Nakaupo pa rin si Lin Che sa kanyang wheelchair, nakangiti at hindi alam kung paano sasagutin ang kanilang mga tanong. Hindi niya talaga inasahan na lalapitan siya ng mga ito.
Nakasuot siya ng kulay-blue na off-shoulder dress. Simple ngunit nakangiti, kaya't nagmukha siyang elegante at presko sa paningin. Mataas ang pagkakatali ng kanyang buhok kaya nakikita ang kanyang leeg na magandang mga linya.
Napuno ng galit ang mukha ni Han Caiying. Sigurado siyang nananadya talaga itong si Lin Che.
At may gana pa itong sabihin sa kanya na wala itong interes kay Qin Qing?
Sa wakas ay nagtagumpay na rin ang mga security na harangin ang mga reporters at nakapasok na sa loob si Lin Che.
Kaagad niyang napansin si Han Caiying na nakasuot ng magarang damit. Parang kinailangan nitong suotin ang lahat ng mamahaling alahas para lang maipakita sa lahat ang kamayanan nito.
Nanlilisik ang mga mata na kinausap nito si Lin Che. "Hoy. Sabi mo, nahihirapan kang maglakad. Hindi ba't sinabi ko naman sa'yo na di mo na kailangan pang dumalo?"
Suminghal naman si Lin Che. "Oh, sinabi mo ba iyon? Pero bakit naman hindi ako dadalo sa engagement ng aking kapatid?"
"Tingnan mo nga iyang sarili mo. Pagdating mo palang, mabilis mo agad naagaw ang atensiyon ng mga reporters. Palibhasa, sino ba naman ang hindi makakapansin sa'yo, gayong naka-wheelchair ka?"
Ang ibig bang sabihin ng Han Caiying na ito ay sinadya niya lang pumunta nang naka-wheelchair para lang magpapansin?
Walang gana si Lin Che na magpaliwanag dito. Tumawa lang siya habang nakaupo sa kanyang wheelchair. "Hindi ko naman alam na may mga reporters palang pupunta dito, Stepmother. Masiyado niyo naman kasing ginawang engrande ang seremonyang ito kaya dumating tuloy ang mga reporters. Pero salamat na rin sa engagement na ito ni Lin Li, nagkaroon ako ng pagkakataon na mailagay ang aking pangalan sa headline. Hindi ba't iyan ang sinabi mo? Na magkakaroon ako ng sarili kong headline?"
"Ano..." Totoong sinabi ang mga ito ni Han Caiying pero gusto niya lang itong kutyain. Hindi niya alam na hindi lang pala basta kilala ng mga reporters si Lin Che kundi interesado din pala ang mga ito sa kanya!
Sadyang minaliit ni Han Caiying ang impluwensiya ni Gu Jingyu. Ano mang isyu na kasasangkutan nito ay hindi-bastang nawawala.
"Magaling! Tama ka. Siyempre dahil sikat na sikat ang iyong kapatid kaya nararapat lang na alagaan ka niya," iyon na lamang ang nasabi ni Han Caiying habang pinandidilatan si Lin Che at sa kanyang isip ay sinasabi niya na ano man ang mangyari, si Lin Li pa rin ang star ngayong gabi.
Pagkatapos ay nagtawag siya ng isang tauhan at inutusang paupuin si Lin Che sa isang gilid kung saan walang makakapansin dito at lalong hindi nito maaagaw ang atensiyon ng mga tao.
Nang sandaling iyon ay lumabas na si Qin Qing.
Nakasuot ito ng all-white na suit, kaya napakalinis nitong tingnan ngayon.
Siya ang bidang lalaki ngayon, kaya natural lang na siya ang Prince Charming ng gabing ito. Nang lumabas ito ay kaagad naibaling ang atensiyon ng lahat sa kanya.
Bilang tagapagmana ng mga Qin, lumaki siyang mayaman at nakukuha ang lahat ng pangangailangan. Bata palang siya ay halatado nang magiging matagumpay siya sa kanyang buhay. Ngayon, nakatakda na siyang maikasal sa isang maganda, sexy, at sikat na si Lin Li. Marami ang naiinggit sa kanya ngayon.
