"Saan ang next class mo?" tanong ni Sheena.
"Writing Across Discipline."
Tsinek ni Sheena ang schedule niya. "Dun din ang next class ko eh. Sabay na tayo?"
Palangiti at mukhang mabait si Sheena sa mga mata ni Sandy. Magaan ang loob nito sa kanya at naisip niya rin na kakailanganin niya ng kaibigan sa eskwela. Kaya masaya ito na magkakaroon siya ng bagong kaibigan.
Subalit, habang nakikipag-usap si Sandy sa kanya, napansin nito sa malayo na papapalapit si Yuan. Nataranta ito kaya nag-isip siya ng palusot upang makaalis.
"Uhm, gusto ko sana eh pero uhm, kaso natatae ako. Sige, kita na lang tayo mamaya ha. Bye!"
Hindi na niya hinintay sumagot si Sheena at agad itong kumaripas ng takbo.
"Bakit nandito ang Yuan na 'yon? Ako ba pakay niya? Alam ba niya kung nasaan ako? Naku namaaan!"
Malayo na rin ang natakbo ni Sandy. Humihingal na ito kaya huminto na muna upang huminga. Sa katatakbo niya, napadpad siya sa isang koridor na may nakabalandrang mga tropeyo sa loob ng isang kabinet na gawa sa salamin. Namangha si Sandy na tingnan ang mga tropeyo. May mga tropeyo ng iba't-ibang sports tulad ng Basketball, Volleyball at Swimming. May tropeyo ng isang chess player na nag-champion sa Larong Pambansa. Meron ding tropeyo ng isang debate team na nag-champion sa isang National Competition.
"Wow! Ang gagaling naman ng mga estudyante dito sa USC." Pamamangha ni Sandy.
Habang binabasa niya ang mga pangalan na nakaukit sa bawat tropeyo, nagningning ang kanyang mga mata nang makita niya ang katangi-tanging Palanca Award na nakasabit sa dingding sa loob ng kabinet na yun.
Pangarap niyang manalo ng Palanca Award balang araw.
Lalo pang nagningning ang kanyang mga mata at isang malaking ngiti ang gumuhit sa kanyang mukha nang mabasa niya ang isang pamilyar na pangalan.
Fiona Salvador.
"Mama!" isang malambing na bulong ang idinaing ni Sandy.
Inilagay niya ang kanyang mga kamay sa salamin at nangulilang pinagmasdan ang award na yun. Nang biglang tumunog ang kanyang cellphone, naputol ang kanyang momento. Agad niyang sinagot ang tawag nang makita ang pangalan ng kapatid.
"Kuyaaaa!" sigaw ni Sandy nang sagutin niya ang tawag.
"Oh, anong nangyari? Excited ka 'ata?" sagot naman ng nasa kabilang linya.
"Nakahanap na ako ng lead para mahanap si mama. Pakiramdam ko ang lapit-lapit ko na sa kanya."
"Talaga? Naku, maganda yan. Pero alam mo bang kinakabahan ako para sa'yo? Natatakot din ako baka mahuli tayo ni Papa. Ang buong akala niya talaga ay nasa Cebu ka."
"Kailangan ko lang talagang gawin 'to para sa amin ni Raine. Ang dami kong tanong na siya lang ang makakasagot. Kaya kuya, kung maaari, galingan mo pa ang pagsisinungaling kay Papa. Kuya, ha? Please? And I need to go kasi may class pa ako. Bye, kuya! Ingat kayo diyan! At pakisabi kay Papa na mahal ko siya."
Ibinaba niya ang tawag at saglit na nalungkot nang maisip niya ang kanyang sitwasyon. "Sorry kuya at nadamay ka pa sa kalokohan ko. I owe you a lot. Babawi ako sayo promise."
Bumalik si Sandy sa klase. Ngunit sa buong oras ng mga sandaling iyon ay nanatiling siyang tahimik na nag-iisip, tila hindi na nakikinig. Ang tanging tumatakbo sa isip niya ay kung paano niya mahahanap ang ina na kailanman ay hindi niya nakilala. Ni hindi niya alam ang itsura nito. Hindi niya rin kilala ang mga kamag-anak.
Pangalan lang ang alam niya na nabasa niya lamang sa isang liham na aksidente niyang nahanap sa aparador ng kanyang ama. Sa liham na yun nalaman niya na nag-aral ang kanyang ina sa University of San Carlos.
Samantala, si Franco naman ay patuloy na nakabantay sa labas ng gate. Inabutan na siya ng tanghali sa pagmamatyag. Maya-maya ay nakaramdam ito ng gutom at naisipang kumain ng kwek-kwek sa nakahilerang mga kuwadra sa tabi ng daan. Medyo marami-rami na rin ang dumudumog na mga estudyante dahil pananghalian na.
