Kabanata III
"Hindi... HINDI!"
"Eve! Eve! Gising! Binabangungot ka!"
Dahil sa narinig ay agad akong napabalikwas ng bangon. Napakabilis ng aking paghinga na para bang sumali ako sa isang marathon. Paulit-ulit ko ding tinapik ang aking dibdib dahil pakiramdam ko ay makakatulong iyon sa akin. Ramdam ko din ang mabining paghaplos sa aking likod. Tiyaka ko lamang inilibot ang aking paningin makalipas ang ilang minutong paghahabol ng hininga.
"M-maam Oliveros?"
"Oo, Eve. Ano ba't grabe ka kung makasigaw? Ano bang napanaginipan mo? Halos mabulahaw na ang buong mansiyon eh."
Kunot ang noo ko habang nakikipagtitigan kay maam Oliveros at inikot ulit ang aking paningin sa silid na aking kinalalagyan. Pagkatapos ay mistulang natulala ako habang nag-iisip. Bangungot? Lahat ng iyon ay isa lamang bangungot?
"N-nasaan po ako?" Mahina kong tanong.
"Nandito ka sa mansiyon ng mga Arden."
"A-arden? N-nandito po ba si, si..." Ni pangalan niya ay hindi ko mabanggit sa sobrang pagkatakot na nararamdaman ko.
"Wala. Wala siya dito. Hindi naman siya dito nakatira."
"S-sigurado po kayo?"
"Oo. Bilang na bilang lamang ang pagpunta niya dito. At iyon ay kung may selebrasyon lamang na dito talaga ginaganap." Nagtatakang pahayag ni Maam Oliveros. "Eh bakit mo ba tinatanong?" Kyuryoso niyang tanong.
Nangyari na ito sa panaginip ko. Sigurado ako. Ngayon tuloy ay nahihirapan akong paniwalaan ang sinasabi ni Maam Oliveros. Sariwa pa din sa akin ang lahat. Ang pagkabunyag ng aking sekreto, ang hiwa sa aking pisngi at ang, ang... Tama! Ang negatibong numero.
Sa naalala ay dali-dali akong naghanap ng salamin.
"S-salamin po, maam Oliveros! Pahiram po ng salamin!" Naguguluhan man ay inabutan pa din niya ako ng salamin.
"Ano bang nangyayari sa'yo?"
Agad-agad kong tinignan ang aking leeg kung mayroon ba doong negatibong numero at sa kabutihang palad ay wala naman. Nakahinga ako ng maluwag.
"Naku, Eve. Epekto ba 'yan ng ginawa nila sa'yo? Mahapdi pa ba? Patawarin mo ako eve at huli na nang malaman ko ang ginawa nila sa'yo." Malungkot niyang saad. Sa sinabi ni maam Oliveros ay tiyaka ko pa lamang naalala ang nangyari sa akin. Iyong mga antic, at iyong mga ipis.
Agad na gumapang sa akin ang kilabot nang maalala ko iyon. Maluha-luha kong tinignan ang aking balat. Mamula-mula ito at mahapdi. Ngunit hindi naman ganoon kahapdi. May inilagay yata sila sa aking balat nang sa ganun ay humupa ang hapdi nito.
Tila nawala sa aking isip na may kasama ako at agad kong tinignan ang maseselang bahagi ng aking katawan. Kahit ang mga kasingit-singitan ko ay malala din ang inabot. Kita ko naman sa aking gilid ang pag-iwas ng tingin ni Maam Oliveros.
Matapos ang ilang minutong pagtingin sa aking balat ay tiyaka ko pa lamang naalala na iba ang aking suot, at ang kulay ng aking balat... puti.
"M-maam. A-alam niyo na po ang..." Hindi ko maituloy ang nais kong sabihin. Tango naman ang isinagot ni Maam Oliveros.
"Oo, eve. Alam ko. Hindi ko lubos maisip kung bakit mo itinatago ang iyong totoong anyo gayong napakaganda mo naman. Daig mo pa ang mga naggagandahang artista at mga modelong nakita ko."
