"Schoolmates kami." Sagot ni Sandy.
"Eh kayo?" usisa ni Inigo. Medyo maangas ang tono ng pananalita niyo.
"Tenant namin siya."
"Tamaaa! Naalala ko na!" pahayag ni Zein. "Kaya pamilyar sa 'kin si Sandy kasi siya 'yong nakita kong kasama ni Inigo na kumakain ng street food."
Nagtinginan ang magkakaibigan sa inilahad ni Zein.
"Wag na nating pag-usapan 'yan." Atas ni Inigo. At ibinaling niya ang atensyon at pag-aalala kay Sandy. "Sandy! Bakit ka ba nandito?"
"Naglakad kasi ako pauwi galing sa trabaho nang makita kong pinagtutulungan si Franco. Tinulungan ko lang siya."
Mas lalong nag-alala si Inigo sa narinig. Lumapit ito kay Sandy upang suriin siya. "Kumusta ka? Ayos ka lang ba? Nasaktan ka ba?
"Okay lang ako. Pero si Franco..." tumingin si Sandy kay Franco. Tahimik ito at nakasimangot ang mukha.
"So ano pare? Reresbak na ba tayo?" mungkahi ni Arvin.
"Teka! Paano mo ba siya natulungan, Sandy?" pag-uusisa ni Emari.
"Pinalo niya si Yuan sa ulo!" sagot ni Franco. Nalulugmok ang mukha nito nang ikinwento niya ang nangyari.
Nanlaki ang mga mata ng kaibigan niya at lubos na nag-alala.
"Patay! Sana naman hindi siya namukhaan ni Yuan." tanong ni Zein.
"Kung reresbak tayo, ibig sabihin, madadamay rin si Sandy!" pahayag ni Arvin.
"Kahit na hindi kayo rumesbak, siguradong hahanapin ni Yuan si Sandy. Tingnan mo nga si Franco oh, hindi ba't binalikan niya?" ani naman ni Emari.
"Tama si Emari." Sang-ayon ni Inigo at saka ibinalik ang atensyon kay Franco. "Sana lang talaga hindi siya namukhaan ni Yuan."
"Nakita niya mukha ko. Galit na galit siyang tinitigan ako nang masugatan siya sa noo."
Sa inis, isinara ni Inigo ang mga kamao nito at tiningnan ng masama si Franco. "Anong gagawin mo ngayon Franco? Sangkot na si Sandy sa gulo mo."
Nanlilisik ang mga mata ni Franco nang tumingin ito kay Inigo, tila naiinis sa panunumbat nito. Ikinabahala naman ni Sandy ang tensyong namumuo sa dalawa.
"Okay lang naman ako, eh. Hindi niyo ko kailangang alalahanin."
"Paanong hindi kami mag-aalala sa'yo? Eh sangkot ka na sa gulong 'to." Galit na sagot ni Franco. "Kargo ka na namin."
"Ano ba kasing pwedeng mangyari sa 'kin?"
"Laki sa layaw kasi 'yang si Yuan. Nakukuha lagi ang gusto at ayaw magpatalo." Paliwanag ni Emari. "Hindi siya titigil hangga't di nakakaganti."
Napaisip si Sandy at nabalisa. Hindi naman mapalagay si Inigo sa sitwasyon ni Sandy.
"Wag kang mag-alala, Sandy! Nandito naman ako, eh. Di kita pababayaan."
Biglang tumayo si Franco at inanyayang umuwi si Sandy. "Halika na! Umuwi na tayo."
Nakabuntot si Sandy sa nag-aalburutong si Franco. Bago pa man makalabas ng club ang dalawa, muling nagbilin si Inigo kay Franco.
"Franco!" lumingon si Franco. "Mag-ingat kayo!"
Hindi sumagot si Franco. Tuluyan na itong lumabas kasama si Sandy. Umalis na rin si Inigo at iniwan ang tatlo. Napakamot na lang sila sa kanilang mga ulo.
