Chereads / My Love Next Door / Chapter 18 - Mga Pangarap at Panaginip sa Hangin

Chapter 18 - Mga Pangarap at Panaginip sa Hangin

"Okay ka na?" bati ni Franco kay Sandy isang umaga nang lumabas ito ng kwarto.

Nakaupo ito sa bench, umiinom ng kape. Pinapanood nito si Sandy na inuunat ang kanyang katawan habang ngumingiti nang pagkaganda-ganda. Napakaaliwalas ng mukha niya sa umaga lalo na't bagong ligo pa.

"Mukhang okay ka na nga!"

Yumango si Sandy. Nakangiti pa rin ito okay Franco. "Kumain ka na ba?"

"Okay na ako sa kape." Sagot nito sabay higop sa tasa. "Di ka pa ba late?"

Umiling si Sandy. "Wala akong pasok today."

"Bakit may dala kang bag?" napuna ni Franco ang sling bag na nakasabit sa balikat niya.

"Aah ito ba? Maghahanap ako ng tatambayan mamaya kasi mag-aaral ako. Sige, mauuna na ako."

Naglakad nang paika-ika si Sandy papalapit ng hagdanan nang biglang sumabay sa kanya si Franco. "Uhm, actually, gutom pala ako."

"So, sasabay ka sa 'kin?"

"Kung okay lang..."

"Okay lang naman! Para naman may kasama akong kumain."

Ngumiti si Franco. Yun ang unang beses na ngumiti siya kay Sandy. Naninibago man, hindi na pinuna ni Sandy yun at baka mag-iba pa ang ihip ng hangin. Sabay na bumaba ang dalawa. Dahil iika-ika pa si Sandy, hinawakan ni Franco ang kanyang kamay upang alalayan ito. Nagulat naman si Sandy sa pinapakitang pag-aalaga ni Franco. Naiilang man, hinayaan niya na lang itong alalayan siya hangga't makarating sila sa baba.

"Ang sarap siguro ng tulog nito. Ang ayos ng mood, eh." Tumatakbo naman ang isip niya habang magkasama sila.

"Nakakain ka na ba sa eatery namin?" tanong ni Franco nang makarating sila sa baba.

"You mean, yung karenderya na katabi nitong bahay? Hindi pa."

"Doon na lang tayo kumain. Makakapag-aral ka pa dun."

"Talaga? Hindi ba maingay?"

"Mmm... mukhang hindi naman,"

Lumabas ng boarding house ang dalawa at naglakad patungo sa eatery na katabi ng bahay. Nagulat si Sandy sa ganda ng lugar. Hindi niya inaasahan na elegante at classy pala ang Pepay's Kitchen. Ang akala niya ay simpleng karenderya lang ang eatery nila.

"Di mo naman sinabi na sosyal na restaurant pala 'tong eatery niyo." Pamamangha ni Sandy.

"Anong restaurant? Ang interior design at ang sarap ng pagkain, well, masasabi ko na pwedeng lumibel sa restaurant. Pero, hindi ganyan kabigatin ang eatery namin. Pang-karenderya lang ang presyo ng pagkain dito at tingnan mo nga ang mga customers, self-service and pay as you order pa." Proud na nagpaliwanag si Franco sa kasama.

Pumasok sila sa loob at inusisa ni Sandy ang eatery. Malaki ang lugar. Magaganda ang furniture na ginamit. Gawa sa glass ang mga dingding na tinatakpan ng makapal at magandang kurtina. Air-conditioned din ang loob. Maraming kumakain pero hindi maingay. Parang sosyal na restaurant talaga ang dating nito sa kanya.

"Di ko 'to napansin dati ah."

"Eh kasi naman ikaw, araw-araw kang nagmamadali sa eskwela."

"Uy! Magandang umaga sa inyong dalawa!" isang masayang pagbati ang bungad ni Chardie. Masigla itong naglilinis ng sahig.

"Magandang umaga, Kuys!" Bati ni Franco. "Nagkakilala na ba kayo?"

