Chereads / BEAUTIFUL IN WHITE (Tagalog) / Chapter 9 - Episode 9- SAVE THE LAST DANCE FOR ME

Chapter 9 - Episode 9- SAVE THE LAST DANCE FOR ME

Matuling lumipas ang mga panahon, parang mga dahon ng puno na unti-unting nalalagas pagdating ng autumn season.

At dumating ang taon na ikakasal na sina William at Amelia.

"William, sa isang buwan na ang kasal ninyo ni Amelia."

"Oo, Henry, at medyo kinakabahan ako."

"Natural na kabahan ka dahil haharap ka sa panibagong yugto ng iyong buhay. At ang pag-aasawa ay hindi mainit na kanin na kapag isinubo at napaso ay iyong iluluwa"

"Bilib din ako sa iyo Henry, para kang si Kuya Eddie kung tumirada ng mga payo ha ha ha."

"Pinatatawa lang kita, inaalis ko lang ang kaba sa dibdib mo.."

"Salamat, Henry, mag-iinom ba tayo?"

"Huwag na at baka pa tayo mapaaway uli eh hindi pa matuloy ang kasal mo." ang nakatawang sabi ni Henry.

"Tandaan mo lang William, mahalin mo si Amelia ng totoong pagmamahal dahil kapag nawala siya sa buhay mo labis mo itong ikalulungkot."

"Huwag kang mag-alala, Henry, at gagawin ko ang sinabi mo, ikaw nga pala ang aming best man sa kasal namin."

"Iyon talaga ang inaasahan ko, at kung hindi, pupugutan kita ng ulo", ang pabirong sabi ni Henry.

"Maalala ko nga pala, hindi ba sabi mo sa akin noon na kakausapin mo si Helena."

"Nagkausap na kami, kaya nga nakagawa ako ng matibay na pagpapasya. Kakalimutan ko ang lahat lahat ng nakaraan sa buhay ko."

"Mabuti kung ganoon, natauhan ka rin", ang nakatawang sabi ni Henry.

Natigil ang pag-uusap ng dalawa ng lumapit si Amelia.

"Amelia, ngayon pa lang binabati ko na kayong dalawa at sana maging maligaya ang inyong pagsasama."

"Salamat, Henry, teka ikaw, kailan ka naman magpapakasal? Teka, maalala ko may ipinasasabi pala sa iyo si Vicky, kausap ko kasi siya nong isang araw", sabi ni Amelia.

"Ano iyon?"

"Kumusta ka raw?"

"Well, talagang ang mga poging tulad ko ay habulin ng mga chicks."

"Hahaha sira ka ano?"

"Sa totoo lang, ngayon ko lang aaminin na gusto ko si Vicky, kaya lang kasi maypaka-kalog ang babaing iyon eh."

"Ayan, sinabi mo iyan, bayaan mo makararating."

"Masayahin lang naman iyong tao",dugtong ni William.

"Maalala ko Amelia, nailista mo na ba ang lahat ng imbitado sa ating kasal?"

"Opo, at ang una sa listahin ay si Helena", ang natatawang sabi ni Amelia.

"Hmm nagselos ka na naman, porke alam mo na sa iyo na ang puso ko."

"Aray!" ang sigaw ni William sa isang kurot ni Amel;ia sa tagiliran nito.

"Hindi ah, bakit ako magseselos?"

"Henry, habang nalalapit ang aming kasal, nararamdaman ko sa puso ko na si Amelia ang aking destiny. Naaalala mo pa ba iyong magkausap tayo noon tungkol sa destiny?"

"Ano iyon ha?" tanong ni Amelia kay William ng marinig ang pinag-uusapan ng dalawa.

"Wala, Amelia, kami na lang ni William ang nagkakaintindihan", at sabay tumawa ang dalawa.

"Kayo ha! may inililihim kayo sa akin."

Dumating ang araw ng kasal

"MABUHAY ANG BAGONG KASAL! MABUHAY!", ang sigawan ng mga dumalo sa kasalan.

"William, Amelia, binabati ko kayo at sana maging maligaya kayo habang buhay", ang nakangiting bati ni Helena sa dalawa.