"Pakiusap po! Wag niyo po sanang—"
"Sshh... Wag kang mag-alala, ligtas ang sekreto mo sa akin. Kung anoman ang dahilan mo, igagalang ko. Kung ayaw mong sabihin ang dahilan, irerespeto ko. Hindi ko na uusisain pa." Paninigurado niya sa akin at pagkatapos ay binigyan ako isang magaang ngiti.
"Ah. Ito nga pala, kainin mo muna ang sopas na inihanda ko para sa'yo." Sa sinabi ni maam Oliveros ay tiyaka ko pa lamang naramdaman ang gutom ko. Napatawa naman siya nang marinig niya ang malakas na pagkalam ng aking sikmura. "Mukha ngang gutom na gutom ka na. Heto at kumain ka na." Nakatawang pahayag ni Maam Oliveros.
"S-salamat po." Magana kong kinain ang sopas na mismong si maam Oliveros pa ang nagluto. Napakalaki ng pasasalamat ko dahil nandito si Maam. Pakiramdam ko ay may tagapagtanggol sa anyo ni Maam.
"I-iyong nanay niyo po pala maam." Pagtatanong ko nang maalala ko ang isang pangyayari sa aking panaginip.
"Si Inay? Bakit mo naman naitanong?"
"Ah, wa-wala lang po. Naisip ko lamang po." Nakangiwi kong saad.
"Ahhh... Kasama ko nga pala siya sa pag-aasikaso sa'yo kanina. Wag kang mag-alala, hindi naman madaldal si Inay."
"Ganoon po ba? Pupwede ko po ba siyang makausap? Gusto ko lamang pong personal na makapagpasalamat din sa kaniya."
"May ginagawa pa siya ngayon. Hayaan mo't mamaya ay sasabihan ko siya."
Nagtagal pa si Maam Oliveros at matagal din kaming nakapagkwentuhan. Sinabihan pa niya ako ng mga bagay na dapat kong tandaan. Sinabi niya din sa akin na ipinaalam na niya kay tita na nandito ako. Ang alam ni tita ay may event sa school at nagtutulong-tulong kaming mag-isip ng mga plano dito sa mansiyon ng mga Arden. Ikinuwento din sa akin ni Maam kung gaano ang pag-aalala ni tita nang tawagan niya ito. Naiwan naman akong nag-iisip. Hindi naman ako dinadalaw ng antok at kahit anong gawin ko ay hindi pa din ako komportable gayong nararamdaman ko pa din ang hapdi sa aking balat. Ayaw ko din namang lumabas pa dahil hanggang ngayon ay may pangamba pa din sa akin dulot ng aking napanaginipan kani-kanina lamang. Isa't kalahating araw rin pala akong natulog.
Found ya', my sweet
Paulit-ulit kong ipinabaling-baling sa kanan at kaliwa ang mukha ko nang maalala ko iyon. Kailangan talaga ay maidistansiya ko na ang sarili ko sa kaniya. Hindi pwedeng magkalapit kami. Pero paano iyon? Kaibigan ko si Aela at isa siya sa hanay ng mga babae ni Vaughn Zephyr Arden. Pero ayaw ko naman siyang layuan. Siya lamang ang nag-iisa kong kaibigan at hindi ko naman iyon pinagsisisihan.
Si Aela. Ano na kayang nangyari sa kaniya? Huli ko siyang nakasama ay noong unang pagkikita din namin ng lalaking iyon makalipas ang dalawang taon na talagang hindi ko inaasahan. Kung kailan naman maayos na ang buhay ko at unti-unti na akong nakakabangon ay tiyaka ko pa siya makakaengkwentrong muli.
"Aela, patawad. Nang dahil sa akin, mapapahamak ka pa." impit akong umiyak nang maalala ko kung saan siya pinadala ng lalaking iyon. Silid-parausan.
Pangalawang araw ko na ngayon sa mansiyon at gaya ng sinabi ni Maam Oliveros ay wala nga akong Vaughn na nakikita kaya naman malaya akong nakakapag-ikot. Ah, hindi rin pala. Dahil kapag naglilibot ako ay madalas akong nakakatanggap ng mga masasamang tingin galing sa mga trabahador ng mansiyon. Tanging si Maam Oliveros lamang at ang nanay nito na si Manang Felicia ang nakakausap ko sa mansiyon.
