"Bakit ka nakasuot ng scarf? Nilalamig ka ba? May sakit ka?"
"W-wala naman po tita."
"Eh bakit?"
"Naisipan ko lang po." Hindi pwedeng makita ni tita ang tatak. Tiyak na magagalit siya at susugod sa paaralan. Kilala ko si tita, wala siyang inuurungan. Pero hindi iyon makakatulong. Nagsearch ako kagabi tungkol kay Vaughn at napag-alaman kong napakamakapangyarihan talaga ng pamilya nila.
"Sige po, aalis na po ako."
'Mababang uri.' Yan ang paulit-ulit kong naririnig simula pa kaninang umaga hanggang ngayon. Gaya ng sinabi ni Vaughn ay hindi ko tinakpan ang marka kaya kitang-kita ito. Maging ang mga teachers ay mas nag-iba na ang tingin sa akin. Maliban na lamang kay Maam Oliveros.
"Class Dismissed. Ms. Maria, sumunod ka sa akin. Excuse ka na sa susunod mong teacher."
Gaya ng sinabi ni Maam ay sumunod ako sa kaniya. Hanggang sa makarating kami sa faculty. Kami lamang ang nandito. Ang akala kong doon na ang destinasyon namin ay hindi pa pala. May kinuha lamang siyang mga dokumento at naglakad ulit kami papunta sa isang silid. Kunot ang noo ko habang tinitignan ang buong paligid.
"Nagtataka ka ba kung bakit ako mayroong ganitong kalaking opisina? Eh hamak lamang naman akong teacher dito?"
"Ah eh.." Isang bungisngis ang lumabas sa bibig ni Maam Oliveros.
"Nanay ko ang mayordoma ng mga Arden kaya ganoon. Pinagkakatiwalaan siya doon kaya naman nakakaranas ako ng ganito." Pagpapaliwanag ni Maam. "Unti lamang ang nakakaalam noon. Kaya kita pinapunta dito ay dahil sa marka sa leeg mo. Tignan mo 'to." Ang mga papeles na hawak ni Maam ay inilahad niya sa akin.
Halos mangilabot ako nang makita ko ang mga larawang nandoon. Kuha ang mga larawan sa dyaryo. Lahat yun ay tumatalakay sa mga taong nagpakamatay...
"Ang mga diyaryong 'yan ay tumatalakay sa mga balitang ang mga estudiyante mismo sa school publishing group ang gumawa ngunit hindi na din nakalabas pa ng school. Bakit? Dahil sa pera at kapangyarihan ng mga namamahala dito. Ang lahat ng estudiyanteng nasa picture, mapalalake man o babae, napansin mo ba ang pagkakatulad nila?" Dahil sa sinabi ni Maam ay lumikot ang mga mata ko at sinuri ang posibleng pagkakatulad nila. Wala sa sarili akong napahawak sa leeg ko.
"S-sa leeg." Ang tangi ko lamang nasabi.
"Tama ka. Lahat sila ay mayroong marka sa leeg. Katulad mo, itinuring din silang mga pinakamababang uri dito sa school. Gaano man sila kayaman, kapag nagtaglay sila ng markang ganiyan. Basura pa din ang magiging tingin sa kanila. Walang sinasanto ang markang 'yan. Papahirapan niyan ang buhay mo dito hanggang sa ikaw na lamang ang sumuko."
"K-kung ganoon, b-bakit niyo po ito sinasabi sa akin?" Lakas-loob kong tanong.
"Bakit nga ba? Siguro dahil naaalala ko sa'yo ang kababata ko. Ang una't-huling lalaking minahal ko. Kaya naman," Hinawakan ni Maam Oliveros ang mga kamay ko at madamdaming tumingin sa akin.
"Poprotektahan kita hanggang sa makakaya ko. Eva Maria, hangga't maaari, pagkatapos ng klase ay umiwas ka sa matataong lugar. Huwag ka nang kakain sa cafeteria, magbaon ka na lamang. O kaya naman ay dadalhan na lamang kita. Patawad ngunit ang markang yan ay natural na nililimitahan ang mga lugar na pwede at gusto mong puntahan."
"Ganoon po ba? P-pero ano po ang ibig sabihin ng mga negatibong numero sa leeg ng tatlong ito?"
