Chapter 25:
Abby's POV:
Nang sumapit ang lunch break ay nagboluntaryo na ang dalawa para bumili ng makakain naming tatlo.
Habang namimili sila ay pumunta na ako sa storage room para kunin ang mga kubyertos na aming gagamitin.
Sandali akong napahinto nang mapatingin ako sa electric stove. Biglang may lumitaw na imahe sa aking utak, pero agad kong ipinilig ang ulo.
"Happy thoughts lang Abby, 'wag ka ng mag-isip ng kung anu-ano." Ilang beses akong huminga ng malalim bago lumabas ng storage room dala ang mga kubyertos.
"Oh nandito na agad kayo, ang bilis niyo naman?" Sabi ko sa kakapasok na Joyce at Jackie.
"Binilisan talaga namin girl kasi umaambon, mabuti na lang at nakabalik na kami bago pa lumakas ang ulan."
Napatingin ako sa glass window, oo nga, malakas ang ulan.
Inabutan ko sila ng face towel para punasan ang medyo basa nilang mga katawan.
"Teka, kanino 'yang hawak mong bulaklak bakla? Galing ba kay Cheska? Yiee, ikaw ah ang haba talaga ng hair mo." Puna ko sa isang boquet na bulaklak na dala niya.
"Duh bakla, mukha ba akong bata para bigyan ng santan? Para sa'yo 'to bakla, pinapabigay ng batang nakasalubong namin sa entrance ng building."
"Oo nga girl, ang sabi ng bata ay may nagpapabigay daw para kay Miss Abby Dizon. Hindi na namin natanong kung sino ang tinutukoy ng bata kasi tumakbo agad eh."
Inabot sa akin ni bakla ang hawak niyang bulaklak.
Oo nga, isang boquet nga ng santan ito.
Ilang sandali ko itong pinagmasdan.
"Pakibalik sa nagbigay." Blangkong sabi ko sabay balik ng bulaklak kay Jackie.
"Seryoso ka ba bakla?! Wala na yung batang nagbigay, so ano'ng gusto mo, hanapin namin para lang maibalik 'yang bulaklak?"
"Oo nga girl, tsaka maganda naman ang pagkaka-arrange ng santan. Para ngang santan na pinasosyal eh, natural na natural at walang halong kemikal."
"Ehh basta pakibalik na lang. Kung ayaw niyo, pakitapon na lang diyan sa tabi." Iritado kong sabi at tinalikuran sila.
Pero imbis na gawin nila ang sinabi ko ay inilapag lang nila ang bulaklak sa sofa at nagsimula ng ihanda ang pagkain sa lamesa.
"Oh bakit hindi niyo pa tinatapon?"
"Eh bakit ba atat na atat ka bakla? Teka lang okay, mamaya na lang, kain muna tayo. At saka Ano ba'ng meron sa bulaklak at parang iritang-irita ka?" Ani bakla habang inilalabas sa paper bag ang pinamili nilang mga pagkain.
"W-Wala lang."
"Don't tell me girl binigyan ka ni ex ng santan dati, kaya ka nagkakaganyan." What the?! Pa'no niya nalaman? "Joke lang! As if namang magbibigay ang galanteng Rigel ng santan sa isang maarteng tulad mo."
*Sigh*
Akala ko kung alam na niya. Pero muntik na, mabuti na lang at hindi ako nagreact masyado.
"Maarte ka diyan, kain na nga tayo." Pag-aaya ko, baka maisipan pa nila akong sabunin.
"Anyways bakla, kamusta pala kayo ni Rigel? " Muntik pa akong mabulunan sa tanong ni Jackie. "I mean kamusta lang, walang kayo. You know, bilang employer and employee, pero pwede ring as ex lovers."
Inirapan ko si bakla. "Hmm, ayos lang. Pero hindi kami ex-lovers." Casual na sagot ko.
"So hoping ka girl?" Sabat naman ni Joyce.
