Chereads / My Love Next Door / Chapter 22 - We All Need a Hug

Chapter 22 - We All Need a Hug

Nagpalakpakan ang lahat pagkatapos ng pagtatanghal ni Sandy. Mabigat man ang puso dala ng mga salitang binigkas, ngumingiti naman ito dahil kahit papaano ay nagawa niyang humarap sa mga tao.

Habang naghihiyawan pa ang mga tao, sinimulan na ring kantahin ng Banda sa Kalye ang huling awitin.

"Pasensya ka naaa … sa mga kathang-isip kong itoooo. Wari dala lang ng pagmamahal sa iyo." Pasimula ni Franco ang korus ng awiting "Kathang Isip" ng Ben & Ben.

Nakiawit naman ang buong club sa sikat na awiting iyon habang dahan-dahang bumaba si Sandy at sumama kay Ramsha. Lumayo muna sila sa ingay upang makapag-usap.

"WOOOOW! Grabe! Ang galing mo!!!" todo ang paghanga ni Ramsha. "Di ko alam na may ganyang klase ka pa lang talento! Hugotera ka pala?"

Pilit namang ngumingiti si Sandy habang umuupo ito sa isang mataas na upuan.

"Salamat."

"Sino ba ang inspirasyon mo sa tulang 'yon?"

Hindi makapagsalita si Sandy. Hindi niya alam ang isasagot.

Nag-isip na lamang ito ng ibang dahilan.

"Uhm… Tungkol 'yon sa… aaah, sa k-kuya ko na nagkagusto sa kapitbahay namin na may nobyo na pala."

Nandilat ang mga mata ni Ramsha.

"Talaga? Ang saklap naman. Alam mo bang ramdam ko 'yong sakit sa tuwing binibitawan mo ang bawat salita? Grabe, ang ganda ng tula mo, Sandy!" paghanga ulit ng kasama na may dalang slow clap pa.

Habang sila'y nag-uusap, natapos na rin ang tugtugan. Tulad ng nakagawian, nagpatuloy sa pag-iinuman ang mga tao samantalang ang iba naman ay nagpapalitrato sa mga musikero.

Unang-unang napansin ni Ramsha ang mga babaeng humaharot sa pagpapapiktyur kay Inigo. Ikinainis niya ito ng sobra na halos obvious na sa kanyang mukha ang matinding pagseselos.

Bigla itong tumingin sa kanilang kinakatayuan at agad itong lumayo ng tingin.

"Sandy!" tawag ni Inigo. "Halika!"

"Naks! Instant sikat ka na. May magpapapiktyur ata sa'yo." Pang-aasar ni Ramsha.

"Tumigil ka nga! Babalik agad ako. 'Wag kang umalis diyan." tumayo ito sa kanyang kinatatayuan at lumapit kay Inigo.

"Sir, dalawang bote nga!" tawag ni Zein sa bartender nang umupo ito bigla sa tabi ni Ramsha.

Nang mapansin siya ni Ramsha, umirap ito na tila nairita sa pagmumukha niya. Gayunpaman, tinanggap niya pa rin ang bote ng alak na iniabot sa kanya.

"Bakit ka ba pumunta dito? Yan tuloy, makikita mong dinudumog ng mga chics ang crush mo." Pang-aasar ni Zein na natatawa sa naiiritang si Ramsha.

"Shut up!"

Tumingin si Zein kung nasaan si Inigo at ngumingiti-ngiti.

"Bakit di ka kaya lumapit dun at magpapiktyur na rin?"

"Isa pa Zein at uupakan na kita."

Humalakhak si Zein ng todo dahil inis na inis ang kausap. Hindi natutuwa si Ramsha kaya nanatiling itong tahimik.

Tumigil na rin si Zein sa kakatawa at naging seryoso. Pinagmasdan niya ang magandang mukha ng binibini habang umiinom ito. "Bakit di na lang kasi ako ang mahalin mo? Di ka sana nasasaktan ng ganyan …"

Tumigil sa pag-inom si Ramsha at malamig na tiningnan si Zein.

"Ah talaga? Bakit di mo ko subukang ligawan?"

Hinamon niya ito! Tumawa lang si Zein.

"Gusto ko sana eh kaso alam ko namang basted ako so … wag na lang!"

Umiling sa dismaya si Ramsha.

"Duwag ka naman pala, eh! Puro ka lang biro …" nilaklak ni Ramsha ang buong laman ng bote at saka lumabas ng club.

Naiwan si Zein na nakatingin sa hangin.

