Chereads / BEAUTIFUL IN WHITE (Tagalog) / Chapter 7 - Episode 7- YOU CAME IN TO MY HEART

Chapter 7 - Episode 7- YOU CAME IN TO MY HEART

Sa huling pag-uusap nila William at Helena ay kapwa naging mabigat ang dinadala nila sa kanilang damdamin dahil kay William na napilitan siyang ipaalam kay Helena ang kanyang loobin dito subali't sinabihan siya ni Helena na ibaling na lang sa iba ang anumang damdamin meron siya kay Helena, at kay Helena naman bagamat nagkakaroon na ng pitak sa puso niya si William ay nagsinungaling siya dito na mahal din niya ito.

Halos isang linggo na walang ganang kumilos si William dahil lagi niyang naiisip ang sinabi ni Helena sa kanya.

"Tama ka, Helena, pero anong gagawin ko, ayaw magsinungaling ng puso ko", ang sabi sa sarili ni William.

"Anak, William, napansin ko na parang may gumugulo sa iyo", ang nababahalang tanong ng kanynag ina.

"Inay, may itatanong po ako sa inyo."

"Tungkol saan?"

Noon po bang nagpakasal ka kay itay, ikaw lang ba ang una niyang minahal?"

Hindi kaagad nakapagsalita ang ina ni William tungkol sa itinanong ni William.

"Ang totoo ay may ibang mahal ang ama mo."

"Ho? Paano po kayo nagkatuluyan ni itay?"

"Mahabang istorya, anak, at saka ko na ikukuwento sa iyo, tatanghaliin ka sa shop mo, sige na lakad na."

"Sige po inay alis na ako. Iyon pong gamot ninyo inumin na ninyo."

Muling nagkita si William at Henry.

"Henry, nagkausap kami ni Helena ng manggaling siya sa shop."

"Sa shop mo? Bakit siya nagpunta sa shop mo?"

"Isasama daw niya sa exhibit ang painting ng shop, kaya lang hindi pa niya tapos gawin."

"I see"

"Nagkaroon kami ng pagkakataon na buksan ang aming mga damdamin."

"Ano naman ang naging resulta ng pag-uusap ninyo?"

"Okay naman, at least kahit naging mabigat sa loob ko ang naging pag-uusap namin ay nalaman ko sa kanya mismo na si Harry ang lalaking makapagbibigay sa kanya ng tunay na kaligayahan."

"Ano ngayon ang plano mo?"

"Well, siguro panahon na talaga upang pakawalan ko na siya sa puso ko at buksan ito sa babaing para sa akin, kung hindi man katulad ni Helena ay isang babaing karapat dapat kong mahalin at ibigin ng wagas."

"Hindi ba iyan ang matagal ko ng ipinapayo sa iyo ha, William, ang ibaling mo na sa iba ang ano mang damdamin meron ka sa kanya dahil wala rin namang patutunguhan ang gusto mo? Basta mamalagi na lang ang maganda nating samahan bilang tayo pa rin, magkakaibigan, ikaw, si Helena, si Vicky, si Amelia, at ako. Ibalik natin ang dating masayang samahan, ano sa palagay mo, William?"

"Tama ka, Henry, at salamat lagi kang nandiyan para paminsan minsan ay nabibigyan ako ng payong kaibigan at ng suporta mula sa iyo, salamat."

Magkagayunman, sa kabila ng lahat ay paminsan minsan ay tinatanong ni William ang sarili kung talagang kabaliwan nga ang mahalin at ibigin ang isang babaing tulad ni Helena na nakatali na sa sumpaan nila ni Harry?

Isang taon na muli ang matuling lumipas at hindi alam nina Vicky, William at Henry na bumalik na sa bansa si Amelia.

Si Amelia naman, kahit isang taon ang lumipas ay hindi pa rin niya nakakalimutan ang magandang barkadahan nilang apat, siya, si William, si Henry,at si Vicky. Ang kanilang hindi malilimot na saya noong nagpunta sila sa Tagaytay, na totoong naging masaya siya noon. Isang kahapon na puno ng kaligayahan para sa kanya. Kaya dahil sa kasabikan na makibalita sa mga kaibigan ay pumasyal siya sa mall, sa shop na dati niyang pinagtatrabahuhan.

At ng makita siya ni Vicky ay wala itong pagsidlan sa tuwa dahil nakita ang kaibigan na isang taon ding nawala.

