"Bakit ngayon ka lang?" sigaw ni Franco habang papasok pa lang ng gate si Sandy.
Kumulubot naman ang noo ni Sandy sa pagsalubong ni Franco sa kanya. "Ba't mo tinatanong? Tatay ba kita?"
Hindi nakasagot si Franco. Oo nga naman! Bakit nga ba niya tinatanong?
Dinaanan lamang siya ni Sandy at saka pumasok sa loob. Sumunod naman si Franco. Sa kanyang pagsunod, napansin niyang hawak-hawak ni Sandy ang kanang braso, para bang may tinatago.
Gusto niya itong usisain kaya hinila niya ang kaliwang braso upang tingnan kung ano man ang tinatago nito. Nang humarap ito sa kanya, isang malaking sugat ang kanyang nakita. Saka lang din niya napansin kung gaano ito kadungis. Madumi ang blusa niyang puti at medyo maputik rin ang slacks. Nangangamoy basura rin siya.
"Anong nangyari sa'yo? Bakit may sugat ka?"
"Wala 'to." Nagtangka itong umalis ngunit hindi siya binitiwan ni Franco.
"Ang laki ng sugat mo tapos wala lang?"
Napakahigpit ng hawak ni Franco. Malabong makawala ito. Hindi niya rin kayang manlaban dahil sa sakit ng katawan kaya umamin na rin si Sandy.
"Okay fine. Tumilapon ako sa basurahan. Ok na?"
"Tumilapon? Paano?"
"Naglalakad ako pauwi nang biglang may isang kotseng dumaan at muntikan na akong masagasaan. Sa pag-ilag ko, tumilapon ako sa basurahan at sumagi ang braso ko sa nakausling lata."
Nainis si Franco sa ikinuwento ni Sandy.
Hindi pa rin niya ito binitiwan.
"Siguradong si Yuan 'yon."
"Siguro nga." Sang-ayon ni Sandy. "Pwede ring aksidente lang talaga."
"Bakit naman kasi naglakad ka na naman? Hindi ba't pinagsabihan na kita na delikado?"
"Oo na nga! Ako na yung tanga. Pwede bang bitiwan mo na ko? Gusto ko ng magpahinga." Galit na galit na si Sandy.
Huminahon naman si Franco. "Hindi ko naman sinabing tanga ka."
Hindi umimik si Sandy. Nakatingin pa rin itong nakasimangot kay Franco.
"Maupo ka." Sa halip na hayaan itong makaalis, marahan niya itong hinila sa sopa at naghanap ng first aid sa cabinet.
"Ako na ang bahala sa sarili ko. Di mo ko kailangang tulungan."
Nagtangka itong tumayo ngunit hinila siya ulit nito paupo.
"Wag nang matigas ang ulo."
"Ayoko maging pabigat sa'yo. Di mo ko kailangang kargohin."
Huminga ng malalim si Franco at tumingin sa mga mata ni Sandy. Hindi naman mapalagay si Sandy sa mga tinging yun.
Tumatambol ang puso, nagsisigaw ang isip. "Wag mo nga akong tingnan ng ganyaaaan! Marupok pa naman ako!!!"
Marupok nga si Sandy. Marupok ngunit hindi bumibigay.
"Anong tinitingin-tingin mo diyan?"
"Ang baho mo. Maligo ka nga." At saka tumayo si Franco palayo kay Sandy.
Bwiset na bwiset naman si Sandy sa kanya. Umakyat siya ng kwarto upang maligo. Dabog naman ito ng dabog habag nasa loob ng banyo.
"Nakakainis! Nakakainiiiiis! Pagkatapos mo 'kong awayin kagabi, bigla-bigla ka na lang magbabait-baitan? Topakin ka talaga! Tapos kung makaasta... jowa? Jowa kita? Kung alam ko lang na gugulo ang buhay ko, sana di na kita tinulungan kagabi! Arrgh! Nakakainiiiiiis ka talagang lalaki ka! Hinding-hindi talaga kita kakausapin!"
Pagkatapos nitong maglinis sa katawan, inalis niya na muna sa kanyang isipan si Franco bago ito lumabas upang gamutin ang sugat.
"Siguro naman tulog na ang mokong na 'yon."
Nang lumabas ito, nagulat siyang makita si Franco na nag-aabang sa labas ng kuwarto niya.
"Anong ginagawa mo dito?"
"Sorry." Bulong ni Franco.
Tumingin ito sa kanyang mga mata na siyang pinagsisihan niya. Tila ayaw niya ulit kumawala sa mga tingin na 'yon. Punong-puno ito ng mga damdamin na hindi niya maipaliwanag.
