Chereads / BEAUTIFUL IN WHITE (Tagalog) / Chapter 4 - Episode 4- I NEED SOMEONE TO LOVE

Chapter 4 - Episode 4- I NEED SOMEONE TO LOVE

"Henry, samahan mo ako."

"Saan?"

"Kahit saan, gusto kong aliwin ang aking sarili para hindi ko siya maisip."

"Teka, punta muna tayo ng mall", ang yaya ni Henry.

"Buti pa nga."

At sa isang mall sila nagpuntang dalawa, subali't walang kaalam alam si William na dito niya uli makikita si Amelia, ang babaing napagkamalan niyang si Helena.

"Dito tayo sa men's section at bibili lang ako ng pang-jogging", sabi ni Henry.

Pagkagaling sa men's section ay nagtuloy sila sa isang food chain at habang kumakain ay nagkuwentuhan sila.

"Bakit para kang may iniisip, William", ang tanong ni Henry na parang may tinutukoy ito na iniisip ng kaibigan.

"Ikaw talaga natahimik lang may malalim na kaagad iniisip", ang tugon ni William na nangingiti.

"Alam ko naman kung sino ang iniisip mo eh, si "H", hindi ba?"

"Tama ka Henry, si Helena nga. Sumagi lang sa isip ko."

"Sabi ko na nga ba eh."

"Bakit ganoon Henry, kahit anong pilit kong iwaksi siya sa isipan ko ay hindi ko magawa."

"Hindi ako nagkulang ng paalala sa iyo. Napansin kita noong una mo siyang makita sa ospital ay humanga ka na sa kanyang kagandahan, at ang sabi ko sa iyo kalimutan mo na kung anong nasa damdamin mo dahil wala din namang mangyayari, hindi ba?"

"Oo pero ewan ko ba, naguguluhan ako."

"Bakit hindi mo subukang mangligaw ng ibang babae. Malay mo iyon ang maging daan para huwag mo siyang laging iniisip."

"Sino naman ang liligawan ko? Alam mo naman na wala akong maraming kakilalang babae."

"Alam ko na puntahan natin iyong dati nating kaklase na si Victor. Hindi ba may kapatid siyang maganda at hawig kay 'H'", ang nakangiting sabi ni Henry.

"Puro ka kalokohan, ano ba ang pakahulugan mo sa salitang pag-ibig? Pupuntahan mo lang at iibigin mo na? Ang pag-ibig ay sumisibol sa isang tao ng hindi mo inaasahan, kahit nakita mo lang siya sa unang pagkikita. Ang pag-ibig ay unti unti ring sumisibol sa dalawang puso na sa simula ay kaibigan lamang hanggang ma-develope ang isa't isa."

"Bahala ka na nga, marami kang palusot", ang sabi ni Henry na parang naiinis sa kaibigan.

"Maalala ko may bibilhin pala ako, pagkakain punta tayo sa sports section, bibili ako ng bola ng basketball," ang sabi ni William.

"Miss, magkano ito?" tanong ni Henry.

Pagkakita ni Henry sa saleslady ay nabigla ito.

"Amelia? Ikaw nga si Amelia, iyong kapatid ni Victor."

Oo, pero bakit kakilala mo si kuya ko?" ang nagtatakang tanong ni Amelia.

"Naging kaklase namin si kuya mo at ng minsan akong pumunta sa inyo ay natandaan kita at naitanong ko sa kuya mo kung sino ka kaya lang hindi ka niya ipinakilala sa akin."

"Ah, oo, kasi mahigpit si kuya, iniingatan niya ako."

"Pero Amelia ang ganda ganda mo ngayon."

Habang nag-uusap ang dalawa ay nanonood lang si William.

"William, ito si Amelia ang sinasabi ko sa iyo kanina, kapatid ni Victor."

"Oo, kilala ko na siya, nagkita na kami dito noon", ang nakangiting sagot ni William.

"Ha?"

"Hindi ba Amelia? Natatandaan mo ng magkabanggaan tayo noon at natawag kitang Helena at ang sabi mo Amelia ang pangalan mo, hindi ba?"