"Amelia, kumusta ka na? Ang ganda ganda mo ngayon, mas magand kaysa noon."

"Hindi ka pa rin nagbabago Vicky, bolera ka pa rin hangga ngayon", ang nakatawang tugon ni Amelia.

"Hindi naman, totoo ang sinasabi ko."

"Sige na nga, eh ikaw kumusta ka naman?"

"Heto, malungkot pa rin dahil wala pang prince charming ng buhay ko."

At nagtawanan ang magkaibigan, masayang batian dahil sabik sila sa isa't isa.

"Maiba ako Amelia, nakita mo ba doon ang prince charming ng buhay mo?"

"Ano ka ba, Vicky, alam mo naman na iniwan ko siya dito. At kahit mayroon doon na nagparamdam ng pag-ibig sa akin ay wala akong magustuhan sa kanila, siguro iba talaga ang tibok ng puso, makapangyarihan kahit bawalan mo ito. Wala sa kanila ang hinahanap ko sa isang lalake, tulad ni...William. Kumusta na nga pala sina William at Henry?"

"Bihira na lang silang pumasyal dito at alam mo ba kapag nandito sila, ang paksa ng usapan namin ay paulit ulit na lang, ikaw ang laging tinatanong sa akin, kumusta ka na raw , sana daw namimis mo rin daw kami, sana daw bumalik ka na dito, ewan ko ba."

"Ganoon ba? Miss ko na rin sila eh."

"Sila bang dalawa o si William lang?"

"Ikaw talaga, siyempre kayong lahat o ano masaya ka na?" ang tugon ni Amelia na halatang masaya ito sa pagbabalik niya sa bansa.

"Pero, Amelia, seryoso ako sa itatanong ko sa iyo."

"Ano na naman iyon, mabait kong kaibigan."

"Talaga bang si William ang nasa puso mo? Tapatin mo ako."

Sa tanong ni Vicky ay hindi kaagad nakasagot si Amelia. Huminga muna ng malalim at saka tinugon ang tanong ng kaibigan.

"Sa totoo lang, Vicky, si William lang ang nagpadama sa akin kung papaano ako tratuhin na isang babae, isa siyang maginoo, maalalahanin, at hindi pagsasawaang kausap, mayroon siyang sense of humor. Mga katangiang hinahanap ko sa isang lalake. Kaya lang ang masakit para sa akin... ay iba ang itinitibok ng puso niya... si Helena. Dahil doon napilitan akong pumayag sa gusto ng tita ko na doon na ako manirahan para makalimot... pero hindi pala, siya pa rin kahit ako ay nasasaktan", ang sabi ni Amelia na halata sa mukha ang kalungkutan.

"Ano ka ba Amelia? Pati ako gusto kong maiyak sa sinabi mo."

"Kumusta na nga pala iyong sinasabi niyang kamukha ko daw, si Helena?"

"Hindi ko alam, wala naman silang binabanggit sa akin tungkol doon. Teka Amelia, day-off ko bukas, gusto mo mamasyal naman tayo."

"Saan naman?"

"Eh, di kahit saan?" ang nakatawang sabi ni Vicky.

"Okay, magkita tayo dito, agahan mo ha?"

Kinabukasan ng magkita ang dalawa ay wala pa ring tiyak na pupuntahan kaya nag snack muna sila.

"Magkuwento ka naman sa akin, Vicky, iyong masaya, ayoko ng nakakalungkot."

"Ano naman ang ikukuwento ko na masaya, eh tingnan mo lang ang mukha ko ay malungkot na."

"Natatawa naman ako sa iyo ah, ano ka ba, magseryoso ka nga."

"Nasa ospital pala ang tiyahin ko, na stoke, dinala nila kagabi."

"Saang ospital?"

"Sa Saint Joseph Hospital, malapit sa Saint James Hospital."

"Eh, dalawin natin, tutal wala naman tayong tiyak na pupuntahan ah", ang sabi ni Amelia.

"Mabuti pa nga, nag-aalala na nga rin ako eh."

Dinalaw nga ng dalawa ang tiyahin ni Vicky at ng paglabas nila ng ospital ay nakita ni Vicky sina William na patawid patungo sa kinatatayuan nila.

"Hoy! William, Henry", ang bati ni Vicky na ikinagulat ng dalawa. "Saan kayo pupunta?"

"Nagulat naman kami sa iyo", sabi ni Henry.

