"GUSTO KO ng annulment, Rune." Deklarasyon ni Oshema na sumugod sa opisina ng asawa.
"Hindi mo na kailangang hilingin pa 'yan. Anumang oras ay malaya kang makakaalis sa poder ko." Pahayag ni Rune na nakaupo sa kabukod na sofa. "Gusto ko lang malaman mo na mahalaga ka sa akin."
"Talaga? Kaya pala binugaw mo ako dahil mahalaga ako sa iyo." Ngumiti siya ng may panunuya. Ang tanga-tanga niya talaga.
"Gusto kong lumigaya ka."
"At sa tingin mo maligaya ako ngayon" Muling nagbangon ang galit sa puso niya na ikinataranta ng kanyang kausap. "Baliw ka!"
"I'm so sorry, Oshema. Wala akong ibang maisip na paraan." Ibinaba ng lalaki ang paningin. Nasa anyo ang matinding pagsisisi. "Tungkol nga pala sa kasal natin. That was fake. Ang pari ay kaibigan ko iyon at hindi siya tunay na pari."
Nawalan ng kulay ang mukha niya. Hindi niya alam kung matutuwa siya o lalong magagalit. Bakit kailangang magbayad pa ni Rune ng lalaki para angkinin siya? Sana sinabi na lamang nito sa kanya na hindi siya nito kayang angkinin. Sinira nito ang buong pagkatao niya. Binaboy siya!
"Napakasama mo! Ang sama-sama mo!" Sa sobrang desperasyon ay tila gusto ng bumigay ng kanyang buong sistema. Sumakit ang ulo niya. Nahihilo siya at dumidilim ang kanyang paligid.
"Ate Oshi..." Mula sa kungsaang bahagi ng kadiliman ay narinig niya ang boses ng isang babae.
Napasinghap si Oshema. Nagdilat ng mga mata. Paulit-ulit na kumurap. Nasilaw siya sa liwanag na sumalubong sa kanyang paningin. Tumitig siya sa kisame. Anong nangyari? Kanina lang ay...nahinto siya at bumaling sa kanyang kaliwa.
"Ate Oshema?"
"Vanessa?" Napaiyak siya nang makita ang pamangkin.
"Kumusta ang pakiramdam mo, ate?" Tipid na ngumiti si Vanessa.
"Okay lang ako." Kahit hindi. "Nasa hospital ba ako?" Tanong niya.
Tumango ang dalaga. " Isinugod ka namin ni Kuya Rune dito. Nag-collapsed ka kasi paglabas mo ng office niya."
Iniwas niya ang paningin at buong pagsisikap na pinigil ang mga luha.
Ikinagulat ng mga magulang niya ang pagdating niya sa bahay nila. Doon siya dumeretso pagkagaling sa hospital.
"Nasaan ang asawa mo? Bakit hindi mo kasama?" Usisa ng kanyang ama habang nasa hapag-kainan sila.
"Tapos na ba ang honey moon ninyo? Ang bilis naman. Akala ko one week kayo roon." Dugtong ng kanyang ina.
"May urgent na negosyo po siyang inasikaso." Aniyang iniwas ang paningin.
Kinilala ang husay ni Rune pagdating sa business bukod sa parehong nasa politika ang mga magulang nito. Siguradong masisira ang magandang imahe at reputasyon ng pamilya nito kung mabubunyag ang ginawa nitong kababuyan sa kanya. Hindi siya ganoon kalupit.
Pagkatapos ng hapunan, kinausap niya ng masinsinan ang mga magulang. "Pa, nakipaghiwalay po ako kay Rune." Kompisal niya.
"Ano?" Marahas na pakli ni Vergel na agad bumadha sa anyo ang galit.
"Pa, hindi ko po siya mahal."
"Napakaaga pa para sumuko ka. Di ba't sabi ko matututunan mo rin siyang mahalin. Mabait si Rune." Apila ng kanyang ama.
"Please, ayaw ko na po. Sana maintindihan nyo." Sa unang pagkakataon nagtaas siya ng boses para ipaglaban ang kanyang desisyon. "Ayaw ko na!"
"Oshema!" Di makapaniwala pati ang kanyang inang si Andrea sa inasal niya.
"Nakapagpasya na po ako. I'm sorry kung binigo ko kayo."
"No!" Mabalasik na singhal ni Vergel. Sinaklot ang kanyang braso. "Umuwi ka ngayon din sa asawa mo. Hindi ka makikipaghiwalay sa kanya!"
"No, Papa! I won't go back to him." Nanindigan pa rin siya. Kung sana ay pwede niyang sabihin ang katotohanan. Pero malaking eskandalo ang maidudulot kung magsasalita siya. They said the truth will set you free. Maybe, but it was never easy to gain that freedom when it could destroy other people.
"Susuwayin mo ako?" Lalong nag-alsa ang galit sa boses ng kanyang ama.
Ngunit hindi siya nagpakita ng takot. Kung muli siyang magpapadaig sa kanyang takot, lalo lamang niyang ilulublob ang sarili sa kahayupan ni Rune Olivares.