"Ah, oo, naalala ko na. Kumusta na?"

"Ano Henry, ipakikilala mo pa ba ako sa kanya?"

"Bilib na ako sa iyo William, wala akong masabi", ang sabi ni Henry na natatawa.

"Amelia, puwede ka ba naming ihatid pag-uwi, kasi gusto din naming makita si kuya mo at makumusta namin kung gusto mo lang kasi baka mayroong magalit", ang sabi ni William.

"Bakit naman ako tatanggi e mukha naman kayong mga gentlemen", ang sabi ni Amelia na nakatawa.

"Anong oras ang off mo?

"Mga 7:30 pa ng gabi."

"Tatlong oras pa, maglilibot libot muna kami at babalikan ka namin", ang sabi ni William.

"Okay"

"Amelia, sino ang mga iyon? mga kaibigan mo?", tanong ng kasama ni Amelia na si Vicky.

"Mga naging classmate ng kuya ko sa college."

"Ipakilala mo naman ako, type ko iyong matangkad."

"Ah, si William? Guwapo nga siya pero sigurado may girlfriend na iyon kasi ng magkabanggaan kami ay natawag niya akong Helena."

"Ay, sayang, type ko pa naman."

"Iyong isa, si Henry, gusto mo?"

"Puwede na rin, sige ipakilala mo ako."

"Okay, babalik sila mamaya."

"Mamaya? Bakit?"

"Kasi nag-offer sila na ihatid ako sa amin."

"Ang sarap talaga na maging maganda ano? madaling makabihag."

"Ikaw talaga Vicky, oo, hangga ngayon kalog ka pa rin", ang sabi Amelia na nakatawa.

"Hayy! Kailan kaya ako magkakaroon ng prince charming."

"Ang tagal naman", sabi ni Amelia.

"Alin ang matagal?" tanong ni Vicky.

"Ang uwian natin", tugon ni Amelia sa kaibigan.

"Uyy! Mukhang may natipuhan ka sa dalawa ah."

"Siguro si Henry ano? Kasi sabi mo may girlfriend na iyong matangkad."

Natigil ang usapan nila ng may dumating na customer.

"William, bumalik na tayo kina Amelia malapit ng mag 7:30."

"Okay"

"Henry, gusto kong ipakilala sa iyo si Vicky, kaibigan ko."

"Hello, Vicky, nice to meet you."

"Nice to meet you, too."

"O, paano, tayo ng umuwi."

"Vicky, mauna na kami."

"Sige, at uuwi na rin ako. Ingat kayo."

"Saan nga ang sa inyo, Amelia? Hindi ba sa Fairview kayo nakatira?"

"Oo, doon pa rin, sa dati."

"Baka magalit ang boyfriend mo kung ihatid ka namin."

"Boyfriend? Wala pa akong boyfriend kasi mahigpit si kuya. Takot sa kanya ang mga binata sa amin."

"Ganoon ba? Eh, baka naman sa amin magalit din siya?"

"Naku hindi ha, dati na kayong magkakilala at magkaklase pa noon, at may pinagsamahan din naman kayo."

Pagdating kina Amelia

"Kuya, tingnan mo kung sino ang mga kasama ko."

"O, William, Henry, long time no see ah", ang masiglang bati ni Victor.

"Oo, buti nakita namin itong si Amelia at sumabay na kami sa kanya para magkumustahan tayo."

"Sige, maupo muna kayo at maglalabas lang ako ng beer."

"Pare, baka tayo malasing, malayo pa ang uuwian namin."

"Hindi tayo malalasing, tig-isang bote lang tayo habang nagkukuwentuhan tayo."

"Ano na ang pinagkakakitaan mo Henry?"

"Nag-uupisina ako sa Makati, maliit pa ang suweldo, pero siguro kung magtatagal ako doon ay may chance na lumaki ang suweldo ko."

"Ikaw, William, kumusta na?"

"Pagka-graduate natin ay nagpunta ako ng Canada. Isang taon din ako doon at medyo nakaipon para sa balak kong itatayong negosyo."

