Chereads / My Love Next Door / Chapter 20 - Closure

Chapter 20 - Closure

Amoy na amoy sa Rockwell Café ang aroma ng kape at napakarelaxing pa ng music. Walang imik na nilalaro ni Franco ang kape na inorder ni Sheena para sa kanya. Nakatingin lang ito sa kutsarang hawak niya at ayaw magsalita.

Samantalang naiilang naman sa katahimikan ang babaeng nakaupo sa kanyang harap. Mula sa pagpasok at pag-upo wala siyang narinig na kahit ano kay Franco. Naalala niya kaninang umaga na pinilit pa niyang makipag-usap ito sa kanya.

"You must have hated me very much." Binasag ni Sheena ang katahimikang yun. "But I understand. Pagkatapos ba naman ng ginawa ko sayo."

Humigop ng kape si Sheena at ibinaling ang tingin sa mga taong nagdaraan sa labas. Tumigil sa paglalaro ng kape si Franco at hinarap ang dating girlfriend.

"I never hated you." Panimula ni Franco. Nanlulumo ang kanyang mga mata nang tingnan niya ito. "Limang taon, Sheen! Sa loob ng limang taong yun, all I did was love you. Sa pagkakaalala ko, binigay ko naman lahat ng oras at atensyon ko sayo. Mukhang masaya ka naman. Masaya tayo. Di ko lang maintindihan kung bakit at paano tayo natapos ng ganito."

"I'm sorry dahil hindi ko tinapos ng maayos." Kinagat ni Sheena ang labi niya. Hindi ito makatingin sa kanya. Subalit, inipon niya ang lahat ng lakas ng loob na meron siya upang masabi niya ang tunay na saloobin. "Convinced naman ako na what we had sa loob ng limang taon was real and true. Mahal mo ko at minahal kita—"

"Minahal? Past tense!" sumabat si Franco. "Kelan pa?"

"Graduation? Or maybe a year after that?" sagot ni Sheena. Napakalikot ng kamay niya dahil hindi ito mapakali. Hinihimas-himas niya lang ang tasang hawak niya. "Nagising na lang ako isang araw realizing na awa na lang pala ang meron ako para sayo. Lagi mong sinasabi na ako lang ang meron ka, that you have no one else in your life dahil lahat ng taong mahal mo iniwan ka na… pero kasi Franco, ako din eh. Di ko kayang magstay. Pero dahil nga naaawa ako sayo, hindi ko agad nasabi sayo, kaya I'm sorry!"

"May nagawa ba akong mali?" naiiyak man, pinipigilan ni Franco ang sarili. "Nagkulang ba 'ko?"

"You're just… not enough for me." Huminga saglit si Sheena at inisip ng maayos ang susunod na sasabihin. "Praktikal akong tao, Franco. I just can't imagine my future with you."

"Wow!" sarkastikong tumawa si Franco. "So pinili mo si Yuan kesa sa 'kin dahil mayaman siya, may kotse at nag-aaral sa isang sikat na university? Ganyan ka na ba ka baba?"

Sumimangot ang mukha ni Sheena.

"Siguro nga ambisyosa ako... but I don't find it wrong." Naging matapang ang mukha ni Sheena sa pagkakataong ito. Hindi siya nabagabag sa mga ibinatong salita ni Franco. "Kilala mo ang buong angkan ko, Franco. Mahalaga sa kanila ang status at reputasyon. Every time we gather for reunions and they ask me what my boyfriend is like, hindi ko masabi sa kanila na tumutugtog ka lang sa isang club at hindi man lang nag-aaral, while my cousins brag about theirs kesyo future doctor, lawyer, engineer at may sarili ng negosyo kahit bata pa ang mga nobyo nila. Can you imagine how they step over my pride?"

Di makapaniwala si Franco sa kanyang narinig. Halata sa mukha niya ang disappointment.