"Hi! William, kumusta ka na?"

Napalingon si William sa bumati sa kanya.

"Amelia? Ikaw nga", ang hindi makapaniwala sabi ni William, dahil bigla siyang naging masaya ng makita si Amelia.

At maging si Henry ay nagulat din ng makita si Amelia. Dahil doon ay nagsalita si Vicky.

"Iyan ang hirap sa dalawang ito eh, kapag si Amelia na, hindi na ako pansin", ang sabi ni Vicky na parang nagmamaktol.

"Pansinin naman ninyo si Vicky", ang natatawang sabi ni Amelia.

Tinitigan ni William si Amelia, matagal.

"Ano ba William, huwag mo nga akong titigan at hindi ako sanay na tinitigan, para akong nalulusaw",ang pabirong sabi ni Amelia.

"Amelia, alam mo ba ng umalis ka na hindi nagpaalam sa akin? sa amin? Masamang masama ang loob ko."

"Bakit naman, hindi naman ako si Helena na iniwan ka", ang medyo pabirong tugon ni Amelia.

"Eh, kasi mula ng umalis ka ay wala na akong napaghihingahan ng aking mga problema na makapagbibigay ng payo sa dapat kung gawin, subali't ngayon nandito ka na at makita kang muli ay masasabi ko na .... miss na miss kita."

"Ikaw talaga, William, lagi mo na lang akong binobola eh alam ko naman na kahit wala ako ay nandiyan naman si Helena", at natawa si Amelia.

"Teka, siguro dapat samahan ninyo muna kami ni William."

"At saan naman?" tanong ni Vicky.

"Dito lang sa St.Joseph Hospital, dadalawin lang namin si Harry, at baka nandoon din si Helena, makilala din ninyo."

"Si Harry, iyong sinabi ninyo na dinala ninyo sa ospital dahil nasaksak?"

"Oo, at nakakaawa pa rin dahil komatos pa rin siya hangga ngayon."

"Ganoon ba? Sige sama kami."

Nagtuloy sila sa ICU at naroroon nga si Helena, binabantayan si Harry.

"Helena", ang bati ni William.

"Kayo pala Wiliiam."

"Kumusta si Harry?"

"Wala pa ring pagbabago."

"Kawawa naman si Harry", ang sabi ni Henry.

Katahimikan, at pagkatpos ay ipinakilala ni William sina Amelia at Vicky.

"Helena, mga kaibigan namin, si Amelia at ito naman si Vicky."

"Hello sa inyong dalawa. Nice to meet you."

"Nice to meet you too."

"Ikaw pala si Amelia, maganda ka, nabanggit ka na sa akin nitong si William, kaya lang matagal na iyon, hindi ko na tanda", ang sabi ni Helena na hindi inaasahan ni Amelia na maririnig kay Helena.

Nagtaka si Amelia sa sinabi ni Helena na nabanggit siya ni William dito, bakit? Iyon ang katanungang naiwan sa isip ni Amelia hanggang sa sila'y magpaalam na. Hindi niya inungkat iyon kay William, gusto niyang itanong iyon kapag silang dalawa na lang ang magka-usap.

"O saan ninyong gustong kumain, gutom na ako kanina pa", sabi ni Vicky.

"Ayan, sa wakas, pakakainin tayo ni Vicky", ang pabirong sabi ni Henry.

"Ano ako sira? Siyempre ikaw ang magpapakain sa amin", ang sabi ni Vicky na natatawa sa pang-aasar kay Henry.

Habang kumakain sila sa isang food chain

"Matanong ko lang Amelia, hindi ka na ba babalik sa mga tita mo sa states", tanong ni William na nagpalungkot kay Amelia.

"Bakit bigla ka yatang natahimik sa tanong ko?"

"Wala naman, naalala ko kasi si Tita ko, namayapa na siya noon pang isang buwan."

"Ganoon ba, condolence na lang. Kung gayon dito ka na mamamalagi", ang medyo masayang sabi ni William.

"O eh bakit ka parang masaya, dahil gagawin mo na naman akong sumbungan ng iyong problema?" sa sinabi ni Amelia ay ,masaya silang nagtawanan.

Hindi ngayon alam ni William kung ang tuluyang pamamalagi ni Amelia sa bansa ang siyang makapagpapabago sa takbo ng buhay niya o magbibigay sa kanya ng suliranin, sino sa kanilang dalawa ang ilalagi niya sa puso niya, si Helena o si Amelia?

