Chereads / My Love Next Door / Chapter 10 - Enkuwentro

Chapter 10 - Enkuwentro

"Magandang hapon!!!"

Isang masiglang mukha ang bati ni Inigo pagpasok nito sa loob ng shop.

"Magandang umaga, Sir Inigo." Bati ni Tristoffe na kalmadong-kalmado sa paglilinis ng mga garapon.

Hindi naman siya pinansin ni Ramsha na abalang nagpupunas ng mesa. Hindi na rin pinansin ni Inigo ang di pagkibo ng chinita at nagmasid na lamang sa paligid na parang may hinahanap. "Wala pa ba si Sandy?"

"Hindi pa po dumarating." Sagot ni Tristoffe.

"Hapon na ah. Alam ba niya na may interview siya today?"

"Yes, sir! Bumalik siya kagabi dito para mag-apply at nakapagset na po siya ng appointment today."

"Ano kayang nangyari dun?" pag-aalala ng binata.

Huminto si Ramsha sa kanyang ginagawa at sarkastikong mukha ang ibinungad kay Tisoy. "Baka naman nagbago na ang isip niya at ayaw ng tumuloy."

"Baka naman na-traffic lang sa daan." Pagtatanggol naman nito.

Kibit-balikat lang ang sinagot ni Ramsha.

"Eh si Ate? Nasaan?"

Huminga ng malalim si Ramsha sa inis.

"Aye naku ewan ko dun! Tinatamad daw siyang bumangon kaya ako na lang daw ang kakausap sa kaibigan mo. Hay naku! Minsan talaga naco-confuse ako kung anong trabaho ko dito. Crew lang ba talaga ako o baka di lang ako informed na promoted as manager na pala ako."

Habang nag-uusap ang dalawa, biglang tumunog ang windchime na nakasabit sa may pintuan. Pumasok si Sandy na nagmamadali at nag-aalala. Hinihingal pa ito ng bumati sa lahat.

"Sorry ngayon lang ako dumating. May nangyari kasi sa bahay …"

"Sabi ko sa'yo eh …" bulong ni Inigo kay Ramsha na may ngiti sa mukha.

"… pero promise di na 'to mauulit." Pagpatuloy ni Sandy.

Kalmado lang si Ramsha at ngumiti kay Sandy. "Hindi na talaga dapat. Pasalamat ka wala pa ang boss namin. Hindi maganda na interview pa lang ganyang impression na ang ibibigay mo."

Nadismaya si Sandy nang marinig na wala ang may ari ng shop. Nagbabakasakali kasi ito na pagkatapos ng interview, magkakaroon na siya ng part-time job.

Napansin naman ni Ramsha ang pagkabalisa ni Sandy.

"Pero wag kang mag-alala. Ako ang uusisa sayo. At saka di naman ako judgemental."

Medyo kinabahan si Sandy. Matapang kasi ang awra ni Ramsha.

"Ah, ganun po ba. Sige po."

"Sumunod ka sa 'kin." Sumunod naman si Sandy kay Ramsha na umupo sa sulok ng shop. "Sige. Anong alam mong gawin?"

"Uhm, marunong naman po akong maglinis ng sahig, maghugas ng pinggan, at magpunas ng mesa. Kahit ano naman, kakayanin ko."

"Alam mo! Maswerte ka kasi wala pang nag-aapply ng trabaho at kailangang-kailangan na namin ang serbisyo mo. Ano nga ulit ang pangalan mo?"

"Sandy po. Sandy Mallari."

"Okay, Sandy. Una sa lahat, wag mo akong pino-po kasi hindi ako ang boss mo at di rin ako ganun katanda. Tawagin mo lang akong Ramsha. So, sisimulan ko na ang orientation?"

"Orientation?" naguguluhang tanong ni Sandy.

"Oo. Orientation sa trabaho."

"Tanggap na po ba ako?"

"Tumpak. Tanggap ka na. At uulitin ko, 'wag mo akong pino "po" kasi hindi nga ako boss. Hindi rin ako ang manager."

"Aye sige po, este Ramsha."

