Paalis na si William patungong Canada. Iniisip pa rin niya kung pupunta kay Helena para magpaalam o hindi na.
"Bakit ako magpapaalam sa kanya eh wala naman kaming relasyon sa isa't isa", ang nasabi ni William sa kanyang sarili.
Subali't sa isip at puso ni William ay madalas parang hinahanap niya si Helena, at kung bakit ay hindi niya maipaliwag.
Buo na ang pasya ni William, aalis siya na hindi nagpapaalam kay Helena dahil hindi niya masagot sa sarili niya kung bakit at ano ang dahilan at magpapaalam siya dito.
Hapon ang alis niya patungong ibang bansa at may oras pa siyang pumunta kay Helena upang magpaalam at sa pagkakataong ito susuwayin niya ang kanyang isip na huwag na at susundin ang tibok ng kanyang puso, magpapaalam muna siya bago umalis.
"Henry, samahan mo ako sa ospital."
"Ha? Bakit?"
"Basta samahan mo ako bago mo ako ihatid sa airport."
Sa ospital
"Helena, kumusta na si Harry?" ang sabi ni William.
"Ayan siya, William, anim na buwan na siyang ganyan."
"By the way, Helena, nagpunta ako para magpaalam sa iyo bilang kaibigan na rin na aalis na ako mamya patungong Canada upang doon magtrabaho."
"Ah, ilang taon naman ang kontrata mo doon?"
"Isang taon lang subali't kung ma-extend mas lalong maganda dahil makapagiipon ako ng puhunan para sa balak kong magtayo ng isang negosyo."
"Sige ingat na lang at good luck."
"Salamat, Helena, ingatan mo rin ang sarili mo para kay Harry. Alam kong mahal na mahal mo siya pero alagaan mo rin ang iyong sarili, baka magkasakit. Isa kang babaing karapat-dapat ibigin at pag-ukulan ng natatanging pagmamahal. At masasabi ko na masuwerte si Harry. Isama ko siya sa mga pray ko na sana gumaling na siya para sa iyong kaligayahan."
"Thanks, William for your concern. Tatandaan ko ang mga sinabi mo."
Ganoon lang ang naging paguusap ng dalawa. Gusto mang sabihin ni William kay Helena na naiinggit siya kay Harry ay hindi na niya nasabi dahil ayaw niyang ipadama kay Helena ang lihim nitong pagtingin sa dalaga.
Sa airport
"Paano, William, ingat ka na lang doon at good luck na lang", ang sabi ni Henry.
"Salamat at balitaan mo na lang ako."
"Siyempre, basta ikaw."
Niyakap ni William ang ina.
"Nay, ingatan mo ang sarili mo, bayaan mo kapag nagtagumpay ako ito ay para rin sa atin."
"Sige, anak, ingat ka na lang doon."
"Henry, bahala ka na kay inay ko."
"Huwag kang mag-alala ako ang bahala, nanay ko na rin siya, hindi ba?"
Umalis ang eroplano ng 4:30 ng hapon patungong Canada ng may tumawag kay Henry.
"Henry, si Helena ito, tanong ko lang kung nakaalis na si William?"
"Oo, Helena, mga fifteen minutes na, bakit?"
"Wala naman, sige bye."
"Henry, sino iyong tumawag?"
"Si Helena po iyong katipan ng tinulungan namin ni William, iyong nasaksak at dinala namin sa ospital."
"Helena ba ika mo ang tumawag?"
"Opo, bakit po?"
"Kasi, si William noong isang gabi ay nanaginip at habang umuungol ay may binanggit siyang pangalang Helena, pero hindi ko naman pinansin."
Dito na nag-isip si Henry. Mukhang tama ang hinala niya ka William na may pagtingin ito kay Helena, subali't hindi maaari iyon", ang bulong ni Henry sa sarili niya.
Si Helena ay tapos ng Fine Arts (painting) sa isang sikat na unibersidad at kadalasan ay siya ang laging pinupuri dahil sa mga naipinta nitong magagandang views o project.
Nagsasagawa din si Helena ng one-man exhibit ng painting niya at nagiging matagumpay naman siya.
"Helena, tuloy ba ang schedule ng exhibit mo sa isang buwan?"