Inililibang ko na lamang madalas ang sarili ko sa pagtingin ng mga paintings sa bawat pasilyong madadaanan ko. Suot ko naman muli ang balat-kayo ko habang naggagala-gala. Hindi pa kasi ako pwedeng umuwi sa kadahilanang medyo halata pa ang mangilan-ngilang pantal at mamula-mulang balat ko. Hindi ito pwedeng makita ni tita.
Nakapagtataka nga ngayon dahil wala akong gaanong nakikita na trabahador. Maging sila maam Oliveros at si Manang Felicia ay hindi ko din mahagilap.
"Nasaan kaya sila?" tanong ko na lamang habang ipinagpapatuloy ang pagtingin sa mga paintings. Kung saan-saan na nga din ako napadpad. Baka makasalubong ko din kasi ang kahit isa sa dalawa.
"Sino ka?"
Nanginig ang binti ko at gumapang ang takot sa akin nang marinig ko ang baritonong boses na yun na sa likod ko lang nagmumula.
"Sagutin mo ang tanong ko babae. Sino ka? Humarap ka sa akin at magpakilala kung ayaw mong may mangyaring tiyak kong hindi mo gugustuhin." Halata ang panganib sa boses niya na lalong nagpakabog ng dibdib ko. Ito na ba iyon? Mangyayari na ba talaga? Nanatili akong nakatalikod at mistulang tuod na nakatayo lamang at nakatulala sa painting sa harap ko.
"Hindi ka ba talaga sasagot? Pagkabilang ko ng tatlo at hindi ka pa din humaharap, pasensiyahan na lamang tayo. Talagang sasamain ka sa akin." Napapikit na lamang ako sa patuloy niyang pagbabanta.
"Isa..." Mabagal niyang pagbilang.
"Dalawa..." Dinig ko ang sunod-sunod na pagtunog ng kaniyang sapatos na para bang naiinip na siya.
Bago pa man makaabot sa bilang na tatlo ay agad na akong humarap. Mabuti na lamang talaga at nakakuha pa ako ng lakas na gawin ito. Gayong halos matumba na ako sa panlalambot.
"Haharap ka din pala, pinag-antay mo pa ako."
Nakangising saad niya sakin.
Nang mapag-alaman kong hindi naman pala ito ang lalaking iyon ay nakahinga ako ng maluwag. Ngunit dala na din siguro ng sobrang takot ko kanina ay bigla na lamang akong nanghina. Ang huli ko lamang narinig ay ang kaniyang pagsigaw bago ako kinain ng kadiliman.
Iminulat ko ang aking mga mata nang masilaw ako sa ilaw. Dinig ko din ang mahinang pag-uusap sa aking paligid.
"M-maam Oliveros." Turan ko nang maulinigan ko siya.
"Gising ka na pala. Ano ba naman at bigla-bigla ka na lamang nahihimatay?"
"Haha! Noon pa man ay madami na talaga ang nahihimatay sa kagwapuhan ko."
Sukat sa narinig ko ay agad kong hinanap ang pamilyar na boses na iyon. Hindi kalayuan sa akin ay may nakatayong lalaki. Malaki din ang ngisi nito sa labi habang nakatingin sa akin. Nakataas din ang dalawang kilay nito. Agad kong inilayo ang aking paningin sa kaniya nang kumindat siya sa akin.
"Sino po siya?" Kunot-noo kong tanong.
"Siya? Siya si Master Zen Carter. Pinsan siya ng binatang Arden."
Sa narinig kong iyon ay kamuntik-muntikan nanaman akong mahimatay. Mabuti na nga lamang at naagapan nila Maam. Isa na namang taong pwedeng maglapit sa akin sa kaniya. Napakamalas ko nga naman talaga.
'Hindi tulad ng binatang Arden, mabait siya.' Ang mga salitang iniwan sa akin ni Maam Oliveros bago nila ako iwan para makapagpahinga.
"Mabait siya? Pero isa siyang Arden."
"Carter, Zen Carter. I'm not a pure Arden." Halos mapalundag ako nang may marinig akong nagsalita. Malaki ang ngiti sa mukha ng lalaking nagpakilalang si Zen. Sa sobrang lalim siguro ng mga iniisip ko hindi ko na napansin ang pagpasok niya.
