Chereads / Whirlwind Marriage (Tagalog) / Chapter 36 - Sorry, Nakalimutan Ko Na May Sakit Ka Pala

Chapter 36 - Sorry, Nakalimutan Ko Na May Sakit Ka Pala

Ilang sandaling naging blangko ang isip ni Lin Che. Noon lang siya nakabalik sa sarili nang makaupo na sila sa loob ng helicopter.

Namangha si Lin Che. Habang inililibot niya ang tingin dito, hindi niya mapigilang magtanong. "Bakit… bakit tayo pupunta sa hospital nang ganito?"

Sa tabi niya ay sumagot si Gu Jingze. "Masyadong malayo ang hospital. Mas mabilis kung ito ang gagamitin natin."

Napatingin naman dito si Lin Che. "Sa totoo lang, hindi naman kailangan ng sugat ko ang ganito kaapuradong byahe."

Mahinahon lang ang tingin ni Gu Jingze sa kanya. "Pero kailangan mong malaman na may iba pa akong dapat asikasuhin bukas ng umaga. Kung magmamaneho pa ako papunta doon, aabutin tayo nang isang oras at isa pang oras pabalik dito. Pagdating natin sa bahay, siguradong madaling-araw na iyon."

"Uh…"

"Mga 10 minutes lang ay makakarating na doon ang helicopter kaya maghanda ka na."

"Okay…" Tiningnan niya si Gu Jingze. Iniisip niya na sadyang ganito talaga humawak ng bagay-bagay ang mayayaman. Kailangan na niyang masanay dito…

Ayon nga sa inaasahan, nakarating sila sa top floor ng hospital pagkatapos ng sampung minuto.

Hindi siya pinayagan ni Gu Jingze na kumilos at kinarga siya kaagad nito pababa.

Buhat-buhat siya nito papunta sa loob at maya-maya lang ay ibinaba na siya.

Habang sinusuri ng doctor, medyo nagi-guilty si Lin Che. Tinanong siya nito. "Anong uri ng sakit ang nararamdaman mo?"

"Ano lang… sumasakit lang nang mahina." Kinapalan na niya ang kanyang mukha at ayaw niyang lumingon kay Gu Jingze na nakatayo lang sa gilid. Ayaw niyang makatagpo ang mga mata nito.

Muli siyang tiningnan ng doctor at nagsalita. "Madam Gu, wala naman pong nangyari sa inyong sugat at wala din naman pong kahit anong sintomas, kaya sa tingin ko po ay psychological lang po ang nararamdaman mong sakit. Huwag ka pong masyadong mag-alala. Mag-isip ka ng ibang bagay. Baka sakaling hindi mo na ulit maramdaman ang sakit."

Wala din namang ibang choice ang doctor; iyon lamang ang kanyang maipapayo.

Masigla namang tumango si Lin Che. "Ah iyon pala ang dahilan kung bakit sumasakit ito."

Habang matamang nanonood sa gilid si Gu Jingze, mabilis na ngumiti nang mapakla si Lin Che. May ibig sabihing gumalaw ang malalim at maitim na mga mata nito bago tiningnan nang masama si Lin Che.

Ngunit, sinabihan pa rin nito ang doctor. "Para mas makasigurado, magpapalipas muna kami dito ng isang gabi."

Sumang-ayon na lang din si Lin Che.

Katulad pa rin ng dati ang room na kanilang kinuha. Sa entrance pa lang kanina ay may kinausap si Gu Jingze kaya ganoon at ayon nga sa inaasahan nito, kung hindi sila gumamit ng helicopter at pinilit na magmaneho, aabutin nga talaga sila ng madaling-araw.

Nagi-guilty naman si Lin Che habang nakaupo doon. Tiningnan niya ang labi ni Gu Jingze na mahigpit na nakahugit ng isang linya. Kasunod ay mahigpit ding tumiim ang panga nito. Napakalamig ng anyo nito at mukhang hindi pwedeng lapitan.

Taliwas man sa kanyang nais ay mabilis na nagtatambol ang puso niya sa kanyang dibdib.

Nang lingunin siya nito, bagaman kinakabahan, kaagad siyang ngumiti. "Nahirapan ka pa tuloy. Matulog ka na."

Tiningnan lang siya nitong masama bago umupo.

Mabilis namang nagsalita si Lin Che. "Gu Jingze, lumapit ka nga dito. Gusto kitang makausap."