"Kaibigan mo ang bagong babae sa hanay, tama ba?"
"O-opo."
"Layuan mo na din siya. Hindi mo gugustuhing malagyan ng negatibong numero ang marka mo."
"B-bakit po? Ano pong mangyayari?"
"Balita ko ay ang tita mo na lamang ang natitirang kasama mo sa buhay. Wag mo nang hayaang pati siya ay mawala pa."
Pagkadismissed ni sir ay agad-agad na akong tumayo sa upuan ko, isinukbit ang bag at agad na ding umalis. Mas nauna pa nga yata ako kay Sir lumabas. Dalawang araw na ang lumipas na puro ganito ang ginagawa ko. Hanggang ngayon nga pala ay hindi pa din pumapasok si Aela. Nag-aalala na din ako. Ano na kayang nangyari sa kaniya? Maging ang mga prof. ay walang sinasabi tungkol sa kaniya at parang wala lang din ito sa mga estudiyante. Kahapon ay itinanong ko kay maam kung may alam ba siya sa nangyari kay Aela.
'Huwag mo nang alamin. At isa pa, diba dapat ay wala ka ng pakialam sa kaniya? Tigilan mo na ang pagtatanong, baka 'yan pa ang ikapahamak mo,' ang tangi niya lamang sagot.
Pagkadating ko sa likod ng building namin, kung saan ito na ang bago kong tambayan sa lahat ng libre kong oras, ay inilabas ko na ang baunan ko. Ngunit bago ko pa ito mabuksan ay bigla na lamang literal na dumilim ang paningin ko nang may kung sinong nagsako sa akin. Kasabay noon ay ang pagtatali sa akin sa payat na punong sinasandalan ko. Nang akala kong hanggang doon na lamang iyon ay sunod-sunod kong naramdaman ang sakit sa iba't-ibang bahagi ng katawan ko. Sa ganitong kasakit ay paniguradong mga pulang antik ang nakapalibot sa akin.
Ang hirap ng paghinga ko ay mas nadagdagan pa nang maramdaman ko na ang mga iyon papasok sa akin. Maging sa kasingit-singitan ko ay dama ko ang mga kagat nito.
Sunod-sunod na sigaw ang pinakawalan ko. Tipong wala ng bukas, kasabay ng mga tawanang naririnig ko sa paligid. Boses ng mga lalake at babae.
"Ang isang mababang uring katulad mo ay tama lamang na pagpiyestahan ng mga antik!"
"Tama na! TAMA NA!!!" walang tigil ang paghiyaw ko dahil sa hapdi.
Saglit akong natigilan at mas nangilabot nang may maramdaman nanaman akong kakaiba. Iba ito sa mga antik. Mas mahahaba ang mga binti nito. Mas masakit din sa ilong ang amoy nito. May ideya na ako sa kung ano ang bagong gumagapang sa akin, ngunit ayaw kong aminin.
Tila ang natitira ko pang katinuan ay nawala nang marinig ko ang sinabi ng isang babae.
"Ewww... Cockroaches, yuck!"
"TAMA NA!!! AHH!!!" Isang napakalakas na sigaw ang pinakawalan ko bago ako tuluyang mawalan ng malay.
Napabalikwas ako nang makita ko ang kabuuan ng kwartong kinalalagyan ko. Sisigaw na sana ako nang pumasok si Maam Oliveros.
"Eva! Buti naman at gising ka na!"
"A-ano po bang nang-" Muling bumalik ang kilabot sa akin nang maalala ko ang nangyari. Tinignan ko ang balat ko at mamula-mula pa ito. May iba pang namamaga. Nawala na sa isip ko na may kasama ako sa kwarto at agad na tinignan ang singit ko. Tuloy-tuloy na umagos ang luha ko nang makita ko ang kalagayan nito. Maging ang dibdib ko ay malala din ang dinanas. Wala na akong pakialam kung hubo't hubad na ako sa harap ni Maam Oliveros. Ang mahinang hikbi ay lumakas nang lumakas. Sunod kong naramdaman ay ang mainit na yakap na galing kay Maam.
"Sshh.. Patawad, Eva. Nahuli ako ng dating." Boses na puno ng hinanakit ang pumuno sa silid. Maging si Maam Oliveros ay napahagulgol na din.
