Chereads / My Love Next Door / Chapter 16 - Sikreto ni Ramsha

Chapter 16 - Sikreto ni Ramsha

"Woooow!"

Nganga at tulala sa pagkamangha si Sandy nang makatungtong ito sa pamamahay ni Ramsha. Natatawa naman ang may-ari ng bahay sa reaksyon ng kanyang bisita. Halos hindi ito makapagsalita. Tumayo si Sandy mula sa kinauupuan upang suriin ang buong bahay. Napakaganda ng bahay ni Ramsha. Gawa sa marble tiles ang sahig. Puno ang sala ng mga kagamitang pang-mayaman. Mayroon ding mga mamahaling obra na nakasabit sa pader. Hinaplos iyon ni Sandy at namangha na lahat ng obra ay original.

"Ang mahal ng painting na 'to, ah." komento ni Sandy.

Sa may hagdanan ay mayroong isang malaking piano. Sa ibabaw nito ay mga larawang naka-frame. Tiningnan din ito ni Sandy. Napakabata pa ni Ramsha sa larawan na 'yon at ibang-iba din ang itsura niya kumpara sa ngayon. Sobrang payat at napaka-ikli ng buhok at may bangs pa. May suot din itong napaka-kapal na salamin at may braces ang mga ngipin. Yakap-yakap si Ramsha ng mga magulang niya.

"Ibang-iba ang itsura mo dito, ah."

"Yan ang tinatawag nating gandang di mo inakala."

"Nag-iisang anak ka lang pala? Wow! Siguradong lahat ng luho binibigay ng mga magulang mo."

"Oo, nag-iisang anak lang ako. Ang boring nga eh! Pero hindi ako laki sa luho. Sinisigurado ng parents ko na pinaghihirapan ko lahat ng gusto ko. Tulad ng unang cellphone ko. Saka lang ako nagkaroon ng cellphone noong naging honor student ako sa school."

Namangha ulit si Sandy. Kaya pala mabait at responsible si Ramsha dahil hindi ito pinalaking spoiled brat. Tumungo naman ito sa kusina. Agaw-pansin sa kanya ang napakalaking refrigerator.

"Pwedeng buksan hehe?" natatawang tanong ni Sandy.

"Sure."

Nang buksan niya ito para siyang nakapunta sa langit dahil sa dami ng masasarap na pagkain. Tiningnan ni Sandy si Ramsha na para bang humihingi ng paliwanag.

"Wag kang magtataka kung bakit di ako payat. Ang pinakaayaw ko kasi ay 'yong walang laman ang ref."

"Andami naman masyado nito. Paano mo naman nauubos 'to eh mag-isa ka lang naman. At saka hindi ka rin ganun kataba. Saktong chubby lang."

Kumuha nang maiinom si Ramsha at binigyan rin si Sandy. "Anong gusto mo? Meron ako ditong fresh milk, juice, softdrinks … pero wala akong beer."

"Fresh milk na lang."

Kumuha ng dalawang bote ng fresh milk si Ramsha at ibinigay kay Sandy ang isa. Naupo sa isang mataas na upuan si Ramsha saka sinagot ang tanong ng kasama.

"Sa totoo lang, hindi ko naman talaga kinakain lahat. Minsan nagluluto ako o bumibili ng pagkain para ibigay sa mga bata sa kalye na nadadaanan ko tuwing pumupunta ako ng shop."

"Grabe Ramsha! Ang bait mo!" ang tanging nasabi ni Sandy habang komportable itong nakaupo sa isa sa mga upuan.

"Charot" sagot ni Ramsha habang kumukuha ng isang baso ng tubig. "Alam mo, mabuti pa't umakyat na tayo sa kwarto. Para naman makapagbihis ka na rin."

Tumayo ang dalawa at umakyat sa ikalawang palapag. Sa itaas ay mayroon itong tatlong kuwarto. Ayon kay Ramsha, kuwarto ng parents niya ang isa, kanya naman ang isa at para naman sa bisita ang isa. Pumasok sila sa pinto malapit sa hagdanan. Gawa sa salamin ang pader ng kuwarto ni Ramsha na natatakpan ng makakapal na kurtina. Agad na tumakbo roon si Sandy upang tanawin ang magagandang ilaw ng siyudad.

