Chapter 15 - PART 15

"ANONG gagawin mo kay Janna, Dave?" habang nakatitig sa lapida ng yumaong ina ay muling nabasag ang tinig ni Audace.

"Kung ano ang nararapat sa kanya, kakausapin ko ang Dad mamaya" nang maramdaman niya ang galit sa tinig ni Dave ay noon siya napaluha.

"Ang hirap ng ganito, paano nalang kung wala ka?" noon na nga siya tuluyang napahagulhol.

"Shhh, kaya nga tayo nagkita kasi mangyayari ang lahat ng ito sayo. Di ba sinabi ko naman sayo nung umpisa palang? Willing akong maging knight in a shining armour mo?" habang mahigpit siyang yakap ng binata.

Noon niya inilayo ang sarili sa binata saka sinimulang tuyuin ang mga luha. "Paano na ako niyan? Hindi pa bumababa ang grant ng scholarship ko tapos ang Tita Lerma naman nagbabayad pa sa mga naiwang utang ni nanay nung pinapagamot namin siya?" hopeless niyang tanong.

Nakita niya ang isang magandang ngiti na pumunit sa mga labi ng binata. "Ibibigay ko dapat ito sayo kanina, sorpresa ko sayo" mula sa likuran ng pantalon nito ay iniabot sa kanya ni Dave ang isang kulay puting legal sized envelope.

Nagtatanong ang mga mata niyang pinaglipat-lipat ang tingin sa sobre at sa nakangiting binata. "A-Ano ito?" nanginginig ang boses at kamay niyang tanong.

Nagkibit lang ng balikat si Dave habang tila nakaplaster sa mga labi nito ang napakagandang ngiti. Nang mabuksan ay agad niya iyong binasa para lang muling mapahagulhol sa iyak. Ngunit sa pagkakataong iyon ay dahil sa labis na kaligayahan."Pumasa ako? T-Totoo ba ito? Hindi ba ito joke lang?" magkakasunod niyang tanong habang ang mga mata niya ay patuloy na binubukalan ng mga luha.

Magkakasunod na umiling ang binata. "Actually pinamadali ko iyan kay Daddy, sa katapusan pa dapat ibaba ang mga iyan pero tapos ng i-finalized ang list ng mga nakapasa at kasama ka sa listahan kasi matalino ka, matataas ang grades mo. Infact ang sabi ng Daddy eh ikaw raw ang second to the highest sa lahat ng kumuha ng Full-Scholarship Exam" nasa tono ng boses ni Dave ang pagmamalaki.

Noon niya umiiyak na niyakap ng mahigpit ang binata. "Thank you so much Dave, sa lahat-lahat. Kung alam mo lang kung gaano ako ka-thankful at nakilala kita" aniyang kumalas sa pagkakayakap kay Dave saka masuyong hinaplos-haplos ang mukha nito.

Sa ginawa niyang iyon ay muli siyang kinabig ng binata payakap rito. Napapikit siya nang maramdaman ang mainit nitong labi sa kanyang noo. "I don't know kung maniniwala ka pero sa totoo lang mas mahalaga sa akin ang sarili mong kaligayahan. I love to see you smile and hear you laugh everytime. Kapag ganoon napapanatag ang kalooban ko" sagot nito habang pandalas ang ginagawang paghagod nito sa kanyang likod habang mahigpit siyang yakap.

Tiningala niya si Dave. Suminghot siya saka natawa ng mahina nang kurutin ng bahagya ng binata ang kanyang ilong. "You're so pretty when you cry" anang binata kaya tuluyan na siyang napabungisngis. "saka isa pa matalino ka, iyon ang talagang dahilan kung bakit ka pumasa" paalala pa sa kanya ng binata sa tinig na tila nagsasabing wala siyang dapat ipagpasalamat dito.

"If I could do anything for you, Dave. Just let me know" sa pagitan ng pagsinghot ay kanya paring naisatinig.