"Si Ramsha?" tanong ni Sandy kay Zein nang bumalik ito at napansing wala na roon ang kaibigan.

Di sumagot si Zein. Nagkibit-balikat lang ito.

Dumating naman si Franco at ang ibang kabanda nito para sumali sa usapan.

"Ano na, Sandy? Mukhang nangangamoy career ka ah?" batid ni Arvin.

"Oo nga!" dagdag ni Emari. "Nakita ka namin na kausap si Mr. Martinez. Anong sabi?"

Sumagot si Inigo. "Inalok siya na magperform dito sa North Avenue. Kung maaari, tuwing Biyernes kasabay ng tugtugan. Mukhang nagustuhan niya ang pakulo."

"Sabagay, magandang pakulo naman talaga 'yon. At saka ang galing mo kanina, Sandy. Nakakadala!" paghanga ni Emari.

"Oo nga!" Sumang-ayon naman si Arvin.

"Maraming salamat!" nahihiyang sagot ni Sandy sa lahat.

"So, ano? Tatanggapin mo ba ang alok? Malaki din bumayad yung matandang 'yon." Ani ni Emari. "Makaka-extra ka!"

Nagkibit-balikat si Sandy. "Pag-iisipan ko muna."

"Nahihiya kasi 'yan eh. Takot sa madla." Pambibisto naman ni Inigo.

Tumingin nang masama si Sandy kay Inigo habang ang mga kamay nito ay nakapatong sa kanyang mga braso.

"Aaah! Bago ko makalimutan, may kasalanan ka nga pala sa 'kin."

Pilit na ngumiti si Inigo, tinatago ang takot dahil alam niyang lagot siya kay Sandy dahil sa ginawa nito. Lumapit si Sandy sa kanya upang kurutin ito sa gilid ng tiyan. Hangga't sa nagharutan ang dalawa na ikinatuwa ng ibang kasama maliban sa isa. Sa sobrang sweet nila, di mapigilang asarin ni Emari at Arvin ang dalawa.

"Oooy! Alam niyo, bagay kayo! Di ba? Di ba?" ani ni Arvin na humihingi pa ng suporta kay Franco at Zein na parehong hindi umimik.

"Oo nga. Sobrang bagay." Pang-aasar ni Emari. "Pwedeng kayo na lang? eeeet!"

Tumigil sa paghaharutan ang dalawa dahil sa pang-aasar ng mga kaibigan. Naging hilaw naman ang ngiti ni Sandy. "Ano ba kayo, guys! Magkaibigan lang kami ni Inigo."

Nagkamot naman ng ulo si Inigo dahil sa hiya. "Tumigil nga kayo sa kalokohan niyo. Alam niyo, why don't we celebrate this amazing night somewhere else?"

"My place is available." Excited na nag-volunteer si Emari.

"Niiice! Tara-tara!" pananabik ni Arvin.

"Teka! Isasama natin si Ramsha, ha!" ani ni Sandy.

"Oo naman!" sang-ayon ni Arvin.

Kinuha ni Franco ang helmet at susi ng motor niya at nagpaalam sa mga kaibigan. "Una na ako. May kailangan akong puntahan, eh."

Gustong pigilan ni Sandy si Franco at kumbinsehin na sumama ngunit hinawakan siya ni Inigo sa braso at umiling. "Pabayaan na muna natin siya. Mukhang gusto niyang mapag-isa."

Nagpunta ang buong barkada sa bahay ni Emari. Napakagulo at napakaingay nila sa loob ng sasakyan ni Inigo dahil panay ang pagbibiro at harutan nila Emari at Arvin. Kahit si Ramsha ay nakikigulo din sa kanila. Bagama't di nagsasalita, nakikitawa din si Zein. Samantala, tahimik naman si Sandy sa front seat, iniisip si Franco.

Napansin ito ni Inigo. "Okay ka lang?"

"H-ha? Oo. Okay lang ako. Bakit?"

"Mmm… wag mo na siyang alalahanin. Kailangan niya lang ng space mag-isip."

Hindi sumagot si Sandy. Tumingin ito muli sa labas ng bintana at inisip pa rin si Franco. Kahit anong sabihin ni Inigo, hindi niya maalis mag-alala para sa binata.

Sa Cortez Residence…

Malamig ang hangin at maliwanag ang gabi. Nakasandal sa labas ng gate si Franco at nagtatalo ang isipan kung pipindutin ba niya ang doorbell o hindi. Mula sa labas maririnig ang masayang ingay sa loob ng Cortez Residence. Maraming tao sa loob, nagtatawanan, nag-aawitan, at nagsasayawan.

