"Nasaan ba ako? Teka, kaninong kwarto ba 'to?" pagtataka ni Sandy isang umagang nagising ito sa ibang kwarto.
Sumasakit ang ulo at nagtataka kung nasaan siya. Sinuri ng kanyang mga mata ang buong paligid ngunit hindi pamilyar sa kanya ang silid na yaon.
Magulo, makalat, at madilim.
Bumangon siya. At sa kanyang pagbangon…
"AAAAAAAHHHHHH!!!"
Bigla siyang napasigaw ng may maapakan siyang kakaiba sa sahig.
Bumukas ang ilaw at agad lumiwanag ang paligid.
"Hoy! Okay ka lang?" Isang nag-aalalang mukha ang bumungad kay Sandy.
"AAAAAAHHHHHH!!!" Mas lalong nagulat si Sandy nang makita si Franco na walang damit. Sa sobrang gulat, nasipa niya ito sa dibdib at agad na nagtakip nang kumot kahit may damit naman siyang suot. Tumilapon sa dingding si Franco at napapikit sa sakit ng likod.
"Nasaan ako? Bakit ako nandito? Bakit wala kang damit? Anong ginawa mo sa 'kiiiiin?"
Pilit na umupo ng maayos si Franco mula sa pagkakatilapon. "Araaay! Pambihira! Babae ka ba o kabayo? Ang lakas mong sumipa! Grabeee ka!"
"Franco, ano ba! Sagutin mo ang mga tanong ko."
"Para kang ewan! Naaalala mo ba ang nangyari kagabi?"
"Kagabi?" Sinubukang inalala ni Sandy ang mga pangyayari kagabi. Ang naaalala niya lang ay nilaklak niya ang isang bote ng alak.
"Anong nakain mo at nilaklak mo ang isang bote? Lasing na lasing ka kaya."
"Ganun ba?" napaisip si Sandy. "Pero teka, bakit wala ako sa kwarto ko? Bakit wala kang damit? May nangyari ba kagabi?"
Di makapaniwala si Franco sa pinag-iisp ni Sandy. Napapikit ito ng mata at nagkamot ng ulo. "Wala! Okay? Walang nangyari kagabi. Di ako mapagsamantalang tao! Nakahubad lang ako dahil ang init-init. Hindi na kita naipasok sa kwarto mo dahil di ko mahanap ang susi kaya dito na kita dinala sa kwarto ko."
Napansin ni Sandy na sa kanya nakatutok ang electric fan. Sinadya ni Franco na iharap sa kanya ang bentilador upang di mainitan.
"Sorry. Nag-conclude agad ako. Teka! May ginawa ba akong kagagahan kagabi?"
Bumunot ng damit si Franco at isinuot ito.
"Kagagahan? Ewan! Matatawag ba na kagagahan yung nagsisigaw ka sa rooftop sa madaling araw?"
Napanganga si Sandy sa narining. "ANO? Seryoso?"
"Mukha ba akong nag-iimbento? Sa tuwing may dumaraang tao, sinisigawan mo ng 'Hoy ulol!' Tapos kapag lumingon, tatawanan mo at sasabihing, 'Ulol ka nga!"
Ipinikit ni Sandy ang kanyang mga mata at nagtakip ng mukha sa sobrang hiya. "Diyos ko naman! Ginawa ko ba talaga yan? Nakakahiya!"
"Talaga! Aye naku! Nakakatakot ka malasing. Makakahanap ka ng kaaway."
"Hnnnnng! Anong kagagahan yan, Sandyyyy?!!" hinaing nito sa sarili.
Samantala, tawang-tawa naman sa kanya si Franco.
"Alam mo, mabuti pa't pumasok ka na sa kwarto mo at maligo. Tsaka… sabay na tayong kumain. Siguradong may sabaw sa eatery ngayon. Ayos yun para sa hangover mo."
Hindi na sumagot pa si Sandy. Tahimik at dahan-dahan itong umalis sa higaan habang nakasimangot ang mukha. Hinanap nito ang maliit na bag ngunit nahirapan sa sobrang gulo ng kwarto ni Franco.
"Anong bang hinahanap mo?"
"Bag ko. Paano ako makakapasok ng kwarto kung wala yung bag ko. Na sa loob nun ang susi."
Nagkamot ng ulo si Franco. Di rin niya maalala saan niya na nailagay ang bag ni Sandy kaya tumulong ito sa paghahanap.