"A-ano pong ginagawa niyo pa dito?" Tanong ko, pagtapos ay pasimple akong napakagat-labi. Bakit kailangan kong mautal?
Hindi ko rin siya matignan ng diretso. Hindi man ganun kabigat ang presensiya niya, di tulad ng kay Vaughn, ay kababakasan pa din ito ng awtoridad, at kung anong malakas na awra, na ang sabi nga ni maam Oliveros ay likas na sa mga Arden.
"Bakit? Ayaw mo ba ako dito? Hindi ka komportable?"
"Hindi po. Ah, I mean, opo. " Maging ako ay nalilito sa kung anong isasagot ko. "E-ehem! Bahay niyo naman po ito. Kaya po walang problema ang pagpunta niyo dito."
"Oh, so my presence does makes you uncomfortable." Turan niya sa sarili at tumango-tango pa. Hindi ko naman alam kung saan ako titingin.
"G-gusto niyo po bang umalis na ko dito? Patawad po talaga. Nagising na lamang po ako na nandito na ako. H-hindi pa naman po ako pwedeng umuwi dahil baka makita ng tita ko ang..." Hindi ko na naituloy ang sasabihin ko dapat dahil nakaramdam ako ng pagkailang nang dahan-dahan niyang inilapit ang mukha niya sakin habang unti-unti namang namumuo ang ngisi sa kaniya.
Napakuyom ako ng kamao nang makalapit na siya sa akin ng husto at tinignan niya ako ng malagkit. Pakiramdam ko ay nakahubad ako sa harapan niya kung titigan niya ako. Tiyaka lamang siya nagsalita matapos niyang basain at kagatin ang kaniyang labi. Hindi parin nabubura ang kaniyang pagkakangisi
"Silly. Bakit naman kita papaalisin? Napakasama ko naman kung gagawin ko iyon. Hindi naman ako katulad ng pinsan kong si Vaughn na halang ang kaluluwa. Sabi mo nga, hindi ka pa pwedeng umuwi. Maari kang manatili dito hanggang sa gumaling ka na." Pagkatapos ay nagbigay siya ng magaang ngiti at ginulo ang buhok ko na siyang ikinatulala ko. Pagkatapos ay bigla nanaman siyang nagseryoso.
"Your mark. I see. Isa ka sa mga nakatikim sa kasamaan ng pinsan kong walang magawa sa buhay." tiim ang bagang niya nang sabihin niya ito. Malakas ang kabog ng dibdib ko nang sipatin niya ang marka ko. Pigil ang hininga ko ng haplusin niya pa ito. B-bakit? Umiinit yata?
Mas lalo pa niyang inilapit ang mukha niya sa akin at hinawi ang buhok ko.
Tiyaka lamang ako nakahinga ulit nang inilayo na niya ang sarili niya sa akin.
"Don't worry. Poprotektahan kita. Dahil lahat ng kalaban ni Vaughn, kakampi ko." Makahulugan niyang saad. "Magpahinga ka na." dagdag niya bago tuluyang nilisan ang silid.
Lahat ng kalaban ni Vaugh, kakampi niya? Magkaaway sila?
Sa ikaapat na araw ay pinayagan na akong umuwi ni Maam Oliveros. Hindi naman na kasi ganun kahalata yung sugat ko, pwera nalang kung tititigan talaga ng malapitan. Marami ding paalala si Manang Felicia sa mga ointment at kung ano-ano pang ilalagay ko dapat sa balat ko. May mga ipinaiinom din siya sa akin para mas gumanda pa daw ang kutis ko at hindi gaanong maapektuhan yung balat ko sa mga pinaglalagay ko para sa disguise ko.
Sa apat na araw kong itinagal sa mansiyon ng mga Arden ay talaga namang alagang-alaga ako ni Manang Felicia dahil gabi-gabi pa niya akong ipinaliligo sa gatas. Hindi daw niya kasi yun nagawa kay Maam Oliveros noong bata pa ito, dahil ayaw ng huli. Kaya nga napakarami kong bitbitin pagdating ko sa bahay.
