Ilang sandali lang ay napansin ni Lin Che na papalapit ang mga reporters sa kanila.
"Parating na ang mga reporters. Hindi pwede. Kailangan ko ng makaalis kaagad. Kanina lang ay pinalibutan nila akong lahat," hindi pa gaanong sanay si Lin Che sa harap ng mga reporters. Wala pa siyang gaanong alam kung paano sagutin ang mga ito. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin at natatakot siya na baka ikasira lang ng kanyang career ang maisagot niya sa mga ito.
"Pwede tayong magtago sa loob. Halika." Ang sabi ni Gu Jingze nang makita din ang mga reporters.
Pagkasabi niya nito ay nilingon niya ang kanyang mga tauhan, bilang pahiwatig sa mga ito na alam na nila kung ano ang dapit gawin.
Sa ilalim ng mahigpit na pagbabantay ng kanyang mga tauhan, malaya silang nakalayo mula sa lugar na iyon.
Napanatag naman ang loob ni Lin Che nang makita na hindi sila nasundan ng mga reporters. "Mabuti na lang at natakasan natin sila. Dahil kung hindi, hindi ko talaga alam kung ano ang gagawin."
Tahimik na tiningnan lang ni Gu Jingze si Lin Che. Naisip niya na kung hindi lang pag-aari ng mga Gu ang hotel na ito, malamang ay hindi ito makakatakas kaagad. Hindi naman sa hindi sila inabutan ng mga reporters. Ang totoo ay naharang na ang mga iyon.
Maya-maya ay nakahanap na rin sila ng kwarto sa hotel upang makapagpahinga.
Nagsalita si Gu Jingze. "May tinawagan akong isang staff para maghatid ng pagkain dito. Kumain ka na."
"Maganda nga iyan, Gu Jingze. Napakabuti mo talaga." Iniangat ni Lin Che ang kanyang mukha at nagpapasalamat na tiningnan si Gu Jingze.
Alam ni Gu Jingze na nagpapanggap lang ito pero bahagya naman siyang natuwa sa sinabi nito.
"Kung alam mo naman palang mabuti akong tao, dapat ay mas ayusin mo pa ang pakikitungo mo sa akin." Sumagot siya at itinulak ang isang pinggan sa harap ni Lin Che.
Mahirap kapag nakaupo sa isang wheelchair kaya nang ilapit ni Gu Jingze ang pinggan sa kanya, nasisiyahan siyang tumingin dito.
Hindi naman sa lahat ng oras ay naiinis siya sa lalaking ito.
Ilang subo pa lamang ang nagagawa ni Lin Che nang tumunog ang cellphone ni Gu Jingze. Tumayo ito at sinagot ang tawag.
Sa kabilang linya ay nagsalita ang security guard ng hotel. "Sir, ngayon lang po ay hinahanap ka ni Mr. Lin Youcai. Hindi po namin siya pinapasok."
Walang ekspresyon ang kanyang mukha na nilingon si Lin Che. "Hmm."
Nang ibaba na niya ang kanyang cellphone ay nakita niya si Lin Che na hindi mapakali habang hinihila ang suot na damit. Nagtanong si Gu Jingze, "Anong problema?"
Nahihirapan si Lin Che na kalagin ang laso sa kanyang likod. Maya-maya ay paran sumuko na ito at nayayamot na sumagot. "Sa tingin ko ay nagkanda-buhol-buhol na ang tali sa likod ko."
Napailing nalang si Gu Jingze at lumapit sa kanya. "Dahil sa katangahan mong iyan, tutulungan na kita."
"Oo na. Ikaw na ang magaling."
"Tingnan mo nga iyang ka-pilyahan mo."
Nang nilapitan niya ito, nakita niya na nakasabit ang laso sa may wheelchair. Kaya pala nahihirapan itong tanggalin.
Kinuha niya ang laso at sinabi dito, "Sino ba'ng nag-utos sa iyo na magsuot ng ganyan kahirap suotin na damit?"
Naramdaman naman ni Lin Che ang kamay nito na gumagalaw sa kanyang likod, manaka-nakang humahaplos sa kanyang balat, na dahilan upang mahirapan siyang pigilan ang kanyang sarili.
Suminghal siya para hindi nito mapansin ang kanyang nararamdaman. "Engagement ito, ano. Hindi pwedeng magsuot lang ako ng formal na dress. Isa pa, asawa mo na ako ngayon. Kaya kailangang hindi kita ipahiya. Nakikita mo ang dress na ito? Branded 'to. Pinahiram ito sa akin ng aking kompanya."
Dumilim ang mukha ni Gu Jingze. "Kung wala kang mga damit, sana sinabi mo para binilhan kita. Bakit kailangan mo pang manghiram sa inyong kompanya?"
"Masyado namang abala pa iyon."
"Nakaka-abala ba talaga? O baka ayaw mo lang talagang sabihin sa'kin na dadalo ka sa engagement party ng lalaking gusto mo?" Pagkasabi nito ay humigpit ang kanyang kapit sa tali. Kapag naiisip niya kung gaano ito nagpursige na dumalo sa party ay lalo siyang hindi nagiging komportable.
Nakaramdam naman si Lin Che ng kirot sa kanyang likod. Galit na nilingon niya ito. "Hoy, kung ayaw mo akong tulungan, eh di huwag. Nasasaktan mo na ako."