Umiling si Dave ng magkakasunod. "Hayaan mo na" anito.

"Ano ka ba, kahit sabihin mong hindi mo nilakad ito marami kanang nagawa para sakin" giit niya.

Isang meaningful na ngiti ang nakita niyang pumunit sa mga labi ng binata saka sandaling tila nag-isip habang nakatitig sa kanyang mukha. "Actually, there is one thing" anito.

Umangat ang mga kilay niya. "Ano?"

"Huwag mo akong iiwan" maikli nitong sabi habang ang mga mata ay titig na titig sa kanya. Kung anong klase ng damdamin ang bumalot sa puso niya, hindi niya masabi. Basta ramdam niya ang mainit na haplos niyon sa kanyang dibdib kaya siya nagkaroon ng lakas ng loob na labanan ang mga titig ng binata. Napapikit siya nang maramdaman ang mainit na labi ni Dave sa likod ng kanyang palad. Pero gayun pa man ay sinikap parin niyang huwag ipahalata ang espesyal na damdaming sa isang pitik lang ng daliri ay nagkaroon ng linaw sa kanya. In love na nga siya kay Dave. Dahil kahit hindi pa ganoon katagal ang pinagsamahan nila ang lahat ng ginagawa nito para sa kanya ay labis-labis na para tuluyang mahulog at umibig ang puso niya dito.

"I-Iyon lang ba? Wala na bang mas mahirap?" pabiro niyang turan pagkuwan.

Nangingislap ang mga matang sumagot si Dave. "Kung sabihin ko ba sayong will you marry me, papayag ka?"

Malakas siyang napasinghap sa narinig. "I-Ikaw talaga kahit kailan maloko ka. Anyway,salamat ulit, pangako hindi ko sasayangin ang lahat ng isinakripisyo mo" totoo iyon. Hindi niya sasayangin ang lahat ng isinakripisyo ng binata para sa kanya. Hindi dahil sa kung anong kadahilanan kundi dahil mahal niya ito.

"Worth it naman kasi ikaw iyan" ani Dave.

"Wow touch naman ako dun" aniyang ngiting-ngiti pang napahawak sa kanyang dibdib.

Nang hawakan ni Dave ang isa pa niyang kamay napatitig siya sa mga iyon. Ramdam kasi niya ang espesyal na damdaming kalakip ng init ng palad ng binata. "O bakit?" hindi niya napansing pinagmamasdan pala siya ni Dave.

Nakangiti siyang umiling. "G-Gusto ko lang kasi kapag pinagsasalikop mo ang mga kamay natin" kung saan siya kumuha ng tapang na sabihin iyon ay hindi na mahalaga. Ang importante nasabi niya ang totoong nararamdaman niya.

Hindi nagsalita si Dave at sa halip ay pinagmasdan siya saka niyakap. Habang sa isip niya naroon ang pag-asam na sana tama ang nararamdaman niyang pagmamahal ang dahilan ng binata sa lahat ng ginagawa nito para sa kanya.

Ready akong umiyak kahit araw-araw pa Dave, lalo na kung dahil sayo. Hindi dahil gwapo ka, kundi dahil mahal na mahal kita.

LINGGO bago magpananghali nang dumating si Dave para sunduin siya. Mahigit isang linggo bago ang kanilang dance presentation. Sa loob ng pagpapratice nila araw-araw, masasabi niyang may improvement naman siya bilang mananayaw. Mahusay at matiyaga kasing magturo si Dave, bukod pa iyon sa katotohanang inspired siya dahil sa lihim na pagtinging mayroon siya para rito.

"Salamat nga pala sa pagtatanggol mo kay Audace doon sa malditang babaeng iyon hijo. Hindi naman talaga palaaway itong pamangkin ko at sa totoo lang nagpapasalamat ako't kasama ka niya" kalalabas lang niya ng kanyang kwarto nang marinig na sinabi iyon ng tiyahin.