"Naaalala mo ba Henry iyong sinabi mo na babaing ligawan ko? Alam mo ba na mabagsik pala ang tatay, pinahabol ako sa aso", ang sabi ni Victor at sila'y nagkatawanan.

"Ikaw, Victor, ano naman ang raket mo?"

"Ako? Heto wala pang pirmihang kita, pero next year kung susuwertihin ay mayroong kaming project na gagawin at isa ako sa gagawa ng engineering design. Kapag natapos ko ang project namin sa Baguio, ano kaya kung bumuo tayo ng isang kumpanya, tutal naman pare-pareho ang ating pinag-aralan. Ano sa palagay ninyo?"

"Maganda yang naisip mo, Victor, payag ako", sabi ni Henry.

"Ikaw, William?"

"Maganda yan, sige pag-usapan natin pagdating mo galing Baguio."

"Toast tayo para sa maganda nating balak."

"Paan, Victor, aalis na kami."

"Sige, kung gusto ninyong pumunta dito, welcome kayo, anytime."

"Salamat, Victor."

"Amelia, paalam na kami."

"Sige, ingat kayo at salamat sa paghatid ninyo sa akin."

Madali namang nakasakay ang dalawa dahil walang masyadong pasahero ang bus.

"William, hindi mo ba napansin si Amelia? Habang nag-iinuman tayo panay ang sulyap niya sa iyo."

"Napansin ko nga eh, at ng ningitian ko ay ngumiti din sa akin. Sa tingin ko hindi siya mahirap mahalin lalo na mabait na maganda pa. Puwede ko siyang mahalin kaya lang may nauna na sa puso ko, si Helena."

"Ewan ko sa iyo, William, parang ako ang mababaliw sa mga pinagsasabi mo."

"Henry, umibig ka na ba?"

"Hindi pa, bakit?"

"Kaya ka pala ganyan, hindi mo alam kung bakit nakadarama ng pag-ibig ang isang tao, kahit bawal."

"Para kasi sa akin, kung ang babae ay para sa iyo, kahit hindi mo ligawan o ibigin, ay sa iyo mapupunta."

"Iyan ang sinasabi ko sa iyo Henry, subukan mo ang umibig, magmahal para malaman mo kung bakit ako nagkakaganito."

"Sabagay nga, totoo ang sinabi mo, hindi ko pa naranasan ang umibig. Bayaan mo maghahanap ako ng babaing puwede kong ibigin at mahalin ng tapat, tulad ni Helena."

"Bakit tulad pa ni Helena, iba na lang dahil walang katulad si Helena na puwede mong mahalin",ang sabi ni William na tumatawa.

"Oo na, pero pag-isipan mo pa rin ang damdamin mo sa kanya, baka ka mabaliw", at tumawa si Henry.

Late ng dumating ng bahay si William

"Inay,kumain na po kayo?"

"Oo, kumain ka na diyan, nasa mesa ang pagkain mo."

Pagkakain ay nagpahinga na si William sa kuwarto niya upang matulog. Nakapikit ang kanyang mga mata subali't gising ang diwa niya. Dalawang babae ang naglalaro ngayon sa isipan niya, si Helena at si Amelia. Sa pangyayaring ito ay mukhang nagulo ang mundo ni William. Ang pagtingin niya kay Helena ay bawal na damdamin, samantalang kay Amelia ay walang hadlang subali't makapangyarihan ang puso kaysa isip. Ano ang kanyang gagawin? Katanungang ang panahon lang ang makapagsasabi kung kailan.

Pagkaraan ng isang linggo, bumalik si William sa mall, hindi kasama si Henry.

"Hi! Amelia"

"Ikaw pala William, bakit ka nandito? May bibilhin ka ba?"

"Wala naman, yayain sana kitang mag snack"

"Eh... teka... o sige, Vicky, dito ka muna, sandali lang ako."

"Okay, Amelia, ingat ka lang dyan pogi pero mukhang matinik", ang pabirong sabi ni Vicky habang nakatawa.

"Saan mo gusto, Amelia?"