"Salamat, Helena, bakit hindi mo kasama ang boyfriend mo, si Arnold?" tanong ni William.

"Hindi ko boyfriend si Arnold, magkaibigan lang kami. Siya ang tumulong sa akin ng ako ay muntik ng masagasaan ng kotse pagkagaling ko sa ospital ng Saint James. By the way, sasamantalahin ko na rin ang pagkakataong ito. Magpapaalam ako sa inyo, pupunta ako uli sa Spain at siguro magtatagal na ako doon."

"Mag-ingat ka na lang doon, Helena."

"Salamat, William, sa inyo ni Henry, hindi ko malilimutan ang pagtulong ninyo sa amin ni Harry, maraming salamat."

Iyon ang huling pagkakataon na nakita ni William si Helena, at sa pag-alis nito ay dala ni Helena ang magagandang ala-ala ng kanilang pagkikilala. Dala rin niya sa kanyang pag-alis ang damdamin na iniukol niya dito

At kay Helena, baon niya ang kaligayahan ng puso niya kahit sa maikling panahon na minahal niya si William, kahit nagsinungaling siya dito noon dahil kay Harry.

Nang sumunod na taon ay sina Henry at Vicky naman ang ikinasal at siyempre masaya ang kasalan sa pagitan ng dalawang nagmamahalan.

Pagkaraan ng dalawang taon na pagsasama nina William at Amelia ay biniyayaan sila ng isang malusog na sanggol. Isang batang babae na nagbigay ng lubos na kaligayahan sa mag-asawa.

"Amelia, titigan mong mabuti ang anak natin, hindi ba kamukhang kamukha ko siya."

"Ano ka? Titigan mo ngang mabuti, ako yata ang kamukha", ang sabi ni Amelia kaya nagkatawanan na lang ang mag-asawa na walang pagsidlan sa kaligayahang nadarama sa paglitaw sa mundo ng kanilang baby.

Mula ng isilang ni Amelia ang kanilang anak ay madalas na itong nakakaramdam ng pananakit ng ulo. Sa una ay hindi niya ito pinapansin subali't habang nagtatagal ay tumitindi ang sakit na kanyang nadarama.

"Amelia, bakit?"

"William, masakit na masakit ang ulo ko."

"Tena, dalhin kita sa doktor."

"Huwag na, William, iinom na lang ako ng gamot at mawawala na rin ito", ang sabi ni Amelia na nababahala na sa kanyang karamdaman.

Labis na nag-aalala si William sa kalagayan ng asawa, kaya minsang sumakit uli ang ulo ni Amelia ng matindi ay napilitan ng patingnan ito sa isang espisyalista.

"Makabubuti po na i-confine natin si misis upang masuri siyang mabuti", ang sabi kay William ng doktor.

"Sige po doktor, kung ano po ang makakabuti sa kanya."

"Kung gayon makipag-usap na kayo sa admin ng ospital at para maihanda ko ang mga kailangan ko sa gagawing pagsusuri sa kanya."

"Salamat po, Doktor."

"Mahal, ano raw ang sakit ko?"

"Hindi pa masabi ng doktor kaya mananatili ka muna dito sa ospital upang masuring mabuti ang sakit mo."

"Ganoon ba? Papaano si baby?"

"Huwag kang mag-alala bahala na muna si inay sa anak natin, siyempre hindi niya pababayaan ang apo niya", ang medyo nakatawang sabi ni William upang mawala ang kaba ng asawa.

"William, kung malubha ang sakit ko ipangako mo huwag mong pababayaan ang baby natin."

"Huwag ka ngang magsalita ng ganyan, walang mangyayaring masama sa iyo."

"Basta, mangako ka."

Hinalikan lang ni William sa noo ang asawa, matagal, dahil siya man ay nababahala, hindi lang niya ipinahahalata kay Amelia.

Si Amelia naman parang may kutob na sa pananakit ng matindi ng kanyang ulo, kaya inihahanda na niya ang kanyang sarli sa mangyayari.

