Chereads / My Love Next Door / Chapter 15 - Yuan

Chapter 15 - Yuan

"Naku Sheena! Kailangan ko nang umalis." Pagmamadali ni Sandy. Kinabahan siya nang makita si Yuan.

Pilit namang pinipigilan ni Sheena si Sandy. "Ha? Bakit? Sabay na tayong lumabas ng gate."

"Kailangang-kailangan ko na talagang makaalis eh …"

"Bakit nga, Sandy?"

"Ah, uhm … may part-time job kasi ako."

"Talaga? Saan?"

"Sa Sweetness Overload."

"Oh? Naku matagal ko nang gustong kumain ng cake diyan." Pananabik ni Sheena.

"Sige sa susunod ililibre kita. Pero sa ngayon kailangan ko nang umalis, ha?"

Tumakbo nang mabilis si Sandy. Bago pa ito makalayo ay sumigaw ng isang paalala si Sheena. "Wala tayong pasok sa umaga ha? 'Wag mong kalimutan."

Lumingon para kumaway si Sandy. Pinagsisihan niya 'yon dahil nakita siya ni Yuan na nakatayo na sa tabi ng kaibigan.

Sa shop …

"Hoy! Anong nangyayari sa'yo?" usisa ni Ramsha habang nagpupunas ito ng mga garapon. "Wag na wag mong isasagot ang 'okay lang ako' kasi di ako maniniwala."

Parang tuta na hinarap ni Sandy si Ramsha.

"Raaam! Di ko na alam ang gagawin ko! Ang gulo-gulo na ng isip ko!"

Ngumiwi si Ramsha sa sagot ni Sandy. "Ga'no kagulo?"

Napaupo si Sandy sa isang upuan. "Hindi naman sobra."

"Ano ba kasi ang bumabagabag sa isip mo?"

Huminga ng malalim si Sandy saka nagkuwento. "Una, may research project ako na di ko matapos-tapos kasi nga wala akong computer at internet."

"Hay naku! 'Wag mo nang alalahanin 'yan. Matutulungan kita diyan."

Lumiwanag ang mukha ni Sandy sa narinig."Talaga? Paano?"

"Gusto mo sa bahay ka na lang matulog ngayong gabi? Pwede naman kitang pahiramin ng damit."

Natuwa at nanabik si Sandy sa alok ni Ramsha. "Sige baaa! Wala akong pasok sa umaga."

"Oy ayos. So, okay ka na sa una mong problema. Ano pa?"

Huminga ulit siya ng malalim. "Nasangkot ako sa isang gulo."

Naging seryoso si Ramsha. Bakas sa mukha ang kanyang pagkabagabag. "Huy gaga. Anong gulo yan? Nagda-drugs ka ba?"

"Oy, hindi. Grabe ka!"

Tumigil sa pagpupunas si Ramsha upang makinig sa kuwento ni Sandy. Ikinuwento ni Sandy ang lahat-lahat. Ipinaliwanag niya rin kung bakit ganun na lang ang mga kilos na ipinapakita ni Inigo at Franco.

"Kaya pala may pahatid-sundong nalalaman 'tong si Franco. 'Yon pala ang dahilan." Komento ni Ramsha. "Pero hindi ka habang buhay na makakapagtago diyan sa bully na 'yan kung sino man 'yang pangit na yan."

"Oo nga eh. Kamakailan lang lagi ko siyang nakikitang umaaligid sa gusali namin. At saka kanina, nakita pa niya ako. Paano kung abangan niya na ako pagkatapos ng klase? Haaaai!"

Tinabihan ni Ramsha si Sandy upang damayan.

"Kung nag-aaral lang ako diyan sa USC, naku, ako ang magtatanggol sa'yo."

Ngumiti si Sandy. Kahit konti, pakiramdam niya gumaan ang kanyang loob dahil nandiyan si Ramsha. "Maraming salamat, Ramsha ha."

Magda-drama sana ang dalawa ng biglang tinawag ang kanilang pansin ng isang costumer na bumati sa kanila nang pagkasigla-sigla.

"Magandang gabiiiii!"

Nang lingunin ito ni Sandy, nanlaki ang kanyang mga mata sa nakita.

"Sheena?" napatayo bigla si Sandy. "Anong ginagawa mo dito?"

"Di ba't sinabi ko sa'yo kanina na matagal ko ng gustong kumain ng cake dito?" ngumingiting nagpapaliwanag si Sheena. "Eh nagkataon na niyaya ako ng boyfriend ko na kumain dito. Pumayag naman ako agad kasi alam ko na nandito ka."