"Lumalaki ako na sinusunod lagi ang lahat ng gusto ninyo. Kahit ang kaisa-isang pangarap na mayroon ako ay isinakripisyo ko. I'm sorry kung sa pagkakataong ito ay hindi ko na po kayo mapagbibigyan." Binaklas niya ang braso mula sa pagkakahawak ng ama at lumabas ng drawing room.
"ATE OSHEMA..!" Masayang sinalubong siya ni Vanessa at niyakap ng mahigpit pagkapasok niya ng sala.
"Kumusta?" Tipid siyang ngumiti at niyakap pabalik ang dalaga.
"Ate, pumayat ka yata. Buntis ka ba?" Pabirong puna nito.
Ngumiti ng mapakla si Oshema at umiwas ng tingin para ikubli ang paglatay ng kirot sa sulok ng mga mata. "Nasaan ang mommy mo?" Tanong niya at naupo sa single sofa. Nakatatanda niyang kapatid ang mommy ni Vanessa.
"Sumama kay daddy sa Baguio." Naupo din ang dalaga sa isa pang single set. " Okay ka na ba, ate?" Ganting tanong nito.
"Okay na ako."
"Ikaw lang ba mag-isa? Nasaan si Kuya Rune?"
"Busy siya sa office. Kumusta na ang pag-aaral mo?" Nilihis niya ang usapan. "Hindi na ba galit ang daddy mo na umalis ka ng Ateneo?"
Ngumiti si Vanessa. "Hindi na. Matitiis ba ako nun? Isa pa, masaya ako sa school ko ngayon." Pagmamalaki nito sa bagong paaralan na pinasukan.
"Talagang nagustuhan mo doon, ayan, lalo kang gumanda." Nangiti na rin siya kahit pilit. Pero totoo namang masaya siya para sa pamangkin. She looks happy and inspired.
"Ate, may boyfriend na ako." Kinikilig na kompisal nito.
"Talaga? Sabi ng mommy mo masyado kang pihikan. Sino ang maswerteng lalaki?"
"Schoolmate ko."
"That explains why you love your new school. Alam na ba ito ng parents mo?"
"Si mommy lang, hindi ko pa nasabi kay daddy. Pero sasabihin ko rin naman. Naghahanap lang ako ng perfect timing."
Tumango lang siya. " Just be careful, okay?" Paalala niya.
" Mabait si Yzack." Banaag sa boses ni Vanessa ang sobra-sobrang tiwala sa lalaking pinili nito.
Nagpahanda ng snacks ang dalaga na pinagsaluhan nila habang pinanonood ang samu't saring mga isda sa aquarium na inaalagaan ng kanyang kapatid na si Nancy.
Maswerte ang kapatid niya sa naging asawa nito. Kahit fixed marriage din ang nangyari pero nagkaroon ng pagkakataon ang mga ito na makilala ang isa't isa at mahalin. Hindi kagaya nilang dalawa ni Rune na mabilis pa sa alas-kwatro.
Nalaman niya mula kay Vanessa na nangangailangan ng karagdagang guro ang university kung saan ito kasalukuyang nag-aaral. Lumubo daw ang population ng mga estudyante sa nakalipas na dalawang semester. Naengganyo siya. Wala namang masama kung susubukan niyang mag-apply roon. Nagtapos siya ng Civil Engineering at pasado siya sa board exam bago siya pumasok ng kombento. Nakapagturo na rin siya sa isang boys school sa Cebu na pinatatakbo ng mga madre mula sa kanyang congregation. Bakasakali makatulong kung subukan niyang magturo doon sa school na pinasukan ni Vanessa para makalimot siya kahit papaano sa hagupit ng kapalaran na kanyang sinapit.
Kasalukuyang nagpapahinga siya sa guest room nang pumasok si Vanessa, humahangos at bitbit ang wireless telephone.
"Ate, tumawag si grandma. Si Lolo Vergel daw, inatake." Balita nito.
"My God!" Parang sinabugan ng bomba si Oshema. Tumalon pababa ng kama at tumakbo palabas ng silid.
"Ate, wait!" Humabol si Vanessa.
Makalipas ang mahigit isang oras ay narating nila ang hospital kungsaan isinugod si Vergel. Dinatnan nila sa labas ng emergency room si Andrea na umiiyak.
"Ma," Nilapitan niya ang ina at niyakap. Ngunit marahas na itinulak siya nito palayo kasunod ang malakas na sampal na dumapo sa kanyang pisngi. Natulig siya. Habang si Vanessa ay natigagal at hindi nakakilos.
"Lumayas ka sa harap ko! Kasalanan mo kung bakit inatake ang iyong ama. Wala kang kwentang anak! Walang utang na loob!" Galit na galit na singhal ng kanyang ina.
Hindi siya makasagot at umiyak na lamang sa kawalan ng magawa. Napahawak siya sa kanyang pisngi na kumikirot dahil sa pagsampal ng ina.
"Tatandaan mo, kapag may masamang mangyari sa iyong ama, hinding-hindi kita mapapatawad." Sigaw ni Andrea.
"Lola, tama na po." Namagitan si Vanessa. Luhaang umalis si Oshema na hindi na kinaya ang sakit at bigat ng kalooban.