Ayaw man niyang makipagsiksikan ngunit wala siyang magawa dahil nagugutom na ito. Medyo naiinis pa siya sa katabi niyang siko ng siko sa kanya habang kumakain siya. Maya-maya ay napagtanto nito ang kanyang kalagayan, kung bakit siya nakabantay, kung bakit siya nakikipagsiksikan …
"Teka nga! Ano bang ginagawa ko? Bakit ko ba ginagawa 'to? Di ko naman kasalanan kung nadamay siya sa gulong 'to ha!" daing nito habang kumakain.
"Bakit mo ba kinakausap sarili mo? Parang kang baliw!"
Napatingin si Franco sa katabi at nagulat na makita si Zein.
"Kanina ka pa ba diyan?"
"Nauna pa nga ako sa'yo dito eh!" sagot ni Zein habang umiinom ng softdrinks.
"Bakit di ka nagsasalita?"
"Kanina pa nga kita sinisiko diyan, di ka naman namamansin. Una na ako. Late na ako sa klase ko eh. Bayaran mo muna kinain ko. Salamat!" tugon ng kaibigan saka kumaripas sa pag-alis.
"Oy, ang kapal ng mukha nito … Hoy Zein!" Wala siyang magawa kundi bayaran ang kinain ni Zein. "Ang kupal na 'yon! Kuya, magkano lahat?"
"Pitumpo't walong piso."
"Ha? Ilang piraso ba kinain niya?"
"Limang piraso at saka isang bote ng softdrink."
"Pambihira! Ang liit ng katawan pero ang lakas kumain. 'Eto kuya oh!" panay ang pagrereklamo nito habang inaabot ang pera. Habang naghihintay ng sukli ay mayroon ulit siyang napagtanto.
Nainis ito sa sarili. "Para akong timang! Hindi na ako magbabantay! Uuwi na ako!"
Umuwi nga ng bahay si Franco pagkatapos niyang makuha ang sukli. Gayunpamanm kahit nasa bahay na ay hindi pa rin ito mapakali.
"Pwede ba Franco kumalma ka? Nandun naman si Inigo. Magiging okay lang ang babaeng yun."
Pilit niyang inaalis ang pag-aalala kay Sandy. Sinubukang matulog sa tanghaling tapat tulad ng dati niyang ginagawa ngunit hindi naman siya dinadalaw ng antok. Sa halip ay kinuha niya na lang ang gitara at inaliw ang sarili sa pag-awit.
Sumapit ang alas singko ng hapon at papunta na ng shop si Sandy. Palabas na siya ng gate ng salubungin siya ng sasakyan. Kinabahan siya ng harangin siya nito. Bumukas ang bintana at bumungad ang nakangiting mukha ni Inigo. Nakahinga siya ng maluwag nang makita niya ang mukhang 'yon.
"Wiw! Ikaw lang pala! 'Wag ka ngang humarang sa daan nang pabigla-bigla!" pangsesermon ni Sandy.
"Natakot ka no?" pang-aasar ni Inigo.
"Oo kaya! Akala ko si Yuan kana. Ibang kotse naman kasi ang gamit mo eh." Inis na sagot ni Sandy.
Ngumiti ito ng pagkalaki-laki upang hindi na mainis si Sandy sa kanya."Sorry, hehehe! Papunta ka ba ng shop? Sumabay ka na sa 'kin kasi papunta din ako dun eh."
Nag-alinlangan si Sandy. Ngunit nang maisipan niya na baka makasalubong si Yuan sa daan, tinanggap niya ang alok ng binata.
Nang makarating sila sa shop, napansin nila na medyo marami-rami ang customers sa araw na 'yon. Nakita niya si Ramsha na kailangan ng tulong kaya't pumasok siya agad sa kusina upang magpalit ng uniporme at agad na tumulong.
"Sandy! Nandyan ka na pala." bati ni Ramsha habang nag-aabot ng pagkain sa isang customer.
"Ang dami naman atang tao ngayon." Ani ni Sandy habang nagliligpit ng mga baso at pinggan sa kabilang mesa.
"Ganito talaga kapag balik-eskwela na."
"Si Tristoffe?"
"May sakit. Di makakapasok."
"Ganun ba! Sige Ramsha, ako na ang bahala dito. Magpahinga ka na."
"Naku! Hindi kita pwedeng iwan ngayon kasi baka mahirapan ka. Wag mo 'kong alalahanin." Sagot naman ni Ramsha na nakangiti.
Napahanga naman si Sandy sa sipag na ipinakita ni Ramsha kaya't lalo pa siyang naging determinado na ayusin ang trabaho. Habang naghuhugas ng mga pinggan at baso si Ramsha, hinarap naman ni Sandy ang mga customers upang kunin ang mga order nila.
Si Inigo naman ay nakaupo lang sa may sulok, nagmamatyag. Balak niyang hintayin na matapos sa trabaho si Sandy upang masiguradong ligtas siyang makakauwi.
Abala ang dalawang dalaga sa kanilang mga trabaho habang dumaragsa naman ang mga taong hinahanap ang pinakamasarap na cake sa lugar nila. Si Sandy ang kumukuha ng order, samantalang si Ramsha naman ang naghahanda.