Samantala sa bahay ni Pepay, hindi pa rin nagbago ang mood ni Franco. Mainit pa rin ang ulo nito. Nanatiling tahimik si Sandy. Ayaw na niyang guluhin pa ang sinusumpong na binata. Naunang umakyat ng hagdan papuntang kwarto si Sandy.
Nakasunod sa kanya si Franco. Bago pa man pumasok ng kuwarto ay tinawag niya si Sandy.
"Teka! May sasabihin ako …"
"Ano 'yon?"
"Sa susunod … wag ka nang makigulo sa gulo ng iba. Wag ka nang makisali. Umiwas ka kung maaari."
Naguguluhan, nagtagpo ang mga kilay ni Sandy sa gitna. "Pero hindi ko naman kakayaning tumingin lang. Tutulong ako kung kinakailangan."
"Sige. Tumulong ka kung gusto mo." Sarkastikong sagot ni Franco. "Pero kung makakadagdag ka lang sa problema ng iba, wag na."
"Sinasabi mo bang nakakadagdag ako sa problema mo?"
"Oo." Walang pag-aalinlangang sinagot ni Franco ang naiinis na si Sandy saka ito pumasok ng kwarto.
Pumasok ng kwarto si Sandy na umuusok sa galit. Frustrated! Nangangapoy siya sa inis sa pabago-bago ng mood ni Franco. Sa inis niya kinuha niya ang unan at tinakpan ang mukha saka sumigaw nang napakalakas.
"Nakakainis! Ano bang problema ng lalaking 'yon? Kanina lang nagpapasalamat siya sa 'kin dahil tinulungan ko siya, tapos ngayon sasabihin niya na dagdag problema ako. Wow! Ibang klase! Ano ba siya? Bipolar?"
Nang gabing 'yun, itinulog na lamang ni Sandy ang kanyang inis.
_______________________________
Maagang nagising si Sandy dahil unang pasok niya sa kolehiyo. Alas siyete pa lang ng umaga ay umalis na siya ng bahay.
"Sandy!" tawag ni Sabrina mula sa karihan nang makita niya si Sandy na palabas ng bahay. "Di ka ba mag-aagahan?"
Umiling si Sandy. "Hindi na! Late na ako eh."
Nandoon din si Franco sa karihan, umiinom ng kape. Patuloy pa rin ito sa pag-inom at kunwari ay hindi napapansin si Sandy. Hindi rin umimik si Sandy sa kanya at nagmamadaling umalis ng bahay. Nang makalabas na ng bahay si Sandy, pinapanood niya itong naghihintay ng jeep papuntang eskwelahan. Hinintay niya itong makaalis ng tuluyan saka ito lumabas, kinuha ang motor at sumunod.
Ilang minuto ay nakarating sila ng sabay sa eskwelahan. Maingat naman si Franco sa pagtatago upang hindi siya mapansin ni Sandy. Nagmamasid ito sa malayo, siniguradong maayos itong pumasok sa loob ng gate. Tumingin-tingin rin siya sa paligid at tulad ng kanyang hinala, sa USC din nag-aaral si Yuan.
Habang nasa labas si Franco nagmamatyag, isang sasakyan ang huminto sa kanyang tabi. Nang buksan nito ang bintana ng kotse, mukha ni Inigo ang dumungaw sa kanya.
"Ganyan ka ba kadesperado na makipagbalikan kay Sheena?" bungad ni Inigo kay Franco. "Hanggang dito ba naman sa USC susundan mo siya?"
Hindi sumagot si Franco. Hindi niya pinansin ang kaibigan ang patuloy pa rin ito sa pagmamatyag.
"At saka alam mo bang mukha kang stalker?" dagdag pa nito. "Wala ka bang ibang alam na suotin kundi itim at gray? Mukha ka ring snatcher dahil diyan sa leather jacket mo. Ang kapal pa ng balbas mo."
