"Huy, Sandy! Anong ginagawa mo diyan?"
Nakatihaya sa sahig at tulalang nakatitig sa kisame si Sandy. Hindi ito gumalaw kahit na napakabango pa ng pagkaing dala-dala ni Ramsha.
"May narealize ako Ram!"
"Ano?" tanong ng kaibigang nahihiwagaan sa kaibigan habang dahan-dahan nitong hinahanda ang pagkain sa ibabaw ng maliit na mesa.
"Boyfriend ni Sheena si Yuan, tama?"
"Yun ang pakilala niya kanina, hindi ba?"
Tumayo bigla si Sandy at napaka-animated nitong ipinaliwanag ang kanyang napagtanto.
"Naikuwento sa akin ni Franco na inagaw ni Yuan ang girlfriend niya na ngayon ay ex na niya. Kung ang girlfriend ni Yuan ngayon ay si Sheena, ibig sabihin, ex ni Franco si Sheena na nagkataon na kaklase ko na girlfriend ng lalaking gusto akong resbakan dahil pinalo ko sa ulo."
Ngumiwi ang mukha ni Ramsha sa pinagsasabi ni Sandy.
"Oh tapos?"
"Ang guloooo, Ram!" pinisil ni Sandy ang malalambot na pisngi ni Ramsha. "Grabeee! At ito pa! Kanina binigyan ako ni Franco ng sandwich. Da-la-wa! Binigay ko kay Sheena ang isa at alam mo anong naging reaksyon niya?"
Nakataas ang isang kilay ni Ramsha sa pandidilat ni Sandy.
"Ano?"
Binitiwan niya si Ramsha at umarte, ginaya si Sheena. Puno ng kadramahan ang kanyang pananalita habang nagkukuwento.
"Natigilan siya! Ang mga mata niya'y tila naluluha! Ang sabi pa niya, may naaalala siya sa pagkaing 'yon." Niyakap niya si Ramsha. "Naaalala niya ang dati niyang pag-ibig."
Itinulak ni Ramsha si Sandy.
"Para kang siraulo. Nasobrahan ka ata sa pagbabasa ng mga nobela eh. Ano bang point mo? Anong napagtanto mo?"
Naupo si Sandy at naging matamlay.
"Na mahal na mahal pa nila ang isa't-isa. Baka alam ni Franco na kaklase ko si Sheena at sinadya niyang padalhan ako ng sandwich para mabigay ko sa ex niya at maalala siya ni to. Di ba?"
Hindi sumang-ayon si Ramsha sa teorya ni Sandy at hindi rin siya interesadong pag-usapan si Sheena at Franco.
"Alam mo? Tigilan mo na yan. Gutom ka lang eh. Halika na kumain na tayo at pagkatapos, magpatuloy ka na sa ginagawa mo."
Lumapit si Sandy kay Ramsha at kumuha ng plato para lagyan ng pagkain. Kahit kumakain ito, hindi pa rin siya tapos sa mga teorya niya tungkol kay Franco.
"Di kaya sinasadya ni Franco na ihatid ako dahil nagbabakasakali siyang makita si Sheena sa school? Ginagamit niya kaya ako?"
Naiirita na si Ramsha sa mga pinagsasabi ni Sandy kaya naging seryoso ang mukha nito ng kausapin siya.
"Sandy! Tumigil ka na! Gumagawa ka na ng kuwento na di makabuluhan eh. Oh sige, ipagpalagay natin na mahal pa nga ni Franco si Sheena which is hindi naman imposible, ano naman ngayon? Apektado ka?"
Nagulat si Sandy sa mga huling salita ni Ramsha.
"Ha? Apektado? Hindi no. Bakit naman ako magiging apektado?"
"Oh ayon naman pala eh. Wag na natin silang pag-usapan."
At hindi na nga nagsalita pa si Sandy tungkol sa mga teorya niya kay Franco, kay Sheena at kay Yuan. Subalit naging isang palaisipan sa kanya ang tanong kung apektado nga ba siya o hindi. Sa mga nagdaang araw, aminado si Sandy na nawili siya sa pag-aalala ni Franco na halos nakalimutan niya na meron pala itong pinagdadaanan.
______________________________________________
Kinabukasan, gabi na umuwi si Sandy sa boardhing house. Pagkaskas ng gitara at isang malamig na tinig mula sa itaas ang naririnig ni Sandy mula sa spiral staircase. Dahan-dahan itong umakyat at nanatili roon upang pakinggan ang musika na tila bumibighani sa kanyang pandinig. Nang di namamalayan, kahit ang kanyang puso ay nabihag ng mahikang dala ng tinig na 'yon.