Sa ospital naman ay nag-iisip si Helena kung matutuwa siya sa pagbabalik ni Amelia para kay William. Sa totoo lang nakaramdam siya ng kaunting pagseselos dito.

"William, sinabi ko sa iyo noon na ibaling mo na sa iba ang pag-ibig mo dahil si Harry lang ang lalaking makapagpapaligaya sa akin, subali't bakit ngayong may pagkakataon ka na ibaling sa iba ang damdamin mo ay parang tumututol ang puso ko? Bakit?" ang nasabi na lang ni Helena sa sarili.

Muling kinausap ni Helena si Harry na umiiyak.

"Ano ba Harry, gumising ka na, huwag kang pumayag na maagaw ako sa iyo ng iba, matagal na akong nagtitiis, kulang pa ba ang ginagawa ko? Sige na, gumising ka na, mahal kita, subali't tao lang ako Harry, gusto ko ring lumigaya."

Dahil sa bigat ng loob ni Helena ay lumabas ito at naupo sa labas. Kung nagtagal siya sa loob ay nakita sana niya na may tumulong luha sa pisngi ni Harry.

Nasa ganoon siyang sitwasyon ng makita ang doktor na tumitingin kay Harry.

"Dok, kumusta po ang pasyente?"

"Sa ngayon ay wala pa rin akong masasabi at ang maipapayo ko ay maghintay at manalangin na sana ay gumaling na siya."

Ganoon lang ang kanilang naging pag-uusap ng doktor at bumalik na si Helena kay Harry. Sa pagbabalik niya ay tinitigan niya ito at ang luha na tumulo sa pisngi ni Harry ay wala na. Kung hindi siya nagtagal sa labas sana'y nakita niya iyon na ang ibig sabihin ay narinig siya ni Harry. Na kung makapagsasalita lamang ito ay sasabihin niya na salamat sa kanyang pagtitiis, mahal na mahal siya nito, at darating ang sandali na palalayain na siya ni Harry.

"Mommy, mabuti po at dumating kayo, aalis lang po ako at may aasikasuhin lang ako, kayo na po ang bahala kay Harry."

"Sige, Helena, ingat ka."

"Salamat po mommy."

Lumabas si Helena ng ospital na parang wala sa sarili kaya ng tumawid siya ay hindi niya napansin ang paparating na kotse at sa pag-iwas niya ay natumba ito at hindi makatayo.

"Miss, tulungan kita. Salbahe iyon ah hindi man lang huminto. Natandaan mo ba ang plate number?" tanong ng lalake.

"Hindi eh, bayaan mo na, kasalanan ko din naman, napatawid ako ng may malalim na iniisip", ang nasabi na lang ni Helena.

"Dalhin kita, miss, sa ospital, hirap kang makatayo, ako nga pala si Arnold."

"Salamat, Arnold, ako naman si Helena. Okay lang ako, patulong na lang ako na itawag ng taxi."

"Okay, TAXI!, mamang driver pakihatid siya sa kanila, heto po ang bayad, sa inyo na ang sukli."

"Okay, sir"

"Sigurado ka ba Helena na kaya mo ang sarili mo?"

"Oo, Arnold, salamat sa tulong mo."

Nang makadating si Helena sa bahay at ng makita siya ng ina nito na hirap maglakad ay nabahala ito.

"Anak, Helena, ano ang nangyari sa iyo?"

"Muntik na po akong masagasaan at sa bigla kong pag-iwas ay natumba po ako, pero huwag na po kayong mag-alala inay, mawawala din ito."

O sige, sige, magpahinga ka na sa kuwarto mo at doon na kita dadalhan ng pagkain", ang sabi ng ina nito na nababahala pa rin sa sinapit ng anak.

Lumipas pa ang maraming araw at unti unti pinag-ukulan ni William ng kakaibang pansin si Amelia upang ibaling dito ang kanyang damdamin na iniukol niya kay Helena. Sa puso niya at damdamin ay alam niya hindi mahirap mahalin si Amelia. Noon pa alam niya na nakay Amelia rin ang katangiang hinahanap niya sa isang babae, kaya lang nahahadlangan ng unang tibok ng puso nito para kay Helena.

Nagtapat ng pag-ibig si William kay Amelia at tinanggap naman ni Amelia dahil mahal din siya nito.

