Chapter 18 - PART 18

KINABUKASAN, nagising si Audace dahil sa lakas ng boses ng Tita Lerma niya. Nangingiting mahigpit niyang niyakap ang dantay na unan saka inabot ang cellphone na nakapatong sa side table ng kanyang kama para lang mapakunot-noo nang walang makitang message doon. Hindi siya tinext ni Dave kahit good morning lang?

"Ang dami naman! Kanino ba nanggaling ang mga ito?" nagsalubong ang mga kilay niya sa narinig kaya mabilis siyang napabalikwas ng bangon.

At totoong nasorpresa siya nang malabasan ang sala nila na nagmistulang flower shop dahil napuno na ng maraming bouquet ng mga pula at puting rosas. Malapad siyang napangiti. "Wow!" ang tanging nasambit niya kaya siya hinarap ni Lerma na iniabot naman ang pinirmahan nitong papel sa isa sa dalawang lalaking sa tingin niya'y mga delivery men.

"Gising kana pala! O hayan, para sayo daw ang mga iyan" naguguluhan ang tinig ni Lerma bagaman may halong pagkasorpresa. "may manliligaw ka ba? Bakit hindi mo pinapapunta dito? O baka naman nobyo mo na? Aba hindi maganda ang naglilihim Audace! Dalawa nalang tayong magkasama sa buhay" hinayaan lang niyang maglitanya si Lerma. Alam naman niya kung kanino nanggaling ang mga bulaklak pero binasa parin niya ang card na nakaipit sa isa sa labindalawang bouquet na nasa kanilang sala. Binilang talaga niya.

Good morning beautiful, I love you! Dave. Ang nakasulat sa card kaya matamis siyang napangiti.

"Kanino nanggaling?" nang lapitan siya ni Lerma. Pero bago pa man siya nakasagot ay narinig na niya ang isang pamilyar na ingay ng motor na nakapagpapatalon ng kanyang puso. Napalabas siya at natigilan sa may pintuan nang mapagmasdan ang gwapong lalaking nagmamaneho niyon.

As if she stepped back in time. Nang unang beses niyang napagmasdan ang binata sa parking lot ng SJU. Napakagwapo nito sa suot na two piece black leather suit. Nang hubarin nito ang suot na helmet ay kinikilig siyang napatili.

"Tumigil ka nga diyan para kang hindi dalaga!" saway sa kanya ni Lerma kaya nanahimik siya at sa halip ay humahagikhik nalang na tinuptop ang sariling bibig. Lalo na nang maglakad si Dave palapit sa kanya tangan ang isang bouquet ng kulay pulang rosas. Nangilid ang luha niya sa tindi ng kilig na naramdaman. Hindi alintana ang ilang traysikel driver na kumakain at nakamasid sa kanila.

"Hi" ani Dave nang makalapit sa kanila sabay abot sa kanya ng hawak nitong bouquet. "na miss kita" anitong matamis pa siyang nginitian.

Nakagat niya ang kanyang lowerlip sa pagpipigil niyang mapabungisngis. "Na miss din kita" nakangiti niyang sagot. Ilang sandali silang nagtitigan ng binata. Pakiramdam niya silang dalawa lang doon at walang ibang tao. Tikhim ni Lerma ang tila nagpabalik sa kanilang huwisyo.

"Ahm, Tita!" aniyang binalingan ang tiyahin. "si Dave po, boyfriend ko" aniya sa kabila ng matinding kabang biglang nararamdaman. Inaalala kasi niyang baka kagalitan siya ng tiyahin dahil wala naman itong alam na nanliligaw sa kanya si Dave tapos ngayon ipinakilala niya ito bilang kanyang nobyo.

"Good morning po, sinusundo ko lang po si Audace para sabay na po sana kaming pumasok?" ang binatang hinihingi ang pahintulot ni Lerma.

Ngumiti ang tiyahin niya saka tumango. "Ganoon ba? Siya sige habang hinihintay mo si Audace tumuloy kana muna at kanina pa kayo pinanonood ng mga tao" sa kalaunan ay natatawang umiling-iling si Lerma na nagpatiuna na sa pagpasok.

Tiningala niya ang binatang nakayuko naman sa kanya. "Thank you" aniyang ang tinutukoy ay ang mga bulaklak.

