Chapter 16 - PART 16

"ANO na nga palang nangyari kay Janna?" nasa sementeryo na sila noon at naglalakad papunta sa puntod nina Danica at Thelma. Pagkatapos ay tutuloy na sila kila Dave para sa practice ng sayaw.

"Oo nga pala hindi ko pa nasasabi sayo, nag-dropped na siya nung Friday. Serious offense kasi ang ginawa niya at alam niyang ma-e-expel siya kaya inunahan na niya ang school" paliwanag sa kanya ni Dave.

"Mahal na mahal ka niya kaya niya nagawa sakin ang ganoon" iyon naman talaga ang nakikita niyang dahilan.

"Kung sakali bang nagkapalit kayo ng posisyon, kaya mong gawin sa kanya ang ginawa niya sayo?" hindi sang-ayon ang tono ni Dave sa sinabi niya.

Mabilis siyang magkakasunod na umiling. "Hahayaan kita kung saan ka magiging mas masaya, kasi pwede naman kitang mahalin kahit hindi tayo magkasama. Unconditional love ika nga nila, and for me that's the best kind of love."

"Ang sweet mo naman" masayang turan ni Dave.

Nakangiti siyang nagbaba ng tingin. "Thanks, ganoon daw iyon sabi ni nanay. Ang taong nagmamahal ng totoo marunong maghintay at marunong magparaya" hindi na kumibo si Dave at sa halip ay kinabig nalang siya nito saka inakbayan. Nagulat pa siya nang maramdaman niyang hinalikan nito ang kanyang buhok.

"Ang bango ng buhok mo" anito nang tingalain niya.

"Salamat" tumango lang siya saka tipid na ngumiti kahit sa puso niya ay ramdam niyang nasiyahan si Dave sa sinabi niya. "alam mo someday gusto kong ipaayos itong puntod ni nanay. Para kapag umuulan hindi siya nababasa" mayamaya ay nasabi niya.

Hindi nagsalita si Dave pero iba ang naging epekto sa kanya ng ngiti nito. Mayamaya ay maramdaman niya ang unti-unting pagpatak ng ulan, noon ay minabuti niyang yakagin na ito. Nagkataon pa namang motor ang dala nito at hindi kotse. Sabagay hindi rin naman siguro inasahan ni Dave na uulan dahil maganda ang panahon kanina.

"Bilisan mo lumalakas ang ulan!" nang lingunin niya ito. "Dave!" tawag ulit niya nang mapunang tila hindi naman nagbago ang laki ng mga hakbang nito. Pakiwari pa niya ay parang ine-enjoy ng binata ang lumalakas na patak ng ulan.

"Bakit ka ba nagmamadali eh pareho naman na tayong basa?" nakatawa nitong turan nang makalapit ito sa kanya. Hindi siya nakaimik dahil totoo naman iyon kung tutuusin. At isa pa kahit anong gawin nila ay basa rin ang kahihinatnan nilang dalawa. "Ang mabuti pa dito nalang tayo magpractice!" mayamaya ay suhestiyon ng binata.

"Ano?" hindi makapaniwalang tanong niya saka tiningala ang nagsusungit na kalangitan.

"Oo, para kakaiba!" ang binata sa karaniwan na nitong masayahing tinig.

Napapadyak siya. "Nakakainis ka naman eh, saka wala tayong music!"

Tumawa sa ginawi niyang iyon si Dave. "Music lang ba? Edi kakanta ako! Memorized ko yata ang kantang iyon by heart!" may pagmamalaki pa nitong sagot.

"Baka lalong lumakas ang ulan!" natawa narin niyang sambit.

Noon hinawakan ni Dave ang kamay niya saka siya hinila palapit rito. Pagkatapos ay hinapit nito ng mabuti ang kanyang baywang sa paraang nagawa nitong pagdikitin ang kanilang katawan. Natigilan siya nang maramdamang pinawi niyon ang lamig na dala ng tubig-ulan."Warm now?" nang marahil mahulaan nito ang kanyang iniisip. Tumango siya sa kabila ng agarang pag-iinit ng magkabila niyang pisngi."Mas malakas ang ulan, mas maganda! Kasi mas romantic!" anitong kinindatan pa siya.