Namalagi si Amelia sa ospital ng ilang araw hanggang lumabas ang resulta ng ginawang pagusuri kay Amelia.

"William, puwede po tayong mag-usap sa opisina ko sandali", sabi ng doktor.

"Opo, Doktor, susunod na po ako. Amelia kakausapin lang ako ng doktor, maiwan muna kita."

"Bakit daw?"

"Hindi ko pa alam, huwag kang mabalisa."

Sa opisina ng doktor

"William, huwag kang mabibigla sa sakit ng asawa mo. Batay sa ginawa kong pagsusuri mayroong brain cancer ang misis mo at stage four na."

"Doktor, sigurado po ba kayo?" ang nanginginig na tanong ni William.

"Hindi lang ako ang sumuring espesyalista, dalawa kami upang matiyak lang ang sakit niya."

"Hindi maaari ito, bakit nagkaroon si Amelia ng kanser", ang malungkot na sabi ni William sa sarili.

Nang bumalik si William sa asawa ay hindi ito nagpahalata. Pinilit ang sarili na makita siya ni Amelia na parang hindi nababahala sa ipinagtapat ng doktor.

"Okay ka naman daw, mahal, bibigyan ka na lang daw ng matinding gamot para mawala ang pananakit ng ulo mo. Babayaran ko lang ang bill natin dito sa ospital at mamaya uuwi na tayo."

"Sige at sabik na akong mayakap si baby ko."

Nagsisikip ang dibdib ni William habang patungo sa admin ng ospital. Parang bawat hakbang niya ay para siyang nakalubog sa kumunoy na unti unting nawawalan ng pag-asa sa nangyayari sa kanila ni Amelia. Tumigil si William ng paglakad at naupo sandali, hindi niya namamalayan na tumutulo ang kanyang luha. Matagal din siyang nakaupo, inayos ang sarili at saka nagtuloy sa admin upang bayaran ang kanilang bill sa ospital.

Nang bumalik si William kay Amelia ay tinitigan niya itong mabuti na nakatulog dahil sa ininom na gamot, kaya hindi nakita ni Amelia ang pag-iyak ng asawa. Nilapitan ni William ang asawa, niyakap, hinalikan sa noo at humagulgol ng iyak na para bang katapusan na ng mundo para sa kanya.

Nagising si Amelia at nagtanong kay William.

"William, ano nga pala ang sabi ng doktor tungkol sa aking karamdaman?"

Matagal bago nakapagsalita si William, nag-iisip ng idadahilan.

"Wala ka naman daw na malubhang karamdaman, kaya reresetahan ka ng mga gamot na iinumin mo para gumaling ka kaagad."

Pinauwi na nga si Amelia at sa bahay na siya magpapagaling. Patuloy na lang daw inumn ang mga gamot para mapigilan ang sobrang sakit ng ulo nito pati na ang dinaranas na pagsusuka paminsan minsan.

Subali't sadya yatang malupit ang kapalaran sa mag-asawa, pagkalipas ng anim na buwan ay malaki ang inihulog ng katawan ni Amelia.

"William, mahinang mahina na ako, nararamdaman ko na hindi na ako magtatagal, ikaw na ang bahala sa anak natin. Huwag mo siyang pababayaan."

"Amelia, huwag kang magsalita ng ganyan, hindi ka mawawala sa amin ng anak mo."

"Naaalala mo ba, William, minsan isinayaw mo ako noon, masayang masaya tayong magkayakap na nagsasayaw at dama ko ang init ng iyong pagmamahal, ang init ng puso mo na totoong umiibig sa akin? Ngayon, William, sa huling sandali ng aking hininga at sa kaunti ko pang lakas ay hihilingin ko na patugtugin mo ang paborito nating awitin at isayaw mo ako uli bilang huling pamamaalam."

Walang nagawa si William kundi sundin ang kahilingan ng asawa. Pinatugtog niya ang awiting Save the Last Dance for Me, itinayo ang nanghihinang katawan ni Amelia, niyakap niya ito ng mahigpit at sa mahinang pagkilos ay sumayaw sila na hindi namamalayan ni William na tumutulo ang luha nito sa nadaramang awa sa asawa at sa inaasahan niyang mawawala na ito sa kanya, alam niya na iyon na ang huling yakap niya kay Amelia.