"Ang ganda ng pagkakagawa ng kwarto mo, Ram. Kitang-kita dito ang ganda ng siyudad lalo na kung gabi."

"Talagang hiniling ko kay Papa na ganito ang disenyo ng kuwarto ko kasi nakakalma ako tuwing natatanaw ko ang city lights." Sagot ni Ramsha habang kumukuha ng damit sa kabinet.

Tiningnan ni Sandy si Ramsha at ngumiti. "Talaga ba? Ako din. Alam mo 'yong pakiramdam na nalilimutan mo lahat ng gulo sa buhay tuwing natatanaw mo ang ganda ng mga ilaw?"

"Yup! Ganyan na ganyan ang pakiramdam ko." Sang-ayon ni Ramsha sabay hagis ng damit kay Sandy. "Bihis ka na."

Tumungo ng banyo si Sandy. Namangha ulit ito sa lawak at dami ng gamit sa loob. "Wow ha. Yung banyo mo mas malaki pa sa kwartong inuupahan ko."

Natawa si Ramsha.

"Pwedeng magtanong?" tanong ni Sandy habang nagbibihis sa loob.

"Ano ba 'yon?"

"Ano bang pinagkakaabalahan ng mga magulang mo? Bakit di mo sila kasama dito?"

Hinanda muna ni Ramsha sa mesa ang laptop at printer na gagamitin ni Sandy sa kanyang pag-aaral saka naupo sa kanyang higaan at sinagot ang tanong ni Sandy.

"Business. Napakabusy ng mga magulang ko. Hindi naman talaga kami taga-dito. Nagpagawa lang ng bahay ang mga magulang ko dito nang magbukas sila ng isang resort sa kalapit na isla dito sa San Carlos. Halos limang taon din kaming nanirahan dito. Dito na nga ako nagtapos ng high school eh. Nang magbukas ulit sila ng isa pang resort sa Laguna, hindi na ako sumama. Mas gusto ko kasing manatili dito eh."

Lumabas ng banyo si Sandy suot-suot ang damit na ibinigay ni Ramsha sa kanya.

"Siguro sing-payat kita noon. Saktong-sakto lang ang damit sa'yo."

"Salamat dito." Tinabihan ni Sandy si Ramsha at muli pang nagtanong. "Ang yaman mo naman pala bakit ka pa nagtatrabaho?"

Inunat ni Ramsha ang kanyang mga kamay at humiga. Ipinatong niya ang kanyang ulo sa ibabaw ng kanyang mga kamay at nakatingin sa kisame.

"Mmm … gusto ko lang. Nang makapagtapos ako ng high school, tinanong ako ng mga magulang ko kung gugustuhin ko bang panghawakan ang business namin. Eh, hindi ko pa alam eh. Kasi hindi talaga ako sigurado kung anong gusto ko. Ramdam ko ang mga magulang ko na gustong-gusto nilang ipasa sa akin ang pamumuno ng mga negosyo namin. At sa totoo lang, ayokong masayang ang pinaghirapan ng mga magulang ko."

"Pero?"

"Pero natatakot kasi ako na baka hindi ako maging masaya." Ngumiti si Ramsha kay Sandy na taimtim na nakikinig sa kanya. "Kaya pinili kong maghanap ng trabaho imbes na mag-aral. Nagbabakasakali na baka mahanap ko ano talaga ang gusto ko. Nakakainggit ka kasi alam mo kung anong gusto mo."

"Madidiskubre mo rin yan. Kapit ka lang." sabi naman ni Sandy.

Tumayo si Ramsha sa pagkakaupo at iniabot ang laptop.

"Magsimula ka na sa research mo. Bababa lang ako para magluto nang makakain. Okay?"

Tinanggap naman ni Sandy ang laptop at nagpasalamat.

Tumungo ng kusina si Ramsha upang maghanda ng makakain. Habang abala ito sa pagluluto, naalala niya na noong una siyang tumuntong ng San Carlos, isang alaala na kailanman ay hindi niya malilimutan.