Napatingin si Franco sa kanyang suot. Hindi na rin siya nagpigil at sinagot niya si Inigo. "Pwede ba! Ang aga-aga. Wag kang mambasag ng trip!"
Natuwa si Inigo sa pagkainis ni Franco tila matagumpay sa layuning inisin ang kaibigang sadyang mainitin ang ulo.
"Sige pasok na ako. Ipagpatuloy mo lang 'yang pang-iistalk mo sa ex mo." Isinara niya ang bintana at saka pumasok sa loob ng gate ng USC.
"Hindi ko siya ini-stalk!" sigaw naman ni Franco.
Nang makapasok na si Inigo sa loob ng gate, una niyang napansin ang sasakyan ni Yuan na nakaparke na sa tapat ng gusali ng College of Arts. Nabahala siya na baka makasalubong niya si Sandy. Dali-dali itong lumabas ng kotse at pumunta sa gusali ng College of Arts upang hanapin si Sandy. Agad naman niya itong nakita na palabas mula sa banyo ng mga babae.
"Sandy!" tawag nito.
"Uy Inigo, ikaw pala. Saan classroom mo?" tanong ni Sandy.
"Uhm, mamaya pa pasok ko. Ikaw?"
"Dito lang sa unang palapag, doon sa dulo. Anong ginagawa mo dito?" Hindi agad nakasagot si Inigo kaya naman ay nag-usisa ito. "Hindi mo naman siguro ako sinusundan para bantayan, ano?"
Napakamot sa batok si Inigo.
"Tingin mo ba talaga may mangyayaring masama sa 'kin habang nandito ako sa school? Maliban na lang kung dito rin nag-aaral 'yong Yuan na 'yon."
"Malas mo lang at dito nga nag-aaral si Yuan. At yang sasakyang 'yan? Sa kanya yan. Ibig sabihin, nasa paligid lang siya at anumang oras pwede kayong magkasalubong."
Nanlaki ang mga mata ni Sandy at napalunok. "Di ngaaaa?"
"Ilang taon na nga 'yon dito eh at hindi pa rin nakakagraduate."
"Tingin mo may gagawin talaga siyang masama?"
Huminga ng malalim si Inigo. "Masama talaga ugali nun eh. Napaka-bully! Mahilig mantrip! Hindi natin alam kung anong pwedeng gawin ng bakulaw na 'yon sayo."
Huminga ng malalim si Sandy. "Haaay! Ano ba yan! Pero sige lang, Inigo. Wag mo kong alalahanin. Hindi naman siguro ako mamamatay, di ba?"
Tinapik nito ang balikat ni Inigo at saka umalis upang pumasok. Naiwan naman na namamangha ang tisoy dahil sa ipinapakitang tapang ng dalaga. Habang naglalakad papunta sa kanyang klase, pinapanod siya ni Inigo na nakangiti.
Unang araw sa kolehiyo at sabik na sabik na si Sandy. Hindi niya hahayaang sirain yun ni Yuan. Nang pumasok siya ng silid-aralan halos puno na ito ng mga estudyante. Nakahanap siya ng bakanteng upuan sa likuran ng silid. Kasabay niya namang pumasok ang isang matandang panot na nakasuot ng makapal na salamin at naka-amerikana at slacks. Mukhang hindi kaaya-aya ang kanyang ugali. Tumayo ito sa harap at nakasimangot lang ito habang tinitingnan ang mga estudyante.
"I am Professor Rudolf Suarez and I am your Medieval Literature professor. Since you enrolled in this course, it is right for me to assume that you are an enthusiast of literature. Am I correct?" Ang boses ng propesor ay umalingawngaw sa tila kuwebang silid-aralan. "Let's see how much you know."
Nagmasid ito sa paligid at dumapo ang tingin sa gitnang hilera.