"William, salamat at ibinigay mo ang puso mo sa akin at ako ay totoong naging maligaya sa piling mo, babaunin ko ito hanggang sa dako pa roon ng aking buhay."

Pagkasabi ni Amelia ng pamamaalam ay unti unting bumagsak ang ulo nito sa mga balikat ni William, wala ng buhay. Lalong hinigpitan ni William ang pagkakayakap sa asawa, hindi niya muna ito dinala sa kama, tinapos muna ang pinatugtog na awitin habang humahagulgol siya sa pag-iyak.

Nang dalhin na ni William ang asawa sa kama ay hindi pa rin tumitigil si William sa kanyang pagdadalamhati, nakayakap pa rin siya dito na parang ayaw na niyang bitiwan.

"Amelia, bakit kung kailan kita higit na minahal ay saka mo ako iniwan, bakit?"

Kitang kita ng ina ni William ang dalawa sa sitwasyong nakakahabag at siya man ay hindi napigilan ang pag-iyak, habang kalong ang bata na walang kamalay malay na iniwan na siya ng kanyang ina.

Nalungkot si Henry ng mabalitaan na wala na si Amelia at si Vicky ay hindi mapigilan ang pag-iyak sa pagkawala ng kanyang matalik na kaibigan.

Sa araw ng libing ni Amelia ay sina William at Henry na lang ang naiwan.

"Henry, bakit naging malupit ang kapalaran sa aming dalawa ni Amelia?"

"Tatagan mo ang iyong sarili, William, alang alang sa anak ninyo. Dapat nating harapin kung ano ang itinakda sa atin ng Lumikha, dahil may plano siya sa ating lahat para sa ating ikabubuti."

"Salamat, Henry, sa mga payo mo na totoong nagpapagaan sa dinadala kong pighati."

Lumipas pa ang mga araw at unti unti ng natanggap ang mga pangyayari sa buhay ni William alang alang sa kanilang anak. Halos mga gunita na lang ng nakaraan ang namamayani sa puso at damdamin nito.

Isang araw, habang inaayos ni William ang kanyang shop dahil sa dumaraming mga spare parts ng sasakyan na kanyang pinamili ay napansin niya ang itinago niyang mga gamit ni Helena sa ginagawa nito na painting ng shop niya na hindi pa tapos. At naalala niya si Helena, ang unang babaing minahal niya.

"Kumusta na kaya siya? Siguro may pamilya na siya at maligayang maligaya sa piling ng lalaking minahal niya", ang naisip na lamang ni William.

Isang taon ang lumipas mula ng mamatay si Amelia at sa panahong iyon bumalik ang kasiglahan ni William upang mapaunlad ng husto ang kanyang negosyo. Nakabili na rin siya ng sasakyan na ginagamit niya sa pamimili ng mga piyesa ng sasakyan at dumami ang kanyang mga customer.

"William, mukhang asensong asenso ka na ah", bati ni Henry ng dalawin siya ng mag-asawa sa kanyang shop.

"Henry, Vicky, kayo pala, pasok kayo. Kumusta na kayo? Kailan ninyo balak magka-baby?"

"Gusto ko na ngang magka-baby kaya lang mukhang baog itong si Amelia", ang pabirong sabi ni Henry.

"Hoy! Ikaw nga ang baog eh", ang ganting sabi ni Vicky, kaya sila nagkatawanan.

"Pinasyalan ka namin, kasi masyado kang busy at baka nalimutan mo na bukas ang birthday ng inaanak namin", ang sabi ni Henry.

"Oo nga pala, ano? Hindi lang pala ako tumatanda kundi nagiging malilimutin pa", ang nakatawang sabi ni William.

Kinabukasan sa bahay nila William ay dumating ang mag-asawang Henry.

"Sa aming cute na inaanak, narito ang aming regalo", ang sabi ng mag-asawa habang ipinapakita ang dalang regalo.

"Ang ganda ng inaanak naming ito at mukhang matalino", ang masiglang bati ni Vicky.

