigil na ninyo ang lahat ng balitang may kinalaman kay Gu Jingyu!"

Pinagpawisan nang malamig si Qin Hao sa kanyang likod. "Sir, totoo po iyon. Kaso nga lang, ito ang unang pagkakataon na isinapubliko ni Sir Jingyu ang kanyang relasyon kaya nagpatuloy pa rin ang ilang mga tabloid."

"Relasyon?" Malamig ang kanyang tingin kay Qin Hao.

Alam ni Qin Hao na maling salita ang kanyang nasabi kaya kaagad siyang nagpaliwanag. "Pero siyempre naman po, hindi alam ng mga reporters na nagbibiro lang si Sir Jingyu."

Itinaas ni Gu Jingze ang kamay upang patahimikin si Qin Hao.

Mariin niyang hinawakan ang kilay at pumasok na sa loob.

Samantala, walang kaalam-alam si Lin Che kung ano ang nangyari sa labas.

Kararating niya lang din mula sa kanilang set kaya pagod na pagod ang kanyang isip at katawan. Nagluto na lang siya ng cup noodles para pakalmahin ang kanyang sarili.

Natatapos palang siyang magluto nang marinig niya ang tunog ng pinto.

Nakauwi na si Gu Jingze.

May hawak na malaking mangkok si Lin Che at mapapansing masaya dahil sa kabusugan. Sa ibabaw ng kanyang damit ay nakasabit ang dilaw na apron na may tali sa magkabilang bahagi. Napaka-cute nitong tingnan at maaaninag dito ang masayang ngiti sa kanyang mukha.

"Oh, Gu Jingze, nakauwi ka na pala," ngumiti siya at ibinaba na ang mangkok na halos masunog na ang kanyang mga daliri dahil sa init. Idinikit niya ang kanyang mga daliri sa may tainga para palamigin ito.

Tiningnan ni Gu Jingze ang mangkok na may lamang noodles. "Nagugutom din ako."

"Oh?" Napansin ni Lin Che ang ekspresyon nito at sinabi, "Gusto mong ipagluto kita?"

"Oo sige," sagot ni Gu Jingze at kaswal na inilagay ang coat sa ibaba at umupo.

Sumimangot si Lin Che. Napaka-bossy naman nito!

Bumalik siya sa kusina at kinuha ang kutsilyong pang-gulay. Hinati niya ang mga gulay, ham, at nagbasag ng itlog.

Tiningnan siya ni Gu Jingze at naisip na masarap naman itong kasama minsan.

Sa isang regular na tahanan, ang asawang lalaki ay nakaupo sa may mesa habang ang babae naman ay nagluluto sa kusina.

Binalot ng masarap na amoy ang buong kusina. Dinala na ni Lin Che ang dalawang mangkok ng noodles sa hapag-kainan. Napansin ni Gu Jingze ang laman ng bawat mangkok at sinabi, "Bakit parang mas marami yata ang iyong noodles at gulay kaysa sa akin?"

". . ." Sumagot si Lin Che, "Hindi naman masiyadong marami ah."

Walang sabi-sabi ay inabot ni Gu Jingze ang kanyang noodles at kinuha mula sa kanya. "Iyang sa iyo ang kakainin ko."

"Hoy..." Gusto siyang pigilan ni Lin Che pero sinimulan na nitong lantakan ang noodles.

Napatingin si Lin Che sa kanyang mga daliri at sinabi, "Kinainan ko na ang mga noodles na iyan."

". . ." seryosong tiningnan siya ni Gu Jingze.

Hindi naman mapakali si Lin Che sa titig nito sa kanya. Kaagad niyang iwinasiwas ang kamay. "Bakit? Hindi naman kita pinilit na kainin iyan ah. Ikaw ang kumuha niyan."

Inabot ulit ni Gu Jingze ang noodles ni Lin Che at marami ang ibinawas doon.

"Hoy, Gu Jingze, ano..."

"Dapat patas ang lahat ng bagay sa pagitan ng mag-asawa, hindi ba?" Pangangatwiran ni Gu Jingze.

Nayayamot na sumagot si Lin Che. "Hindi ako tuso na katulad mo! Hindi ko naman iyon sinasadya ah?"

Itinaas lang ni Gu Jingze ang ulo at suminghal sa kanya.

Biglang naging malikot ang mata ni Lin Che. Ngumiti siya nang malapad at nagsalita, "Sabagay, parang nagpapalitan lang naman tayo ng laway niyan. Kinakain mo ang kung ano ang akin, ganoon din naman ang ginagawa ko. Wala namang problema doon, diba?"

". . ." Nagdilim ang mukha ni Gu Jingze. Bakit parang ang sarap yatang pakinggan ng pangungusap na iyon?

Nagpatuloy si Lin Che, "Sa katunayan, may magandang benefits din naman ang pakikipagpalitan ng laway. Pinapalakas nito ang immune system at pinipigilan nito ang pagdapo ng sipon. Tara, magpatuloy na tayo."

"Kung ganoon, parang nakakabagot naman ang ganito. May alam akong mas magandang paraan kung paano makipagpalitan ng laway."