Tumango lang si Dave. "Ang ganda mo talaga, kahit bagong gising. Parang gusto na tuloy kitang pakasalan ngayon palang" anitong hinagod ng humahangang tingin ang kanyang mukha.

"Baliw!" aniyang tumatawa hinampas ng mahina ang braso ni Dave.

"The truth is, kahit sabihin mo pang araw-araw kitang nakakasama, mawala ka lang ng kahit isang segundo sa tabi ko, I will definitely miss you" nasa tono ni Dave ang kaseryosohan at dahil sa lagkit ng titig nito napahugot siya ng malalim na hininga. "hindi magtatagal pakakasalan na kita" dugtong pa nito.

"Bola" aniyang pabiro itong inirapan saka napalabi.

"Tingnan mo nalang kasi" paanas nitong sabi saka siya pasimpleng kinindatan.

"ANONG resulta?" ang bungad niya kay Dave na kalalabas lang ng Faculty Room ng PE. Nakangiti nitong iwinasiwas ang hawak na index card. Kinuha niya iyon. "wow flat one, lucky charm talaga kita Dave!" aniyang yumakap nobyo na gumanti rin ng mahigpit na yakap sa kanya.

One kasi ang pinakamataas na marka sa grading system ng SJU. Kaya naman nang mapuna niyang walang tao sa paligid, tumingkayad siya saka dinampian ng isang simpleng halik sa labi ang binata.

"So paano? Tara na, nang makapag-celebrate naman tayo" anitong hinawakan ang kamay niya.

"Anong celebrate?" aniyang bahagya pang nahaluan ng pagkabahala ang tinig nang maisip ang posibleng ibig sabihin ng binata.

Nakatawang nilinga siya ng nobyo. "Kakain tayo, date. One week na tayo bukas remember?" paalala pa nito nang marahil mahulaan ang tumatakbo sa kanyang isipan.

Nakahinga siya ng maluwag. "Okay."

"Saka sayang naman iyang suot mo, ang ganda-ganda mo" humahanga nitong sabi matapos siyang suyurin ng tingin mula ulo hanggang paa.

Namumula ang mukhang nagyuko siya ng ulo. "Advance date?"

"Parang ganun, kasi may pupuntahan tayo bukas after class" nang palabas na sila ni Dave ng gym.

"Saan?"

Noon pinakawalan ni Dave ang kamay niyang hawak nito saka siya inakbayan."Sa mga lolo at lola ko, para makilala mo narin sila" masiglang sagot ng binata. Sa narinig ay mabilis na nilukob ng kaba ang dibdib niya. Normal nalang siguro iyon dahil sa agwat ng pamumuhay nila ni Dave. "sigurado ako magugustuhan ka nila, lalo na ang lola" nasa tinig pa ni Dave ang katiyakan.

Sa loob ng sasakyan ay nanatili siyang tahimik. Hindi niya kayang ipaliwanag ang takot na biglang nabuhay sa dibdib niya nang dahil sa sinabing iyon ni Dave. Pero wala rin naman siyang lakas ng loob na tanggihan ang gusto nitong mangyari dahil mukhang excited ang binata para sa araw na iyon.

SA isang Italian restaurant siya dinala ni Dave. Bagay raw kasi doon ang red dress na suot niya kaya kahit nagpilit siyang sa fastfood nalang sila kumain ay ang binata parin ang nasunod. Kapag Chef kana magtatayo tayo ng sarili nating restaurant. Napangiti siya nang maalala ang sinabing iyon ni Dave kanina habang kumakain sila. "O ba't ka nangingiti?" natigilan pa siyang nilingon ang nobyo na nakita niyang may inabot sa backseat ng sasakyan.

"W-Wala, naalala ko lang iyong sinabi mo kanina" sagot niya saka mabait na nginitian ang nobyo.

"Alin? Iyong tungkol sa restaurant? Seryoso ako dun ah, hindi ako nagbibiro" sa hawak nitong kahon natuon ang pansin niya noon.

"A-Ano iyan?" curious niyang tanong.

Noon niyuko ng binata ang kahon saka siya makahulugan at buong pagmamahal na pinakatitigan. "Maniniwala ka ba kapag sinabi ko sayong four years na naghintay sayo ang kwintas na ito?"