"Boyfriend?" nakukunot ang mga noo ni Sandy.

Yumango si Sheena. Isang pamilyar naman na mukha ang humarap kay Sandy at Ramsha. Tinanggal nito ang kanyang suot na sunglasses at bumati ito na may malaking ngiti sa mukha.

"Hi!"

Nanghina ang mga tuhod ni Sandy nang bumati ang binata sa kanya.

"Yuan, si Sandy nga pala. Kaklase ko. Sandy, boyfriend ko, si Yuan."

Pilit na ngumingiti si Sandy. Nakahawak naman ito sa apron ni Ramsha. Agad naman naintindihan ni Ramsha ang sitwasyon.

"Nice to finally meet you." Sarkastikong bati ni Yuan. "Uhm babe, ako na ang kukuha ng order. Maupo ka na muna."

Sumang-ayon naman si Sheena. Umalis ito at naghanap ng mesa.

"Hoy bakulaw!" galit na tugon ni Ramsha kay Yuan. Madiin itong nakaalalay sa mesa. "Ikaw ba 'yong gunggong na nanggugulo sa kaibigan ko?"

"Hoy Tabachoy! 'Wag kang makialam dito."

"FYI! Hindi ako tabachoy! Chumsy ako, chumsy, chubby na sexy. Gets mo? Kung di mo na gets, maiintindihan ko kasi mahina talaga ang utak mo. At makikialam ako kasi kaibigan ko ang ginugulo mo. Tigilan mo na 'yan kung ayaw mong …"

Naguluhan si Sandy sa bangayan ng dalawa. Pumagitna ito upang klaruhin ang mga pangyayari.

"Sandali! Sandali! Kung magbangayan kayo, parang kilala niyo ang isa't-isa, ha."

"Hay naku Sandy!" Nilagay ni Ramsha ang mga kamay niya sa kanyang harapan at tiningnan si Yuan na para isang tutang di marunong lumaban. "Hindi mo kailangan matakot sa isang 'yan. Eh, bahag naman ang buntot niyan eh."

"Hoy! Hindi ako duwag." Lumapad ang ilong ni Yuan sa galit.

"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo? Isang babae, nireresbakan mo? Hindi ba't kaduwagan 'yan?" nagtinginan ng masama si Yuan at Ramsha. "Tigilan mo na si Sandy kung ayaw mong tawagan ko ang tatay mo."

Natawa si Yuan sa banta niya. "Ha! Talaga? Sige nga!"

Ngumiti na lang sa asar si Ramsha. "Hinahamon mo ko?"

Kinuha niya ang kanyang cellphone at tumawag. Mga ilang segundo rin ay sinagot ito ng kabilang linya.

"Hello Pa!" bati ni Ramsha. "Sa'n ka? Trabaho? Aaah! Kasama mo ba si Mr. Rodriguez? Aye! Mabuti naman. Wala lang. Miss lang kita. Magkasama nga pala kami ni Yuan, yung anak niya po… Po? Gusto niya akong makausap? Sige ba … Hello po, Tito!"

Naka-loudspeaker ang cellphone ni Ramsha. Nang marinig ni Yuan ang boses ng ama niya sa kabilang linya, kinabahan ito. Nanlaki ang mga mata at umuusok ang ilong.

"Okay po! Walang problema! Akong bahala kay Yuan. Kapag may ginawa 'tong kabulastugan, sasabihan ko kayo agad. Sige po! Ingat kayo! Bye!"

Pagkatapos ng saglit na pag-uusap na 'yon, pinatay ni Ramsha ang tawag at hinarap si Yuan na may malaking ngiti sa mukha, isang ngiting-tagumpay!

"Babala lang yun, Yuan. Alam natin kung anong mangyayari sa'yo kapag nalaman ng tatay mo ang tungkol sa pambu-bully mo."

Inis na inis naman si Yuan. "Di pa tayo tapos, Sandy! Ikaw din Ramsha!"

Umalis si Yuan at kinumbinse si Sheena na maghanap na lang ng ibang pagkakainan. Kaway na lamang ang ipinaalam ni Sheena dahil sa pagmamadali ni Yuan. Hinarap naman ni Sandy si Ramsha upang komprontahin.

"Paano kayo nagkakilala? At mukhang takot na takot nga si Yuan sa tatay niya."