"Dito sa café, ka-level mo lang ako. Mas matagal man ako sayo pero parehas lang tayong crew. Ang boss ng café na 'to ay si Boss Chelsea. Ayaw niyang tinatawag siyang ma'am, Boss Chelsea lang!"

"Boss Chelsea! Okay, noted!" dali-daling kumuha ng maliit na notebook si Sandy upang isulat lahat ng mga tinuturo ni Ramsha sa kanya.

"Yung nakatayo sa counter na parang bear, si Tristoffe yan. Wag kang magugulat sa kanya kung minsan mahuhuli mong ngumingiti mag-isa. Ganyan lang talaga yan. Parang may ibang mundo. Pero harmless yan."

"Welcome sa Sweetness Overload, Sandy." Bati naman ni Tristoffe.

Bakas sa mukha ni Sandy ang tuwa na tanggap na siya agad sa trabaho. Kinikilig siyang marinig ang pag-welcome ni Tristoffe sa kanya.

"Tara! Ituturo ko sayo ang mga kailangang gawin sa shop."

"Sige!"

Sumama si Sandy kay Ramsha sa pag-iikot sa loob ng shop, mula sa kusina, sa counter, hanggang sa mga lamesa. Ipinaliwanag din ni Ramsha ang mga pasikot-sikot at mga kalakaran sa loob ng shop. Samantalang umalis na rin si Inigo nang masiguro na niyang okay na si Sandy.

"Since part-time lang ang inapplyan mo, limang oras lang ang trabaho mo. Magsisimula ka ng alas sais ng gabi at magsasara ng alas dyes. Ayos lang ba 'yon?"

"Oo walang problema." Galak na galak na sumang-ayon si Sandy. "Wala na rin akong klase mula alas singko ng hapon."

"Ito nga pala ang uniporme natin." Iniabot ni Ramsha ang isang pares ng uniporme, itim na pantalon at puting polo at saka isang pink na apron at pink na cap. "Ayos lang ba kung magsisimula ka na ngayon?"

Nasasabik si Sandy, kaya isang mabilisang pangyango ang kanyang isinagot kay Ramsha. Sa araw na 'yon nagsimula na nga siyang magtrabaho. Buong maghapon hanggang gabi niya pinagmasdan ang kilos at galaw ng dalawang crew upang matutunan ang mga pasikot-sikot sa café.

9:30 nagsasara ang shop. Ang natitirang tatlumpong minuto ay para sa paglilinis at paghahanda kinabukasan. Nang sumapit na ang alas diyes, sabay na umalis ng shop si Ramsha at Sandy.

"Nakuha mo naman siguro lahat ng kailangan mong alamin sa shop, ano?" tanong ni Ramsha. Isang simpleng pagyango naman ang sagot ni Sandy. "Aasahan kita bukas ng 5:30. Wag kang mali-late."

"Asahan mong maaga ako bukas. Salamat Ramsha."

Nauna nang maglakad pauwi si Ramsha, samantalang nag-aabang naman ng masasakyan si Sandy sa labas ng shop. Madalas siyang mag-taxi pauwi ngunit nang gabing 'yon wala siyang masakyan. Halos lahat ng dumaraan ay may laman kaya naman naisipan niyang maglakad na lang pauwi, nagbabakasakali na baka may makasalubong siyang taxi sa daan.

Malayo-malayo na ang nilakad niya nang maisipan niyang dumaan sa isang madilim na iskinita. Tingin niya ay shortcut ang daang 'yon. Habang naglakad-lakad ito, ang tahimik niyang gabi ay biglang nagambala ng isang ingay sa may kanto. Umalarma ang isang kotse, at mayroong nagsisigawang mga kalalakihan. Sumilip si Sandy at nakadama nang konting kaba nang masaksihan niya ang rambol ng apat na lalaki laban sa isa. Pinagtutulungan ng apat ang isa na nakaupo na sa lupa habang sinisipa-sipa.

Nakatingin lang si Sandy. Hindi niya alam kung tutulong ba siya, sisigaw ng tulong o magkunwari na lang na walang nakita. Ngunit nababagabag naman siya sa kanyang nakikita.