Habang nagkukuwentuhan sina Vicky at ng ina ni William ay kumuha si William ng ilang bote ng beer at nagsimulang mag-inuman.

"Henry, inom pa at paminsan minsan na lang tayong nakapag-iinom."

"Oo nga, magyayaya ka lang mag-inom kapag may problema ka, hindi ba?" ang sabi ni Henry na tumatawa.

"Naalala ko nga eh, muntik pa tayong mapa-away."

"Alam mo, pare, kahit masaya tayo ngayon, subali't may kulang pa rin, ano?"

"Oo pare, wala na ang aking asawa", ang sabi ni William na medyo nalungkot dahil naalala si Amelia.

"Pare, maligaya na si Amelia sa kanyang kinaroroonan, hindi ba?"

"Oo pare, iyon na lang ang iniisip ko."

"Maiba ako pareng William, wala ka bang balita kay Helena?"

"Bakit mo naman siya nabanggit?"

"Wala naman, naaalala ko siya bilang kaibigan natin, at napamahal na rin siya sa grupo, di ba? Nakilala natin siya dahil kay Harry."

Habang tumatagal ang kanilang usapan at medyo tinatablan na sa kanilang naiinom ay lalo namang lumalalim din ang usapan nila tungkol kay Helena.

"Halimbawa lang, pareng William, na wala pang asawa si Helena at muli kayong pinagtagpo ng kapalaran, tanong ko lang, huwag kang magagalit, ibabalik mo ba ang dati mong pagtingin sa kanya?"

Hindi na nasagot ni William ang tanong ni Henry dahil malalim na ang gabi at nagyayaya ng umuwi si Vicky, at ang tanong ni Henry tungkol kay Helena ang naiwan sa isipan ni William.

Bagama't marami ng nainom si William ay malinaw pa rin sa isip niya ang hindi niya nasagot na tanong ng kaibigan ng umalis na ang mga ito.

Naging palaisipan para kay William na kung sakali't malaya pa si Helena ay wala ng hadlang upang ibalik ang dati niyang pagtingin dito. Sa totoo lang naman ay hindi pa rin nawawala si Helena sa puso nito, nabura lang ng ikasal na sila ni Amelia, at para sa kanyan ay hindi mahirap ibalik ang dating pagtingin dito.

Hindi nga mahirap ibalik ang dati, subali't sa isipan ni William ay kung ang naipunla niyang pag-ibig sa puso ni Helena ay naroon pa rin. At isa pa hindi siya tiyak kung malaya pa ito.

Dahil sa mga pasubaling iyon ay hindi pinagukulan ito ni Wiliam ng ibayong pag-iisip. Iniukol na lang ang kanyang isipan at panahon sa pagpapaunlad ng kanyang negosyo.

Nang nakauwi na si William mula sa kanyang shop ay medyo napagod siya. Kinarga muna ang anak at inihabilin na sa kanyang ina at tumuloy na sa kanyang kuwarto upang magpahinga.

Nakapikit ang kanyang mga mata subali't hindi siya makatulog, nasa isip niya si Helena. Kumusta na kaya siya? Nakabalik na kaya siya sa bansa? Mayroon na kaya siyang sariling pamilya o kaya ay isang lalaking pakakasalan? Mga katanungang gumugulo sa isipan niya hanggang sa siya ay tuluyang nakatulog dahil sa pagod.

Muli niyang napanaginipan si Helena at nagkita daw sila.

"Helena, alam mo ba na kinasabikan ko ang araw na ito na makita kang muli?"

"Ganoon din ako subali't hindi na ako malaya. Ikakasal na kami ng aking katipan. Noong ikasal kayo ni Amelia ay pinilit ko ang sarili ko na lumayo dahil labis na nasaktan ang puso ko. Totoo na minahal kita at sinabi ko lang na hindi kita mahal alang alang kay Amelia. Subali't kahit nasa ibang bansa ako sumasagi ka pa rin sa isipan ko, iyon ang totoo. At upang ganap ko ng makalimutan ang mga nakaraan ay pumayag na akong magpakasal kami ng aking katipan. At sa pagbabalik kong ito sa bansa ay saka ko nalamang wala na si Amelia, may isang taon na. Gusto ko mang muli kang ibalik sa puso ko ay huli na ang lahat. Paalam na sa iyo."

