Chereads / My Love Next Door / Chapter 21 - Spoken Poetry

Chapter 21 - Spoken Poetry

"Whew!" hinipan ni Ramsha ng hangin ang tenga ni Sandy nang mahuli niya itong tulala na naman habang nagpupunas ng mga mason jar. Nagising naman ito dahil sa kiliti. "Tulala ka na naman! Ano bang problema?"

"Nag-aalala ako para kay Franco, eh." Sagot ni Sandy.

"Hindi pa ba siya umuuwi? Isang linggo na ang nakalipas ah."

"Oo nga eh. Ano kaya ang nangyari dun?"

Pagkatapos noong gabi na nalasing si Franco, kinabukasan ay umalis siya nang walang paalam. Ang tanging nakakaalam lang kung nasaan siya ay si Lola Pepay na ngumingiti lang sa tuwing tinatanong ni Sabrina. Isang linggo na ang nakalipas ngunit wala pa rin silang narinig na balita tungkol sa kanya.

"Wag mo ng alalahanin yun. Okay lang yun!"

"Sana nga!" mahinang sagot ni Sandy. Hindi niya maalis sa sarili niya ang pag-aalala para sa kaibigan. Iniisip niya na baka kung saan-saan siya naglalasing at baka nasangkot siya sa isang gulo.

"Oy! May pasok ka bukas?" tanong ni Ramsha kay Sandy habang naglilinis sila ng mesa.

"Mmm … anong araw nga bukas?" tanong ni Sandy habang seryoso ito sa paglilinis.

"Sabado!" nakangiting sagot ni Ramsha.

Bigla niyang naalala ang kasunduan nila ni Franco. Mag-aaral dapat sila ng Math kapag Sabado. "Wala naman!"

"Nice! Sama ka mamaya ha!"

Napatingin si Sandy kay Ramsha na may malaking ngiti sa mukha na siyang nagpalabas ng mga biloy sa pisngi.

"Saan?"

"Nagyaya kasi si Inigo. May gig sila mamaya."

Nag-isip muna si Sandy. "Titingnan ko!"

"Ayeee! Ano ka ba? Minsan nga lang tayong gumala eh. Sige na! Oy, Tristoffe, ikaw? Sama ka?"

Inanyaya niya na rin ang isa pang kasama nang dumaan ito habang nagpupunas ng sahig. Huminto saglit para sagutin ang imbitasyon ni Ramsha.

"Mmm … salamat sa anyaya pero pass muna ako. Wala kasing tao sa bahay. Kawawa ang mga alaga kong aso. Walang magbabantay sa kanila." Malumanay na sagot ni Tristoffe. Ngumiti ito saka nagpatuloy sa paglilinis.

"Hay! Ano ba yan! Di ba trabaho ng mga aso na bantayan ang bahay. Bakit parang ang aso na ang kailangan bantayan? Weirdo talaga 'to si Tristoffe." Puna ni Ramsha.

Natawa naman si Sandy sa komento ng kaibigan.

"Pabayaan mo na. Mukhang hindi rin naman ugali ni Tristoffe ang gumala."

Biglang yumakap si Ramsha kay Sandy at naglambing ito.

"Sandy, pleaaase! Sumama ka na! Minsan lang 'to. Alam mo ba na ni minsan di ko pa sila napapanood tumugtog? Please! Please! Pleaaase!"

"Ha? Bakit naman?"

"Eh, di naman kasi ako mahilig mag-clubbing noh."

Dahil sa sobrang kulit ni Ramsha, sa huli ay pumayag din si Sandy.

"Oo na! Oo na! Pero hindi ako iinom ha?"

"Yeheeey! Wag kang mag-alala dahil ibibili kita ng shake. Unlimited pa!"

Sa gitna na kanilang paglilinis ay biglang dumating si Inigo. Sabik na lumapit si Sandy sa kanya at nagtanong tungkol kay Franco.

"Inigo!"

"Oh, Sandy! Bakit?"

"May balita na ba kay Franco?"

"Ah, oo! Pauwi na siya. May gig kasi kami mamaya."

"Mabuti naman. Sige, salamat!"

Napansin ni Inigo ang lihim na pagngiti ni Sandy nang marinig niyang babalik na si Franco. Lumayo ito ng tingin at inabala na lang ang sarili sa pagda-drawing.

Alas diyes ng gabi nang magkita sina Ramsha at Sandy sa North Avenue. Nakasuot ng floral na dress at denim na jacket si Sandy samantalang maangas at sexy namang tingnan si Ramsha sa suot niyang cropped top at leather jacket at ripped jeans. Nagsuot din ito ng make up at kinulot ang buhok. Nag-iba ng anyo si Ramsha na halos hindi na makilala.

"Wow ha! Anong ganap? Manonood lang tayo ng gig bigla ka na lang nag-transform." Natatawang komento ni Sandy sa itsura ni Ramsha.