"Kahit saan basta malapit lang para madali akong makabalik."

"Ah, dito tayo, malapit lang. Amelia, anong gusto mong kainin?"

"Bahala ka na, William, basta huwag madami ha, diet ako eh", pagkasabi ay medyo natawa si Amelia.

Habang kumakain

"Amelia, puwede ba tayong maging magkaibigan mula ngayon? Gusto ko kasing makipagkaibigan sa iyo para kung magkausap tayo ay hindi ka naiilang sa akin at gayun din ako sa iyo, basta kaibigan lang, puwede?"

"William, isa kang maginoo, sa kilos at pananalita, sino ang ako para tumanggi? Okay, friends, payag ako."

"Amelia, salamat ha, gumaan ang loob ko."

"Bakit naman?"

"Para mayroon na akong hingahan ng sama ng loob kapag ako'y nalulungkot at may problema."

Natawa si Amelia sa sinabi ni William.

"Ano ka ba, William, natawa naman ako sa sinabi mo."

"Bakit?"

"E, paano ginawa mo pa akong tagapayo gayung sa tingin ko ay ako ang dapat humingi swa iyo ng payo, kapag nasasaktan ang damdamin ko, kapag may problema at hindi ko kayang sabihin sa kuya ko. Kaya ikaw ngayon ang pangalawa kong kuya", ang sabi ni Amelia na nakatingin sa kanyang relo.

"Naku, nagtagal yata tayo, baka hinahanap na ako sa shop."

"Sige, tayo na. Amelia puwede ba kitang ihatid mamaya?"

"Okay, at tamang tama makakausap mo si kuya Victor bago pumunta ng Baguio."

"Baguio? Akala ko next year pa iyon."

"Ewan ko ipinatatawag na daw siya ng project manager niya at baka simulan ang pagtatayo ng building ng ahead of schedule."

"Ganoon ba?"

Tatlong oras pa bago ang uwian nila Amelia at matiyaga namang naghintay si William. Nag window shopping muna siya para hindi mainip sa paghihintay. Tiningnan ni William ang relo niya.

"Salamat, 7:30 na, uwian na nila", ang bulong ni William sa sarili.

At ng bumalik si William kay Amelia ay naka ready na ito.

"Vicky, mauna na ako sa iyo ha, andyan na ang sundo ko", ang pabirong sabi ni Amelia.

"Ano ba iyan? Nakakainggit ka naman."

"Hi! Vicky", bati ni William.

"Ingatan mo yang kaibigan ko ha, pogi."

Natawa ang dalawa sa sinabi ni Vicky.

"Okay din ang kaibigan mo."

"Oo, medyo may pagkakalog nga lang, pero hindi ka mababagot sa kanya kapag kausap mo, masayahin kasi siyang kausap."

"Sa tingin ko nga."

Habang nasa bus ang dalawa papuntang Fairview

"Amelia, may sasabihin ako sa iyo at gusto kong marinig ang puwede mong ipayo sa problema ko bilang isang kaibigan."

Natawa si Amelia sa narinig kay William.

"Talagang tinotoo mo ang sinabi mo a, sige ano ang problema at papayuhan kita."

"Totoo ito Amelia, serious ako."

Saka lang naging pormal si Amelia sa huling sinabi ni William dahil sa tingin niya ay totoong malaki ang problema nito.

At isinalaysay ni William ang tungkol kay Helena. Kung papaano niya ito nakilala. At papaano rin na unti unti itong nalapit sa puso niya. Na kahit pilitin niya ang sarili na huwag isipin si Helena ay kung bakit lagi pa niya itong naiisip kahit alam niyang bawal at hindi niya ito puwedeng mahalin.

Sa mga ipinagtapat ni William kay Amelia ay hindi naman naapektuhan si Amelia dahil dahil magkaibigan lang sila at natural sa magkaibigan ang nagtutulungan.