Sampung taong gulang siya noong tumira sila ng San Carlos. Sadyang napakamahiyain niya pa nun. Walang kumpyansa sa sarili dahil sa kanyang itsura. Hindi rin siya marunong makipagkaibigan dahil homeschooled siya. Hindi siya sanay na may ibang batang kasama.

Lumipat ng San Carlos ang pamilya niya dahil nagbukas ito ng resort sa lugar na iyon. Alalang-alala niya pa noong araw ng pagbubukas ng Green Island Resort, isang grupo ng mga kabataang kasing-edad niya lang ang lumapit sa kanya upang makipagkaibigan. Masaya siya dahil nga nagkaroon siya ng mga kaibigan. Inanyaya siyang maglaro sa isang kweba na medyo malayo sa kanilang resort. Naglaro sila ng tagu-taguan at siya ang taya. Nagbilang ito hanggang dalawampu saka nagsimula sa paghahanap.

Halos buong hapon itong naghanap ngunit ni isa sa kanyang mga kasama wala siyang nakita. Nang maisipan niyang umuwi na lang, napagtanto nito na hindi niya kabisado ang daan. Subalit sinubukan niya pa ring makaalis sa isla na iyon, kaya nag-ikot siya nang nag-ikot hangga't sumapit ang dilim. Nakarating siya sa baybay ngunit di pa rin niya makita ang daan pauwi.

Nang maramdaman niya na siya ay nawawala, humagulgol siya pag-iyak.

Sa kanyang pag-iyak, isang batang lalaki ang lumapit sa kanya.

"Bata, okay ka lang? Anong problema mo?"

Tumingala si Ramsha. Napatahan siya ng makita niya ang mukha na isang batang lalaki na parang isang anghel na bumaba sa lupa.

"Di ko alam kung paano umuwi sa amin." Sagot ni Ramsha sa batang lalaki.

"Bakit? Taga-saan ka ba?"

Nag-isip si Ramsha. Hindi niya alam ang pangalan na kanilang lugar. "Hindi ko alam eh."

"Ha? Paanong di mo alam? Bago ka lang ba dito?"

"Oo." Sagot nito. Tumayo siya para harapin ang batang lalaki. Mas matangkad pa siya rito.

"Paano ka ba napadpad dito?"

"May mga batang nagdala sa akin dito. Naglaro kami ng tagu-taguan pero hindi ko sila mahanap."

Nagkamot ng ulo ang batang lalaki.

"Hindi ka dapat agad nagtitiwala. Siguradong pinagtripan ka lang ng mga yun. Tara! Humingi tayo ng tulong sa mga magulang ko. Malapit lang naman bahay namin dito."

Tumahan sa pag-iyak si Ramsha at nakampante sa alok na tulong ng bata. Sumama ito sa kanya papunta sa isang mansyon malapit sa lugar kung saan siya nawawala. Habang naglalakad silang dalawa, napansin ng batang lalaki ang kanyang katahimikan.

"Ganyan ka ba talaga? Tahimik."

"Hmm? Mmm … oo."

"Bakit?"

"Hmmm… di ko alam."

"Ano ba naman yan!"

"Siguro kaya di ako masalita kasi wala akong masyadong kausap sa bahay. Yung teacher ko lang."

"Teacher?"

"Oo .Teacher ko. Homeschooled kasi ako. Minsan nakikipag-usap naman ako sa teacher ko kaso feeling ko nabo-bored siya sa mga kinukwento ko."

"Ano ba kasi ang kinukwento mo?"

"Anime!"

Nang marinig ng batang lalaki ang salitang anime bigla itong naging interesado.

"Anime? Mahilig ako nun."

Lumiwanag naman ang mukha ni Ramsha nang maging interesado ang kanyang kausap.

"Talaga? Anong pinapanood mo?"

"Paborito ko 'yong Naruto at Hunter X Hunter." Sabik na pagkukwento ng batang lalaki.

"Ako din! Pero Number 1 sa akin ang Naruto." masayang sagot ni Ramsha. "Paborito ko si Shikamaru kasi ang cool ng character niya. Eh ikaw?"