Kung tutuusin nga ay maayos na ang buhay nila maam Oliveros at pwedeng-pwede na silang umalis sa paninilbihan sa mansiyon. Sadyang napalapit na daw kasi sila sa mga Arden. Sabi pa nila ay mababait naman daw talaga ang mga magulang ni Vaughn. Ngunit madalas naman itong wala at laging nasa ibang lugar gawa ng trabaho nila. Kaya naman naiwan si Vaughn sa lolo nitong ayon kay Manang Felicia ay siyang napagkunan nito ng ganoong kasamang ugali. Likas daw talaga itong malupit at hindi tumatanggap ng pagkakamali. Napakaistrikto nito kay Vaughn at tutok talaga dito. Ngunit ganoon pa man ay mahal naman daw ito ng kaniyang lolo. Iyo nga lamang ay lumaki talaga ito sa bugbog. At tatlong taon na din raw mula nang bawian ito ng buhay.
"Umamin ka nga, Eve. Ano ba talaga ang ginawa mo? Ano itong mga 'to? Binibentahan ka ba ng guro mo?" Kunot ang noong pagsisiyasat ni tita habang tinitignan ang mga laman sa bag ko. Napapakamot na lamang ako ng ulo. "Aba't may mga ointment pa."
"Ah, kasi po tita. Marami po kasing ganiyan si Maam, kaya binigyan niya kami. Iyong mga ointment po naman, n-nahigad po kasi ako noong libutin ko iyong garden nila." Pasimple akong napakagat-labi matapos kong magsinungaling.
"Ganun? Napakagalante naman ng guro mo." Nakanguso naman niyang pahayag. Napanguso na lamang ako sa inaakto ni tita.
"Kung gusto niyo, sa inyo na lamang po iyong iba." pang-uuto ko pa.
"Ay naku, Eve. Matanda na ako para diyan." Sagot lamang ni tita kahit halata namang gusto niya talaga.
"Sus! Si tita pakipot pa." pang-aasar ko pa. "Sige po, share na lamang po tayo. Hindi ko rin naman 'yan araw –araw magagamit." Sabi ko na lamang para kahit papaano ay hindi na mahiya si tita.
"Sige na nga." Malaki ang ngiting sagot niya. Napangiti na lamang din ako sa huli.
Sana. Sana hindi mabura ang ngiting 'yan. Dahil isa yan sa mga dahilan kung bakit nakakaya kong magpatuloy.
Lunes na ulit ako pumasok. At gaya ng mga nagdaang araw ay ganoon pa din ang mga tingin nila sa akin. Hindi humuhupa at sa halip ay lalo pang lumala ang pandidiring ipinapakita nila sa akin habang nakatingin sa marka ko. Ayos lamang naman sakin hangga't wala silang ginagawang makakapanakit sa akin di tulad noong naranasan ko noong nakaraang linggo. Bukod pa doon ay naririnig ko din ang mga bulungan tungkol sa pinsan ng prinsipe na mag-aaral na din daw dito. Ano naman kayang balak ng Zen na yun? Base sa mga naririnig ko ay hindi pa nila nakikita si Zen at hindi din nila alam ang pangalan niya.
Akala ko nga ay lilipas ang araw na iyon na hanggang tingin lamang sila sa akin nang harangin nanaman ako ng grupo ni Dara. Hindi talaga siya titigil hangga't nakikita niya ako dito.
"Balita ko napagtripan ka daw ah?" Saad niya matapos akong suriin. Hindi naman ako sumagot.
"Mukha namang maayos ka na. Wala ng bakas ng mga, ano nga iyon girls?" pangbubuyo niya pa. "Right, ants and ewww... cockroaches." Turan niya ng nakangiwi. Magsasalita pa sana siya nang sa di kalayuan ay may tumawag sa akin.
"Eve! Eve!" Kaway ni Zen. Hingal na hingal siya nang makarating sa akin at walang pasabing inakbayan ako. Dahil doon ay mistulan nanaman akong naging tuod at nag-uumpisa nanamang magkarera ang puso ko. Amoy ko pa ang pabango niyang siguradong ginto ang presyo.
