"Nakakapagod naman ang araw na 'to." Inunat ni Ramsha ang kanyang mga braso at humikab.
Ngumiti siya kay Sandy at nagyaya nang umuwi. "Magsara na tayo, Sands."
"Okay lang ba? Medyo maaga pa."
"Okay lang 'yan. Alas 9 na rin naman."
"Oh sige! Ikaw ang may sabi eh."
Nagsimula ng maglinis ng buong shop ang dalawa upang makapagsara ng maaga. Samantalang si Inigo naman ay nakatulog sa paghihintay. Sarap na sarap itong nakasubsob sa isa sa mga kutson ng shop. Nakita siya ni Ramsha. As always, inis na inis ito.
"Haaay naku! Tingnan mo 'tong isang 'to. Kundi hindi uubusin ang tinda ng ate niya, ginagawa namang tulugan ang shop."
Gigisingin na sana niya ito ngunit bigla siyang natigilan nang masdan nito ang napaka-anghel niyang mukha.
"Kung di ka lang talaga gwapo…" Gamit ang walis na hawak niya, sinundot nito si Inigo sa paa. "Hoy! Gising!"
Medyo naalimpungatan si Inigo. Nang magising ito, galit na mukha ni Ramsha ang bumungad sa kanya. "Anong oras na ba?"
"Bumangon ka na diyan. Magsasara na kami."
"Di ko namalayan na nakatulog pala ako."
Bumangon si Inigo at nag-ayos ng kanyang mga gamit. Napansin ni Ramsha ang gulo sa ibabaw ng mesa. Puno ito ng mga aklat at papel. Mukhang nakatulog ito sa pag-aaral.
Biglang naging mahinahon sa pagsasalita si Ramsha. "Pasensya ka na. Makikiusap lang ako kung pwede lumabas ka na upang makapagsara na kami."
Hindi na sumagot si Inigo. Tahimik itong sinunod si Ramsha. Kinuha niya lahat ng kanyang gamit at saka lumabas. Nang makalabas na siya ng pinto bigla siyang nagising nang makita niya si Franco na naghihintay sa labas.
"Anong ginagawa mo dito?" tanong ni Inigo.
"Sinusundo si Sandy. May problema?" Malamig na sagot ni Franco.
Kumunot ang noo ni Inigo. "Bakit? Boyfriend ka ba niya? Di mo na kailangan gawin 'yan. Pwede ko naman siyang ihatid."
"Bakit? Boyfriend ka rin ba niya? Di mo rin kailangang gawin 'yan. Simula ngayon ako na ang bahalang maghahatid at susundo sa kanya."
"At bakit?" naiiritang sagot ni Inigo.
"At bakit hindi?"
Tahimik na nagtinginan ang dalawa.
Lumabas na rin ng shop ang dalawang binibini at agad na napansin ang dalawang magkaharap na binata.
"Ba't ka nandito?" pagtataka ni Sandy.
"Hindi ba't sinabi ko sa'yo kanina na susunduin kita? Halika na!" sagot naman ni Franco.
"Teka! Paano mo nalaman na dito ako nagtatrabaho? Iniistalk mo ba 'ko?"
"Ang feeling mo! Halika na nga!"
Napansin ni Ramsha na iba ang awra ni Inigo lalo na ang mga tingin nito nang sumakay na si Sandy sa motor ni Franco.
Nang magpaalam si Sandy, agad humarurot sa pagmamaneho si Franco. Hindi naman umimik si Inigo. Pinabayaan na lang ni Ramsha si Inigo at nagpatuloy na rin ito sa kanyang daan.
"Teka!" tawag ni Inigo kay Ramsha. Lumingon naman ito, ang mga kamay ay nakatago sa loob ng jacket. "Uuwi ka na rin ba?"
"Ano ba sa tingin mo?" malamig ang pagsagot ni Ramsha.
"Maglalakad ka lang?"
"Oo."
Kumunot ang noo ni Inigo at nag-alala para kay Ramsha. "Sumakay ka na. Ihahatid kita."
Ngumiwi ang mukha ni Ramsha sa alok ni Inigo. "Wag na! Salamat na lang."
Nainis si Inigo sa pagtanggi ni Ramsha. "Delikado sa daan, ano ka ba?"
"FYI, sa loob ng tatlong taon, araw-araw akong naglalakad pauwi. Kailanman wala nangyaring masama sa 'kin. At kung meron man, kaya kung ipagtanggol sarili ko." Isang sarkastikong ngiti ang ibinungad nito saka tumalikod at tuluyan nang umalis.
Huminga ng malalim si Inigo at umiiling na pinagmamasdan si Ramsha sa kanyang pag-alis.
"Hay naku! Kahit kelan talaga, di ko magets kung bakit ang sungit-sungit niya."