"Ano nga ulit kulay nun?"
"Plain leather yellow"
Naghanap nang naghanap ang dalawa ngunit di nila mahanap ang bag ni Sandy.
"Mmm… di ko ata nadala bag mo eh. Kaya nga di ko nabuksan yung kwarto mo di ba? Kasi di ko mahanap ang susi."
Bumuntong-hininga si Sandy.
"So hindi na naman ako maliligo. Ganun? Lalabas ako ng kwarto mo na mabaho at amoy alak? Tapos maaamoy ako ng mga tao? Tapos anong iisipin nila sa akin? Na babaeng pariwara ako?"
Napatingin na lamang si Franco sa pagiging overthinker ni Sandy at napahinga ng malalim. Saan niya ba nakukuha ang mga pinag-iisip nito? Tanong nito sa sarili.
"Alam mo? Ang dami mong sinasabi. Makiligo ka na lang dito. Pahihirapin kita ng damit."
Tumayo si Franco at sinuri ang cabinet kung may damit ba itong pwede ipahiram kay Sandy. Sa paghahanap nito, may nakita siyang maikling shorts na malinis na nakatupi sa sulok ng kabinet. Maya-maya ay may hawak na itong pares ng damit at ibinigay kay Sandy.
"Subukan mo na lang tung white t-shirt ko. Yan na ang pinakamaliit eh. Tsaka itong shorts naman, mmm… kay Sheena 'to. Naiwan niya pala. Di ko napansin nandito pa pala yan. Sana magkasya sayo. Wala akong maio-offer na undies kaya pagbaliktarin mo na lang yung sayo."
Ngumiwi ang mukha ni Sandy pagdating sa undies. Ano pa nga bang magagawa niya? Nahihiya man ngunit tinanggap niya pa rin ang gamit na iniaalok ni Franco sa kanya at marahan itong lumakad patungong banyo.
Bago man ito pumasok ay nagpasalamat ito.
"Salamat nga pala."
"Maliligo ka na walang towel? Eto! Malinis 'to. Kakalaba ko lang niyan. Tsaka, 'eto na ang gamitin mong sabon."
Hindi inasahan ni Sandy ang pagiging maaalalahin ni Franco. Pagpasok niya ng banyo, sinuri niya lahat ng gamit na pinahiram sa kanya ng binata. Bahagya itong natawa dahil maarte rin pala si Franco sa sabon. Akalain ba naman niyang batang dove pala ito. Inamoy niya rin ang towel. Napakabango at mukhang napakalinis ng tuwalya. Ganun din ang puting t-shirt na pinahiram sa kanya.
Nang mapunta na ang atensyon sa maikling shorts na pag-aari ni Sheena, naisip niya na nakikitulog rin pala ang dating nobya nito sa kanyang kwarto. Naglaro ang kanyang isipan at kuro-kuro nito ang mga bagay na maaring ginawa nila sa loob ng kwarto kapag sumasapit ang dilim, o di kaya kapag lunod sila sa alak, o di naman kaya kapag ramdam nila ang lamig sa tuwing malakas ang ulan.
Sinampal ni Sandy ang sarili at kinausap ang repleksyon sa salamin.
"Ano ka ba? Wag mo ngang isipin yan! Brrr!"
Naligo na rin si Sandy. Tulad nga ng mungkahi ni Franco, binaliktad niya na lang ang kanyang undies. Saktong-sakto naman sa kanya ang shorts ni Sheena, ngunit medyo maluwang sa kanya ang damit ni Franco.
Nang lumabas ito, pinagtawanan siya ni Franco.
"Para kang hanger. Ang payat mo kasi pero oversized yung damit mo."
"Ang sama ng ugali mo. Maligo ka na nga!"
Lalo pang natawa si Franco sa nakasimangot na mukha ni Sandy. Pumasok na rin ito ng banyo at naligo.
Samantala, lumabas ng kwarto si Sandy at doon na hinintay si Franco. Habang nagmamasid sa labas ay napansin nito ang kumot na pinapatuyo sa sampayan. Naalala niya ang kumot na yaon sapagkat yun ang nakabalot sa kanya noong gabing sa sofa siya nakatulog.
Maya-maya ay lumabas na rin ang binata na nakasuot ng maroon shirt at ripped jeans. Gwapo mag-ayos si Franco at sa malayo ay maamoy mong napakabango nito.