"Sandali lang Helena! Helena!"

Nagising ang ina ni William sa malakas na sigaw nito at siya'y dali daling ginising.

"Ano ba ang napanaginipan mo at sumisigaw ka?"

Bumangon na rin si William dahil maaga siyang pupunta sa shop.

"Ano ba iyong panaginip ko at parang totoo", ang sabi ni William na ipinagkibit balikat lang niya dahil makagugulo lang sa kanya.

Subali't lagi pa ring iniisip ni William si Helena, kaya isang araw ay pinuntahan niya ang bahay nito at nangumusta. Sinabi ng ina ni Helena na wala pang katiyakan kung hanggang kailan si Helena sa Spain. Bago nagpaalam si Wiliiam sa ina ni Helena ay ipinaalam niya dito na namayapa na ang kanyang asawang si Amelia may isang taon na ang nakararaan.

Sa kabilang dako, sa bansang pinuntahan ni Helena, sa Spain

"Kumusta na kaya sina William at Amelia? Sana naging maligaya ang kanilang pagsasama", ang nasabi ni Helena na sa puso niya ay naroroon pa rin ang kaunting panibugho kay Amelia. Dahil sa totoo lang hindi nawawala si William sa puso niya, mahal pa rin niya ito, kahit nagsinungaling siya sa tunay na itinitibok ng kanyang puso alang alang sa pagmamahal ni Amelia kay William.

Isinakripisyo niya ang sariling kaligayahan dahil masasaktan si Amelia kung magbabago ng damdamin si William kay Amelia at hindi niya iyon papayagang mangyari dahil babae din siya tulad ni Amelia ay masasaktan din.

"Helena, itutuloy mo ba ang balak mong umuwi na sa inyo?" ang tanong ni Nina nakasamahan niya at naging kaibigan sa Spain.

"Ah, oo, Nina, miss ko na rin ang aking inay at matanda na siya at kailangan niya ako ngayon."

"Totoo ang sinabi mo. Ako, baka dito na ako sa Spain magtagal. Isa pa wala naman akong babalikan sa amin dahil ang dati kong boyfriend ay napunta sa iba. Dito ko na hahanapin ang aking kapalaran sa pag-ibig."

"Ikaw ha! Parang hindi ko alam na may gusto ka na rin sa amerikano na pumoporma sa iyo."

"Parang gusto ko na rin siya,kaya lang matanda sa akin ng sampung taon eh."

"Nina, ang pag-ibig ay wala sa edad, basta mahal mo siya at mahal ka niya ay magiging maligaya kayo."

"Sabagay nga, tama ka diyan. Teka, baka matuloy din akong magbakasyon sa amin sa Pangasinan. I-message kita kapag natuloy akong umuwi at aanyayahan kita sa probinsiya namin at matutuwa ka sa magagandang sceneries doon na tamang tama sa propesyon mo. Marami kang magagawaqng painting doon",ang pagmamalaking sabi ni NIna.

"Totoo?"

"Oo naman, basta magkita na lang tayo doon kapag natuloy na ako."

"Okay, ang bait talaga ng kaibigan kong ito. At alam mo, gusto ko ring pumunta sa ibang lugar tulad ng sa inyo para naman maaliw ako at makalimutan ko ng isipin ang mga nakaraan sa buhay ko pagdating ko sa amin. Tiyak iyon, maiisip ko ang mga kasawian ko sa buhay, ang pagkawala ng katipan kong si Harry, ang pagpapaubaya ko ng pangalawa kong pag-ibig sa iba, kay Amelia na naging kaibigan ko na rin."

"Alam ko ang tungkol sa pagkamatay ng BF mo, pero teka, iyong sinasabi mong pangalawa ay hindi ko yata alam iyon ah?"

"Mahabang salaysayin at kapag nagkuwento pa ako tungkol doon ay baka pauwi na ako sa amin eh hindi pa tapos", ang sabi ni Helena na nagpatawa sa kanilang dalawa.