Suminghal lang si Gu Jingze at nanatili lang nakaupo doon.

Pinatigas ni Lin Che ang isip at sinadyang bumaba mula sa kama.

Ngunit nang makababa na siya't naitapak ang talampakan sa sahig, nahila niya ang kanyang hita at nakaramdam nga siya ng sakit.

Napa-aray siya habang hinahawakan ang kanyang hita at muntik nang mahulog.

Nagdilim ang mga mata ni Gu Jingze. Hindi na pinansin pa ang ibang bagay at mabilis na lumapit sa kanya. Iniunat nito ang braso papunta sa may bandang kilikili niya at direkta siyang sinalo.

"Lin Che, bakit ba hindi ka nag-iingat?!" Galit na galit si Gu Jingze. Labis ang kanyang pagkabigla sa ikinilos nito kanina na halos tumalon na palabas ang kanyang puso.

Talagang nasasaktan si Lin Che. Nakakunot ang kanyang noo at nang tumama sa kanyang mukha ang ilaw, kapansin-pansin ang pagngiwi ng maliit niyang mukha.

Itinayo siya ni Gu Jingze at pinakalma. Nang ibaling niya ang kanyang ulo, hindi sinasadyang tumama ang kanyang labi sa tainga ni Lin Che.

May munting mga balahibo ang malambot nitong tainga. Maaaninag ang maliliit na mga buhok na iyon mula sa liwanag na nakaharap dito at sa isip niya'y napaka-cute nitong tingnan. Dahil dito ay biglang nagulo ang kanyang isip kaya napasimangot siya't gusto ng bitiwan ang napakalikot na babaeng ito.

Ngunit nang bibitiwan n asana niya ito, hinila siya ng dalawang kamay ni Lin Che. "Gu Jingze, please, huwag ka ng magalit," malambing at mahinahon ang pagkakasabi nito sa kanya. Malinaw ang mga tingin nito sa kanya at dahil sa ekspresyong ipinapakita nito sa kanya ngayon, parang gusto niya itong protektahan lalo.

Pero hindi pa rin maalis ni Gu Jingze ang tingin sa tainga nito. Habang pinagmamasdan niya ang mabilog, malambot at maliit nitong tainga, ay parang nababaliw na may nag-uudyok sa kanyang sipsipin ito sa hindi niya malamang dahilan.

Nag-iba na ba ang pinatutunguhan ng kanyang sakit?

Bakit bigla na lang nag-iinit ang kanyang katawan sa simpleng tingin niya lang sa maliit nitong tainga?

Naramdaman niyang nakahawak pa rin ito sa kanyang kamay. Bigla ring nag-init ang mga bahaging hinawakan nito, kaya't lalo lang siyang hindi mapakali at gustong-gusto na niya itong palayuin.

"Bitiwan mo ako, Lin Che." Nagsimula na namang dumilim ang kanyang mukha. Nang mapansin ito ni Lin Che, lalo lang siyang nag-alala.

"Wag ka ng magalit, Gu Jingze… Hubby, wag ka ng magalit, please, wag ka ng magalit. Kapag ang mag-asawa ay nag-aaway, hindi ba't nagkakabati din sila kaagad? Huwag ka ng magalit, sige na." Talagang ginamit na ni Lin Che ang lahat ng kanyang kakayahan para lang mapalambot ang napakatigas na lalaking ito.

Subalit, wala pa ring pinagbago ang ekspresiyon ni Gu Jingze. Sa halip, ang kaninang malamig nitong mukha ay may bakas na ng pamumula. Nagmukha itong sasabog na sa galit kaya lalo itong ikinatakot ni Lin Che. Dahil sa kanyang takot ay bahagyang humina ang kanyang boses, "Hubby… Hubby, 'wag ka ng magalit. Sobrang nakakaawa na ang kalagayan ko, na kahit ang bumaba man lang sa kama ay hindi ko magawa…"

Niyakap niya ang isa nitong braso gamit ang dalawa niyang kamay. Parang isang bata na nakanguso, ang mga mata'y kinukurap-kurap, at makulit na idinuyan-duyan ang kamay ni Gu Jingze.