Naging masaya ang dalawa at napatunayan ni William na hindi mahirap ibaling kay Amelia ang kanyang pag-ibig. Ngayon, dama niya na mahal na mahal niya si Amelia at ang dati niyang pagtingin kay Helena ay isa na lang alaala, at tulad din ng sinabi ni Helena sa kanya na maging magkaibigan na lang sila.

"Amelia, salamat ha, pinunan mo ang nawawalang bahagi ng puso ko, I love you and I promise to be true to you," ang maramdaming sinabi ni William kay Amelia habang nakaupo sila sa gilid ng tabing dagat sa Roxas Blvd.

"William, mahal din kita kahit noon pa at ako'y lihim na nasasaktan kapag si Helena ang lagi mong binabanggit sa akin kapag tayo'y magkausap."

"Hindi ka na masasaktan dahil si Helena na mismo ang nagsabi sa akin na ibaling ko na lang sa iba ang aking damdamin, at napatunayan ko na hindi pala mahirap gawin. Naisip ko rin na wala din namang mangyayari na patuloy kong mahalin ang isang babae na mayroon namang ibang itinatangi at sa kaso ni Helena, si Harry ang lalake para sa kanya."

"Maligaya ako William at sana hindi ito isang panaginip lamang na pagdating ng bukas ay mawawala na."

"Tingnan mo Amelia ang mga bituin, nagkikislapan sila at magandang pagmasdan. Sa gabi nagsasabi sila ng isang libot isang saya subali't pagdating ng umaga ay nawawala at pagdating uli ng gabi muli silang magkikislapan sa saya. Ganyan ang buhay natin, nakararanas tayo ng ibayong saya sa buhay natin at dumarating din ang mga pagsubok, mga problema sa buhay subali't kapag napawi ay muling sisilay ang pag-asa at muli uling liligaya."

"Bakit mukha ka yatang naging makata", ang natatawang sabi ni Amelia.

Natawa din si William.

"Ewan ko nga ba bakit para akong si Balagtas ngayon", ang natatawang sabi ni Willliam.

Nasa ganoon silang masayang pag-uusap ng biglang magkagulo sa di kalayuan sa kanila.

"Bakit mo ako niloko, bakit mo ako niloko", ang sigaw ng isang lalake sa babae habang inundayan ng isang suntok na ikinahandusay nito.

Sa nakita ni William ay hindi ito nakatiis at nilapitan ang lalake.

"Pare, hindi yata tamang suntukin mo ang babae."

"Huwag kang makialam dito at baka pati ikaw ay samain."

Gayunman patuloy din si William sa pag-awat kaya siya ang binalingan nito. Sinuntok niya si Willam at bumagsak ito. At iyong tayo ni William ay magkasunod na suntok ang pinadapo sa mukha ng lalake na halos ikinahilo nito.

"Gago ka ah, pati babae pinapatulan mo, kung ayaw na sa iyo huwag mong ipilit ang sarili mo, tanga."

Hinarap ni William ang babae at inalalayang tumayo subali't hindi niya napansin na nagbunot ang lalake ng patalim at ng akmang sasaksakin si William sa likod ay napasigaw si Amelia kaya nakaiwas si William.

"Pak", isang sipa sa mukha ng lalake ang dumapo mula kay William at tuluyan na itong bumagsak sa lupa ng walang malay. Marami ang nakiusyoso at ng dumating ang mga pulis ay saka lang unti unting nawala ang mga tao.

"William, natakot ako kanina ng makita kitang sasaksakin sa likod."

"Salamat, Amelia at sumigaw ka kung hindi baka ospital o sementeryo ang bagsak ko."

"Bilib na ako sa iyo, mahusay ka pala sa karate, para kang si Jakie Chan", ang sabi ni Amelia na nakatawa na at wala na ang kaba sa dibdib nito.

"Tayo na ngang umuwi, Amelia, at baka mayroon na namang eksenang mangyari.

Habang naglalakad sila

"May sinasabi ka kanina habang tayo'y nakaupo, ano nga ba iyon?"

"Ah, iyong tinatawag na destiny. Magmahalan man ang dalawang puso ng kahit gaano katagal ay magkakahiwalay din pagdating ng panahon maging ito man ay kamatayan at ang matatamis ng kanilang pagsasama ay magiging isa na lang alaala."

"Tayo kaya, William, ano kaya ang ating destiny? Sana mamalagi tayo sa isa't isa.