"Tahan na, Eva."
"A-alam po ba ni tita ang nangyari sakin?"
"Hindi. Alam ko rin naman na ayaw mong malaman niya. Ipinagpaalam na din kita na hindi ka muna makakauwi dahil magiging katulong kita sa pag-oorganize ng event sa school. Kumuha na din ako ng mga damit mo. Nag-aalala ng sobra ang tita mo nang una ngunit naintindihan din naman niya. Siya nga pala, isa't kalahating araw kang tulog." Sa sinabing yun ni Maam ay tiyaka ko lang napansin na iba na pala ang suot ko.
"N-nasan po ba tayo?
"Nasa mansiyon ka ng mga Arden."
"Po?!" Gulat kong saad.
"Wag kang mag-alala, hindi naman dito tumutuloy si Master Vaughn." Paliwanag ni Maam na nakapagpakalma sa akin. Dahil kung sakali mang nandito siya ay hindi ako mag-aatubiling takbuhin ang palabas ng bahay na ito. Yun ay kung makakalabas ako agad. Dahil sa laki ng kwartong ito ay paniguradong mas malaki pa ang labas nito.
"Wala din dito ang mag-asawang Arden, kaya naman ligtas ka dito. Pagagalingin muna natin 'yang sugat mo bago ka pwedeng umuwi."
"Eh, Maam. Iyong mga lesson po sa school-"
"Wag mo na iyong alalahanin, ako na ang bahala dun."
"Maam Oliveros. Salamat po talaga sa mga tulong niyo sakin."
"Hindi ngayon ang oras para magpasalamat ka. Alam mo naman siguro na hindi pa tapos ang lahat."
"Alam ko po." Mahina at walang sigla kong sambit. "Anong oras na po ba?"
"Alas sais na ng gabi. Ito, dinala ko na ang mga pagkain para sakaling gumising ka. Kumain ka na."
Gaya ng sinabi ni Maam ay inumpisahan ko na ngang kumain. Sa dami ng pagkaing inihain ni Maam ay halos hindi nangalahati ang mga nakain ko. Paano ba naman ako makakakain ng magana matapos ang nangyari sa akin? Lalo pa't sa bawat subo ko ay nakikita ko ang namumula at puno ng pantal kong braso.
Iniwan muna ako saglit ni Maam. Sa gitna ng pag-iisip ko ay bigla akong napahinto at napabalikwas nang may mapagtanto. Sa sobrang hinanakit ko kanina ay hindi ko agad napansin ang isang iyon. Inamoy ko ang sarili ko at amoy bagong paligo ako.
"Hindi..." Bulong ko sa sarili.
Humarap ako sa salamin at suot ko pa din naman ang buhaghag kong wig. May mga pekeng pekas pa din naman sa mukha ko. At maitim pa din ang kulay ko. Nakapagtataka.
Hindi mabubura ng tubig ang make-up na in-apply ko sa mukha. Maging ang kulay sa balat. Ngunit kung masasabunan ito ay mabubura din. Kaya bakit? Paano?
"Antagal mo naman bago mapansin." Halos mapatalon ako nang magsalita ang isang matandang babaeng hindi ko kilala. Pero may kahawig siya, si...
"Ako ang ina ni Everleen." Tama. Kamukha nga siya ni Maam Oliveros. "Wag kang mag-alala, hindi naman ako madaldal. Ligtas sa akin ang sekreto mo. Hindi ko na din aalamin kung bakit mo 'yan ginagawa e napakaganda mong bata."
"S-salamat po."
"Saan? Sa pagtatago ko ng sekreto mo? O sa papuri ko sa iyo?" Nakangiting saad ng ginang.
"P-pareho po." Nahihiya kong saad. Ngayon na lamang ulit may nagsabing maganda ako na ibang tao.
"Mukha ka namang mabait na bata. At malapit ka din sa anak ko. Bueno, aalis na ako at marami pa akong aasikasuhin. Maari kang maglibot sa mansiyon kung gusto mo. Tumawag ka nalang ng tao sa intercom."
"S-sige po. Salamat po ulit."
Ilang minuto na ang nakalipas simula nang umalis ang nanay ni Maam Oliveros. Hindi ko nga pala natanong ang pangalan niya.