"Magkatrabaho kasi ang mga tatay namin. At tama ka, 'yang si Yuan takot 'yan sa tatay niya. Kapag nagalit 'yon, automatikong pinuputol niya lahat ng atm at credit cards niya upang hindi magkapera si Yuan. Minsan din umuuwi 'yon dito para paluin lang siya."

Napanganga si Sandy. "Ha? Sa tanda niya pinapalo pa siya?"

"Iba talaga ang tatay nun. Minsan din hindi lang palo, bugbog talaga ang inaabot nun."

"Grabe naman! Kaya siguro bayolente si Yuan dahil sa tatay niya."

"Posible." kibit-balikat na sumagot si Ramsha.

Nahabag si Sandy para kay Yuan. Naiintindihan nito na ang lahat ng bagay ay may puno't dulo. May dahilan kung bakit madamot, mabugnutin, matatakutin, basagulero, mahiyain at kung ano pa man ang tao. At laging may hugot sa likod ng bawat pagtatampo, ng galit sa puso, ng paglisan... ng pagsisinungaling. Always give the benefit of the doubt! Yun ang prinsipyo ni Sandy. Kaya hindi niya magawang magalit sa ina kahit na alam niyang iniwan sila nito. Nais nitong marinig ang paliwanag niya at intindihin kung anuman ang dahilan ng kanyang pang-iiwan.

Nang tumuntong ang alas nuwebe ng gabi, agad na nagyaya ng uwian si Ramsha. Sabik itong dalhin si Sandy sa bahay niya. Nang lumabas naman sila ng shop, nakaabang ulit ang dalawang binata.

"Kayo na naman?" ani Sandy.

"Hoy housemate! Halika na! Uwi na tayo." tawag ni Franco.

Napatingin naman si Inigo sa tawag ni Franco. Ngunit hindi na niya ito pinansin. "Sa akin ka na sumabay kasi mukhang uulan."

Tumingala sa langit si Franco. "Hindi naman ah? May mga bituin nga oh."

"Tingnan mo sa bandang 'yon oh! Madilim ang ulap."

"Madilim naman talaga ang langit kasi gabi, tanga!"

"Mas tanga ka. Wala kang alam sa panahon."

Nagbangayan na naman ang magkaibigan kaya inawat sila ni Ramsha.

"Tumigil nga kayo. Hindi sasakay si Sandy kahit isa sa inyo kasi matutulog siya sa bahay ko." Nagulat ang dalawa. "At maglalakad lang kami. Halika na Sandy!"

Hinila ni Ramsha si Sandy at nagsimula nang maglakad pauwi. Muling tumalikod si Ramsha at tiningnan ang dalawa nang masama. "At 'wag na 'wag kayong susunod kung ayaw niyong makatikim sa 'kin."

Naiwan naman ang dalawa na windang habang pinapanood silang lumalayo.

"Uy Inigo! Di mo ba alam saan nakatira si Ramsha?"

Umiling si Inigo. "Hindi!"

Nainis si Franco. "ANO? Paanong hindi? Antagal nang nagtatrabaho sa shop niyo si Ramsha pero di mo alam sa'n siya nakatira?"

Hinarap naman ni Inigo si Franco na may inis sa mukha. "Bakit ko naman aalamin? Interesado ba ako sa kanya?"

"Aaah! So kay Sandy, interesado ka?" sumbat ni Franco.

Nakaramdam ng pag-alinlangan si Inigo. "H-ha? Hindi ah! Sira!"

Hinarap ni Franco si Inigo na nakatiklop ang mga braso sa harap. Seryoso ang mukha nito. "Kung hindi ka naman pala interesado, anong ginagawa mo? Nagpapa-fall? Ito ba ang galawan mo sa mga babaeng nagkakagusto sayo?"

"Wala akong balak na masama kay Sandy. Kaibigan ang tingin ko sa kanya. Eh, ikaw? Ba't ganyan ka umasta? Gusto mo ba siya? Ang bilis mo atang maka-move on!"

"Ginagawa ko lang 'to kasi nga kasalanan ko kung bakit nadawit siya sa gulong 'to. I'm just being responsible."

"Responsible, my ass. Di mo bokabularyo yan. Wag kang magpakitang tao!"

Pumasok si Inigo sa kanyang kotse samantalang naiwan si Franco na napaisip sa sinabi ni Inigo. Hindi niya ito inasahang marinig mula sa isang kaibigan.

Samantalang si tisoy ay huminga na malalim sa likod ng manobela at napapikit. Pinagsisihan niya ang kanyang sinabi.