Isang magandang white gold necklace ang ipinakita sa kanya ni Dave. Simple lang ang pendant nitong kalahating puso pero makatawag pansin. Sa tingin niya ay dahil iyon ang mensaheng mayroon ito, dahil nakita niyang dalawa ang kwintas na nasa loob ng box na hawak ng binata.

"Oo naman..Couple necklace?" tanong-sagot niya.

Magkakasunod na umiling ang binata. "Ganyan din ang sinabi ko nung binigay ito sakin ni ate four years ago," salaysay pa sa kanya ni Dave. "ang sabi niya oath necklace daw ang tawag sa mga ito."

"Oath necklace?" kunot-noo niyang tanong.

Dave smiled at her tenderly. "Yes, it is actually a promise to always love a person no matter what. Sa madaling salita, unconditionally" sa huling salitang sinambit ni Dave ay mabilis na nag-init ang kanyang mga mata.

"D-Dave?" basag ang tinig niyang sambit.

"Ako nalang ang magsusuot sayo" masayang sabi ni Dave saka kumilos para isuot sa kanya ang kwintas. Pagkatapos ay ganoon din ang ginawa niya sa kwintas na para naman sa binata. "we have to wear them for three nights, ang sabi ni ate. And then magpapalit tayo" saka nito inabot ang kamay niya para halikan habang matamang nakatitig sa kanya. "it's like saying, nasayo ang puso ko and yours with me" dugtong pa ng binata.

Buong pagmamahal niyang hinaplos ang mukha ni Dave. "Hindi ko inasahan ito, pero salamat sa pagmamahal mo" ang naiiyak niyang sambit.

"Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko. And I want to stay in love with you for the rest of my life, at kung posible, kahit sa kabilang buhay ikaw parin ang pipiliin kong mahalin" napipilan siya. Kaya naman nang angkinin nito ang kanyang mga labi para sa isang mainit na halik ay walang pagdadalawang isip niyang tinugon iyon, with equal fire."bago ko makalimutan" ang binata ulit nang pakawalan nito ang kanyang mga labi.

Napalabi siya saka nangingiting tinanggap ang isang tangkay ng kulay pulang rosas saka iyon sinamyo. "Alam mo Dave, ikaw na yata ang pinaka-romantic na lalaking nakilala ko."

"Ows?" parang hindi kumbinsido ngunit naglalambing na hinimig ng binata.

"Totoo, at weakness ko ang ganyan kaya sobrang in love na in love ako sayo" saka niya sinundan ng mabining tawa ang sinabi.

Natigilan siya nang mapunang hindi tumawa si Dave sa sinabi niyang iyon. Sa halip ay nanatili lang itong tahimik habang mataman ang pagkakatitig sa kanya. Nang hawakan ni Dave ang kanyang baba ay napigil niya ang paghinga. Pinilit niyang tugunin ang malalim at mapusok na halik ng binata pero nabigo siya. Hinihingal pa siyang sumagap ng hangin nang sandaling lubayan ni Dave ang mga labi niya dahil inabala naman nito ang sarili sa paghalik sa kanyang mukha.

"I love you so much" bulong ni Dave. Napasinghap siya nang maramdaman ang mainit na hininga ng binata sa kanyang punong-tainga. Sinubukan niyang magsalita pero gaya kanina, naramdaman nalang niya ang mga labi ng binatang kulong ang kaniya.

Nang magsimulang maglikot ang kamay ng nobyo ay noon siya naalarma. Mabilis niyang inilayo ang sarili dito habang sa mga mata niya ay nagbabayad mga luha na sa kalaunan ay tuluyan rin namang kumawala.

"I'm sorry, I'm sorry" inabot siya ni Dave saka niyakap sa pag-aakalang ang nangyari sa pagitan nila ang dahilan kung bakit siya umiiyak. Noon kinain ng matinding guilt ang puso niya kaya lalo siyang napaluha. Paano niya sasabihin rito ang lahat?

Hindi ko gustong ipagdamot sayo ang sarili ko, pero natatakot ako sa pwedeng maging reaksyon mo kapag nalaman mo ang totoo.