Maging si Maam Oliveros ay hindi pa din bumabalik. Sinubukan kong tumawag sa intercom ngunit walang sumasagot. Siguro masyadong busy ang lahat ng tao dito. Kaya naman lakas-loob akong lumabas ng kwarto. Gusto kong makita kung gaano ito kalaki at maggala-gala.
Malaki nga ang bahay nila. Mansiyon na nga! Akala ko sa mga istoryang kathang-isip lamang ang ganito. Hindi ako ganoon kagaling maglarawan ngunit ang disenyo nito ay may pagkamakaluma ngunit mayroon ding modernong tignan. Madami ding nakasabit na kung hindi litrato ng mga nakatira dito ay painting naman ng mga kilalang tao.
"Nasaan kaya iyong banyo?" Bulong ko sa sarili ko nang maramdaman ko ang pagkaihi.
"Ah, Mister? Nasan po iyong banyo?" Tanong ko sa lalaking dumaan, ngunit hindi naman ako nito sinagot.
Halos mamilipit na ako sa pagkaihi kaya naman pinasok ko na ang kwartong malapit sa akin. Sa kabutihang palad ay hindi ito nakalock. Siguradong may banyo ang mga kwarto dito.
Success! Pagkatapos kong makaihi ay naghugas muna ako bago lumabas ng banyo. Mas malaki pa ang banyo nila kesa sa kwarto ko. Bago ako umalis ay inilibot ko pa ang paningin ko sa kabuuan ng kwarto. Napailing-iling na lamang ako sa huli.
"Imposibleng magkaroon ako ng ganito." Sambit ko bago ko buksan ang pinto palabas ng banyo.
Ngunit ganoon na lamang ang gulat ko nang paglabas ko ay mabungaran ko si Vaughn na seryoso ang tingin sa akin, partikular sa marka sa leeg ko. Halos manliit ako sa paraan ng pagtingin niya sa akin.
"Alam mo bang pwedeng-pwede na kitang patayin ngayon? Ang isang mababang uring katulad mo ay walang pahintulot at basta na lamang nakigamit ng banyo ko. Ngayon, pati ang banyo ko ay nahawaan mo na ng dumi mo. Pasalamat ka na lamang at wala akong hawak na baril ngayon." Madidiin ang tono ng mga salitang ginamit niya nang sabihin niya iyon.
"Ano bang ginagawa mo dito? Sinong nagpapasok sa'yo? Mmm... Ngayon ay pwede ko nang lagyan ng negatibong numero ang marka mo." Sa sinabi niya ay mas nanghina ang loob ko. Hindi. Wag naman ang negatibong numero. Base sa pagkakaintindi ko ay malala talaga ang sinasapit ng mga taong may negatibong numero sa marka nila. Hindi. Wag ang isang yun.
Magsasalita na sana ako nang biglang dumating si Maam. Laking pasasalamat ko naman dito. Pakiramdam ko ay may tagapagtanggol ako.
"Bisita ko po siya, Mr. Vaughn. Paumanhin po at naligaw po yata siya." Paghingi ng tawad ni Maam. "Pasensiya na po talaga. Hindi na po mauulit."
"Pang-unang pagkakamali, Everleen."
"O-opo."
Hindi ko man gaanong naintindihan ang sinabi niya ay may pakiramdam akong hindi ko na din gugustuhin pang malaman.
Matapos nun ay pinili ko nalang na magkulong sa kwarto. Iniisip ko rin kung ano ang mangyayari kay Maam. Bago niya ako iniwan dito kanina sa kwarto ay kita ko pa sa mukha niya ang takot. Kinakain nanaman ako ng konsensiya ko. Mukhang may mapapahamak nanaman nang dahil sa akin. Balak ko na nga sanang umalis kanina ngunit masyadong mapilit si Maam.
Hanggang sa nakatulugan ko na lamang ang pag-iisip ko.
"Pakiusap wag. Wag mo akong sasaktan.." Imbes na sumagot ay hinaplos niya lamang ang mukha ko.
Paulit-ulit ko siyang pinapakiusapan ngunit parang wala siyang naririnig.
"Don't worry my sweet angel, you're safe with me."
"HINDI!" Napakalakas kong sigaw nang mapabalikwas ako galing sa isang napakasamang panaginip.