Maiging pinapakinggan ni Sandy ang liriko ng awiting kanyang kinakanta.
"Kung di rin tayo sa huli, aawatin ba ang puso kong ibigin ka?"
Ramdam niya ang lungkot ng awiting iyon tila bugso ito ng pusong nangungulila. Hindi niya rin mapigilang damdamin ang pagkakataong iyon.
"Mahal na mahal niya nga si Sheena."
"Hoy Sandy! Anong ginagawa mo diyan?" tawag ni Sabrina nang mapansin niya si Sandy na nakaupo at nakasandal sa hagdanan habang pikit ang mga mata.
Nagulat si Sandy sa biglang pagsulpot ni Sabrina kaya tumayo ito bigla at nagkandarapang bumaba. Sa pagmamadali, aksidente itong nadulas. Buti na lang nagawa niya pang kumapit at hindi siya tuluyang nahulog. (Sana all hindi tuluyang nahuhulog!)
Kumulubot naman ang kanyang mukha habang hawak-hawak ang paa.
"Omygosh! Okay ka lang?" lumapit si Sabrina upang tingnan ang kalagayan ni Sandy.
Bigla dumungaw ang mukha Franco. Tila narinig niya ang pagkalabog ni Sandy at ang ingay ni Sabrina kaya inusisa niya ito.
"O-okay lang ako." Pakunwari ng dalaga, hawak-hawak pa rin ang paa.
"Sigurado ka? Sige nga. Tayo ka nga." pag-aalala naman ni Franco.
"Okay nga lang ako!" tumayo agad si Sandy ngunit muntik itong matumba. Umupo muli ito at dinama ang sakit ng paa.
"Mukhang na-sprain ang paa mo."
"Naku po!" nag-alala ng labis si Sabrina. "Sandali! Kukuha ako ng ice pack! Babalik ako!"
Dali-daling umalis si Sabrina at pumasok ng tindahan upang kunin ang ice pack. Samantalang pinilit ulit ni Sandy na tumayo at patunayan na ayos lang siya.
"Sab! Okay lang talag— awwwe!"
Hindi pinakinggan ni Franco ang pandedeny ni Sandy. Walang abiso, kinarga niya si Sandy at dinala sa taas.
"Huy! Anong ginagawa mo? Okay lang talaga ako! Pramis! Oo, masakit pero di naman gaano kahapdi. Kaya kong tiisin! Pramiiis!"
"Bakit ba naman kasi tinitiis pa kung masakit na? Kung pwede naman palang bumitaw? Kung pwede naman palang humingi ng tulong sa iba?"
Muling nakakulong si Sandy sa mga tingin ni Franco, mga malalim at nangungusap na mata na tila hinihila ang puso niya. Mahigpit naman ang kapit nito sa leeg ng binata habang karga-karga siya nito.
"Paa ko pa ba ang pinag-uusapan natin?"
Bumitaw ng tingin si Franco. "Kapag pinilit mong maglakad, maaaring lumala yan. Gusto mo bang mag-absent ng isang linggo?"
"Hindi!"
"Ayun naman pala eh. Wag ka ng makulit!"
Binaba ni Franco si Sandy at pinaupo sa bench. Tahimik silang dalawa habang naghihintay kay Sabrina. Sa sobrang tahimik, maririnig mo sa paligid ang mga kuliglig.
Ramdam ni Sandy na nakatitig sa kanya si Franco. Sa takot na baka di niya kayanin at tuluyan na siyang bumigay, lumayo siya ng tingin at ibinaling sa mga bituin.
"Uuuy!" itinuro ni Sandy ang langit at nanabik nang bigla itong nakakita ng bulalakaw. "Nakita mo yun?"
"Ang alin?"
"Falling star!!!" ngumiti ito at bumulong. "Buti pa ang stars nafo-fall!"
"Ha? Ano yun?
Hindi sinagot ni Sandy si Franco. Ngunit dali-daling nitong kinuha ang phone niya at tiningnan ang Astro Calendar na App. "Uuy! May Arietids pala ngayong gabi!"
Umupo sa tabi ni Sandy si Franco at sumilip sa cellphone. "Ano yan?"
"Astro Calendar. Sinasabi nito kung kelan magkakaroon ng meteor shower. At tamang-tama, may Arietids ngayong gabi."
"Ano naman yan?"