"Well, ang masasabi ko ay pansamantala lang na kalimutan mo muna ang nararamdaman mo kay Helena. Una, buhay pa ang kanyang katipan at tiyak ako na mahal na mahal din ito ni Helena. Pangalawa, nasa ospital ang katipan niya at may malubhang karamdaman. Pangatlo, kung habang maysakit ang katipan nito at nagtapat ka sa kanya ng pag-ibig at halimbawa lang natukso na sagutin ka, ano ang magiging katayuan ni Helena, isang taksil at mapupulaan lang siya ng kanyang mga kaibigan at kamag-anak, maging ng mga magulang ng katipan niya."

Sa sinabi ni Amelia ay parang binusan si William ng malamig na tubig para lang muling matauhan.

"Salamat, Amelia, tunay kang kaibigan, bayaan mo tatandaan ko ang mga sinabi mo sa akin na totoong nagpagaan ng aking dalahin, salamat uli", ang madamdaming sabi ni William.

At sa naging pag-uusap nila ni Amelia ay sinunod ni William ang payo nito at lingid kay Amelia ay unti unting ibinaling ni William ang kanyang damdamin kay Amelia, subali't hindi niya ipinahahalata dito.

Tumagal pa ang dalawang linggo mula ng magkausap ang dalawa.

At isang araw may nagpadala ng bulaklak kay Amelia, dala ng isang bata.

"Kayo po si aling Amelia? May nagpapabigay po nito sa inyo."

"Ha? Sino ang nagpa.... "

Hindi na naituloy ni Amelia ang pagtatanong dahil nagtatakbo na ang batang inutusan.

"Uyyy! Amelia, mukhang may lihim ka ng tagahanga ah", ang bati ni Vicky.

"Sino kaya ang nagpadala nito? Teka may nakasulat sa card, 'sa magandang dilag na may magandang ngiti' "

Hindi iniisip ni Amelia na manggagaling ang bulaklak kay William dahil alam niya na si Helena ang kanyang pag-ibig, at hindi basta ganoong kabilis mawawala iyon. Naging palaisipan kay Amelia kung sino ang secret admirer niya.

"Kung sino man siya, sana katulad siya ni William, maginoo, mabait, at totoo sa sarili, at higit sa lahat propesyunal ang dating na katangian ng isang lalake upang mahalin ng sinumang babae", ang nasabi na lang ni Amelia sa sarili.

Kinabukasan, panay ang tukso ni Vicky kay Amelia ng muli silang magkita sa shop.

"Amelia, buti ka pa maraming tagahanga, sa akin, kahit isang duling walang magkamali", at sabay nagtawanan ang dalawa.

Habang nagbibiruan ang dalawa ay dumating sina William at Henry.

"Kumusta na kayo?" ang bati ng dalawa.

"Heto, nag-aabang ng tagahanga", ang sabi ni Vicky at natawa sila.

"Ikaw talaga Vicky, imbis na customer ang abangan natin eh tagahanga pa ang sinabi mo", ang nakatawang sabi ni Amelia.

"Vicky, ito na lang kaibigan ko, si Henry, ano type mo?"

Nawalan ng kibo si Vicky, parang napahiya, pero sa totoo lang type niya ito mula ng una niyang makita si Henry.

"O, Vicky, bakit bigla kang natahimik", ang panunuksong sinabi ni Amelia habang nakatawa.

At upang mapagtakpan ang pagkapahiya ni Vicky sa tuksuhan ay sumagot ito ng pabiro.

"Ikaw ang gusto ko William, pogi", sabi ni Vicky.

"Bakit si William pa eh pogi rin ako ah, magkamukha kami", ang biro ni Henry.

Dahil sa biruan nila naging live ang kanilang muling pagkikita.

"Tena kayo snack tayo", ang yaya ni William.

"Sinong maiiwan dito? Okay lang ako sige kayo na lang", ang sabi ni Vicky.

Dating gawi, pagdating ng uwian ay inihatid nila William si Amelia sa kanila.

Sa pagpapadala ni William ng bulaklak kay Amelia ay hindi niya sinasabi kay Henry. Talagang inilihim niya ito para walang damdaming masaktan kung sakali.

At pagkaraan ng isang linggo ay muling tumanggap si Amelia ng mga bulaklak mula kay William.