"Huh?" Naguguluhang tiningnan ni Lin Che si Gu Jingze.

Ang maitim nitong mga mata ay dumako sa matambok na labi ni Lin Che na kasalukuyang naiilawan.

Naramdaman naman iyon ni Lin Che. Noon din ay naunawaan niya ang ibig nitong sabihin.

Namula ang kanyang mukha. Tinakpan niya ito gamit ang kanyang mga kamay. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin.

Habang nakatayo doon, pinagagalitan niya ang kaniyang sarili dahil hindi niya na kayang bawiin pa ang kanyang sinabi. Samantala, nakangisi naman sa kanya si Gu Jingze.

Ngunit, hindi niya pa rin magawang ilayo ang tingin sa labi ni Lin Che.

Nang mapansin niyang nakatitig ito sa kanya, iniwas niya na ang kanyang tingin.

Napasinghal na lang si Lin Che at umupo. Habang kumakain ay tinanong siya ni Gu Jingze, "Lin Che, wala ka bang dapat sabihin sa akin?"

Dahil may gana pa rin itong magluto ng noodles sa kabila ng mga isyu, hindi niya maiwasang magalit sa loob ng kanyang puso.

Sumagot si Lin Che, "Tulad ng ano?"

"Tulad ng kahit ano na may kinalaman sa mga tabloid at mga isyu."

"Ah, tungkol diyan. Haka-haka lang ang mga iyon... hindi ko nga rin alam kung ano ang gagawin. Gusto mo bang sabihin kay Jingyu ang tungkol sa atin? Nang sa ganoon..."

"May problema si Jingyu sa aming pamilya. Kung malalaman niya ito, baka ipagsabi niya pa ito sa buong mundo. Gusto mo bang malaman ng lahat ang tungkol sa ating dalawa?"

"Ah... siyempre hindi," mabilis na umiling si Lin Che.

Nababaliw na ba siya? Na ibubulgar niya ang kanyang relasyon kay Gu Jingze? Masyado ng malaking abala ang isyu tungkol sa kanila ni Jingyu. Sa tingin niya kaya ay makakapagpatuloy pa siya sa pag-aartista?

Tiningnan ni Gu Jingze ang mukha nitong puno ng pagtanggi. Bagama't pinipigilan niya ang sarili, hindi niya maiwasang malungkot dahil sa nakitang iyon.

"Ganyan ba katindi ang pag-ayaw mong malaman ng mga tao ang tungkol sa atin?", tanong ni Gu Jingze.

Sumagot si Lin Che, "Oo naman. Hindi magtatagal ay maghihiwalay din naman tayo. Then, bale kung makahanap man ako ng mapapangasawa, kumbaga ay pangalawa nalang siya. At isa pa, gusto ka pang magpatuloy sa pag-arte. Hindi alam ng aking kompanya na kasal na ako. Nakasaad sa aking kontrata na hindi ako maaaring magpakasal sa loob ng tatlong taon. Sa totoo lang, kasalukuyan ko itong nilalabag."

Malalim ang tingin na ibinigay ni Gu Jingze sa kanya. Maya-maya ay yumuko na ito at nagpatuloy sa pagkain ng noodles.

Nagsalita si Gu Jingze, "Kahit ayaw mo mang isiwalat ang tungkol sa relasyon natin, hindi mo pa rin dapat pinapalala ang mga bagay-bagay sa inyo ni Gu Jingyu."

"Ito... Sinisiguro ko ito sa iyo. Wala talaga akong alam tungkol dito. Ito ay..." Wala rin siyang kaide-ideya kung bakit naisipan ni Gu Jingyu na magpost nang ganoon.

Pakiramdam niya ay nagrerebeldeng anak si Gu Jingyu. Dahil wala namang ibang isyu at mahigpit ang kanyang management kaya ito na mismo ang gumawa ng ingay.

"Kagagawan ang lahat ng ito ni Gu Jingyu. Wala akong kinalaman dito." Iyon na lamang ang kanyang masasabi.

"Alam kong ganyan talaga si Gu Jingyu, pero hindi siya gumagawa ng mga bagay nang walang dahilan. Kung direkta mong sasabihin sa kanya na hindi ka natutuwa sa kanyang ginagawa, natitiyak kong igagalang niya ang iyong opinyon."

"Ginawa ko na iyan, pero tumanggi siyang burahin ang kanyang post sa Weibo." Sa totoo lang ay halos magmakaawa na si Lin Che dito. Ngunit, patuloy lang siyang pinagtripan ni Gu Jingyu at hindi sineryoso ang kanyang pakiusap.

Sumagot naman si Gu Jingze, "Eh di kailangan mo siyang i-reject nang direktahan. Huwag mo siyang hayaan na tuksuhin ka palagi. Kung hindi mo alam kung paano gagawin iyan, tutulungan kita."

"Huh?"

Nagpatuloy si Gu Jingze, "Ibigay mo sa'kin ang iyong cellphone. Tutulungan kitang mag-text sa kanya."

Malamig ang mukha na tiningnan nito ang cellphone ni Lin Che.