"Aakyat ka talaga sa ganyang klase ng pag-iisip, Sheen? Papatulan mo kahit bobo at balasubas—"

"YUAN CAN CHANGE!"

"AT AKO HINDI?" nagtaasan ang boses ng dalawa ngunit pinigilan nila ang mga sarili upang hindi sila pagtinginan ng lahat.

"Sa tigas ng ulo mo? Tingin mo kayang mong magbago?" tumaas ang isang kilay ni Sheena. "You only want what's convenient for you. And change? Hassle lang yan para sayo."

Muli, naging tahimik ang dalawa.

Ang lahat ay nagbabago. Kahit ang pag-ibig ay nag-iibang anyo. Ang dating masaya, hindi mo mamamalayan, magiging galit, pagod, at malungkot habang tumatagal ang panahon. Minsan mahirap tanggapin na ang dating nakakaaliw, nakakainis na; ang dating kapana-panabik, nakakasawa na; ang laging nandyan para sayo, lilisan din pala.

Pagkatapos ng pag-uusap nila, sa halip na umuwi, dumiretso ng North Avenue si Franco at uminom. Kinuha niya ang cellphone sa loob ng pantalon at tumawag ng karamay.

"Asan ka?" tanong nito kay Inigo. "Samahan mo 'kong uminom."

Nang dumating si Inigo, nag-alala ito nang makitang lasing na lasing si Franco.

"Tama na yan!" suway niya sa kaibigan. Inagaw niya ang boteng hawak ni Franco at inalalayan sa pagtayo.

"Tsk! Eeh! Ang keydjey… naman… nito! Inom pa tayo!" pamimilit ni Franco.

"Franco! Ano ba! Maawa ka sa kidney mo! Halika na! Iuuwi na kita!" Galit na galit si Inigo sa kaibigan dahil sa ginagawa nito sa sarili. Minsan iniintindi niya ito, pero minsan kailangan ding suwayin.

Habang nagmamaneho ito na sasakyan, nakatulog naman si Franco sa kanyang tabi, hawak-hawak ang isang bote ng alak. "Haaay! Hanggang kelan mo ba akong gagawing driver sa tuwing nalalasing ka?"

Nang dumating sila sa bahay, nakipag-agawan pa si Inigo sa boteng hawak ni Franco. Ayaw niya itong bitiwan. Medyo nahirapan din itong iakyat siya dahil sa sobrang kalasingan.

"Nasaan ang susi ng kwarto mo?" tanong ni Inigo.

"Eee! Ayoko pang matulog! Tara! Inom muna kasi tayo." Pagmamatigas ni Franco.

"Franco, may pasok ako bukas! Di pwede. Sige na. Akin na ang susi mo! Bilis!"

Ngunit hindi pinakinggan ni Franco si Inigo. Umakyat siya sa ibabaw nag bench at nagsimulang umawit na parang baliw. Kinakanta niya ang "Mabuti Pa Sila" ni Gary Granada nang pagkalakas-lakas at wala pa sa tono. Tila napagod na rin si Inigo, hindi na niya inawat ang kaibigan at natawa na lang habang pinapanood ang kabaliwhang ginagawa niya.

Sa lakas ng boses niya, nagising si Sandy at lumabas ng kwarto. Nagulat siyang makita si Franco sa ibabaw ng bench at nag-alala baka mahulog ito.

"Oh, anong nangyari diyan? Bakit lasing na naman?" tanong nito.

"Aye naku! Ewan ko diyan!" sagot ni Tisoy na nakalupasay sa sahig.

Sinubukang awatin ni Sandy si Franco. Pinapababa niya ito upang di mahulog. Napansin ni Franco ang pag-alalay ni Sandy kaya nanabik itong bumaba upang kausapin siya.

"Oy, housemate!" Pagewang-gewang siyang tumayo at hinawakan ng mga kamay niya ang mukha ni Sandy. Tiningnan niya ito ng napakatagal saka ngumiti. "Naaawa ka rin ba sa 'kin? Aalis ka rin ba tulad nila?"