"You …" tinuro niya ang isang lalaking estudyante na siya namang agad-agad na tumayo, kinakabahan at pinagpapawisan ito.
"Y-yes sir?"
"Margery Kempe wrote a manuscript that was only rediscovered in 1934. Can you tell me what book it was?"
Hindi agad nakasagot ang estudyante. Nag-isip ito ng malalim.
"S-sorry sir! No idea!"
Dahil sa sagot ng binata, nagalit ang propesor. "Di mo alam?"
"No sir!"
"Ayoko ng tanga sa klaseng ito. Get out!"
"S-sir?"
"Get out!" sigaw ng propesor.
Sa takot ng mag-aaral, kumaripas ito sa paglabas. Nang makalabas na ito, nagpatuloy ang matanda sa pagsasalita.
"How can you not know about The Book of Margery Kempe? It's a fascinating account of a woman's life in medieval England. Napaka-simple lang ng tinatanong ko."
Napakalamig ng boses ng matanda habang palakad-lakad ito sa kuwarto. "Oh sige! Let's just assume that it's not that famous for you to know. Let's try something else, shall we?"
Kinabahan si Sandy. Paano kung siya ang tanungin at hindi niya masagot? Lalabas din ba siya tulad ng isa kanina? Tapos ano? Ibabagsak niya na lang ba ang subject?
"Huwaag dito! Huwag dito! Huwag dito! Pakiusap!"
Nagsisigaw ang isip ni Sandy sa mga oras na 'yon. At naging kabadong-kabado siya dahil sa pagkakataong ito, sa likuran naman naghanap ang propesor. Sinusundan niya ang tingin ng propesor at nananalangin na sana ay hindi dumapo sa kanya ang mga tingin na 'yon.
"Naku naman! Huwag ako! Huwag ako! Huwag ako! Pakiusap!"
"You …" napalunok si Sandy dahil tumigil sa kanilang hilera ang tingin ng propesor. Handa na siyang tumayo at harapin ang tila banta sa kanyang kinabukasan. "… the girl with a curly hair."
Napahawak siya sa kanyang buhok.
"Hindi ka kulot. Hindi ka kulot. Hindi ikaw ang tinawag."
Kumalma sandali si Sandy nang mapagtanto na ang kanyang katabi ang tinawag. Namumutla ito at nanginginig.
"Y-yes sir!" tumayo ang kanyang katabi. Kahit kinakabahan na ay pilit nitong humarap na kampante.
"Canterbury Tales is a well-known story of medieval misadventures. Who is the author of this book?"
Hindi nakasagot agad ang kaklase ni Sandy. Gayunpaman, sinusubukan niyang alalahanin ang sagot.
"Canterbury Tales? Canterbury Tales? Alam ko 'to eh! Sino nga ulit sumulat nito? George? Greg? Gregory? Geoffrey Chaucer."
Sumandal si Sandy ng bahagya sa katabi upang bumulong.
"Geoffrey Chaucer …"
Tiningnan siya ng babae upang ipaulit ang sinabi dahil hindi niya ito narinig ng maayos.
"Geoffrey Chaucer!"
"The author of Canterbury Tales, sir, is G … Geo … Geoffrey Chaucer, sir!"
"Very good! At least may isa sa kuwartong ito na may alam tungkol sa medieval literature."
Nakahinga ng maluwag ang kaklase ni Sandy nang makaupo ito ulit sa kanyang upuan. Tumingin siya kay Sandy at ngumiti. Pagkatapos ng klase ay nilapitan ng babaeng 'yon si Sandy.
"Salamat kanina ha? Baka napalabas na rin ako kung hindi dahil sa'yo."
"Walang anuman. Natsambahan lang talaga na alam ko ang sagot."
"Maraming salamat ulit. Sheena nga pala. Sheena Fuentes." Pakilala ng kaklase sa kanya sabay abot ng kamay.
Tinanggap ito ni Sandy at nagpakilala na rin. "Sandy Mallari."