Hindi na niya pinigilan pa si Ramsha. Sumakay na rin siya ng kotse niya at umalis.
______________________________________________
"Ito na ang huling beses na gagawin mo 'to." pangaral ni Sandy nang makababa na siya ng motor.
"Ang alin? Ang paghatid-sundo ko sa'yo? 'Wag kang mag-alala dahil ngayon ko lang naman gagawin 'to habang umaaligid pa si Yuan." sagot ni Franco habang pinaparke ang kanyang motor.
"G-ganun ba? Mabuti naman."
"Bakit parang aligaga ka?"
Huminga ng malalim si Sandy. "Ayoko lang isipin nila na may namamagitan sa 'tin."
Natawa si Franco. Pumasok ito ng bahay na umiiling. "Wag kang mag-alala. Matagal na kaming magkaibigan ni Inigo. Alam niya na walang mamagitan sa 'tin kasi alam niya na hindi ang mga katulad mo ang type ko."
"Ang yabaaaang! Kala mo naman ang gwapo-gwapo mong tsonggo ka!"
"Ako tsonggo? Alam mo ba na sa sobrang gwapo ko, hindi mo mabibilang ang dami ng babae na naghahabol sa kin!"
"Omygosh! Ang yabang talaga!" Umirap sa inis si Sandy. "Ah basta! At saka isa pa, gusto mong makipagbalikan sa ex mo, di ba? Paano kung makita niya na may angkas kang iba, eh di, GG? Finish na?"
"Yan ba talaga ang dahilan? Tingin ko hindi eh. Parang may iba ka pang dahilan." pang-aasar ni Franco
Nakasimangot ang mukha nito sa pang-aasar ni Franco. "Ano pa ba ang idadahilan ko ha?"
"Ang concern mo ay si Inigo, noh? Ayaw mong isipin niya na may namamagitan sa 'tin kasi gusto mo siya. Tama?"
Namula ang mga pisngi ni Sandy sa sinabi ni Franco. "A-anong pinagsasabi mo diyan? Hoy, wag ka ngang gumawa ng kuwento diyan."
"Haaay naku!" kinamot ni Franco ang kanyang ulo. "Mga galawan talaga ng babae! Obvious ka na, huy! Sana sinabi mo nang maaga na gusto mo pala siyang kasabay pauwi. Di sana pinabayaan na kitang ihatid ng kotse niya."
Ikinainis ni Sandy ang mga sinabi ni Franco. "Pwede ba? Hindi ako maharot na babae. Kaibigan ang tingin ko kay Inigo."
"Eh, ako? Hindi rin ba kaibigan ang tingin mo?"
Hindi agad nakasagot si Sandy dahil hindi naman siya sigurado.
"H-hind---"
"Aah! Ganun!" Hindi pinatapos ni Franco ang sasabihin ni Sandy. "Okay! Kuha ko! Sige."
Umakyat ng kwarto si Franco. Maingay ang hagdanan sa pagdadabog ng kanyang mga paa.
Sinubukan naman siyang pigilan ni Sandy. "Hoy sandali!"
Ngunit hindi na siya pinakinggan ni Franco. Isinara na niya ang pinto. "Nakakainis din 'tong lalaking 'to ha. Sasabihin ko lang naman na hindi ko alam. Hindi naman ako pinatapos. Haay! Bahala ka sa buhay mo."
Kinabukasan pag-gising sa umaga, nakaabang ulit si Franco sa labas ng gate. Ikinagulat ito ni Sandy. Ngunit hindi niya ito pinansin dahil baka pinapalagay lang nito na siya ang hinihintay.
"Oy housemate!" tawag ni Franco.
Ikinainis naman ito ni Sandy. "Housemate??? Nasa PBB house ba tayo?"
"Eh ganun naman talaga tayo diba? Housemates? Kasi nakatira tayo sa isang bahay. Alangan namang yaya ang itawag ko sayo. O baka naman gusto mo 'asawa ko'? Aye di rin pwede! Baka magalit si Inigo."
"Alam mo, ang aga-aga nambibwiset ka. May pangalan po kasi ako!" sarkastikong sagot ni Sandy.
"Eh 'yan ang gusto kong itawag sa'yo eh."
"Bahala ka nga sa buhay mo!" Umirap na lang si Sandy at nagpatuloy sa paglakad habang hawak-hawak ang strap ng bag.
"Oy housemate!" tawag ulit ni Franco.
Inis na inis naman si Sandy na lingunin ito. "Ano ba?!!"
"Sumakay ka na!"
"Ayoko!"
"Late ka na kaya 'wag ka ng umarte na para bang ang ganda mo."
Tumigil sa paglalakad sa si Sandy at tiningnan ng masama si Franco. Huminga ito ng malalim. "Okay fine. Sasakay ako sa motor mo hindi dahil gusto ko. Ayoko lang isipin mo na nagpapabet ako."