Dahil hindi sumagot si Sandy, binitiwan siya ni Franco at umupo sa tabi ni Inigo.

"Pasensya ka na sa kaibigan mo ha? Ang tigas ng ulo, eh!" Inakbayan niya ang kaibigan at humalakhak. "Kaya siguro ako iniiwan kasi wala pala akong kwenta! Di daw ako sapat! Di kamahal-mahal!"

Tinulak ni Inigo si Franco at nainis. "Sino ba ang nagsabi sayo niyan? Dahil uupakan ko!"

Tumawa ulit si Franco. "Talaga? Uupakan mo? Sige! Upakan mo ang mga magulang ko! Upakan mo na rin si Sheena! Upakan mo lahat ng nangakong hindi ako iiwan pero tinalikuran lang ako sa huli. Upakan mo sarili mo."

"Gago ka, wala akong pinangako sayo!" sagot ni Inigo. "Pero hindi rin kita tinalikuran."

Sinubsob ni Franco ang sarili niya sa ilalim ng mga braso niya habang nakayuko ito. Tumawa nang malakas at maya-maya ay humagulhol na parang bata. Ito ang unang beses na nakita ni Sandy ang pag-iyak ni Franco.

Nang huminahon na si Franco, naipasok na rin siya sa loob ng kwarto niya. Habang hinuhubad ni Sandy ang mga sapatos niya, sinusuri niya rin ang kwarto. Napakakalat at napakagulo!

"Pasensya ka na! Nadisturbo ka namin." ani ni Inigo nang makalabas na sila ng kwarto ni Franco.

"Ano bang nangyari?"

Umupo si Inigo sa bench. "Di ko rin alam eh."

Tumabi si Sandy sa kanya. "Hindi ko alam na ganun pala malasing si Franco."

"Oo! Ganyan siya malasing! Nagwawala." Natawa si Inigo. "Yang si Franco, tigasin lang yan sa labas pero sa totoo lang, napakalambot niyan. Tulad nang nakita mo kanina, para siyang bata, hindi ba? Hindi ko siya masisisi. He's so full of anger, disappointment and pain. At kahit punong-puno na siya, sinusupress niya lahat yun. Kahit kailan hindi niya nailabas yun. Kaya sa tuwing nalalasing siya, saka lang siya naiiyak."

"Ano bang nangyari sa mga magulang niya?" Niyakap ni Sandy ang sarili dahil sa lamig ng hangin. "Kung okay lang itanong."

"Mmmm… his parents separated when he was in kindergarten. Si Lola Pepay na ang nag-alaga sa kanya simula pa noong bata pa siya. Nagkaroon kasi ng kanya-kanyang pamilya ang mama at papa niya. Naaalala lang siya ng mga 'to tuwing birthday niya at pasko."

"Kaya pala tingin niya sa sarili niya hindi siya kamahal-mahal!"

"Parang gago talaga. Eh, ano ba kami?" inis na inis si Inigo.

"Mare-realize niya rin yan. Masyado lang siguro siyang heartbroken kaya ganyan."

"Naiintindihan ko naman yun. Haay!" tumayo si Inigo at nagpaalam na kay Sandy. "Sobrang late na. Kailangan ko ng umuwi."

"Mag-ingat ka sa daan!" bilin ni Sandy.

Hinintay ni Sandy na tuluyang makaalis si Inigo bago ito pumasok sa loob ng kwarto. Humiga siya sa kama at tumitig sa kisame. Lahat ng nasaksihan niya sa araw na ito ay tila nag replay sa utak niya. Paulit-ulit na bumabalik ang katanungan ni Franco sa kanya.

Naalala rin ni Sandy ang mga kaibigan ni Franco, sina Emari, Zein at Arvin, at napangiti. Masaya siya na sa kabila ng lahat ng taong nang-iwan, may mga tunay na kaibigan si Franco na hindi siya tatalikuran.