"Bwiset na tingin yan. Ba't di ako makawala." bulong ni Sandy sa sarili.
Sa pagpapakumbaba ni Franco, hindi magawang magalit pa ni Sandy. Ramdam niya ang sinseridad sa paghingi ng tawad ni Franco subalit nagmatigas pa rin ito.
"Sorry saan?"
Namewang si Franco sa sagot ni Sandy. Umasa ito na magiging maayos ang lahat kapag humingi siya ng tawad. "Alam mo kung para saan, bakit mo pa tinatanong?"
"Oo, alam ko nga. Gusto ko lang masigurado na alam mo kung saang ka nagkamali."
"Wow! Kailangan pa ba 'yon?"
"Oo naman! You just can't apologize just because you think it's the right thing to do. Dapat alam mo kung bakit ka humihingi ng tawad. Mahalaga 'yon!"
Huminga ng malalim si Franco at umirap na lang.
"Basta … 'yon na yun!"
Hindi na nagpaliwanag si Franco tulad ng hinihingi ni Sandy. Sa halip ay hinawakan niya na lang ang kamay nito at pinaupo sa bench, saka ginamot ang mga sugat sa braso.
Habang ginagamot ito ay natatawa naman si Sandy. Sadyang mainitin ang ulo ni Franco. Tumigil ito sa paglalagay ng alcohol sa sugat nang mapansin niyang tumatawa si Sandy.
"Ano bang nakakatawa?"
"Sorry! Ikaw kasi eh." Pagpipigil ni Sandy sa kanyang pagtawa.
"Bakit nga?"
"Nagboboluntaryo ka na gamutin ang sugat ko eh hindi mo naman pala marunong."
Kumulubot ang noo ni Franco. "Ano bang ginawa kong mali?"
"Hindi na kasi kailangan ng alcohol kasi hindi na yan marumi. Kaliligo ko nga lang diba?"
Nagkamot ng leeg si Franco at bumuntong-hininga. "Bakit 'di mo sinabi agad?"
"Eh akala ko naman kasi alam mo ang ginagawa mo."
"Hay naku! So anong gagawin ko? Lalagyan ko na lang ng Betadine?"
Yumango si Sandy. "Saka mo lagyan ng band aid."
Sinunod ni Franco ang panuto ni Sandy. Nang lagyan niya ng bandaid ang sugat nahapdian ito kaya naman ay hinihipan ito ni Franco.
"Bukas…" may bilin si Franco habang naglalagay ito ng band aid. "… susunduin kita sa school."
Nagulat si Sandy. "Ha? Bakit?"
"Hindi natin alam kung ano pang gagawin ni Yuan. At saka isa pa, delikado 'yang ginagawa mong naglalakad ka pauwi."
"Wag na no! May trabaho pa 'ko pagkatapos ng school."
"Eh di, dun kita susunduin. Wag kang tatanggi. Dahil kahit na tumanggi ka pa, makikita mo pa rin ako bukas na nakaabang sa labas."
Hindi na nagsalita si Sandy. Hindi niya rin naman mababago ang isip ng kausap.
_________________________________________
Huli na nang magising si Sandy dahil matagal itong nakatulog kagabi. Nagmamadali itong lumabas ng bahay at nang makalabas ito, nagulat siya nang makita si Franco na nakaabang sakay ng kanyang motor.
"Alam kong late ka na. Sakay na bilis!"
Hindi na umangal si Sandy dahil sa pagmamadali. Mabilis magpatakbo si Franco kaya't mahigpit itong nakayakap sa kanyang baywang. Nang makarating sila sa eskwelahan, dali-dali itong bumaba.
"Salamat!"
Tumakbo ng mabilis papunta ng Fine Arts building si Sandy. Subalit pagdating niya roon ay sarado ang pinto. Hindi nagpapapasok ang propesor kapag late ang estudyante.
Pinanghinaan ng loob si Sandy dahil hindi siya nakapasok. Dalawang oras pa bago ang susunod na klase kaya naisipan niyang tumambay na muna sa silid-aklatan. Bago ito pumunta ng library, pumunta muna siya ng gym kung saan nakabalandra ang mga tropeyo ng magagaling na mag-aaral ng USC.
Tulad kahapon, nangulila itong pinagmamasdan ang pangalan ng ina sa artikulo.
"Excuse me, ija!" isang matandang janitor ang sumulpot bigla sa kanyang tabi. "Kailangan ko lang punasan ang salamin nito."
Lumayo si Sandy sa salamin ng kabinet upang di makaabala sa janitor. Sandali pa itong nanatili hangga't sa madatnan siya ni Inigo.
"Sandy?"
Napatingin si Sandy sa kanyang likuran. Nakaharap niya si Inigo na may dala-dalang gamit pangpintura.
