Chereads / My Love Next Door / Chapter 19 - The Feelings Show

Chapter 19 - The Feelings Show

"Good mooorning!" bati ni Sabrina sa bagong gising na si Franco.

Umupo si Franco sa karihan at napansin ang isang notebook sa ibabaw ng mesa. Pamilyar sa kanya ang notebook na yun. Nang buksan niya ito, naroon ang equation na sinagutan niya kahapon.

"Si Sandy?" tanong nito kay Sabrina.

"Kaaalis lang." napansin ni Sabrina na hawak-hawak ni Franco ang notebook. "Kay Sandy ata yan. Nakita ko siya kanina na binabasa yan habang kumakain. Baka kailangan niya yan."

Dala-dala ang notebook, tumakbo palabas si Franco. Sakay ng kanyang motor, nagmadali itong tumungo ng USC. Nang makarating ito, sinubukan niyang kausapin ang guard na papasukin siya kahit sandali lang.

"Sir, sandali lang talaga. 5 minutes lang." pakiusap nito.

"Di nga pwedeng pumasok ang hindi student dito."

"Kailangan ko lang po talagang ibigay 'tong notebook sa kaibigan ko." Pamimilit ni Franco.

"Palabasin mo na lang yung kaibigan mo."

"Wala po akong number niya, eh."

"Tsk! Magkaibigan kayo pero wala kang number niya? Imposible naman."

"Sir, please naman oh!"

Hindi tumigil sa pakikiusap si Franco sa guard, ngunit kahit anong pilit niya ay hindi siya pinagbibigyan. Dumarami na ang mga estudyanteng pumapasok kaya tumayo siya sa tabi upang di makaharang sa daan.

"Franco?" Nang bigla isang pamilyar na mukha ang tumawag ng kanyang pansin.

"Sheena!"

"Anong ginagawa mo dito?"

Tinago ni Franco ang notebook sa kanyang likuran. "Ah, wala. May hinahanap lang ako."

"Sino?" usisa ni Sheena.

"Di mo kilala."

"Siya nga pala… narinig ko kay Dad na—"

"Sandy!!!" Iniwan ni Franco si Sheena at lumapit kay Sandy nang makita niya itong nagmamadaling pumasok ng gate.

"Oh, Franco! Anong ginagawa mo dito?" tanong ni Sandy habang sinusuot ang ID.

Inabot ni Franco ang notebook na dala niya. "Hay naku! Naiwan mo ang notebook mo."

"Naku, thank you. Nagmamadali kasi ako kanina kaya naiwan ko."

Nang biglang lumapit si Sheena sa kanila, nagulat si Sandy sa hindi inaasahang pagtatagpo. "Magkakilala kayo?"

"Uhm, ano… nag-rerenta ako ng kwarto sa boarding house nila." Paliwanag ni Sandy.

"Paano kayo naging magkakilala?" tanong naman ni Franco na nagulat din.

"Classmates kami. Ah, eh kayo?" tanong naman ni Sandy. Kahit alam niya ang ugnayan ng dalawa, nagkunwari itong walang alam. Wala ni isa sa kanila ang sumagot sa tanong niya. Hindi na niya inulit ang tanong at hinintay na lang na magsalita ang kahit sino sa kanila.

"Uh, Sandy. Mauna ka na lang sa room ha. May pag-uusapan lang kami sandali." Pakiusap ni Sheena.

Isang sapilitang ngiti ang tugon ni Sandy. Nagpaalam ito sa dalawa at dahang-dahang naglakad papasok ng gate. Nang tumalikod ito, mabilisang napawi ang ngiti sa kanyang mukha.

"Wag kang lilingon! Wag kang lilingon!" Ngunit lumingon siya at nakadama ng konting kirot nang makita niya na magkaharap ang dalawa at magkahawak ang mga kamay. "Sabi kong wag kang lilingon, eh!"

Hindi niya kinaya ang nakita kaya mabilis itong tumalikod at nagpatuloy sa paglalakad patungong classroom.

Nang umupo ito sa silid, maya't-maya niyang tinitingnan ang pinto, nag-aabang sa pagpasok ni Sheena. Ilang minuto na ang nakalipas ngunit hindi pa rin dumating si Sheena.

"Ano kaya ang pinag-usapan nila?"

Maya-maya ay pumasok na ang propesor nila. Kinabahan si Sandy. Ngunit napanatag naman ang loob nito nang makita niyang tumatakbo papasok ang kaibigan. Hinanap siya nito at naupo sa kanyang tabi nang mahanap niya kung saan siya nakaupo.

"Kumusta?" bulong ni Sandy kahit hindi naman siya sigurado kung gusto niyang marinig ang sagot nito.

"Di pa kami tapos mag-usap, eh." Kuwento nito habang inaayos ang pag-upo. "Kailangan namin ng sapat na oras. Mukhang mag-uusap pa kami mamaya."

Naging matamlay si Sandy. "Aaah. Eh, paano naman ang boyfriend mo?"

"I'll just tell him I need to be somewhere. Maiintindhan niya yun." Kumindat sa kanya si Sheena.