"Pinag-iisipan ko pa mommy, hindi ko po kasi matiis na hindi bantayan si Harry sa ospital."
"Anak, Helena, hindi sa nakikialam ako sa takbo ng isip mo maging sa tibukin ng iyong puso, subali't bigyan mo naman ng malaking bahagi ang kinabukasan mo. Kung lagi kang nakabantay sa katipan mo ay hanggang kailan mo iyon gagawin. Patuloy mo siyang mahalin subali't mahalin mo rin ang sarili mo. Tingnan mo ang sarili, mjula ng maospital si Harry ay nahuhulog na ang katawan mo. Halos nga nakakalimutan mo ng kumain eh, at baka magkasakit ka naman anak", ang malungkot na sabi ng ina ni Helena.
Sa narinig ni Helena na sinabi ng kanyang ina ay medyo nakapag-isip isip si Helena dahil sa nangyayari ay totoo na malaki na ang nawawala sa kanya. Kaya upang harapin ang kanyang kinabukasan ay itutuloy na ni Helena ang balak nitong pumunta sa ibang bansa upang magpakadalubhasa sa propesyon na kanyang pinili at ito ay para na rin sa kanilang dalawa ni Harry.
At natuloy nga ang matagal na balak ni Helena. May schedule na ang kanyang pag-alis kaya magpapaalam na siya sa magulang ni Harry at maging kay Harry na rin.
"Inay, magpapaalam po ako sa inyo, pupunta po ako sa ibang bansa upang magpakadalubhasa sa aking propesyon."
"Sige, Helena, alam ko naman na ang gagawin mo ay para din sa inyo ni Harry. At hangad ko ang iyong tagumpay."
"Salamat po, inay, huwag ninyong pababayaan si Harry para po sa akin. Mahal na mahal ko po ang inyong anak", ang naiiyak sa sinabi ni Helena.
"Huwag kang mag-alala, Helana, itinuring ka naming tunay na anak at kung hindi lang ikaw ang mapapangasawa ni Harry, ng anak ko, ay wala na akong gugustuhin pang iba. Sobrang bait mo Helena."
"Salamat po, inay. Puwede po ninyo akong samahan kay Harry sa ospital?"
"Sige, iha, at magbibihis lang ako."
Sa ospital
"Dok, kumusta po ang anak ko?"
"Wala pa pong pagbabago, misis."
"Inay, kakausapain ko po si Harry, alam ko maririnig niya ako."
"Tayo na puntahan natin siya sa ICU."
"Harry, si Helena ito. Alam ko naririnig mo ako. Mahal na mahal kita Harry. Kailangan kong pumunta sa ibang bansa upang magpakadalubhasa sa aking propesyon at ang gagawin ko ay para rin sa ating dalawa", ang malungkot na paalam ni Helena kay Harry.
Nang matapos si Helena sa kanyang pagpapaalam kay Harry ay napansin niya na may tumulong luha sa pisngi ni Harry. Sa sitwasyong iyon ay hindi napigilan ang siya ay maluha din. Hinalikan niya si Harry sa noo at lumabas na ICU, dahil kung magtatagal pa siya sa loob ay baka magbago pa ang isip niya at huwag ng pumunta ng ibang bansa. Mahal na mahal niya ang katipan at siya lang lalaking makapagbibigay sa kanya ng ligaya, wala ng iba.
Bago tuluyang umalis si Helena ay mula sa pinto ay sinulyapan niya si Harry at matapos ibilin sa kanyang ina ay umalis na ito.
Sa bahay
"Helena, mag-iingat ka sa pupuntahan mo."
"Opo, inay, kayo din ingatan po ninyo ang inyong sarili, at balitaan na lang ninyo ako tungkol kay Harry."
"Oo, anak"
Anim na buwan ng nakaalis si Helena ay si William naman ang dumating mula Canada. Sinalubong siya ng ina nito at ni Henry.
"William, mukhang malaki ang ipinagbago mo hiyang ka sa ibang bansa ah."
"Oo, Henry, bagama't nakalulungkot din doon dahil naiisip ko kayo, si inay at ikaw din siyempre", at natawa si William.
"Anak, salamat at nagkita pa tayo."
"Ang inay ko,oo, nagdadrama na naman ha ha ha."