"Oy Inigo! Anong ginagawa mo dito?"
Tumaas ang kaliwang kilay ni Inigo. "Ako dapat ang nagtatanong sa'yo niyan. Anong ginagawa mo dito eh diba may klase ka sa oras na 'to?"
"Na-late kasi ako eh. Hindi na ako pinapasok. Ikaw?"
"Papunta ako sa Painting Class ko." Habang nagsasalita si Inigo, napansin niya ang sugat sa braso ni Sandy at nakaramdam ng pag-aalala. "Anong nangyari diyan?"
"Wala 'to. Konting galos lang."
Hindi na pinilit ni Inigo na magsalita si Sandy ngunit nagdududa naman ito.
"Sigurado ka ha?" yumango lang si Sandy na nakangiti. "Mamaya nga pala, sumabay ka ulit sa 'kin papuntang shop."
"Hindi na. Okay lang ako. Nakakahiya na rin sa'yo."
"Manahimik ka nga. Para namang di tayo magkaibigan." Natawa si Sandy sa sinabi ni Inigo. Natutuwa siyang marinig na tinuturing siyang kaibigan ni Inigo. "Sige kailangan ko ng pumasok."
Kumaway si Sandy sa paalis na kaibigan, samantalang tumuloy na rin siya sa library. Paglipas ng dalawang oras, pumasok si Sandy sa ikalawang klase. Hinanap niya sa silid si Sheena at tumabi kung saan ito nakaupo.
"Bakit di ka pumasok kanina?" usisa ni Sheena.
"Late akong nagising eh. Nang dumating ako, sarado na ang pinto."
Naintindihan ni Sheena ang paliwanag ni Sandy. "Ang higpit talaga ni Prof, no? Siya nga pala, may research assignment pala tayo. Isa sa mga requirement ng midterm grade natin."
"Anong gagawin?" tanong nito.
"Kailangan lang nating pumili ng isa sa mga obra ni William Shakespeare at gawan ng book report. Kailangan din nating magresearch tungkol dito, kung paano isinulat, saan, kailan, sinong inspirasyon at bakit niya isinulat. Mga ganung bagay."
"Mukhang malaking gawain ito ah."
"Malaki talaga lalo na't umaasa si Prof na may maiuulat tayong maganda at may laman. Kailangan ng matinding pagsasaliksik."
"Siguro naman makakahanap ako ng sagot sa library, no?"
Nag-isip si Sheena. "Hindi ko alam eh. Sa internet ka na lang maghanap. Mas madali."
Nabahala si Sandy. Hindi niya alam kung paano siya maghahanap sa internet kung wala naman itong sariling kompyuter.
"Salamat, Sheena. Kailan ba ang deadline?"
"Sa susunod na linggo pa naman, sa Biyernes. May isang linggo pa tayo para magawa natin 'to ng maayos." Pagtitiyak ni Sheena sa kaklase.
May bakanteng oras si Sandy sa hapon bago ang ikatlong klase. Ginamit niya ito sa pagugol tungkol sa mga naisulat ni William Shakespeare. Buong oras ay naroon lamang siya sa loob ng silid-aklatan. Nahanap niya ang isang istante na puro aklat ni William Shakespeare. Kinuha niya ang Romeo at Juliet at hiniram ito sa librarian Nakiusap na gawing isang linggo ang pagpapahiram sa halip na limang araw lang. Pumayag naman ang lalaking biblotekaryo. Mukhang nabighani ito sa ganda ni Sandy kaya napapayag niya ito sa kanyang hiling.
Maaga namang natapos ang huling klase ni Sandy kaya naisipan nitong maglakad papuntang shop. Habang naglalakad ay nagbabasa ito ng aklat. Nang makarating ito sa shop, nagulat itong makita si Inigo na nakaupo sa dating sulok na lagi niyang tinatambayan, seryoso ang mukha at tila di mapakali.
Pumasok ito sa loob at tinawag ang kanyang pansin. "Uy, Inigo!"
Tumingala si Inigo at napatayo bigla. Para siyang nabunutan ng tinik nang makita si Sandy.
"Sa'n ka ba galing? Hinintay kita sa may gate kanina. Nang hindi ka sumulpot, nag-alala ako. Naisip ko na baka nauna ka pero nang hindi kita nakita …"
"Pasensya ka na. Maaga kasi natapos ang klase namin kaya naisipan kong maglakad na lang papunta dito habang nagbabasa."
"E di ba nga nagkasundo na tayo kanina na ihahatid kita papunta dito."
"Nakalimutan ko. Sorry."
Kumalma na rin si Inigo. "Ang mahalaga, okay ka lang."