"Tinawagan ko na si Emari. Naiwan sa bahay nila ang bag mo. Pero dala naman niya ngayon at sa Sweetness Overload na niya ibibigay sa yo." Bati nito nang makalabas ng kwarto.
"Sa Sweetness Overload?" pagtatakang tanong ni Sandy.
"Tumatambay ang magbabarkada doon ngayon. Nagra-ramen daw sila. G ka?"
Marahang yumango si Sandy. "Mmm… okay lang naman. Dun na lang din ako maghihintay hanggang shift ko na."
"Okay. Tara"
"Uhm, Franco…"
"Bakit?"
Ibinaling ni Sandy ang kanyang tingin sa kumot na nakasampay at di nag-alinlangang magtanong.
"Uhm, alam mo ba kung kaninong kumot 'to?"
"Kanino pa ba? E di akin. Tayo lang naman ang gumagamit ng sampayan dito sa rooftop, eh."
"Aaaah!" marahang yumango si Sandy at lihim itong natuwa nang nakumpirma nito na siya pala ang nag-alaga sa kanya nang gabing yun.
"Bakit?"
"Wala. Cute ng kumot mo. Winnie the Pooh!"
Umirap si Franco.
"Mag-aasaran ba tayo dito o aalis na tayo?"
"Sabi ko nga aalis na tayo."
At ngumingiting lumapit si Sandy kay Franco. Magkasabay ang dalawa sa paglabas at napansin ito ni Sabrina at ng dalawang pinsan niya habang sila ay naglilinis sa karihan.
"Si Franco at Sandy ba yun?" tanong ni Chardie.
"Parang. Pero parang hindi rin kasi tumatawa yung lalaki eh. E di ba boy simangot yun si Franco?" sagot naman ng kakambal niyang si Rylie.
"Aye hindi. Sigurado akong sila yun. Alam mo brad, simula nung dumating si Sandy, napansin ko lagi nang nakangiti yang pinsan natin."
Sabay na tumingin ang dalawa kay Chardie.
"Ano na naming chismis yan, kuya Chardie?" batid naman ni Sabrina na mukhang di natutuwa.
"Teka! Kelan pa naging malapit yang dalawang yan?"
"Di ko rin alam eh. Pero hindi chismis yung sinasabi ko ah. Minsan nga nakita ko silang sabay kumain sa eatery at mmm, mukhang nagkakaintindihan naman sila at mukha ring masaya."
Muling tinitigan ng tatlo ang dalawang muling nag-aasaran sa labas habang hinahanda ni Franco ang motor nito. Kumuha na rin siya ng extra helmet at isinuot ito kay Sandy.
"Bagay naman sila," puna ni Rylie.
"Eeeh! Nababagayan ka? Ako din eh!" kinikilig naman na sagot ni Chardie sa kakambal.
"Pero di ba may girlfriend si Franco?"
"Ex-girlfriend ka mo!" sabat ni Sabrina sabay balik sa paglilinis sa mesa.
"Aye wala na ba sila ni Sheena?" pagkaklaro ni Chardie. "Pero okay lang if break na sila. Di ko rin naman feel ang babaeng yun. Ang arte-arte! Eh ikaw, Sab? Ano sa tingin mo? Nababagayan ka rin ba?"
Hindi sumagot si Sabrina. Sa halip ay pinagalitan pa niya ang dalawa.
"Hay naku! Napapaka-lalaking niyong tao pero napaka-marites niyo. Bumalik na nga kayo sa paglilinis at baka mahuli pa tayo ni Lola Pepay!"
Inis at iritado ang maririnig sa boses ni Sabrina kaya naman ay bumalik na rin sa pagtatrabaho ang dalawa. Muling tiningnan ng dalaga ang dalawa sa labas na siya namang kaaalis lang.
Minsan talaga kapag may sekreto tayong pagtingin, wala tayong magagawa kundi ibaling sa iba ang pansin. Kaya naman si Sabrina, kahit napakalinis na ng mesa, kahit kitang-kita na niya ang mukha sa sobrang kintab, panay pa rin ang punas nito.
Ganun talaga, eh!
May mga tao talagang malapit nga sayo, nasa malayo naman ang tingin. Kahit anong gawin mong pag-paparamdam at pag-aalaga, sa iba pa rin naghahanap ng pagmamahal at kalinga.