Nang akala kong makakahinga na ako ng maluwag dahil panaginip lamang naman ang nangyari ay mas lalo akong nangamba sa silid sa binungaran ko. Walang laman. Tanging ako lamang ang nandito. Nandito nanaman ako sa lugar kung saan ko nakuha ang marka sa leeg ko. Ang kaibahan lamang ngayon ay hindi ako nakatali sa silya. Nakakadena ang magkabila kong kamay habang nakaupo ako at nakasandal sa pader. Sa pagpupumiglas ko ay hindi ko na napansin na may pumasok na palang tao. Si Vaughn... at may hawak siyang maliit na kutsilyo.
Nag-uumpisa nanamang umalpas ang mga luha ko. Anong pagpapahirap nanaman ang gagawin niya sa akin? O papatayin niya na ba ako? Pinagsisiksikan ko na ang sarili ko sa pader na para bang mapoprotektahan ako nito sa halimaw na nasa harapan ko.
Naglakad siya papalapit sa akin hanggang sa nasa harapan ko na siya. Umupo siya para lumebel din sa akin.
"Isa sa mga ayaw ko ay yung pinapasok ang silid ko ng kung sino-sino, lalo pa ng katulad mo." Saad niya habang inihahaplos sa mukha at leeg ko ang kutsilyo. Halos mapaigik ako nang medyo idiin niya ito sa marka ko.
"Sinusubok mo talaga ang pasensiya ko."
"H-hindi ko naman sin-" Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang lumapat nanaman sa pisngi ko ang palad niya at napabaling ako sa kanan, damay pa ang katawan ko sa lakas ng sampal niya. Dama ko din ang pagputok ng labi ko.
"Hindi kita pinagsasalita."
May mga taong pumasok at bigla na lamang akong hinawakan. Sunod-sunod na malalakas na sigaw ang pinakawalan ko nang hiwain niya gamit ang kutsilyo ang kaliwang pisngi ko. Hindi ako makaiwas dahil bukod sa hawak ako ng dalawang lalaki ay pinipirmi din ni Vaughn ang mukha ko.
Mas humahapdi pa ang sugat dahil sa nahahaluan na ito ng luha ko. Halos malasahan ko na din ang dugo ko nang umagos ito sa pisngi ko epekto ng hiwang ginawa ni Vaughn.
"Alcohol." Isang salita lang ang sinambit niya ngunit sapat na yun para mayanig ang mundo ko.
Ang kirot na nararamdaman ko ay trumiple nang lagyan niya nga ng alcohol ang sugat na ginawa niya sakin. Halos lumuha ang mata ko sa hapdi at kirot dulot ng pinaghalong alcohol at sugat.
"AAAHHHH!!!! UGHH!!"
Pawis na pawis na ako sa pag-iyak. Tumayo siya at mukhang kontento na siya sa ginawa niya ngayon.
"Ito na ang huling beses kong sasabihin ito sa iyo. Lumugar ka." Malamig niyang sambit at pagkatapos ay iniwan na niya ako sa silid. Hindi rin nagtagal ay pumasok ulit ang mga tauhan niya at pwersahan akong inilabas sa silid habang nakapiring.
Nalaman ko lang na nasa labas na kami nang naramdaman ko ang malalakas na patak ng ulan. Matapos nilang tanggalin ang piring ay iniwan na nila akong nakasalampak sa kalsada.
Nanghihina man ay buong pwersa akong tumayo at nilakad ang kahabaan ng daan pauwi sa amin. Pinamanhid na din ng ulan ang sugat na iniinda ko kanina gawa ng parehong lalaking sumira sa buhay ko dati. Masama mang hilingin, ngunit sana, sana mamatay na lamang siya. Kung hindi dahil sa kaniya ay hindi ko naman ito mararanasan. At sino ba siya para tawagin akong mababang uri? Tao lamang siya sa anyo ngunit hindi sa gawa.
Sugat-sugat na din ang talampakan ko sa haba ng nilakad ko. At isang napakalaking himala na nakaabot pa ako sa bahay. Ngunit laking pagtataka ko nang hindi ko makita sa bahay si tita.
"T-tita?!" Nanghihina man ngunit pinilit kong tawagin si tita.