"Nagkausap lang one time hehe."

"Si Sandy, bagong tenant natin. Pinsan ko si Kuya Chardie." Pakilala ni Franco.

"Naalala ko. Isa ka dun sa nagbuhat sa kanya nung isang araw na lasing na lasing siya, diba?"

Natawa si Chardie sa kwento ni Sandy. Nakadama naman ng hiya si Franco kaya agad itong lumayo at naghanap ng mauupuan.

"Siya nga pala, okay na ba ang paa mo? Nakuwento ni Sabrina kagabi ang nangyari."

Ngumisi na lang sa hiya si Sandy nang maalala niya ang ginawa niya kagabi.

"Okay na. Hindi na masyadong masakit hehe."

"Mabuti naman."

Bumalik na sa paglilinis si Chardie at sinamahan naman ni Sandy si Franco. Nakaupo siya sa isa sa mga mesa sa sulok ng eatery. Tinitigan naman ni Franco si Sandy nang maupo ito sa kanyang tabi. Curious na mukha ang hinarap nito sa kasama.

"Bakit? Anong problema?"

"Di ko naitanong sayo 'to eh. Ano bang ginagawa mo sa hagdan kagabi?"

Lumaki ang mga mata ni Sandy. At isang pilit na ngiti ang kanyang sagot.

"W-wala. Wala akong ginawa." Pinagtutulakan niya si Franco na tumayo upang maiba ang usapan. "Sige na, sige na! Tumayo ka na. Bumili na tayo ng pagkain."

"Ako na ang kukuha para di ka na mahirapan. May sprain pa yang paa mo eh." Nagulat ulit si Sandy sa pinapakitang kabaitan ni Franco. Napangiti siya nito at appreciate niya ang pagiging concern ng binata. "Ako na ang pipili ng kakainin mo. Pipiliin ko yung bestseller."

"Wag yung mahal ha." Paniniguro ni Sandy.

"Wag kang mag-alala. Ako'ng bahala."

Habang pumipila si Franco upang kumuha ng pagkain, kinuha naman ni Sandy ang libro niya at mga notes sa Math upang mag-aral. Nang bumalik si Franco, dala-dala ang pagkain, sumilip ito sa ginagawa ni Sandy.

"Ano yan?"

"Algebra. May test kami sa Friday."

Napansin nito ang nakasimangot niyang mukha.

"Nahihirapan ka?"

"Sobra!!!"

Kumuha ito ng bolpen at sinubukang sagutin ang isang equation. Habang nag-sosolve ito, dahan-dahan namang nilapag ni Franco ang mga pagkain sa mesa. Nagsimula na rin ito sa pag-kain habang abala pa ang kasama. Maya-maya, pagkatapos niyang i-solve ang equation, tiningnan niya ang answer key sa likod ng libro ngunit hindi tumugma ang kanyang sagot. Sinara niya ang notebook at binagsak sa ibabaw ng aklat.

"Bakit di ko 'to maintindihaaaaaan? Ang hina-hina ko talaga sa Math! Ang hiraaaap!"

Napalakas ni Sandy ang kanyang sigaw. Pinagtinginan siya ng ibang customers. Kahit si Chardie ay nagulat din sa kanya.

"Mamaya na kasi yan. Kain ka muna. Oh…"

Iniabot ni Franco ang isang plato ng kanin at isang mangkok ng adobong manok na may nilagang itlog. Matamlay naman itong kinakain ni Sandy. Habang sila'y kumakain, kinuha ni Franco ang notebook at saka tiningnan ang laman.

"Patingin nga ako niyan. Mmmm... dapat kasi unahin mo munang i-solve yung numbers sa loob ng parenthesis. PMDAS Rule! At saka itong number sa labas, kailangan mong i-apply ang distribution property diyan." Sinubukang i-solve ni Franco ang equation. Habang nagso-solve ito, nakikinig naman sa kanya si Sandy at pinapanood kung paano niya ito sinasagot. "Yang number naman na natira sa ilalim, divisor mo yan. Oh, cancel, tapos ganyan… Oh, ang natirang number, yan ang value of X."