Makahulugan niyang nginitian doon si Dave. Ang Pretty Boy mo naman talaga! Kahit ano yatang isuot mo gwapo ka parin! Ang tinutukoy niya ay ang kupasing skinny jeans, hapit na white shirt at Converse shoes na suot nito

"Okay lang po iyon" maikling sagot ni Dave saka siya sinuklian ng meaningful ring ngiti na may bonus pang kindat saka siya hinagod ng tingin mula ulo hanggang paa.

Nag-init ng husto ang mukha niya sa ginawang iyon ni Dave. Laking pasalamat nalang niya at nakatalikod si Lerma na abala sa kusina kaya hindi nito iyon nakita. Pero si Dave? Talagang hindi ito nagbawi ng tingin sa kanya kaya awtomatikong napahugot siya ng malalim na hininga. Lalo pang nagdulot ng matinding kaba sa kanya ang kakaibang lagkit ng mga titig nito. Hindi tuloy niya alam kung ano ang gagawin. Parang gusto niyang tumakbo pabalik sa kwarto makaiwas lang sa malalagkit na titig ng binata pero nagpigil siya.

Simpleng jeans at shirt lang din ang suot niya. Iyon kasi ang sinabi ng binatang suutin niya, well iyon ang unang pagkakataong nag-request ito kaya pinagbigyan niya. Huwag pang isama ang kakaibang haplos niyon sa damdamin niya.

"Mag-iingat kayo at huwag magpapagabi Audace!" ang pahabol na bilin ni Lerma nang nasa may pintuan na sila.

"Opo" ang magkasabay pa nilang sagot kaya sila nagkatawanan pagkuwan.

Nagsalubong ang mga kilay niya nang mapunang wala ang kotse ni Dave sa tapat ng bahay nila. Nagtatanong ang mga mata niya itong nilingon na malapad namang ngumiti saka ipinakita sa kanya ang isang susi. Nanlaki ang mga mata niya nang mamataan ang isang pula at bagong motorbike na nakaparada di-kalayuan sa dating pinagpa-parking-an ng kotse nito.

"Regalo ng Daddy mo sayo?" hindi niya mapigilan ang matuwa dahil kahit hindi sabihin ni Dave alam niyang mahilig talaga sa motor ang binata.

"Kasi daw nagbago na ako" anitong ngiting-ngiti saka iniabot sa kanya ang extrang helmet.

"Ah kaya pala ganito ang ni-request mong suutin ko ah! Sabagay first time kong makakaranas umangkas sa isang Multistrada Ducati Motorbike!" aniya habang inaayos ang strap ng helmet.

Natawa doon si Dave. "Kade-deliver lang nito kahapon, sinadya ko talagang ngayon unang gamitin para special!" anitong sumakay na ng motor saka pagkatapos ay inalalayan naman siya.

Inirapan niya ang binata pero nakangiti. "Hmp, bola ah! Pero kilig much!" aniyang hinaluan ng biro ang patutsada niyang totoo naman.

Noon siya nito nakangiting nilinga. "Glad to here that, at least kahit papaano alam kong may chance" saka nito binuhay ang makina ng motor. "kumapit kang mabuti, o mas maganda yumakap ka nalang ng mahigpit para mas ma-inspire ako sa pagda-drive!" anitong hinawakan ang kamay niyang nakakapit sa baywang nito saka iyon inayos kaya siya napayakap ng husto binata. Hindi siya nag-react, sa halip ay idinikit pa niya ang pisngi sa likuran ni Dave. "Naku naman, alam na alam mo talaga ang weakness ko" ang binata sa ikinilos niya.

"Pareho lang tayo" tumatawa niyang sabi nang tumatakbo na ang motor palayo. Nanatili siya sa ganoong ayos. Ang bango-bango ni Dave at ang sarap talagang yakapin. Kinikilig siya at wala na yatang pagsidlan ang kaligayahang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.