Umangkas ng motor si Sandy samantalang palihim naman na ngumingiti sa tuwa si Franco.
Nang makarating sila sa eskwelahan, nagmamadaling bumaba si Sandy ng motor. Bago pa man ito makatakbo ay pinigilan siya saglit ni Franco.
"Oy housemate!"
"Ano na naman? Late na ako!"
"Oh!" nag-abot ito ng isang supot.
Kinuha agad ito ni Sandy nang hindi tiningnan ang loob at saka humarurot sa pagtakbo. Limang minuto na lamang at magsasara na ang pinto ng Literature Class. Bakit naman kasi ang terror ng propesor na 'to? Sigaw ng isipan ni Sandy habang tumatakbo, humihiling na sana ay bukas pa ang pintuan.
Nang makarating siya sa silid-aralan, nahuli niyang naglabasan ang kanyang mga kaklase. Isang ngiti mula kay Sheena ang bumati sa kanyang pagtataka.
"Anong nangyari? Bakit kayo naglabasan?" tanong ni Sandy.
"Wala si Sir. Nagkasakit daw kaya wala tayong pasok. Pero mas mabuti daw na gamitin natin ang oras na 'to para sa research natin." Paliwanag ni Sheena.
Parang nabunutan ng tinik si Sandy na marinig ang paliwanag ni Sheena. Nagpapasalamat din siya sa libreng oras na magagamit niya para sa research ng napiling obra.
"So ano? Tambay tayo ng library?" tanong ni Sheena.
"Mas mabuti pa nga." sagot naman niya.
Sabay na naglakad papuntang library ang dalawa. Habang naglalakad ang mga ito, napansin ni Sheena ang supot na dala-dala ni Sandy.
"Ano 'yan? Pagkain?"
Saka lang din naalala ni Sandy ang supot ng banggitin ito ng kasama. "Hindi ko alam eh. Binigay lang sa 'kin ng kapitbahay ko nang papunta ako dito."
Binuksan ni Sandy ang supot. Sa loob ay mayroong dalawang sandwich na nakabalot ng tissue. Sa ibabaw naman ay may nakapaskil na post-it paper na may nakasulat: "Kainin mo 'to. Di ka na naman nag-almusal."
Hindi ito inasahan ni Sandy. Bakas sa kanyang mukha ang pagkatuwa niya sa pagkamaalalahin ni Franco. Napansin naman ni Sheena ang ngumingiting mukha ni Sandy.
"Ooy bakit ka nakangiti? Anong meron?" nakiusyuso si Sheena kaya binasa niya rin ang nakasulat. Kinilig naman ito. "Wow naman. Napakamaalaga naman ata ng "kapitbahay" mo. Pero kapitbahay lang ba talaga? o manliligaw mo?"
Mabilis na umiling si Sandy sa sinabi ni Sheena. "Naku! Naku! Hindi no! Walang ligawang nagaganap, ano ka ba? Mabuti pa't kainin mo 'yang isa."
Tinanggap ni Sheena ang sandwich na ibinigay ni Sandy. "Yey! Salamat. Di rin ako nakapag-almusal eh. Sige tikman natin 'tong sandwich na bigay ng KAPITBAHAY mo."
Kumakain ang dalawa habang naglalakad papuntang library. Nang matikman naman ito ni Sheena, medyo napaisip ito.
"Mmm … masarap." naging seryoso ang mukha ni Sheena na parang nawalan ng gana.
"Masarap nga pero bakit ganyan ang mukha mo?"
"Ah, wala. May naalala lang ako bigla. Cheese at saka bacon kasi ang palaman."
"Anong meron sa cheese at bacon? Naalala mo mama mo?"
"Aah hindi. Kaibigan ko lang na di ko na masyadong nakakausap."
"Talaga? Bakit? Favorite niya 'to?"
Umiling si Sheena. "Hindi rin. Sa totoo lang, ako 'yong may favorite nito. Madalas ako ginagawan nito ng kaibigan kong 'yon."
"Ganun ba? Gusto mo dalhan kita nito ulit?"
Mabilis na tumanggi si Sheena ngunit nakangiti pa rin. "Wag na, ano ka ba? Salamat na lang."
Magkaklase sa lahat ng asignatura sina Sheena at Sandy kaya lagi silang magkasama. Sa katunayan, buong araw na magkasama ang dalawa at kung anu-ano na lang ang pinagkakakwentuhan.
Pagkatapos na kanilang huling klase, sabay ulit na lumabas ng silid ang dalawa at pinag-usapan nila ang kanilang paparating na exams. Nang biglang natanaw ni Sandy si Yuan na naglalakad papalapit sa kanila...