Isang matamis na ngiti ang tugon sa kaibigan. "Sige. Trabaho na ako."
Iniwan ni Sandy si Inigo at pumasok na sa kusina upang magbihis ng uniporme. Bumati na rin siya kay Ramsha na abala sa paghuhugas ng mga pinggan.
"Hi, Sands!" Bungad ni Ramsha. "Sasamahan pa rin kita ngayong gabi ha. Absent pa rin si Tristoffe eh."
Nag-aalala si Sandy. "Paano yan? Di ka na naman makakapagpahinga niyan."
Ngumiti si Ramsha. Natapos na siya sa paghuhugas kaya bumalik siya sa labas upang punasan ang counter. "Ayos lang. Ayoko rin namang umuwi ng maaga. Nakakabagot sa bahay."
Sumunod sa labas si Sandy at sinimulan naman ang pagpupunas ng salamin kung saan nilalagay ang mga cake. "Eh, lakad? Wala rin?"
"Lakad? Mmm" mabilis na umiling si Ramsha "Hindi naman ako mabarkada eh."
"Date?"
Napatawa si Ramsha. "Wala din. Wala nga akong boyfriend eh."
Sa usapan ng dalawa, nasa sulok si Inigo tahimik na nakikinig.
"Seryoso ka? Sa ganda mong 'yan? Siguro naman kahit manliligaw meron ka, noh!"
"Manliligaw? Oo, marami!"
"Wow, ang ganda!"
"HAHAHA! Ang yabang ko no? Pero totoo. Marami akong manliligaw pero kahit isa sa kanila wala akong nagustuhan, kaya binasted ko sila lahat."
"Eh, ano bang hinahanap mo sa isang lalaki?"
"Simple lang naman. Di kailangang mayaman. Di rin kailangang sobrang gwapo. Pero hindi rin dapat pangit hahaha! Gusto ko lang talaga ay yong masarap kausap. 'Yong kaya niyang sabayan ang kabaliwan ko. Ganun!"
"Eh ano bang problema sa mga manliligaw mo?"
"Ang boring kausap. Grabe!" habang nagpupunas sila ng mesa, tuloy naman ang kuwento ni Ramsha. "May isa nga masyadong mahilig sa Star Wars. Eh, hindi ako makarelate! Ni isang sequel nga nun di ko pa napanood. May isa naman sobrang yabang. Gwapong-gwapo sa sarili. Wala siyang ibang bukambibig kundi gaano siya kayaman, gaano siya kagwapo, ilang awards meron siya sa school. Kairita!!! Yong iba naman nauutal pag kausap ako. At ang iba din libog lang ang gusto. Hay ewan! Dahil dun, ayoko ng makipagdate."
Natawa si Sandy sa ikinuwento ni Ramsha.
"Alam mo Ram, mahahanap mo rin yung tao tama lang para sayo. Balang-araw!"
"Siguro nga hahaha." Tawa lang nang tawa si Ramsha. Sa tuwing tumatawa siya, lalong sumisingkit ang kanyang mga mata at lumalabas ang kanyang biloy sa pisngi. "Eh ikaw Sandy? Anong bang gusto mo sa lalaki?"
Nag-isip si Sandy. Ngunit wala siyang maisagot. "Hindi ko alam eh."
"Ha? Paanong hindi mo alam? Hindi ka pa ba nagkaka-boyfriend?" Umiling si Sandy. "Seryoso ka? Bakit? Eh maganda ka naman."
"Sa totoo lang, hindi ko kasi iniisip yan. Abala ako sa ibang bagay."
Tinitigan ni Ramsha si Sandy at bahagyang ngumiwi ang labi. "Hay, ano ba yan! Masyado ka namang seryoso sa pag-aaral."
Ngumiti na lang si Sandy sa reaksyon ng kausap. "Naniniwala kasi ako na may panahon ang lahat ng bagay. May tamang panahon ang pag-ibig. Sa ngayon, lahat ng atensyon ko nasa pag-aaral muna."
"Aye naku! Iba ang paniniwala ko diyan." Naging seryoso sandali si Ramsha. "Pwede tayong pumili ng panahon kung kailan tayo papasok sa isang relasyon. Pero hindi mo mapipili kung kailan at paano ka iibig. Kapag tinamaan ka, tinamaan ka."
Natahimik si Sandy sa sinabi ni Ramsha. Napaisip din ito nang malalim.
Posible nga bang tamaan ka lang bigla kahit di mo ginusto?
Paano kung mangyari nga? Hindi ka na ba makakawala?
Nabagabag si Sandy. Hindi niya masagot ang mga katanungang tumatakbo sa kanyang isipan.