"Mabuti naman." Ngumiti rin si Sandy sa kanya, sapilitang ngiti.

Sa Cake Shop…

"Okay ka lang? May sakit ka ba?" tanong ni Ramsha nang mahuli niya si Sandy na matamlay at tulalang nakatayo habang hawak-hawak ang basahang pangpunas ng mesa.

Hinawakan siya ni Inigo sa noo at leeg. "Hindi ka naman mainit."

"Alam mo kung masama ang pakiramdam mo, okay lang na umuwi ka. Wala namang masyadong tao, eh."

"Okay lang ako, Ram." Umupo ito sa tabi ni Inigo. "Masakit lang ang ulo ko pero okay lang ako. Pasensya na at pinag-aalala kita."

"Maupo ka na lang muna diyan. Ako na ang tatapos sa paglilinis dito."

Hinayaan na muna ni Ramsha na magpahinga si Sandy at nagpatuloy sa pagpupunas ng mesa. Samantalang abala si Inigo sa pagi-isketch sa drawing pad niya, nakipagkwentuhan naman si Inigo kay Sandy na tahimik na nakaupo sa kanyang tabi.

"Magkaklase pala kayo ni Sheena, noh? Yung ex ni Franco."

Hindi inasahan ni Sandy yun. "Ah, oo. Last week ko lang din nalaman."

"Nakita ko kayo kanina sa gate. Mukhang gagawin ni Franco ang lahat para magkabalikan lang sila ni Sheena, ah." Puna ni Inigo.

"Mukhang mahal na mahal niya talaga si Sheena."

"Mahal na mahal niya talaga yun. Di biro ang limang taon. High school sweethearts kaya sila. Si Sheena ang kauna-unahang girlfriend ni Franco kaya hindi yun papayag na mawala siya ng ganun-ganun lang."

Nakapatong ang baba ni Sandy sa ibabaw ng kanyang mga kamay habang nag-iisip ng malalim. "Nakakabilib yung lalaking ganun, yung ikaw lang ang mahal. Yung ipaglalaban ka kahit ginago mo? Yung gagawin lahat maibalik ka lang? Saan ka makakahanap ng ganung lalaki? Kung ako ang babae, hinding-hindi ko talaga siya pakakawalan."

"Hooooy!" Bumuga ng hangin si Inigo sa mukha ni Sandy upang tawagin ang kanyang atensyon. "Ano bang iniisip mo? Tulala ka na naman."

"Ha? W-wala! Naisip ko lang na ang ganda ng kuwento nilang dalawa. Parang gusto kong isulat."

"Mahilig kang magsulat?"

Ngumiti si Sandy. "Oo. Andami ko ngang drafts eh."

"Drafts lang? Anong ginagawa mo sa mga sinulat mo?"

Nag-isip ng matagal si Sandy. Ano nga bang ginawa niya sa mga tula at kuwentong naisulat niya? Isa lang ang lumabas ng sagot sa kanyang isipan …

"Uhm, ayun! Nabubulok sa loob ng notebook ko." Biro ni Sandy.

Nadismaya naman si Inigo sa isinagot nito.

"Ano ka ba! Bakit di mo ipasa sa mga school publication nang malathala ang mga sinulat mo at mabasa ng karamihan?"

Huminga ng malalim si Sandy at pilit na ngumiti, nakadiin ang mga labi. "Sa totoo lang … natatakot ako eh."

"Ha? Natatakot saan?"

"Na ma-reject? Na baka pag nabasa nila ang mga piyesa ko, ibasura nila kasi hindi naman maganda."

Nadismaya ulit si Inigo sa narinig.

"Haaay naku! Paano mo naman malalaman kung magugustuhan nila o hindi kung hindi naman nila nabasa? Kung hindi nila narinig? At saka, so what if hindi nila magustuhan."

"Nakakahiya kaya."

"May dala ka ba diyang tula na naisulat mo?"

"Well, dala ko ang notebook ko."

"Akin na. Babasahin ko."

"'Yoko. Nakakahiya. Pagtawanan mo pa, eh."

Bumuntong-hininga si Inigo at iniabot ang kamay. Binukas ang palad, naghihintay siya na ilapag sa palad nito ang notebook ng kausap. Tila hindi siya tatantanan ni Inigo kaya kahit labag sa kanyang kalooban, kinuha niya ang kwaderno sa loob ng kanyang bag.

Iniabot niya sa mga kamay na 'yon ang isang maliit at lumang kwaderno. Halos punit-punit na ito sa luma. Nang buklatin ito ni Inigo, halos puno na ang mga pahina nito.

Sa kanyang pagbubuklat, napahinto ito sa isang pahina na may isang nakasulat na piyesa, isang tula na walang sukat … taos-puso niya itong binasa.

"Ang ganda! Sandy, ang ganda!" komento ni Inigo.

"Pinapalakas mo lang ang loob ko, eh."

"Hindiii! Maganda talaga. Bakit di mo 'to basahin sa harap ng madla?"