Sa loob naman ng bahay na yun ay kapansin-pansin ang madalas na pagdungaw ni Sabrina sa bintana, tila may inaasahang bisita. Sa muling pagsilip niya, napansin niya rin sa wakas ang binatang nakatayo at lamig na lamig sa hangin. Dali-dali itong lumabas upang pagbuksan ng gate ang panauhin.

"Franco! Kanina ka pa diyan? Ba't di ka nag-doorbell? O pumasok agad? Bukas naman ang gate ah!" bati ni Sabrina habang inaayos ang salamin sa mukha.

"Actually, di sana ako makakapunta dahil sa gig pero maaga kaming natapos kaya tumuloy na lang ako… kaso, mukhang late na…"

"Alam mo bang kanina ka pa hinihintay ni mama? Halika na!"

Hinila ni Sabrina si Franco papasok ng bahay. Nang makita siya ng pamilya ni Sabrina, isang mainit na pagtanggap ang bati sa kanya ng mama at papa ni Sabrina. Binati rin siya ng mga kapatid nito at pinsan.

"Happy Birthday po, Tita Hilda!" bati ni Franco sa mama ni Sabrina.

"Francooo!" lumapit si Tita Hilda at niyakap niya ang binata na para bang niyakap niya ang isang anak na matagal na nawala. "I'm so happy that you came."

"Salamat po sa pag-imbita. Sorry, hindi ako nakapaghanda ng regalo."

"Ano ka ba! Di na mahalaga yun. Halika! Umupo ka!" umupo sila sa sofa. Tinawag naman ni Tita Hilda ang isa sa kanilang kasambahay at inutusan. "Manang Norma, pakibigyan naman ng pagkain si Franco. Salamat!"

Nakangiti si Franco habang sinusuri ang bahay ng Cortez Residence. Sa tuwing napaparito siya sa tahanang ito, lagi siyang tinuturing na kapamilya nila.

"Halos wala pong nagbago dito, ah. Tulad ng dati, masaya at maingay pa rin dito."

Napangiti si Tita Hilda. "Matagal ka na ring hindi dumadalaw dito. Mula noong nag-high school ka, di na kita nakikita."

"Sorry po. Madalas ko po kasing kasama yung kabanda ko."

"Tara! Sa hardin tayo magkamustahan." Dahil maingay sa loob, nagpahangin at nag-usap nang masinsinan ang dalawa sa labas ng bahay. Naupo sila sa isa sa mga bench sa hardin. "Kumusta ka naman? Nag-usap kami ng mama mo. Dumalaw ka raw sa kanila?"

Hindi nagulat si Franco na malaman ni Tita Hilda ang tungkol sa bagay na yun. Best of friends ang mga ina ni Franco at Sabrina kaya naman tinuturing din siya nito na parang sarili niyang anak. Kahit si Franco man ay parang nanay niya na rin ang tingin kay Tita Hilda.

"Mmm… ewan ko po ba. Bigla ko na lang siyang namiss, eh. Kaya napadalaw ako bigla."

"So kumusta naman? Masama ba ang tingin ng stepdad mo sayo? Yung mga kapatid mo? Inaway ka ba?" pag-aalala ang maipipinta sa mukha ni Tita Hilda.

Natawa naman si Franco sa kanyang reaksyon. "Napakabait po ni Tito Dennis. Hindi ko nga po inasahan na welcome pala ako doon. Siya pa ang naghanda ng kwartong matutulugan ko. At saka yung mga kapatid ko… ang babata nila. Sa isang linggong pananatili ko run, masaya sila na nakikipaglaro sa 'kin."

"Mabuti naman!" Napanatag ang loob ni Tita Hilda sa kuwento ni Franco at napangiti. "Masaya ka ba?"

"Opo!"

Hinaplos ni Tita Hilda ang ulo ni Franco at dahan-dahan itong pinahiga sa kanyang balikat at niyakap niya ng mahigpit. "Masaya ako na masaya ka. Yung lang naman ang gusto namin para sayo, Franco. Lagi mong tatandaan na marami kaming nagmamahal sayo."

Di mawari ni Franco ngunit nang mga oras na yun ay hindi niya mapigilan ang humagulhol na parang bata. Kinurot ang puso niya sa mga salitang binitiwan ni Tita Hilda. Isang malambing na yakap lang pala ang hanap at kailangan niya. Isang malambing na yakap mula sa isang ina.