Natuloy ngang umuwi si Helena sa bansa, at sa pag-uwi niya ay muling nanariwa ang kahapon sa buhay niya. Gayunman kailangan niyang magpatuloy, life must go on.

"Anak, Helena, salamat at muli tayong magkasama. Matanda na ako at masasakitin na."

"Bayaan po ninyo inay, hindi na ako pupunta ng ibang bansa, lagi na tayong magkasama ngayon."

"Maalala ko nga pala, Helena, pumasyal dito si William at nangungumusta. Tinanong niya kung magtatagal ka doon sa ibang bansa. Ang sabi ko pinababalik na kita dahil mahina na ako at kailangang may titingin din sa akin. Iyon na lang ang sinabi ko sa kanya. At sabi niya miss ka na daw niya. At isa pang ibabalita ko sa iyo na isang taon ng patay si Amelia dahil sa brain cancer."

Ang huling sinabi ng ina ni Helena ang lubhang nagpagulat dito.

"Ho? Patay na si Amelia?"

"Oo, at iyon siguro ang ipinunta ni William dito."

"Inay, nalungkot ako sa sinabi ninyo. Mabait si Amelia para iwanan niya kaagad si William."

"Anak, talagang ganoon ang buhay, hindi natin alam kung hanggang saan ang ating buhay, ang Lumikha lamang ang nakakaalam niyon."

"Isa pa na nagpunta dito ay ang masugid mong mangliligaw, si Arnold."

Nalungkot man si Helena sa mga nalaman niya ay patuloy pa rin niyang ipagpapatuloy ang takbo ng buhay niya, malungkot man siya o maging masaya.

Isang buwan na ang nakalipas mula ng dumating si Helena sa bansa ay laging pumapasok sa isip niya ang pangungumusta sa kanya ni William na totoong nagbigay sa kanya ng panibagong saya, sa puso niya at sa pag-asa na baka muling mabuhay ang binura na niyang pag-ibig dito, subali't alam na naman niya na nagsisinungaling ang bibig niya, ang nagsasalita ngayon ay ang puso niya na kahit nagpaubaya siya at umalis ng bansa upang makalimot ay hindi pa rin makalimutan ng puso niya si William. Si William na nagparamdam sa kanya ng lihim nitong pag-ibig sa kanya, ng pagmamalasakit sa panahon na nagdadalamhati siya kay Harry. Pagmamalaskit na nagkaroon ng pitak sa kanyang puso na hindi niya naiwasan dahil sa tinitiis niya noon na pighati, at tao lang siya na kahit papaano ay hindi matutukso.

Isang araw ay dumating si Arnold at ng makita siya nito ay naging masaya ito, dahil puwede na niyang sabihing muli kay Helena ang iniluluhog niyang pag-ibig.

"Helena, kumusta ka na? Sobra akong nanabik sa iyo, miss na miss kita", ang sabi ni Arnold na walang pagsidlan sa tuwa.

"Arnold, tulad ka pa rin ng dati, mapagbiro, kumusta ka na?"

"Heto, laging naghihintay sa pagbabalik mo ng bansa."

Ilang oras din silang nagbalitaan at muli inungkat ni Arnold kay Helena ang damdamin nito. Sa totoo lang ay nagugustuhan na ni Helena si Arnold dahil nakita niya ang pagiging matiyaga ng huli sa paghihintay. Subali't ng malaman niyang malaya na si William ay naroon ang pag-asa niyang mabuhay na muli ang lihim nilang pag-ibig sa isa't isa na tinaglay din nila sa kanilang puso, sa kabila ng maraming hadlang at pagsubok. Kung hindi ay baka tutugunin niya ang pag-ibig ni Arnold dahil gusto na rin niyang magkaroon ng sariling pamilya.

Kaya naging matatag si Helena sa kanyang pagpapasya kung sino sa dalawa ang pipiliin niya.