Pareho silang basang-basa na ng tubig ulan. At dahil puti ang suot na pang-itaas ni Dave ay bumakat ng husto ang perpektong pagkakahubog ng katawan nito. Lalo na ang malapad nitong dibdib na naaninag ng husto sa basa nitong white shirt. Mabilis siyang umiwas ng tingin kay Dave na nanatili namang nakatitig rin sa kanya. Sa paraang para bang kinakabisa nito ang bawat anggulo ng kanyang mukha. Mabilis na binalot ng tensyon ang paligid at ang kakaibang init na naramdaman niya ay hindi kayang pawiin ng malakas na ulang ibinubuhos sa kanila ng langit.

Natawa siya ng malakas nang marinig ang sintunadong boses ni Dave na sinabayan naman ng mahusay nitong pagsasayaw. Ilang sandali pa ay nahawa narin siya nang makita niyang nag-e-enjoy ito ng husto sa ginagawang pagkanta kaya nakikanta narin siya. Alam niyang sa kanilang dalawa ay si Dave ang talagang nagdadala. Hindi lang sa sayaw nila, kundi mas higit sa espesyal na samahang mayroon sila. Hindi niya alam kung pagkakaibigan parin iyon pero sigurado siyang hindi kaibigan ang turing niya sa binata. Dahil alam niyang mahal niya si Dave, at gusto niya ang pakiramdam na minamahal niya ito. Kahit hindi iyon alam ng binata.

MABILIS ang naging takbo ng mga araw. Isang linggo matapos niyang mag-resign sa canteen bilang kitchen crew ay noon narin niya na-enjoy ng husto ang kaniyang college life. Puro pag-aaral nalang kasi ang iniisip niya, bukod pa roon ay mas mahaba ang time na ginugugol niya sa library dahil nga sa kakaunti lang ang subjects niya. Hindi naman siya nagipit sa pera dahil binayaran naman ni Glenda ang mga huling araw na ipinasok niya noon. At nai-refund narin niya ang lahat ng nagastos niya mula nang magbukas ang klase dahil sa pagkakapasa niya bilang full-scholar.

"Pasensya kana hija, alam mo namang hindi ako against sayo. Hindi ko lang talaga inasahan na kayang gawin ni Janna ang ganoon at bukod pa roon hindi ko alam na may galit siya sayo" nang maalala ang sinabing iyon sa kanya ni Glenda nang kunin niya rito ang huling sahod niya.

Isang linggo na ang nakalipas pero nasa dibdib parin niya ang sakit kapag naaalala niya ang sinapit na kahihiyan. Mabuti nalang talaga at dumating si Dave para ipagtanggol siya dahil kung hindi, malakas ang kutob niyang hindi lang iyon ang kayang gawin sa kanya ni Janna.

Sa pagkakaisip sa binata ay awtomatiko siyang napangiti. Nasa dulong mesa siya ng library at mula roon ay tanaw niya ang glass door na iniluwa ang lalaking kasalukuyang laman ng kaniyang isipan. Malayo pa man ay napuna niyang nakangiti na ito sa kanya. Ngumiti rin siya, habang sa puso niya ay ang haplos ng tuwa at maging ang pamilyar na klase ng kaba na nararamdaman niya kapag kasama niya ito.

"Hello, kumain kana?" pumalakpak ang tenga niya dahil sa simpleng tanong na iyon.

Umiling siya."Di ba tayo sabay kakain ngayon?"

Tumango si Dave. "Tara, sa labas na tayo kumain" anito.

Nagtake-out lang sila ng pagkain na binili ng binata sa nadaanan nilang restaurant at pagkatapos ay sa sementeryo rin sila nagtungo. Nagkibit siya ng balikat, kabisado naman kasi ni Dave ang schedule niya araw-araw at alam nito kapag maluwag ang oras niya kaya malamang ay gusto nitong magkapagsarilinan silang dalawa.

"O sige na pipiringan na kita" si Dave nang iparada nito ang dalang kotse saka kinuha mula sa backseat ang isang kulay puting panyo.

"Pipiringan?" taka niyang tanong.

Tumango ang binata. "Dali na, para mas exciting" sagot nito sa isang masayang tinig.

Natawa siya ng mahina saka na tumalima. At habang inilalagay ng binata ang piring niya, hindi niya mapigilan ang manghula kung para saan ang piring na iyon. Magtatapat kana ba sa'kin sa harap mismo ng puntod ni nanay? Hindi niya naawat ang sariling kiligin dahil sa isiping iyon. Pero higit pa sa inasahan niya ang bumulaga sa kanya nang alisin ni Dave ang piring niya. Nag-iinit ang mga mata niya itong nilingon saka tiningala. Pagkatapos ay ibinalik ang tingin sa ngayon ay mosuleo ng puntod ng kanyang ina.