Isang grupo naman ng mga babae ang nasa tabi ni Inigo. Hindi nito namamalayan na kanina pa siya tinitingnan ng mga babae na nahuhumaling sa kanyang kagwapuhan. Napansin ito ni Ramsha na siyang kanyang ikinais nang sobra. Dahil sa hindi naman pinapansin ng binata ang mga babae, umalis na ang mga ito pagkatapos kumain, nanghihinayang sa pagkakataon na mapansin.
Lumapit si Ramsha sa mesang 'yon upang linisin at kunin ang mga pinagkainan. Bago pa man bumalik sa kusina, pinagsabihan na muna niya si Inigo.
"Pwede ba, kung wala ka namang bibilhin, umalis ka na?"
Nagulat si Inigo sa inasal ni Ramsha.
"Bakit na naman? Wala naman akong ginagawa ah?"
"Kaya nga! Wala ka ngang ginagawa. Ang daming gustong kumain kaso wala nang maupuan kasi may isa dito na tumatambay lang." inis na sagot ni Ramsha.
"May period ka ba today? Ang sungit-sungit eh!"
"Hindi kita sinusungitan. Nagtatrabaho lang!"
"Hoy Ramsha ha. Baka nakakalimutan mo kung sino ako!"
Umirap lang si Ramsha at sinimangutan si Inigo. "Haay! Ayan ka na naman! Ate mo ang boss ko, hindi ikaw. Baka gusto mong tawagan ko ate mo?"
"Sige nga! Tawagan mo nga."
"Ah, talagang hinahamon mo ko? Wait ka lang diyan!" umalis si Ramsha na bitbit ang mga hugasin at bumalik ng kusina.
Maya-maya ay may tumawag kay Inigo. Chelsea Rosales.
Nanlaki ang mga mata nito at napatingin kay Ramsha na ngumingiti sa malayo habang hawak-hawak ang cellphone.
"Oy, ate kong maganda! What's up?" sagot ni Inigo sa kabilang linya.
Inilayo niya agad ang cellphone mula sa kanyang tenga dahil isang malakas na sigaw ang sagot sa kabilang linya. Ayaw na ayaw ng ate niya na tumatambay siya sa shop dahil alam nitong kumakain lang ito ng cake ng libre.
"Oo na! Oo na! Aalis na."
Huminga ng malalim si Inigo. Naiinis siya sa tuwing nakikita niya ang mukha ni Ramsha na may ngiting tagumpay.
"Oh? Ano?" nakangiti si Ramsha kay Inigo at asar na asar naman ang binata sa kanya.
Wala itong nagawa kundi sundin umalis ng shop.
Sumapit ang ang alas nuwebe ng gabi at bakas sa mukha ni Ramsha ang pagod.
Napansin ito ni Sandy at awang-awa siya dito.
"Ramsha! Umuwi ka na para makapagpahinga ka. Ako na dito. Konti na rin naman ang tao. Kakayanin ko na 'to."
"Sigurado ka? Magiging okay ka lang ba talaga dito?"
Ngumiti si Sandy upang mapanatag ang loob ni Ramsha. Dahil sa sobrang pagod, sumang-ayon na rin siya. Nagbihis ito at saka nagpaalam kay Sandy upang umuwi.
Habang hinihintay ni Sandy ang huling customer na nag-uusap pa, sinimulan na niya ang paglilinis sa kusina. Nang matapos ito sa kusina, umalis na rin ang dalawang natitirang customer. Agad niya na ring sinimulan ang paglilinis sa paligid.
Natapos niya lahat ng gawain eksaktong alas diyes ng gabi. Nagbihis na rin ito ng kanyang damit at isinara ang shop saka umuwi.
Samantala sa bahay …
"Hindi ko alam kung ano ang dapat kung itanong sayo. Kung 'Bakit gising ka pa?' o kung 'Wala ka bang gig?'" pagtataka ni Sabrina nang makita niyang gising na gising at nasa sala si Franco.
Napangiti naman Franco. "Wala akong gig ngayon. Gising pa ako kasi di ako makatulog eh."
"Gusto mo ba ng gatas?"
Umiling si Franco. "Salamat pero hindi ako mahilig sa gatas eh. 'Wag kang mag-alala, makakatulog din ako."
"Sigurado ka ha?" yumango si Franco. "Oh sige. Isasara ko na ang karihan. Aalis na rin ako."
"Salamat Sabby!"
Ngumiti si Sabrina at saka nagpaalam bago umalis ng bahay.
Nang makaalis na si Sabrina, lumabas si Franco upang mag-abang.
"Mag-aalas onse na pero bakit wala pa siya? Siguro naman sarado na ang school? Naglakad na naman ba siya?" pag-aalala ni Franco.
Maya't-maya siya tumitingin sa daan nagbabakasakali na sana'y dumating ang hinihintay. Nag-aalala na rin ito kay Sandy. Palakad-lakad ito sa labas ng bahay nang biglang may nakita siyang isang pigurang naglalakad sa dilim. Manipis ang katawan, mahaba ang buhok, maputi ang balat … sa malayo pa lang ay kilala na niya ang anyo.