Aminado naman ito na napakaganda at kaakit-akit ang kaibigan nang gabing 'yon.

"Sandy, sikat na club ang pupuntahan natin. Ibig sabihin, mayayaman at mga kilalang tao ang pumupunta sa club na 'yon. At … marami ding gwapo."

Natawa ulit si Sandy dahil sa huling sinabi ni Ramsha. "Teka! Umaasa ka bang may makikilala kang gwapo mamaya?

Nagkibit-balikat ang kaibigan na may ngiting-aso. Hindi na niya sinagot si Sandy at pumasok na sa loob ng North Avenue. Sumunod naman sa kanya si Sandy.

Pagpasok nila sa loob, pinagtinginan ng kalalakihan si Ramsha sa lakas ng kanyang dating. Nasa iisang mesa naman ang Banda sa Kalye at naghahanda nang umakyat ng entablado. Nilapitan nila ito. Hinanap ng mga mata ni Sandy ang pamilyar na pigura ng isang kulot na binata. At ayun, napanatag ang kanyang loob ng makita niya ang likuran nito.

"Hi, guys! We're here!" pahayag ni Ramsha. "Pwede bang dito na muna kami sa mesa niyo?"

"Suuure! Para sa magandang binibini. Anong pangalan mo?" banat ni Arvin nang mahumaling ito sa ganda ni Ramsha.

"Ako 'to, si Ramsha! Tanga!"

"Woaah! Y-yung boyish na chinita na nagtatrabaho sa Sweetness Overload?" tinaasan lang ni Ramsha ng kilay si Arvin. Natawa naman si Zein. "Ang ganda mo, grabe!"

Kararating lang ni Inigo nang mapansin niyang nasa iisang mesa lang ang lahat ng kaibigan niya. Bumati ito at ngumiti ngunit inagaw ng babaeng nakatalikod ang kanyang atensyon. Sinuri nito ang balingkinitang katawan.

Tumabi siya upang makita niya ang mukha nito at nagulat nang makaharap niya si Ramsha. Sa sobrang lapit nila sa isa't-isa, hindi maiwasan ni Inigo na suriin ang detalye ng mukha ni Ramsha – napakaflawless at walang pores sa sobrang kinis ng mukha, matangos ang ilong, mapula at kissable ang mga labi.

"What are you staring at?" mataray na tanong ni Ramsha kay Tisoy.

"H-ha? W-wala! Di ko alam na…"

"Na ano?"

"Na m-mag…" lumunok ng laway si Inigo. "Na matangkad ka pala."

Ngumiwi ang mukha ni Ramsha sa inis. "Kaibigan ka nga ni Arvin?"

"What do you mean by that?"

"Wala."

Habang nag-uusap ang lahat, pinagmamasdan naman ni Sandy si Franco. Tahimik itong inaayos ang gitara. Hindi siya nakikihalubilo. Ni hindi nga siya bumati sa kanilang pagdating.

"Guys, tara. Akyat na tayo." Yaya ni Emari sa kabanda.

Tumutugtog na ang Banda sa Kalye. Una nilang inawit ang isang sikat na OPM, ang awiting "Kung Hindi Rin Lang Ikaw" ng December Avenue. Nang marinig ni Sandy ang kantang 'yon, napahinto ito siya at naalala ang gabing narinig niyang kumakanta si Franco.

Dahan-dahan … naglalakad siyang papalapit sa entablado. Nangungusap ang mga tingin. Humahanga ang mga mata habang pinapanood ang bokalista. Nakikikanta ang mga tao sa paligid subalit ang tanging naririnig lang ay ang lakas ng kabog ng dibdib, samantalang tila humihinto ang mundo, tila siya'y nawawala sa sarili, tila … tinatangay siya ng pag-ibig.

"Sandyyy!" sigaw ni Ramsha dahil maingay ang paligid. "Ang galing kumanta ni Franco, noh?"

Yumango lang si Sandy.

Patuloy sa panonood si Sandy habang nakikikanta naman ang mga tao sa paligid.

"Ang lungkot naman ng kantang 'to" batid ni Sandy.

"Before we end this night for our last song …" sabi ni Franco. Nanghinayang naman ang mga tao nang marinig nilang isang kanta na lang at matatapos na ang tugtugan. "… may sorpresa si Inigo sa lahat."

Binigay ni Franco ang mikropono kay Inigo at agad naman nitong binaba ang gitara upang tumayo sa harap.

"Magandang gabi sa lahat. Uhm, sa gabing ito mayroon po tayong gagawing kakaiba. Actually, surprise number po ito ng kaibigan namin."

Sa pambungad pa lamang ni Inigo, naintriga ang lahat, ang kabanda, ang mga panauhin, si Mr. Martinez, si Ramsha … kahit si Sandy.