"Hindi siya nagdadrama, William, may sakit ang iyong ina ayaw lang ipasabi sa iyo dahil baka ka mag-alala pa."
"Ha? Bakit?" ang nabiglang tanong ni William.
"Sabi ng doktor na tumingin sa kanya ay nagkaroon ng kaunting problema sa kanyang paghinga dahil sa hindi wastong pagtibok ng kanyang puso. Binigyan lang siya ng mga gamot para siya guminhawa sa kanyang paghinga."
Sa narinig na iyon ni William ay labis siyang nabahala sa kanyang ina kaya inasikaso niya kaagad ang pagpapagamot dito at ng maoperahan ay naging maayos na ang pakiramdam ng kanyang ina.
"Inay, huwag na po kayong masyadong gagawa dito sa bahay at ako na po ang bahala basta patuloy po ninyong ipahinga ang inyong sarili."
"William, napakabait mong anak at sana magkaroon ka na ng isang mabait na asawa. Patuloy na ako sa aking pagtanda at gusto ko bago ako mamatay ay makita ko ang aking mga apo sa iyo."
"Inay, bayaan po ninyo at darating din ang babaing para sa akin. Iyong mamahalin ako ng tunay na pagmamahal", at natawa si William.
"Henry, punta ka dito sa bahay gusto kong balitaan mo ako at tuloy mag-inuman tayo."
"Okay, William, pero bukas na lang ako pupunta diyan sa inyo, may lalakarin lang ako ngayon."
"Sige, hihintayin kita at kapag hindi ka dumating pupugutan kita ng ulo ha ha ha."
"Inay, may balita po ba kayo sa taong dinala namin sa ospital?"
"Naku, anak, walang ibinabalita sa akin ang kaibigan mo, buti pa siya na lang ang tanungin mo."
"Inay, mamamasyal lang po ako sa mall, sabik na rin po akong makita ang mga dati kong pinupuntahan."
"Sige at umuwi ka sana ng maaga at baka magpunta si Henry."
"Bukas pa po kami magkikita ni Henry, inay."
Sa isang mall na pinuntahan ni William upang tumingin ng puwedeng bilhin ay hindi niya napansin ang kasalubong na babae at ito ay nabangga niya sa balikat. Isang magandang babae ng titigan niya ito.
"Sorry, miss, hindi ko sinasadya, Helena?"
"Okay lang, Amelia ang pangalan ko hindi Helena."
"Ah, sorry Amelia, sorry talaga."
At tuloy tuloy ng umalis si Amelia kaya hindi na naituloy ni William ang sasabihin nito.
"Sayang at hindi kami nagtagal sa pag-uusap magtatanong pa sana akong muli, pero hindi na bale. Kahawig siya ni Helena sa sobrang ganda. Ano bang nangyayari sa akin bakit sa tuwing makakakita ako ng magandang babae ay pangalan ni Helena ang nababanggit ko. Kumusta na kaya si Helena?" ang nasabi na lang ni William sa sarili.
Kinabukasan ay dumating nga si Henry kina Williamat may dala ng beer at pulutan.
"William nasaan ang ibibigay mo sa akin?"
"Mamaya na inuman muna tayo at magkuwentuhan."
"Anong gusto mong malaman o kaya ay ibahin ko ang tanong ko, sino ang gusto mong kamustahin si Harry ba o si Helena", ang sabi ni Henry na nagtatawa.
"Ikaw naman siyempre lahat ng alam mo sa kanila. Matagal akong nasa ibang bansa at gusto ko ring malaman ang tungkol sa kanila."
"Si Harry ay komatos pa rin sa ospital. At si Helena ay nagpunta ng Spain para maging dalubhasa sa kanyang propesyon, Fine Arts ang natapos ni Helena. Sobra siyang matalino, marami ang humahanga sa kanyang mga gawa."
"Ganoon ba! Kumusta na kaya siya?"
"William, alam ko na noon pang makita mo si Helena ay may pagtingin ka na dito, pero ang maipapayo ko bilang kaibigan mo ay kalimutan mo na siya. Limutin mo na ang damdamin mo sa kanya dahil wala rin namang patutunguhan kung gustuhin mo man siya."
"Salamat, Henry, totoo lagi ko siyang naiisip kahit nasa ibang bansa pa ako. Bayaan mo at pipilitin kong ibaling na sa iba ang aking damdamin."