"I'm sorry. Hindi ko napansin." Kahit si Gu Jingze ay nagtataka rin sa sariling iniisip. Yumuko siya at mas maingat na nagpatuloy sa pagkalag ng tali sa damit nito.
Nag-aalangang nagtanong si Lin Che. "Hoy, bakit ka nakatungo? Sumusumpong na naman ba ang sakit mo?"
Naalala niyang sinabi nito noon na kapag masiyado itong lumalapit sa isang babae, hindi lang nagtatagal ay nagkakaroon ito ng iba't-ibang reaksiyon kagaya ng pagsusuka at pagkakaroon ng rashes.
Sumagot si Gu Jingze. "Bakit naman mangyayari iyon? Hindi ako natatakot na hawakan ka at magkasakit."
"Hinding-hindi ko ipapahiya ang aking sarili sa harapan mo," pagpapatuloy ni Gu Jingze. "Kung kahihiyan lamang ang pag-uusapan, marami na akong nakita niyan sa iyo."
Dinilatan lang siya ni Lin Che. "Oo na, ako na palagi."
Talagang nakita na nito ang lahat ng kapalpakan sa buhay niya.
Naisip ni Lin Che na talagang kakaiba si Mo Huiling kaysa sa kanya.
Hindi kataka-taka kung bakit si Mo Huiling ang gusto nito at hindi siya. Hindi dapat masiyadong lumalapit ang isang babae sa isang lalaki. Isa pa, kailangan ding pangalagaan ng babae ang kanyang imahe. Dahil kung hindi, sino namang lalaki ang magkakagusto sa kanya?
Lalo na si Gu Jingze. Sa estado nito sa buhay, tiyak na napakaraming magaganda at eleganteng babae na ang nakita nito.
Samantala, seryoso pa ring nakatingin si Gu Jingze sa kanyang zipper. Matindi ang pagkakabuhol nito at mahirap talagang mabuksan.
Habang inaayos niya ang zipper ni Lin Che, hindi niya maiwasang mapansin na nakaharap pala siya sa maganda nitong leeg. Sa ibaba nito ay gumagalaw ang damit samantalang nasisinagan naman ito ng ilaw mula sa loob.
Naalala niya ang sinabi nito sa kanya na hugis-melon daw ang mga dibdib nito.
Habang nakatingin doon ay nasabi niya sa sarili na totoo nga.
Bagama't natatakpan ito ng damit, ang kalahati at itaas na bahagi nito ay bahagyang nakikita at gumagalaw.
Sa kanyang pwesto ay kitang-kita niya ang malaking bahagi ng likod nito. Ang balat nito ay malambot. Parang walang makikita na kahit isang butas maliban na lamang sa maliliit na buhok na tumubo sa animo'y balat ng isang sanggol.
Bahagyang nag-init ang kanyang lalamunan. Inilayo niya ang kanyang tingin ngunit hindi pa rin siya mapalagay.
Ilang sandali pa ay lalo siyang hindi mapakali habang patuloy na kumikilos ang kanyang mga kamay sa balat nito.
Naiinis siya dahil hindi pa rin siya magtagumpay na maayos iyon.
Sumigaw siya nang malakas, "SHIT! Ayaw talagang maayos!"
Sa isa ngunit malakas nitong paghila ay maririnig ang tunog mula sa damit.
Napunit ito.
Hindi makapaniwala si Lin Che sa nangyari. Hinawakan niya ang suot na dress at tahimik na tumingin kay Gu Jingze. Naiinis siya dahil sinigawan siya nito. Nararamdaman din niya sa kanyang hubad na likod ang lamig na nagmumula sa aircon ng silid. Dahil doon ay hindi siya komportable. "Ano ba itong ginawa mo, Gu Jingze? Tulong ba ang tawag mo dito?"
Nataranta rin si Gu Jingze. Namula ang kanyang tainga dahil hindi niya rin alam kung ano ang gagawin.
Malaking bahagi ng damit ang napunit kaya talagang mapapansin ang ilang parte ng katawan ni Lin Che. Ngunit, lalo lang siyang naging kaakit-akit. Parang kumikinang ang kanyang katawan sa ilalim ng ilaw at mapapansin mula doon ang mumunting balahibo sa kanyang balat. Walang sinoman ang makakaiwas sa taglay niyang ganda.
Biglang nagulo ang puso ni Gu Jingze.
Nilingon siya ni Lin Che at galit na tiningnan. "Sinira mo na ang damit ko. Alam mo ba kung magkano ang halaga nito?"
Galit ding sumagot si Gu Jingze, "Babayaran kita."
"Hmph, dapat lang!"
Tiningnan siya nang masama ni Gu Jingze at kinuha ang cellphone.
"Dalhan mo nga ako ng formal gown, ang kakasya sa asawa ko." Ang sabi ni Gu Jingze habang tinitingnan ni Lin Che na kasalukuyang nakahawak pa rin sa suot na damit. Natural ng malaki ang dibdib nito ngunit lalo itong lumaki tingnan dahil sa mga kamay nitong nakadiin doon.
Parang mawawala na ang katinuan ni Gu Jingze habang nakatingin dito kaya iniwas niya ang kanyang tingin.
Problema talaga palagi ang babaeng ito.
Walang ibang magawa si Lin Che kundi ang itulak ang sarili papunta sa banyo.
Nakahanap siya ng bathrobe at iyon na lamang ang isinuot.