Mula sa malayo ay nakita ni Lin Che si Qin Qing at iniisip niya kung gaano ito kakisig sa mga oras na iyon.
Hindi niya magawang pigilan ang sarili na titigan ito at naramdaman niya ding sumulyap ito sa kanya. Nalulungkot na inilayo niya kaagad ang kanyang tingin. Isang sulyap pa, isa nalang...
Nalulungkot siya dahil si Lin Li pa ang nakatuluyan nito. Kung ibang babae lang sana ay mas madali sa kanya na ibigay dito ang kanyang blessings, ngunit hindi niya pa rin magawa dahil nga si Lin Li iyon. Paano niya maibibigay ang taos-pusong pagbati?
Nang makita ni Qin Qing si Lin Che, lumiwanag ang kanyang tingin at bahagya siyang nakaramdam ng hiya.
Nakasakay ito sa wheelchair pero napakaganda pa ring tingnan.
Lalo itong gumanda kaysa sa huli niya itong makita, kahit hindi pa naman gaanong matagal iyon. Para itong isang paru-paro na nasa proseso pa ng pagbabagong-anyo, kaya't lalong gumaganda sa bawat pagdaan ng araw. Balang araw, magiging ganap na itong dalaga katulad ng isang paru-parong nakalaya sa kanyang tirahan.
Maya-maya ay may narinig siyang nagsalita mula sa isang gilid, "Hindi ba't si Lin Che iyon?"
"Lin Che? Sino iyan?"
"Siya ang nababalitang nobya ni Gu Jingyu."
"Oh, siya pala iyon. Hindi ba siya mukhang gumagawa lang ng ingay?"
"Oo, namatay na ang mga balitang iyon, pero mas maganda pala siya sa personal kaysa sa TV."
Muling sinulyapan ni Qin Qing si Lin Che. Sa isip niya ay totoo ngang mas maganda ito sa totoong buhay.
Subalit, hindi matahimik ang kanyang puso nang maalala niya ang isyu sa pagitan nito at ni Gu Jingyu. Akala niya ay tuluyan ng nawala ang balitang iyon at hindi niya inaasahan na usap-usapan pa rin pala ito.
Hindi nagtagal ay magsisimula na ang engagement ceremony. Hahanapin sana ni Qin Qing si Lin Che ngunit kaagad naman siyang nilapitan ni Lin Li.
Nakasuot si Lin Li ng puting gown kaya nagmukha itong isang tunay na anghel. Ngumiti si Qin Qing at lumapit sa kanya.
Magsisimula na ang engagement party.
Ang engrandeng pagdiriwang na iyon ay isang pagtatanghal ng kapangyarihan ng mga Qin at Lin.
Hindi basta-basta ang pagsasanib-pwersa ng dalawang pamilya. Dahil napakaraming reporters ang dumalo, ayaw nilang magpakita ng kahit isang kapintasan sa mga ito.
Si Lin Che, na nakaupo lang sa isang sulok, ay nakatingin lamang kina Lin Li at Qin Qing. Ang dalawa ay nakatayo sa unahan at kasalukuyang tumatanggap ng mga pagbati mula sa kanilang mga bisita.
Buong pagmamahal na nakatingin si Qin Qing kay Lin Li kaya't hindi nito mapigilang ngumiti. Hawak ang kamay ni Lin Li ay nagsalita siya, "Aalagaan kita habang buhay."
Naiyak si Lin Li sa sinabi niyang iyon. Parang isang perpektong fairy tale ang kanilang engagement party dahil sa di-matawarang kaligayahan.
Samantala, si Lin Che ay isa lamang nakatago at hindi kapansin-pansing extra sa kwento ng dalawang iyon.
Kahit nasasaktan man ang puso niya, nakaupo lang siya doon at tinanggap na ito sa kanyang sarili.