Nilibot ko na ang buong bahay, ngunit wala pa din. Wala dito si tita. Napahinto ako nang naalalang hindi nga pala nakalock ang bahay kaya walang kahirap-hirap ko itong nabuksan. Inilibot ko pa ang paningin ko hanggang sa mapatingin ako sa salamin. Malinaw sa paningin ko ang negatibong numerong nasa tabi ng marka ko.
'-4'
Tatlo na ang nagkaroon ng negatibong numero sa leeg nila. At ang lahat ng iyon ay patay na. Ngunit wala naman akong naaalalang nilagyan niya ako nito. Kailan iyon nangyari? Ilang araw na ba ang nakakalipas nang gumising ako sa silid na iyon at halos pagaling na ang sugat gawa ng negatibong numero?
Bigla na lamang akong nawalan ng balanse at nahagip pa ng kamay ko ang vase na nasa tabi ko. Ngunit wala na akong pakialam dun. Wag. Wag naman sanang si Tita.
Ilang minuto na akong nakasalampak sa sahig, ngunit wala akong balak tumayo. Tahimik lamang akong umiiyak. At sa bawat minutong lumilipas na hindi pa din dumadating si tita ay mas pinanghihinaan ako ng loob. Hanggang sa lamunin na nga ako ng antok dahil sa labis na panghihina.
"Eve! Eve! Naku ano bang pinaggagawa mong bata ka? Basang-basa ka at inaapoy ka pa ng lagnat!"
"Sige, hijo. Dito mo na lamang siya ilagay. Salamat ha?"
Pinilit kong buksan ang mata ko para malaman kung totoo ba ang naririnig ko.
Tama ba? Naririnig ko ang boses ni tita. Nandito nga ba siya?
"T-tita..." Pinilit kong sabihin bago ako ulit pumikit at mahimbing na natulog.
Tama. Nandito pa din si tita. Salamat. Salamat po.
Sa kabila ng nangyari kahapon ay ngiting-ngiti pa din akong pumasok sa eskwelahan. Katakot-takot na sermon ang natanggap ko kay tita pero masaya pa din ako. Nalaman kong may nangyaring emergency kaya wala si tita sa bahay pagdating ko. Tinanong niya rin kung anong nangyari sa pisngi ko. Ang sabi ko lamang ay gawa ng vase na nabasag.
Mas lumala naman ang pagtingin sa akin ng mga estudiyante. Gawa siguro ng negatibong numero. Masakit din sa tainga at damdamin ang mga pinagsasabi nila.
"Malapit na kaya siyang mamatay?"
"Naku, wag nating lapitan. Baka multuhin pa tayo niyan."
Mapait akong napangiti. Buhay pa nga ako ngunit pinapatay na nila ako sa isip nila. Pero ayos na din. At least walang lumalapit sa akin. Nang akala kong lilipas lamang ng maayos ang araw ay hindi pala. Mali ako.
P.E time. Kadalasan ay hindi naman ako uma-attend dito. Hindi naman kasi ito gaanong mahalaga at wala din namang pakialam ang teacher namin. Ngunit sa hindi inaasahan. Bigla na lamang may nag-announce na umalis na ang P.E teacher at iyong bagong pumalit ay istrikto sa attendance. Kaya wala akong ibang nagawa kundi ang um-attend. Ayos lang. Attendance lamang naman ang kailangan ko. Swimming rin pala ang gagawin. Mas hindi ako pwedeng um-attend. Naalala ko tuloy dati, madalas akong lumangoy sa ilog. Nang mailista ko na ang pangalan ko sa attendance sheet ay pupuslit na sana ako paalis nang harangin ako ng dalawa sa mga kaibigan ni Dara. Pareho silang naka one piece swimsuit.
"Oh, nerdy? Hindi ka nanaman a-attend? Tsk.Tsk. Bad yan ha."
"W-wala din naman akong suot." Pagdadahilan ko.
"Anong wala? Lahat tayo may nakahanda nang susuotin." Pataray na sabi pa ng isa at sabay nila akong pinagtulakan papasok sa changing room at ibinato ang isang one piece swimsuit din na kagaya ng sa kanila.
"Wag ka nang magbalak na umalis. Babantayan ka namin dito." Sigaw pa nila sa labas.
Mahigpit akong napasabunot sa buhok ko at napakagat ng labi. Ano? Anong gagawin ko? Paano na?