Napalunok si Sandy sa suhestiyon ng kausap. Madla? Kung meron mang kinakatakutan si Sandy, 'yun ay ang humarap sa maraming tao. Naalala niya nung siya ay nasa elementarya pa, kinausap siya ng kanyang guro na maglahad ng isang talumpati para sa mga magtatapos. Nang siya'y makatayo sa entablado at nakita ang isang dagat ng tao, nanginig ang kanyang mga paa, nanlamig ang kanyang katawan … sa kanyang takot, siya ay napatakbo.

"Hindi ko kaya 'yang pinapagawa mo." Kinuha niya ang basahan at tumayo. "Maglilinis na ako."

Hindi man pinansin ni Sandy ang mungkahi ni Inigo, nakangiti naman ang binata tila may binabalak na kanyang ikagagalak.

"Huy, Inigo!" tawag ni Ramsha. "Magligpit ka na ng gamit mo. Magsasara na kami."

Nakasimangot ang mukha ni Tisoy nang harapin niya ang Chinita. "Is that how you talk to your customers here?"

"Hindi ka naman customer, eh." Pambabara ni Ramsha. "Wala ka namang binili."

Padabog na nagligpit ng gamit si Inigo, nakatingin ito ng masama kay Ramsha. Hindi naman nabagabag si Ramsha. Sa halip nakatayo ito na parang boss sa kanyang harapan, pinagmamadali ang kilos niya. Si Sandy naman ay tingin ng tingin sa labas. Nagbabakasakali!

Sabay na lumabas ang tatlo nang matapos sila sa pagsasara ng cake shop.

"Uy, himala! Hindi nakaabang si Franco ngayon ah." Pansin ni Ramsha.

"May mahalagang lakad ata siya ngayon." Ani ni Sandy.

"Pagkakataon mo ng makapuntos." Bulong ni Ramsha kay Inigo. Tiningnan lang siya nito na nakasimangot ang mukha.

"Tara, hatid na kita sa inyo."

Pumayag si Sandy. Nagpaalam ito kay Ramsha at tahimik na pumasok sa loob ng kotse. Kapansin-pansin ang kakaibang katahimikan ni Sandy sa loob ng kotse. Sa halip na kausapin niya ito, pinatugtog na lang ni Inigo ang paborito niyang album ni Jason Mraz. Napatingin sa kanya si Sandy.

"Bakit? Di mo bet? Pwede kong palitan kung gusto mo."

"H-hindi. Gusto ko. Paborito ko si Jason Mraz. Lalo na itong "Could I Love You Anymore" nila ni Rene Dominique. Pwede ko bang lakasan?"

"Sure."

Nilakasan ni Sandy ang volume at dinamdam ang kanta. Sumandal ito sa bintana ng sasakyan at nanatiling tahimik hanggang makarating sila sa bahay niya.

Nang dumating sila sa bahay, nagpaalam agad si Inigo at nagmadaling umalis nang makatanggap ito ng tawag. Nagpaalam na rin si Sandy at pumasok sa loob. Una niyang tiningnan ang garahe at napansing wala pa roon ang motor ni Franco.

"Nagkabalikan kaya sila?" huminga ng malalim si Sandy. "Ano bang nangyayari sayo, Sandy? Mag-focus ka nga. May project, report at test kapang kailangan atupagin!"

Umakyat ito ng kwarto niya.

Habang binubuksan ang kanyang pinto, tinitingnan niya ang pintuan ng kabilang kwarto na parang nangungulila. Kinalog nito ang ulo at pumasok sa loob ng kwarto. Nilapag ang bag sa mesa, kinuha ang journal niya at nagsulat.

Isang pinto para sa isang susi.

Iisa lang ang magmamay-ari.

Hindi laging bukas ang pintuan.

Hindi lahat ng kumakatok ay pinagbubuksan.

At hindi lahat ng kumakatok ay pumapasok.

Pagkatapos magsulat ni Sandy, hinarap niya ang sarili niya sa salamin.

"Teka nga, Sandy! Magkaliwanagan nga tayo... Gusto mo ba si Franco?" sinuri niya ang mukha sa salamin at pinagsasampal ang sarili. "Hindi-hindi! Naguguluhan ka lang, eh. Nadala ka lang kasi nga lately, di ba, ang bait niya sayo at masyado siyang naging caring. Tama! Nadala ka lang! Nadala ka lang...

Nag-isip pa ng malalim si Sandy upang masigurado ang tunay niyang nararamdaman para kay Franco. "Sige ganito. Isipin mong nagkabalikan sila ni Sheena. Isipin mo kung anong mararamdaman mo!"

Muli niyang inalala ang nakita niya kaninang umaga... kaninang umaga nang sila'y magkaharap, magkausap, at magkahawak ang kamay. Inisip niya rin na buong gabi silang magkasama... maaaring sila'y masaya sa isa't-isa. Naisip niya ang mga ngiti ni Franco habang kaharap ang babaeng minahal niya ng limang taon.

Hinawakan niya ang kanyang dibdib at nagusot ang suot na blouse nang kinurot niya ito. Nanikip ang kanyang dibdib kaya huminga siya ng malalim.

"Para kang tanga, Sandy! Anong laban mo sa first love? Haaaay!"