"Ganyan ang gusto ko, o, inom pa tayo."
Isang taon ang matuling lumipas at bumalik na sa bansa si Helena na isa ng dalubhasa sa kanyang propesyon, isa na siyang sikat pagdating sa teknolohiya ng Fine Arts.
"William, ayoko sanang sabihin ito sa iyo pero malalaman mo rin naman kaya sasabihin ko na sa iyo na nakabalik na si Helena mula sa ibang bansa. At magkakaroon siya ng exhibit. Iyon ay kung gusto mong pumunta tayo."
Sa ibinalita ni Henry tungkol kay Helena ay hindi niya alam sa sarili kung magiging masaya siya o hindi.
"Henry, ikaw na lang ang pumunta hanggat maaari ay nais kong ilayo ang isipan ko kay Helena dahil kung lagi ko na naman siyang makikita ay lalo lang akong aasa sa isang bagay na walang katuparan, ang maging akin siya."
Hindi nga nagpunta si William, kaya si Henry na lang mag-isa.
"Henry, nasaan si William? Bakit ikaw lang mag-isa?"
"Ah, Helena, marami kasi siyang inaasikaso."
"Ganoon ba? Mayroon sana akong ibibigay sa kanya ng personal pero hindi bale at sa iyo ko na ipabibigay sa kanya. Salamat ha? Pakisabi na rin kinukumusta ko siya."
"Okay, makararating."
Hindi alam Henry kung ano ang laman ng nakabalot na bigay ni Helena para kay William. At ng ibigay kay William at buksan nila ay picture ni William na ipininta ni Helena.
"Wow, William, ang ganda, parang xerox copy mo yan ah", ang sabi ni Henry.
Picture ni William na ginawa ni Helena bilang pagtanaw ng utang na loob sa ginawa nito kay Harry.
"Oo, mahusay siyang magpinta, pakisabi na lang, Henry, salamat."
"Teka, ikaw na lang ang magsabi kay Helena dahil dadalawin natin si Harry sa ospital at tiyak na naroroon si Helena, hindi ba?"
"Okay, mabuti nga at ng makumusta ko na rin siya."
"William, nalimutan ko palang sabihin sa iyo na noong nakasakay ka na sa eroplano ay tumawag sa akin si Helena at itinatanong niya kung nakaalis ka na, sabi ko kaaalis mo lang, tinanong ko kung bakit, wala siyang isinagot. Ganoon lang, wala ng iba."
"Bakit kaya niya inalam kung nakaalis na ako?"
"Siguro para sabihin na ingat ka at hihintayin kita", ang biro ni Henry.
"Luko-luko", at natawa si William.
Dumalaw nga ang dalawa sa ospital at tiyempo naroroon si Helena.
"Helena, salamat sa ipinadala mo na picture ko. Totoong pinahanga mo ako sa galing mong magpinta. At nagulat ako sa iyo ngayon lalo kang gumanda",sabi ni William.
"Ah, oo, kasi nangako ako kay Harry na hindi ko pababayaan ang aking sarili, kaya eto medyo tumaba ako", ang tugon ni Helena na nakangiti.
"Alam mo Helena, noong nasa ibang bansa ako, ikaw at si Harry ang naaalala ko at lagi kong sinasabi na sana gumaling na si Harry upang maging maligaya kayo sa isa't isa."
"Salamat, William, at kapag gumaling si Harry at makasal kami, kayong dalawa ang magiging pangunahin naming abay sa kasal."
Sa sinabing kasal ni Helena ay may kung anong bagay na kumurot sa puso ni William at siya'y nalungkot dahil sa lihim nitong pagtingin kay Helana kahit alam niyang walang katuparan na mangyari ang kanyang nararamdaman para kay Helena.
Nang pauwi na ang dalawa at habang naglalakad
"Ano, William, napansin ko bigla kang nalungkot sa sinabing kasal ni Helena. Kaya upang hindi ka masaktan ng lubusan ay ibaling mo na lang sa iba kung ano ang nararamdaman mo sa kanya at ito ang madalas kong ipayo sa iyo, hindi ba?"
"Dapat nga, Henry, dapat ko ng limutin ang damdamin ko para sa kanya", ang malungkot na sabi ni William.