"Antagal mo naman! Tagalan mo pa at papasukin ka namin!" Dahil sa sinabi nila ay dali-dali akong nagbihis. Matapos noon ay lumabas na ako sa silid. Pataray naman akong sinalubong ng dalawa.
"Naka bathrobe? Di na nakakapagtaka. Madami ka sigurong pekas." Komento ng isa.
"Tara na!" At kinaladkad nanaman nila ako. Ngunit sa gitna ng paglalakad ay napahinto kami nang may pumasok pang mga estudiyante bukod sa amin.
"Pagsasamahin nga pala iyong tatlong course ngayon, noh?"
"Oo nga. OMG GIRL! Si Vaughn nandito!"
"Ahmp! Kasama niya yung pang-anim, pang-apat at panglabindalawa sa hanay."
"Ay, sayang!"
Halos lahat ng mga estudiyanteng malapit sa amin ay iyon ang usapan. Tumahimik lamang nang dumating ang teacher. May mga sinasabi siya ngunit hindi ko na gaanong inintindi. Mas mahalaga sa akin ay iyong kung paano ako makakaalis dito gayong napakaimposible dahil hawak ako sa magkabilang braso ng dalawang babae. Paminsan-minsan din ay napapasulyap ako kay Vaughn na nakaupo lamang habang pinaglalaruan ng isang hinlalaki ang labi.
Nagsimula nang magtawag si Sir kung kaya't mas kinabahan ko. Mahigpit pa din ang pagkakakapit sa akin ng dalawa.
"N-naiihi na ako."
"Hmp! Edi pigilan mo!"
Hanggang sa tawagin na nga ang pangalan ko.
"Maria, Eva!"
"Oh, ikaw na! Tanggalin mo na 'yan."
"Maria, Eva?!"
"Ano ba? Tanggalin mo na 'yan!"
"Nasaan ba si Eva Maria?"
"Nandito po siya sir! Ano ba? Tanggalin mo na sabi eh!"
Pilit ko mang pigilan sila ay mas malakas sila sa akin at hindi rin nagtagal ay natanggal na nila ang robang suot ko at mabilis akong itinulak sa pool. Hindi ko lang alam kung nakita iyon ng teacher, ngunit wala na akong pakialam. Ang gusto ko lamang ay ang makaalis na dito bago pa mawalan ng bisa ang pangkulay na ginamit ko sa katawan ko, at ang mga pekas na ginawa ko sa mukha ko. Ayos lang sana kung tubig lamang talaga ito, ngunit may halo itong chlorine na mabisa ding pang-alis sa pangkulay na ginamit ko sa balat ko. Isa pa, humahapdi nanaman ang sugat sa pisngi ko.
Dali-dali akong lumangoy papunta sa gilid at umalis sa pool. Nang makaakyat na ako ay habol hininga akong napaupo. Mabilis na kumilos ang katawan ko at hindi na nakapag-isip nang humapdi ang mata ko at dali-dali kong inalis ang contact lens ko. Tiyaka lamang ako natauhan nang mapatingin ako sa braso ko at makitang puti ang kulay nito. Kinapa ko din ang buhok ko at malambot ito at mahaba. Ang mabilis na pintig ng puso ko ay mas bumilis pa nang mapatingin ako sa mga taong nasa paligid ko at lahat ay may gulat na ekspresiyon. Napahinto ang tingin ko kay Vaughn na kunot ang noong nakatingin sa akin ngunit hindi din maipagkakaila ang gulat sa kaniya.
"LAHAT NG MATA SA IBABA TUMINGIN!" Tila kulog na dumagundong ang boses ni Vaughn na maging ang teacher ay napatingin na sa ibaba. Pwera sa akin. Dahil ang unang pumasok sa isip ko ay tumakbo... at iyon nga ang ginawa ko.
Ngunit nang malapit na akong makalabas ay bigla na lamang may kamay na humila sa braso ko at nakulong ako sa mga bisig nito.
Isang bulong sa kanang tainga ang nagpatigil sa mundo ko.
"Found ya', my sweet." Pagkatapos ay isang mababaw na halik ang iginawad niya sa isang bahagi ng leeg ko.
***
-GiocosaRagazza
VOTES AND COMMENTS ARE HIGHLY APPRECIATED 😊😊