Kinumpara ni Sandy ang sagot ni Franco sa answer key at nagtugma ang dalawa. Manghang-mangha naman ang dalaga. "Paano mo— Wow! Ang galing mo ah!"

Nagpupunas sa kabilang mesa si Chardie nang mapansin niya ang dalawa. Natutuwa siyang pinapanood si Franco. Dalawang taon na ang nakalipas simula nang tumigil siya sa pag-aaral, bagama't hindi pa rin ito napupurol. Kaya hindi niya napigilang ipagyabang ang pinsan. "Naku, Sandy! Yang si Franco, tamad at basagulero yan pero, naku iba din ang talino niyan. Lalo na sa Math!"

"Talagaaa! Ibang klase ka rin pala eh." Hindi pinansin ni Franco ang mga papuri nila. "Pwede ba kitang gawing tutor sa Math?"

"Pwede naman pero di pwedeng libre."

"Ano ba yan! Okay fine. Libreng lunch, okay lang?

Tiningnan niya ito ng masama. "Tingin mo nagbabayad pa ako ng lunch ko sa sarili naming tindahan?"

Napaisip si Sandy saglit. "Mmmm... oh sige. Ikaw na lang ang bahala. Kahit anong gusto mo."

"Kahit ano?" puno ng pahiwatig ang mga tingin ni Franco.

Nagdalawang-isip si Sandy habang dahan-dahan nitong tinakpan ng mga kamay niya ang kanyang harapan. "Kahit ano pwera lang ang ... ano ... yung ..."

Napansin ni Franco ang pagkailang ni Sandy. "Huy! Ano bang iniisip mo? Hindi ako ganyang klaseng tao noh."

"Ahem! W-wala naman akong iniisip, eh." Tinago muli ni Sandy ang mga kamay niya sa ilalim ng mesa at kinagat ang labi sa hiya. "So, ano nga ang kapalit para turuan mo 'ko ng Math?"

"Ganito na lang. Payag ako na maging tutor mo sa Math pero kailangan mong ibakante ang araw na wala kang pasok para sa session natin. Sa tuwing makakakuha ka ng mataas na score, aye hindi, kung 5 lang ang mali mo sa bawat quiz at test niyo, isang kahilingan ko ang dapat mong tuparin. Call?"

"Teka! Pag-iisipan ko muna." Pinikit ni Sandy ang kanyang mga mata at inisip ng mabuti ang kondisyon ni Franco. Dumilat siya agad ng mapagtanto ang mali sa kondisyong yun. "Sandali! Ikaw naman ang lugi, eh. Paano kung bagsak ako? O more than 5 ang mali ko? Eh di, di kita mababayaran niyan."

"It's fair. Bakit mo naman ako babayaran kung bagsak ka naman pala? Ibig sabihin hindi kita naturuan ng maayos. So, ano deal? or no deal?" Inabot ni Franco ang kanyang kamay at hinintay ang sagot ni Sandy.

"Mmmm... sige na nga! Deal!" inabot ni Sandy ang kamay na yun, isang hudyat ng kasunduan.

"Ayos!" malaki ang ngiti sa mukha ni Franco

"Ahem!" Hinarap ni Sandy ang katabi at naging marahan sa susunod na sasabihin niya. "Franco, may tanong sana ako sayo, kung okay lang."

"Ano ba yun?" uminom ng tubig si Franco.

"Uhm... bakit di ka nag-aral ng college? Mukhang afford mo naman."

"Mmmm…" nagsimula na sa pagliligpit ng pinggan si Franco. "Hindi ko feel, eh."

"Huuuh? Ayaw mong mag-aral dahil hindi mo lang feel? Paano ang future mo?"

Nagkamot ng anit si Franco, tila ayaw niyang pag-usapan ang ganitong bagay. Gayunpaman, naging kalmado pa rin ito at sinagot naman ng maayos si Sandy. "Actually, gusto sana ng erpats ko na mag Engineering ako. Eh kaso, wala dun ang passion ko eh."