Habang pinapanood ni Sandy ang pangyayari, nag-iisip ito ng gagawin. Sa kanyang pagmamatyag, nanlaki ang kanyang mga mata nang mamukhaan niya ang kawawang binata.

"Franco???"

Hindi na nagdalawang isip na tumulong si Sandy. Naghanap siya ng kahoy sa paligid at nang makahanap ito ng panggatong, agad itong sumugod at pinagpapalo ang apat.

Isa sa mga lalaking 'yon ay si Yuan na siyang pinuruhan niya ng matindi sa mukha. Galit na galit si Yuan sa pakikialam ni Sandy, lalo na't nasugatan pa ito sa pisngi. Umakma siyang sampalin si Sandy ngunit nauna ng tumilapon ang kamao ni Franco sa kanyang ilong. Sinipa niya rin ito sa tiyan kaya sumubsob siya sa lupa.

"Halika na! Bilis!" sigaw ni Franco.

Nakahanap ng pagkakataon si Franco na tumakas kaya hinila niya agad ang kamay ni Sandy at dali-daling sumakay sa motor.

Mabilis niya itong pinatakbo kaya naman mahigpit ang yakap ni Sandy sa kanyang bewang. Pagkatapos ng ilang minutong humahagibis sa daan ay nakarating sila sa North Avenue. Hindi pamilyar kay Sandy ang lugar dahil 'yon ang unang beses na makatungtong siya roon. Walang tao sa club maliban sa mga tauhan ni Martinez dahil sarado ang club tuwing Linggo.

Walang imik na pumasok ng club si Franco pagkatapos nitong tumawag sa mga barkada niya. Sumusunod naman na parang aso si Sandy sa kanyang likuran.

Pinagtitinginan si Franco ng guard at ng mga barista dahil sa kanyang mukha na maraming sugat, dugo at pasa.

"Franco, anong nangyari sa'yo?" tanong ng guard.

"May naenkwentro lang. May first aid kit ka ba diyan?"

"Oo, sandali. Kukunin ko lang."

Naupo sila sa isang sopa malapit sa stage habang naghihintay sa kit.

Tahimik lamang silang dalawa roon. Nababagabag na pinapanood ni Sandy ang seryosong-seryosong si Franco.

"Ayos ka lang?" tanong ni Sandy. Hindi sumagot si Franco. Nahahapdian ito sa kanyang mga sugat. "Nasaan ba tayo?"

"North Avenue. Sikat na club dito sa San Carlos."

"Bakit hindi na lang tayo dumiretso sa bahay?"

"Ayokong makita ni Lola na ganito ang mukha ko."

Inintindi 'yon ni Sandy. Siguradong mag-aaalala ang matanda sa dami ng pasa niya sa mukha.

Bumalik ang guard na may dala-dalang kit at inabot kay Sandy.

"Ako na." alok ni Sandy.

Unang binuksan ni Sandy ang kanyang bag at kinuha ang kanyang panyo. Binasa niya ito ng alcohol mula sa kit at pinunasan ang dugo sa mukha ni Franco. Dahan-dahan niyang nililinis ang mukha nito upang hindi siya masaktan. Pagkatapos ay kinuha niya ang bote ng Betadine at gamit ang bulak, ipinahid ito sa kanyang mga sugat.

Habang ginagamot siya ni Sandy, tahimik namang pinagmamasdan ni Franco ang magandang mukha ng kaharap -- maputi, matangos ang ilong, bilog ang mga mata, mapula ang labi at pisngi kahit walang make-up … maganda, sobrang ganda.

Sa tuwing nakatingin siya sa mukhang 'yon, nakakadama siya ng kakaibang payapa, tila kumakalma ang puso niyang umaapoy sa galit. Hindi niya rin maiwasang pagmasdan ang malambot nitong kamay na banayad gumalaw na parang gusto niyang hawakan… parang gusto niyang angkinin.

Nang di sinasadya, nagtagpo ang kanilang mga mata … ilang segundong tumigil ang kanilang mundo … walang kahit anong ingay ang narinig maliban sa lakas ng pagkabog ng mga dibdib.