"Mmm, isang uri ng meteor shower na nagmula sa mga debris ng asteroid Icarus. 30 stars per hour nga lang ang bagsak nito. And mas makikita mo sila kapag sunrise kasi ang tawag sa kanila ay Daylight Arietids."
"Ba't ang dami mong alam tungkol sa mga stars?"
"Yung kapatid ko kasi eh. Ang hilig-hilig sa Astronomy." Ngumingiti itong nangungulila sa kapatid habang nakatingin sa langit. "Sa tuwing may meteor shower, sa labas kami ng balcony natutulog. Buong pamilya nakahiga sa ilalim ng milyung-milyong bituin."
Habang nagkukuwento si Sandy, tahimik naman na nakatingin si Franco sa kanya.
Natutuwa.
Nabibighani.
Bigla niyang naalala ang sinabi ni Inigo. "Ang bilis mo naman atang makamove on?"
Kinalog niya ang kanyang ulo at tumayo palayo sa tabi ni Sandy. Siya rin namang pagdating ni Sabrina.
"Sorry! Natagalan! Dinala kasi ni Kuya Chardie sa bahay ang ice pack. At hinanap ko pa yung first aid kit." Lumapit si Sabrina at sinimulang remedyuhan ang paa ni Sandy.
"Maraming salamat, Sabrina ha?"
"Ano ka ba! Wala 'to!" Ngumisi ng malaki si Sabrina. Pagkatapos niyang palamigin ng ice pack ay nilagyan niya ng bandage ang paa nito. "Ipagpahinga mo lang yan at bukas magiging okay na. Medyo iika ka nga lang ng konti pero at least pwede nang ilakad, diba?"
"Oo, tingin ko rin. Hindi naman talaga ganun kalala ang sprain."
Sumabat naman si Franco. "Pero hindi mo rin pwedeng maliitin ang maliit na sprain dahil—"
"Oo na nga! Hindi ko pipilitin maglakad!"
"Hay naku! Aso't pusa talaga kayo." Nagkamot ito ng ulo sa bangayan ng dalawa. "Oh, Franco. Ikaw na ang bahala sa kanya ha. Mauuna na ako."
"Salamat ulit, Sab!"
At naiwan ang dalawa. Muli sila ay tahimik.
Ngunit binasag naman ito ni Sandy.
"So anong gagawin ko ngayon? Gagapang ako papasok ng kwarto?"
"Nagpaparinig ka ba?"
"Tingin mo?"
"Pwede kang makiusap nang maayos."
Umirap si Sandy at huminga ng malalim.
"Okay fine." Binago ni Sandy ang tono ng pananalita at umarte na parang pabebe "Pakebuhet nemen po ako sa leeb ng kwerto ko powww?"
"Yucks! Hindi mo ikinaganda yan. Tumigil ka."
Naiirita si Franco sa pagpabebe ni Sandy. Gayunpaman, binuhat niya pa rin ito. Hindi naman tumigil si Sandy. Mas lalo pa niya itong ininis. Mas inartehan niya at mas binata ang boses. Sa sobrang pabebe, nakaka-cringe!
"Pakikowha nemen ng shushe ke she leeb ng beg ke."
"Isa pa, ibabagsak talaga kita."
Tawang-tawa naman si Sandy sa pagkainis ni Franco. Sobrang tuwang-tuwa siya sa pang-iinis sa binata. Pinagmamasdan naman ni Franco ang nakakakiliting tawa ni Sandy at hindi niya rin mapigilang ngumiti.
"Uuuy! Ngumiti siya! Ang cute ko ba?" Inasar ulit ni Sandy si Franco. Muli itong nagpabebe. "Nekeketuwe peleng megsheleta neng genetow noh? Keshe nepepetewe kete."
At hindi napigilan ni Franco, natatawa siya na naiinis.
"Ang pangiiiit mong pakinggan! Nakakainis! HAHAHAHA!"
At sa gabing yun, saksi ang ulap, ang hangin, ang mga kuliglig at mga bituin sa kaligayahang pansamantalang tinatamasa ng dalawa.
Ang saklap! May mga bagay talaga na masarap gunitain. Hinihiling natin na sana'y magtagal ang sandaling minsan ay masaya.
Napakasaya ni Franco. Ngunit sa likod ng tuwang 'yun ay pagdadalawang-isip, na tila wala siyang karapatang lumigaya. Gayunpaman, kahit isang gabi lang, hahayaan niya ang sarili na ngumiti kahit hindi niya batid kung bakit. Kahit hindi sa piling na dating kasintahan. Ang mahalaga ay nakakangiti.