"Sino ba dito ang nagmahal na? Ang nasaktan?" nagtaas ng mga kamay ang ilan sa mga panauhin. "Naku mukhang madami! Pwes, sa gabing ito ay maghahatid kami ng isang Spoken Poetry na ilalahad ng kaibigan kong nandito ngayon …"

Tumingin si Inigo kay Sandy at iniabot ang kamay upang siya'y imbitahang umakyat sa entablado. Umiiling si Sandy. Nanlaki ang kanyang mga mata. Nanlamig ang kanyang mga kamay. Tila ayaw gumalaw sa kinatatayuan nito. Samantalang sabik na sabik naman si Ramsha at sinusuportahan ang kaibigan kaya pinilit niya itong umakyat. Napagtanto nito na wala siyang kawala kaya tinanggap nito ang kamay ni Inigo at umakyat ng entablado.

"Isang palakpakan naman diyan para kay Sandy Mallari!"

Nagpalakpakan ang lahat. Samantalang lubos na kinakabahan at natataranta si Sandy sa sorpresa ni Inigo. Nanginginig at namumutla siya nang tumayo ito sa harap ng madla. Tumingin ito kay Inigo na parang naiiyak. Umiiling at sumisenyas na hindi niya ito kaya.

Naramdaman ni Franco ang takot ni Sandy. Aakma itong lalapit ngunit nauna si Inigo. Hinawakan niya ang kanyang mga balikat at tiningnan sa mata.

"Inigo! Ano ba 'to? Sinabi ko na sa'yo di ba na takot akong humarap sa madla?"

"Makinig ka! Lahat tayo may kinakatakutan. Si Arvin, takot yan sa karayom. Si Emari, takot sa ahas. Yang si Zein takot sa lola niya. Kahit si Franco at ako may mga kinakatakutan din. Lahat tayo may kinakatakutan pero hindi pwedeng habang buhay tayong natatakot." Huminto saglit upang masigurong nakukukha ni Sandy ang punto ng kanyang sinasabi. "Some people faced their fears and became history when they did what made them great. Yakapin mo ang pagkakataong ito na maaring babago sa buhay mo."

Mapupungay ang mga mata ng kaibigan na siyang nagpakalma ng sumasabog niyang dibdib. Kinakabahan man ay mukhang wala na ring takas si Sandy sapagkat siya'y nasa entablado na at naghihintay na ang lahat ng tao sa kanya. Tumayo siya sa harap ng mikropono. Tiningnan ang buong madla at pinikit ang mga mata …

Anong sasabihin ko? Wala akong maalalang tula …

Nag-isip ng malalim si Sandy. Naghanap ng inspirasyong mahuhugutan ng mga sandaling iyon. Sa hindi sinasadya, mukha ni Franco ang pumasok sa kanyang isipan.

Hindi! Hindi! Hindi siya!

Sinubukan niyang alisin sa isipan niya ang pagmumukhang iyon kaya ibinuka niya ang mga mata at tumingin sa mga taong nakatingin sa kanya. Sinuyod ang buong paligid umaasang makakahanap ng inspirasyon.

Ngunit nang tumalikod ito, dumapo ang mga tingin kung nasaan nakatayo ang pilit iniiwasan … di na maalis ang mga mata na nakulong sa mga titig niyang hindi niya mabasa.

Tumingin muli sa madla at sa kanyang bibig lumabas ang mga salita …

Gusto kita …

Ito ay isang uri ng kabaliwhan,

Lalo na't ilang araw pa lamang kitang nakilala

Gusto kita …

Tila ito lang ang tangi kong alam

Walang paliwanag, walang dahilan

Minsan naisip ko na gusto kong

Maniwala sa isang linggong pag-ibig

Lunes nang ika'y makilala

Nag-alok kang bitbitin ang mabigat kong maleta

Ngumiti ka …

Sa pagbitbit mo ng mga maleta ko

Gumaan hindi lang ang mga kamay ko

Kundi pati na rin ang mabigat kong puso

Martes nang kumatok ka sa aking pintuan

Nakakatawa sapagkat

Hindi pinto kundi puso ko ang aking binuksan

Miyerkules

Kasa-kasama kita maya't-maya

At sa hindi sinasadya

Ako'y natutuwa

Huwebes

Narinig ko ang iyong musika

Ang puso ko hindi na makawala

Tuluyan nang nabihag ng iyong mahika

Biyernes

Nakatayo sa madla

Isang kuwartong puno ng tao

Binibigkas ng mga labi

Ang pag-ibig na dati naman ay nakatago

Sabado

Ako'y matutulog

Kakalimutan ko ang gabing ito

At pagsapit ng linggo

Aking napagtanto

Ang buong pagsasama …

Ang mga ngiti at tuwa …

Ang lahat ng nararamdaman …

Ay pawang mga kathang-isip lamang