Naunang bumitaw sa titigan na 'yon si Sandy.

Hindi niya kinaya.

Kahit na bumitaw na siya, nakatingin pa rin sa kanya si Franco.

"Salamat." Bulong ni Franco.

Bahagyang tumigil at napangiti si Sandy. "Walang anuman."

"Nagulat ako sa tapang mo kanina."

Natatawang umiiling si Sandy. "Ako? Matapang? Nagulat din kaya ako sa ginawa ko. Pero alam mo, masaya ako na nakatulong ako sa'yo. At least ako naman ang may nagawa para sa'yo. Parang naibalik ko na lahat ng tulong na ginawa mo simula nang makatungtong ako ng San Carlos."

Napangiti si Franco sa tuwa na hindi pa rin bumibitaw sa pagtitig kay Sandy.

"Pero hindi ka na dapat tumulong. Delikado. Bakit ka ba nandun?"

"Naglalakad ako pauwi kasi wala akong masakyan."

"Hindi ligtas ang lugar na 'yon. 'Wag ka nang maglalakad ulit pauwi."

"Ano bang atraso mo sa mga 'yon at pinagtulungan kang bugbugin."

"Yung lalaking sinugatan mo sa ulo… sinapak ko ang mukha nun noong isang araw. Rumesbak lang sila."

Kumunot ang noo ni Sandy nang marinig ang kuwento. "Bakit mo naman ginawa 'yon?"

"Aray!" sigaw ni Franco nang hindi sinasadyang madiin ni Sandy ang sugat ni Franco sa bibig.

"Sorry!"

Inilayo niya ang kanyang mukha kay Sandy at umiwas ng tingin. Ang mukha niyang kanina na maamo, ngayon ay napalitan ng iritadong mukhka. "Sinapak ko siya dahil nahuli ko siyang hinahalikan ang girlfriend ko."

"Girlfriend?"

"Oo. Hindi ko alam na matagal na pala akong niloloko ng girlfriend ko … aye mali, ex na pala."

Marahang hinawakan ni Sandy ang mukha ni Franco at hinarap sa kanya. Nilagyan ng band aid ang sugat sa may kilay at malambing nitong hinimas-himas.

"Yun ba 'yong araw na umuwi kang lasing na lasing?" Marahang yumango si Franco. Napansin ni Franco na may lungkot sa mga mata ni Sandy. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya … halo-halo, nalulungkot, nakakalma … naiinis!

Ngunit sa mga sandaling 'yon, mas pinili niyang magalit. "Bakit ka ganyan makatingin? Kinakaawaan mo ba 'ko?"

Nagulat at bahagyang nasindak si Sandy sa biglaang pagbago ng mood ni Franco. Lumayo ito ng kaunti at umiiling. "Ha? Hindi! Hindi kita kinakaawaan … Hindi ka kaawa-awa."

Hindi pa rin nagbago ang mood ni Franco. Naiinis pa rin siya. Naging tahimik ang dalawa sa loob ng ilang segundo ngunit agad naman itong nagambala ng biglang dumating ang mga kaibigan ni Franco. Nagtatakbo ang mga ito habang sinisigaw ang kanyang pangalan. Alalang-alala sila kay Franco lalo na si Emari.

"Parts, okay ka lang? Ano? Saan ang masakit sa'yo? Nagamot ka na ba?" pag-aalala ni Emari habang sinusuri ang katawan at mukha ni Franco.

"Aray! Aray! Dahan-dahan lang Emari. Masakit ang sugat ko sa mukha. Okay na 'ko. Ginamot na ako ni Sandy."

Saka lang din nila napansin si Sandy nang banggitin siya ni Franco.

Lahat ay nagulat at nagtataka kung bakit naroon si Sandy. Mas higit namang nagtaka at nagulat si Inigo.

"Sandy? Anong ginagawa mo dito?"

Nagulat din si Franco. "Magkakilala kayo?"

At tinitigan ni Inigo ang dalawa. Hindi niya maintindihan ang nararamdaman niya nang makita niyang magkasama sila.