"Arnold, alam ko kung papaano mo ako minahal, dama ko iyon, at salamat sa iyo sa pag-uukol mo ng natatanging pagpapahalaga sa akin. Subali't ayaw ko namang paasahin ka sa isang bagay na hindi mangyayari. Arnold, I'm sorry, may nagmamay-ari na ng aking puso, sana maunawaan mo ako. Ang ginawa mong pagpapahalaga sa akin ay hindi ko iyon makakalimutan at sana makakita ka ng higit sa akin na iyong mamahalin."

Iyon lang ang naging usapan nilang dalawa at umuwing bigo si Arnold. Mula noon ay hindi na nagpakita pa ito kay Helena.

Isang buwan mula ng dumating si Helena ay nag-message si Nina na dumating na rin ito sa bansa upang magbakasyon.

"Inay, pupunta po ako sa Pangasinan, kina Nina na kasamahan ko sa Spain. Sabi niya maganda daw ang probinsya nila at marami akong maipipintang magagandang tanawin doon."

"Kailan naman ang alis mo?"

"Sa isang linggo pa po, may bibilhin lang akong mga gamit na kailangan ko sa pagpipinta."

Dumating ang araw na umalis si Helena patungong Pangasinan. At sa pagpasok pa lang ng Bus na sinasakyan niya ay sa bungad pa ay kita na halos ang kagandahan nito.

Narating din ni Helena ang tirahan ni Nina sakay siya ng tricycle mula sa Bus station.

"Helena, welcome sa aming probinsya at tiyak hindi mo makakalimutan ang Pangasinan", ang masayang pagsalubong ni Nina.

"Oo nga, sa tingin ko mukhang mag-eenjoy ako dito bukod sa magkakaroon ako ng magagandang paintings pag-uwi ko."

"Tama ka, dadalhin kita sa iba't ibang lugar na tiyak mong magugustuhan."

"Talaga ha?"

"Oo, at inihanda ko ang listahan ng mga pupuntahan natin. Sandali lang at kukunin ko."

"Ang sarap ng simoy ng hangin dito, hindi tulad sa Metro Manila."

"Heto, Helena, tingnan mo."

"Ang daming lugar nito ah, mukhang magtatagal ako dito kapag napuntahan nating lahat ito, tulad ng Hundred Islands, alam ko ito ang isa sa pinaka-popular na tourist spots dito sa inyo; Sky Plaza; Patar Beach; Sunflower Maze; Mt. Balungao Hilltop Adventure Resort; Death Pool; at Enchanted Cave. Wow, Nina, sa dami nito basahin ko pa lang ang mga ito ay nag-enjoy na ako kaagad", ang masayang sabi ni Helena.

"O ano ang sabi ko sa iyo? Kaya bukas mag-uumpisa na tayo sa ating journey."

"Maiba ako, Nina, kumusta iyong nangliligaw sa iyong kano?"

"Naku Helena, gustong sumama sa akin, sinabi ko lang na babalik ako kaagad."

"Kayo na ba?"

"Oo, sinagot ko na masyadong makulit eh."

"Makulit o sadyang na in-love ka na sa kanya?" ang nakatawang tanong ni Helena.

"Mukhang ganoon na nga", ang nakatawang sagot ni Nina.

"Kailan naman ang balak ninyong magpakasal?"

"Hayy! alam mo? Gusto kaagad kaming magpakasal, sabi ko maghintay muna kami ng tatlong buwan, kaya yon pumayag din. Makulit talaga. Helena, sana pumunta ka sa kasal namin."

"Sige, tingnan ko, tutal naman matagal pa naman eh."

"Okay,i-message kita sa petsa ng kasal namin. Sigurado kang pupunta, ha?"

"Oo, ikaw pa, kaya nga ako napunta sa Spain ay dahil sa tulong mo, ang aking best-friend."

"Masarap mangarap, ano Helena?"

Natahimik si Helena sa huling sinabi ni Nina, dahil hangga ngayon, patuloy pa rin siyang nangangarap na magkaroon ng masayang pamilya. Subali't mukhang ipinagkakait pa sa kanya ng kapalaran.

Nasa ganoon si Helena na nangangarap, ng bigla, pumasok sa isip niya si William.