"Ano bang gusto mo?"

"Music." Lumiwanag ang mukha ni Franco nang sabihin niya yun. Tumingala siya kisame at ngumingiti habang nanaginip ng gising. "Ang gusto ko lang ay tumugtog ng musika at subukang makasulat ng isang kanta. Gusto kong makapag-aral sa isang sikat na university na nagtuturo ng music para mas lumawak pa ang kaalaman ko sa musika."

Napangiti si Sandy sa kanyang nakikita, isang kakaibang Franco ang kanyang kaharap, isang Franco na punong-puno ng pangarap. "Ano ba ang pangarap mo?"

"Gusto kong maging isang professinal trainer sa sariling kong music school. Tapos huhubugin ko ang mga kabataan na mahalin ang sining ng musika."

"Eh, di go! Ba't di mo gawin? Ba't di mo tuparin? Ang ganda ng pangarap mo!"

Biglang napawi ang tuwa sa mga mata ni Franco. Napalitan din ng lungkot ang liwanag sa mukha nito. Ngunit nang harapin niya si Sandy, siya'y nakangiti pa rin. "Ayaw ni erpats, eh! Sabi pa nga niya isang malaking basura daw ang pangarap ko, na wala namang patutunguhan ang pagtugtog ko ng musika. Hindi daw ko raw ikayayaman yan."

"Hindi ako sang-ayon diyan sa tatay mo." Hinawakan ni Sandy ang dalawang kamay ni Franco at hinarap ito na naka-arko ang mga kilay. "Makinig ka! Our dreams are more than just earning money. It's more than making a living. It's all about pursuing our passion. It's all about going after our heart."

Natawa na natutuwa si Franco sa seryosong mukha ni Sandy. "Naks! English!"

"Ano ba! Seryoso ako!"

"Oo, alam ko. Tingnan mo nga yang kilay mo, oh, nagtatagpo sa gitna. May pahawak-kamay ka pa."

Agad na bumitaw si Sandy. Natatawa pa rin si Franco sa kanya.

Minsan lang makita ni Sandy ang ganitong mukha ni Franco, yung nakatawa at nakangiti lang. Minsan nakasimangot o di kaya galit lagi ang nakikita niya. Madalas naman ay seryoso na parang walang pakialam sa paligid.

"Franco, may naisip ako."

"Ano?"

"Gawa tayo ng kanta!"

Napaisip si Franco. "Actually, gusto kong gawin yan pero di ko talaga alam kung kaya ko kasi wala pa naman akong nasusulat na kanta."

"Paano mo malalaman kung hindi mo pa nasusubukan? At saka, tutulungan naman kita eh. Tutulong ako sa lyrics. May notebook ako ng mga tula ko. Pwede nating gamitin yun." Mukhang tuwang-tuwa at excited si Sandy sa naisip niyang ideya. Samantalang, hindi naman sigurado si Franco. Gayunpaman, nakangiti pa rin itong pinagmamasdan ang pananabik ni Sandy. "Ano? Game ka ba?"

"Okay lang."

"Kapag nabuo natin yung kanta, pwede mong kantahin yun sa gig niyo. Malay mo madiscover ka pa." Lumiliwanag ang mga mata ni Sandy sa tuwing kinukuwento niya sa hangin ang kanyang nakikitang possibilities para kay Franco. "Tapos patutugtugin nila sa radio ang kanta mo. Maririnig ng lahat at siyempre magugustuhan nila yun. Tapos, sisikat ka. Yayaman ka. Makakapag-ipon ka. At makakapag-aral ka sa university na gusto mo. O di ba?"

Napaka-positibo ni Sandy mag-isip. Natutuwa si Franco na may isang taong naniniwala sa kanyang pangarap. Lahat naman ng tao yun ang nais, hindi ba? Hiling ng bawat tao sa mundo ang makahanap ng isang taong maniniwala sa kanilang pangarap, sa kanilang potensyal, na kaya nilang abutin ang tuktok, na kaya nilang maging kahit ano.