"Si Sasuke. Gusto ko nga magkaroon ng sharinggan eh. Sana totoo 'yon noh?"

"Oo nga eh. Maganda din yung Biakugan ni Neji at Hinata. Alam mo, gusto kong matuto ng martial arts para kung sakaling may mam-bully sa 'kin, kaya kong ipagtanggol ang sarili ko."

"Mmm... maganda naman yan. Eh, tapos mo na bang panoorin ang Hunter X Hunter?"

"Hindi pa nga eh. Pero nabasa ko na ang manga. Kaya lang, hindi pa rin tapos."

"Oo nga eh. Bitin!"

"Oo nga eh! Sobrang bitin talaga! Pero ang ganda ng away ni Hisoka at Chrollo sa Heavens Arena, ah!"

"Aye! Exciting din ang part na yan eh! Head to head ang mga magagaling na kalaban. Ayos!"

Ngumingiti ang batang lalaki habang nakikinig ito kay Ramsha, tila natutuwa siyang makahanap ng kaibigang kaintindihan niya sa mga bagay na gusto niya.

"Alam mo. Interesting ka naman eh. Kailangan mo lang ay tamang kaibigan, yung masasabayan ka."

"Tingin mo?"

"Oo!" pangungubinse ng bata. "Tingin ko rin cool ka. Siguro kailangan mo lang baguhin ang hair style mo kasi para kang si Edna Mode. Naka-braces ka pa."

Hinawakan ni Ramsha ang kanyang buhok at nalungkot sa sinabi ng bata.

"Oy, wag kang malungkot. Cool ka naman eh. Pahabain mo lang yang buhok mo at wag mong lagyan ng bangs, tsaka mag-aral ka ng martial arts tulad ng gusto mo, naku! Makikita nila. Masasabi talaga nilang 'Be Careful Who You Bully'."

Nagpatuloy sa kuwentuhan ang dalawa hangga't sa nakarating din sila sa mansyon. Natatanaw naman ng dalawa na nag-aabang sa may pintuan ang mga magulang ng bata.

"Inigo! Saan ka ba galing? Madilim na saka ka pa umuwi! Hindi ba't pinagsabihan ka na namin na huwag gumala sa may isla kung gabi na?" pangaral ng ina ng bata.

"Sorry Mommy. May nakita lang po akong batang nawawala. Pwede po ba natin siyang ibalik sa mga magulang niya?"

Tiningnan ng mga magulang ng batang lalaki si Ramsha at nahabag sa kanyang kalagayan.

"Nawawala ka daw, iha?" yumango si Ramsha. "Paano ka naman napadpad dito?"

"Dinala po ako ng mga bata dito para maglaro ng tagu-taguan kaya lang iniwan po nila ako. Bagong salta po kasi ako dito kaya hindi ko po alam paano bumalik sa amin."

"Ganun ba? Saan ka ba nakatira?"

Nag-isip si Ramsha.

"Hindi ko pa po alam, eh. Ang alam ko nakatira ako dun sa bagong open na resort."

"Aye talaga ba? Papunta din kami doon kasi opening ngayon. Nandoon ba ang mga magulang mo ngayon?"

"Opo!"

"Sige. Ihahatid ka namin."

Pumasok sila sa loob ng bahay upang pumunta sa harapan. Inihanda ng mag-asawa ang sasakyan at pinasakay si Ramsha sa loob.

"Mommy! Pwedeng sumama?" tanong ng batang lalaki.

"Huwag na Inigo. Diyan ka na lang." sagot ng kanyang ina na may ngiti sa mga labi.

"Bata, ingat ka! Saan makauwi ka ng maayos." Tugon ng batang lalaki sa kanya.

"Salamat din sa'yo."

Sa tuwing inaalala ni Ramsha ang kabataan niya, hindi niya mapigilang ngumiti. Kasabay ng ngiting yun ay ang pangungulila at panghihinayang.

"Hay naku, Ramsha! Paano ka naman mamumukhaan nun eh nag-evolve ka na, na parang pokemon. At saka hindi niya pa alam ang pangalan mo. Haaaay! Buti pa nung bata siya, ang bait-bait niya."