Sa buong panahon ng engagement ay nakatingin lang si Qin Qing kay Lin Li. Nang matapos na ang lahat at umalis si Lin Li para tumanggap ng ilang interview, noon lang naalala ni Qin Qing na hindi niya pa pala nakakaharap si Lin Che.
Pagkatapos maglibot-libot ay nakita na niya si Lin Che sa isang sulok. Lumapit siya dito at ngumiti. Napansin niya ang suot nitong dress at naisip na nagiging dalaga na nga ito.
"Lin Che, bakit ka naman nandito sa sulok na'to at parang nagtatago?"
Tiningnan ni Lin Che si Qin Qing at tumawa, tahimik na sinasabi sa sarili na hindi niya pinili ang pwestong iyon. Ang kanyang stepmother ang may pakana nito. Muli, napatunayan niya na wala siyang lugar sa bahay ng mga Lin. Kaya hindi na siya nagtataka kung bakit doon siya inilagay ng kanyang madrasta.
Muling nagsalita si Qin Qing. "Gusto ko lang magtanong tungkol sa balitang kumakalat sa pagitan ninyo ni Gu Jingyu?"
"Pati ba naman ikaw ay masiyado mo ring pinapansin iyon?"
Ngumiti naman si Qin Qing. "Kahit ayaw ko man, lagi kong naririnig ang mga balitang iyon."
Nahihiyang tumawa si Lin Che. "Tsismis lang ang lahat ng iyon."
"Sana nga. Pero, kailangan mo pa ring umiwas sa lalaking iyon. Sinabi ko na sa iyo na hindi siya ganoon kasimple."
"Medyo kilala ko lang naman siya. Magkaibigan lang kami at wala ng iba hindi katulad ng sinasabi sa mga article."
Tumango si Qin Qing pagkatapos marinig ang kanyang sagot. "Mabuti kung ganoon. Nag-aalala lang ako na baka lokohin lang ang isang pilyang babaeng tulad mo."
Ngumiti na lang nang mapait si Lin Che.
Oo, pilya nga siya.
Noon din ay napansin ni Lin Youcai mula sa di-kalayuan sina Lin Che at Qin Qing na masayang nagkekwentuhan.
Nagtagpo ang kanyang mga kilay.
Halos hindi na marunong mahiya itong babaeng ito nitong mga nagdaang araw. Ano na lang ang iisipin ng ibang tao kapag nakita itong nakikipagkwentuhan sa kanyang brother-in-law sa ganoong paraan?
Matapang na naglakad palapit sa mga ito si Lin Youcai. Magalang siyang ngumiti kay Qin Qing. "Gusto ko sanang makausap sandali si Lin Che."
Karapatan ng isang ama na makausap ang kanyang anak, kaya kaagad na tumayo si Qin Qing. "Oh sure, Tito. Pwede na po kayong mag-usap."
Nang makaalis na si Qin Qing, nagdilim ang mukha ni Lin Youcai. "Lin Che, ano bang nangyayari sa'yo? Paano mo nagawang masangkot sa isang eskandalo kasama si Gu Jingyu?"
Si Gu Jingyu na naman.
Malamig na tumawa si Lin Che at sumagot sa kanyang ama. "Gawa-gawa lang ang mga iyon. Anong problema?"
Biglang nanigas ang mukha ni Lin Youcai dahil sa ipinakitang ugali ni Lin Che sa kanya. "Anong problema? Sabihin mo sa akin kung ano ang problema. Binigyan kita ng pagkakataong makapag-asawa, pero binalewala mo iyon at ginalit mo ang mga Cheng. Iniwan mo kami para maglinis ng iyong kalat. Alam mo ba kung gaano kayaman ang mga Cheng?
Lumayas ka at marami kaming nagalit sa iyo. Alam kong gusto mong sumikat, pero si Gu Jingyu ang tipo ng tao na hindi mo pwedeng gamitin. Pambihira. Dahil lang sa kasikatan, gagawin mo ang lahat. Balang araw, pagbabayaran mo ito at diyan mo lang pagsisisihan ang lahat ng iyong ginawa."