Habang pinakikinggan ni Gu Jingze ang palambing nang palambing na tinig nito, iniyuko niya ang kanyang ulo at tiningnan ang kanyang kamay na idinuduyan nito. Kung sasadyain niya lang na hilain ang kamay nito patalikod at itulak sa kama, tiyak na matutumba ito sa ilalim niya.

Marahas naman niyang pinigilan ang isiping iyon sa kanyang dibdib. Ngunit ang babaeng ito… Hindi ba siya pwedeng huminto saglit at huwag gumalaw? Sa kaduduyan nito ay para siyang mahihilo.

"Lin Che, ang sabi ko, bitiwan mo ako! Hindi mo ba ako naiintindihan?"

Naiinis na kaya pagalit na sumigaw si Gu Jingze.

Tiningnan siyang muli ni Lin Che. Totoong galit na bai to ngayon?

Kaagad niya namang binitiwan ang kamay nito pero nawalan siya ng balanse at biglang natumba.

Nang mapansin ito ni Gu Jingze, mabilis niyang naiunat ang kamay at niyapos ang bewang nito.

Ngunit, nahila siya pababa ng pagbagsak ni Lin Che. Habang nakaharap sa direksiyon kung saan mahuhulog si Lin Che ay sabay silang dalawa na bumagsak.

Nanlaki ang mga mata ni Lin Che. Naramdaman niya ang biglang paglapat ng kanyang malambot at manipis na labi sa bibig ni Gu Jingze.

Bahagyang namumula ang mukha nito habang tinititigan niya.

Nakaramdam ng sakit si Lin Che sa kanyang dibdib.

Nang yumuko siya, noon niya lang napansin na nakadagan pala ang dibdib nito sa kanya.

Hindi nagtagal ay pulang-pula na rin ang kanyang mukha.

Nang sandaling ito, ramdam na ramdam ni Gu Jingze ang dibdib ni Lin Che na nakadikit sa kanya.

Subalit, tiningnan niya si Lin Che at mabilis na nagpagulong papunta sa kabila at inilayo ang sarili sa katawan nito. Parang kidlat sa bilis ang kanyang pagkilos.

Malakas at hindi pa rin tumitigil ang pagkabog ng puso ni Lin Che dahil sa biglaang pagkakalapit nila kanina.

Hindi talaga siya makapaniwala. Halos matukso na siya kanina na halikan ito. Nababaliw na ba siya?

Kusang lumapit ang kanyang bibig kanina.

Dahil ba sa matagal na silang magkasama kaya naging mahirap na para sa kanya na labanan ang tukso ng kakisigan nito?

Totoo namang gwapo at nakakaakit si Gu Jingze. Kahit ang pagkakabagsak nito kanina ay napakaganda paring panoorin. Kaakit-akit ang hugis ng labi nito, ngunit… may nagmamay-ari na ng puso nito.

Si Lin Che ay hindi ang tipo ng babae na pipiliting agawin ang isang taong pagmamay-ari na ng iba.

Isa pa, halata kanina sa mukha ni Gu Jingze ang pandidiri.

Bigla niyang tinakpan ang kanyang bibig gamit ang kamay at naalala niya na allergic pala ito sa mga babae.

Hindi kataka-taka kung bakit pilit siya nitong itinulak palayo ngayon.

Kaagad niyang itinaas ang ulo. "Oh no, Gu Jingze. I'm sorry. Hindi ko sinasadya ang nangyari kanina. Nakalimutan ko saglit na may sakit ka nga pala. Kaya hinila kita at tumangging bitawan ka."

Nagdilim lang ang mukha ni Gu Jingze, at bahagyang itinaas ang kanyang ulo. "Wala namang epekto kapag biglaang hawak lang."

"Talaga?"

"Hmm, 'iyon lang…" Napatingin si Gu Jingze sa dibdib ni Lin Che. At hindi pa rin niya mapigilan kaya sumulyap pa siyang muli.

Napansin naman ni Lin Che ang tinitingnan nito, sinundan ito, at magkasabay na iniyuko ang kanilang ulo.

Inialis naman ni Gu Jingze ang bahagyang namumula niyang mukha at nilayuan ang titig ni Lin Che. Patay-malisya naman siyang nagsalita, "Hindi naman masama 'yang hugis ng dibdib mo. Medyo maayos naman ang tindig ng mga ito kaya siguradong tunay ang mga iyan." Sinadya nitong magsalita nang hindi nagbabago ang tono.

". . ." Ano daw?