"Baliw, kinaclarify ko lang na hindi kami ex-lovers ni Rigel. Tsaka kung ano man ang meron sa amin ngayon ay about na lang sa trabaho 'yon, kaya kayo, tigil-tigilan niyo ang pagshi-ship niyo dahil taken na ako. Teka, bakit ba ako na lang palagi ang topic? Kayo din naman kaya? Ikaw Joyce, kamusta kayo ng jowa mo?"
"Oh well, ayon medyo ayos naman. Pero ewan ko ba, lately ay lagi na lang daw siyang may kinikitang kaibigan. Kapag tinanong ko naman kung sino, ang sasabihin niya ay huwag akong mag-alala dahil hindi siya nambababae." Nagkibit balikat si Joyce.
"Aba siyempre naman bakla, hindi siya puwedeng mambabae dahil kami ng Abby ang makakalaban niya. Kakalbuhin namin lahat ng buhok niya sa katawan including down there. 'Diba Abby?"
Natawa kami sa sinabi ni bakla. Ibang klaseng kaibigan talaga 'to. Kahit na sabihin na nating madalas namin siyang pinipikon ni Joyce ay mahal na mahal pa rin niya kami, handa siyang makipag-sampalan, kalmutan, at sabunutan para lang sa amin.
"Oo naman bakla, at hindi 'yon gugustuhing maranasan ni Jherwin. Ang dami mo kayang sinabak na giyera para lang mapansin niya, knowing na isa siyang sikat na personality at isa kang hamak na fan lamang dati."
"Bihira lang mangyari ang ganiyan, na maging jowa mo ang idol mo!" Kinikilig na sabi naman ni Jackie.
"Eh ang daya niyo naman kung gano'n." Ngumuso si Joyce.
"Bakit naman bakla? Eh ikaw na nga ang ipaglalaban namin." Ani Jackie.
"Syempre, masyado niyo naman akong binabaldado kung gano'n. Hindi pupuwedeng kayo lang ni Abby ang sasabak sa giyera, sasama ako siyempre para full force! Sabay-sabay natin siyang kakalbuhin."
"Ay bongga ka diyan bakla, gusto ko 'yaaan!" At saka sila nag-apir na dalawa.
"Tapos na kami ni Joyce bakla. Ikaw naman ang topic ngayon Jackie." Mapang-asar na sabi ko.
"Sus, si Cheska nanaman ang sasabihin niyo. Ipagduduldulan niyo nanaman ako sa babaeng 'yon. Haynako, hindi na kayo nagsawa." Umirap si bakla sa amin.
"Tumpak ka diyan girl! Matic na 'yon syempre. So, kamusta si Cheska?"
"Ewan ko ba sa babaeng 'yon. Hindi siya nagpapapansin sa akin lately. Tapos puro ang nakikita ko naman sa posts niya sa instagram eh ang lalaswa!"
"Ba't parang ang bitter mo girl? Namimiss mo ba? Tsaka siguro iniistalk mo siya sa instagram noh?" Oo nga, ang asim ng mukha ni bakla.
"Duh, hindi ko siya namimiss bakla. Mas gusto ko nga 'diba na hindi siya nagpapapansin dahil hindi ako nadidistract. At hindi ko siya iniistalk kaya huwag kang maissue."
Sabay kaming nagkatinginan ni Joyce at napangisi sa isa't-isa. We really smell something fishy about bakla.
Pa'no ba naman kasi, his actions say it all. Una, parang sinasabi niyang mas gusto niyang hindi nagpapapansin si Cheska para hindi siya madistract, so it means nadidistract siya sa presence nito. Pangalawa, halatang iniistalk niya si Cheska dahil hindi naman niya ito finofollow sa instagram, alam naming dalawa ito ni Joyce. Pangatlo, iritado siya hindi dahil malaswa ang suot ni Cheska sa posts niya, kundi dahil ang ganda ng posts nito.
Ang hirap siguro noh kapag lumaki kang bakla. Kasi ang big deal lalo na sa ibang tao kapag nagkagusto ka sa isang babae.
Pero sabi nga nila, walang matigas na tinapay sa mainit na kape.
So I'm really looking forward sa kahihinatnan ng dalawang 'to.