"Sino sila, Eve? Mga kaibigan mo?" buo ang ngiti niyang saad. Agad namang umapila si Dara matapos ring mapatulala gawa ng Adonis na bigla na lamang dumating.
"What? No! Sinong gustong makipagkaibigan sa isang mababang uring katulad niya? At s-sino ka ba ha?" Lakas-loob na tanong pa ni Dara. Tumingin ako kay Zen at nakataas ang isang kilay niya habang sinusuri ang grupo ni Dara. Matapos ay naging seryoso ang ekspresyon niya.
"Zen Carter." Pakilala naman niya.
"Zen Carter? Hindi familiar, kaano-ano ka naman ng babaeng yan?" taas ang kilay ni Dara habang nakatingin siya sa akin at bigla ulit ngumiti nang harapin naman niya si Zen.
Bakit ganoon? Bakit naiinis ako habang nakikitang nakikipagtitigan si Zen?
"Kaibigan niya ko." Sagot lang niya.
"Kaibigan." Ngisi naman ni Dara at mapang-akit na binasa ang labi. Lahat naman kami maliban kay Zen ay nagulat nang makarinig pa kami ng isang malalim na boses.
"So, totoo ngang nandito ka na. Ano naman ang sadya mo dito?" Tanong ni Vaughn matapos makalapit kay Dara. "At kasama mo pa ang babaeng yan." Dagdag pa niya habang seryosong nakatingin sa naka-akbay na braso ni Zen. Sinubukan ko naman itong alisin dahil sa pagkailang ngunit tila mas humigpit pa ito.
"Wala ka talagang pinagbago, Insan." Nakangising saad lamang ni Zen habang nakatingin sa seryosong si Vaughn. Agad namang bumadha sa mukha nila Dara at ng grupo nito ang gulat nang marinig iyon, maging ang mga kalapit na tao. "Well, nandito kasi si Eve. Kaya sinundan ko." Lahat kami ay napataas ang kilay sa sagot niya. Nagtataka akong napalingon sa kaniya. Ano ba talagang trip ng isang ito.
"Akala ko ba kaibigan mo lamang siya?" Apila naman ni Dara na parang hindi talaga nagustuhan ang narinig.
"Kaibigan? Hmm..." Hinimas-himas niya ang baba niya ng isa niya pang kamay na parang nag-iisip, pagkatapos ay bigla na lamang ngumisi. "Ganoon ba ang sinabi ko? Ang ibig kong sabihin ka-ibigan." Nakangisi pa siyang lumingon sa akin. Halos maduling naman ako sa distansya ng mga mukha namin. Lalo namang nagulat sila Dara sa narinig, maging si Vaughn ay hindi makapaniwala.
"Nagpapatawa ka ba, Carter?" Ngisi naman ni Vaughn ngunit malamig pa din ang pagkakatitig. Halos manlambot naman ako nang mapadako naman sa akin ang tingin niya. Tiyaka pa lamang inalis sa akin ni Zen ang tingin niya at maangas na nakipagtitigan kay Vaughn, ngunit hindi din nagtagal ay ibinalik sa akin ang titig. At ang sinabi naman nito ang halos nagpalambot ng binti ko at nagpabilis ng tibok ng puso ko.
"Bakit? Maganda naman siya ah." Seryoso niya pang sabi. Sunod-sunod naman akong napalunok.
"Kalokohan." Sarkastiko namang napatawa si Vaughn.
"Hindi ako nagpapatawa, Arden." Seryoso namang sagot ni Zen at ibinalik ulit ang tingin kay Vaughn. Bigla namang bumaha ang pagbubulungan. Dama din ang tumataas na tensiyon sa pagitan ng dalawa.
"Pa'no yun? Magkakaroon ba siya ng Pardon?"
"Oh my! Kung bibigyan siya ng pardon, pangalawa na 'to!"
"So, ligtas na si Nerd?" ilan lang yan sa mga naririnig ko.
Pardon? Ano ba ang Pardon na yun? Bakit ako magkakaroon ng pardon? Higit sa lahat, makakatulong ba sa akin ang pardon na sinasabi nila?
***
-GiocosaRagazza
VOTES AND COMMENTS ARE HIGHLY APPRECIATED 😊😊