Mahimbing at mukhang pagod na pagod, nadatnan ni Franco na natutulog sa sofa si Sandy. Hindi pa siya nakakapagpalit ng kanyang damit. Nasa ibabaw naman ng mesa ang sirang susi.
Nasa hagdanan naman si Aling Pepay, bumababa. "Saan ka ba galing Franco?"
"Sa club po, la. Kinuha ko ang gitara ko kasi naiwan ko po kanina."
Napansin ni Aling Pepay ang suot ni Franco. Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa. "Mukhang uso sa mga kabataan ngayon ang hindi naliligo at nagbibihis ah."
Ngumiti lang si Franco. Hindi na ito sumagot pa sa matanda.
Napansin naman ni Aling Pepay si Sandy at nahabag sa bata. "Hay naku! Kawawang bata ito. Kanina pa niya sinusubukang buksan ang kwarto niya. Mukhang napagod siya at nakatulog na lang."
"Wala ka bang ekstrang susi ng kwarto niya, la?"
Nagkamot ng ulo si Aling Pepay. "Meron... kaso … hindi ko maalala kung saan ko nailagay."
Huminga ng malalim si Franco na naaawa sa kalagayan ng dalaga na panay ang panghahampas sa braso dahil sa dami ng lamok.
"Mmm, eh bakanteng kwarto po? Meron pa ba? Kahit dun na muna siya matulog ngayong gabi."
"Wala na rin. Ukupado na lahat ng kwarto dito sa bahay."
"Wala na pala talaga tayong magagawa, eh di matulog na tayo. Tulog ka na rin, La."
Kinabukasan, matagal nagising si Sandy at nagising ito na nagtataka. Isang malaking palaisipan sa kanya ang kumot na nakabalot sa kanya. Napansin niya rin ang abo ng katol na nakakakalat sa sahig.
"Kanino kumot 'to? Kay Sabrina?" Pagtataka ni Sandy.
Bumangon ito at naghikab. Tiningnan niya ang kanyang relo at nanlaki ang mga mata nang makita ang oras.
"Naku po! Alas diyes na!" Napatayo sa pag-aalala si Sandy. "May interbyu pa naman ako ngayong araw na 'to. Anong gagawin ko? Sarado pa ang kwarto ko. Paano ako magbibihis? Di pwedeng humarap ako na hindi nakaligo. Haaaay! Paano na 'toooo?"
Litong-lito si Sandy. Paikot-ikot siyang naglalakad sa sala habang nag-iisip ng paraan. Napakagulo ng kanyang buhok dahil sa kakakamot nito na parang nasisiraan ng bait. Umakyat siya ng rooftop at sinubukang buksan muli ang pinto. Ngunit wala pa ring nangyari. Sumuko na lamang ito at napaupo sa isang banko.
Maya-maya ay nakarinig ito ng ingay mula sa baba. Isang grupo ng magkakaibigan ang pumasok sa loob ng Bahay ni Pepay. Medyo may kaingayan ang mga 'to at medyo magulo rin dahil panay ang biruan, asaran at harutan habang papasok sila ng sala. Papalapit nang papalapit ang ingay sa kanya. Maya-maya, ang grupong yun ay nasa rooftop na rin.
Hindi pamilyar kay Sandy ang mga panauhin. Ngayon lamang niya nakita ang mga 'to.
Napansin naman ni Sandy na nakasunod sa likuran nila si Franco na may kausap na matanda.
"Aling kwarto ba?" tugon ng matanda na may dala-dalang tool box.
"Ito po." Itinuro ni Franco ang pintuan ni Sandy.
Bagama't nalilito pa sa mga pangyayari, sinusubukan niyang intindihin ang galaw ng mga tao.
"Andami na pa lang nabago dito sa bahay niyo Franco, noh? Ang tagal ko nang hindi bumibisita dito." Sabi ni Arvin.
"Talaga?" gulat na sagot ni Zein. "Halos nasa kabilang kanto lang bahay niyo ah. Ako nga minsan dito na nanananghalian galing sa eskwela."
"Ano bang inaasahan mo kay Arvin? sabat naman ni Emari. "Sa fastfood restaurant lang 'yan kumakain."
"Uy grabe ka. Hindi ah. Wala lang talaga akong oras bumisita kasi nga sa club na tayo laging nagkikita, di ba? Eh, bakit ikaw ba, Emari, bumibisita pa rin ba dito, ha?"
Yumango si Emari. "Paminsan-minsan, oo."
"Tama na 'yan. Ang iingay niyo."
Pinutol ni Franco ang kanilang pag-uusap at dumaan upang samahan ang matandang liyabero. Sa kanyang pagdaan ay hindi niya maiwasang sumulyap kung saan tahimik na nakaupo si Sandy. Nahuli ng mga mata nito ang ganda ng mukha ni Sandy at hindi niya naiwasang titigan ito, ang aliwalas ng kanyang mukha na tila lumiliwanag sa umaga, ang tuwid nitong buhok na nahuhulog sa kanyang balingkinitang balikat at ang kanyang mapupungay na mga mata na nakatingin din sa kanya.
Hindi niya maipaliwanag ngunit tila ayaw niyang bumitaw sa mga tingin na 'yon. Magaan. Magaan ang pakiramdam niya sa mga titig na 'yon na parang bang siya ay nasa ilalim ng mahika.
Subalit ang titigang 'yon ay hindi rin nagtagal.
"Excuse me, nagkakilala na ba tayo? Parang pamilyar ka sa 'kin." wika ni Zein na biglang tumabi kay Sandy sa sofa.
"Eeew!" reaksyon naman ni Emari. "Kelan ka pa natutong humirit sa mga babae?"
"Ano ba yan, Zein! Ang luma pa ng linya mo. Isip ka naman ng bago." Dagdag ni Arvin.
"Anong humihirit? Hindi noh. Talagang pamilyar siya sa 'kin."
"Isa pa at babatukan kita." Banta ni Emari saka ito tumabi kay Sandy. "Ikaw ba ang may-ari ng kwartong yan?"
Yumango si Sandy.
"Nagdala na ako ng liyabero para magawan ka ng bagong susi." Pahayag ni Franco na hindi tumitingin kay Sandy.
Agad namang sinimulan ng matanda ang pagtanggal ng doorknob upang palitan ito ng bago. Pagkatapos na ilang minuto ay ibinalik ng matanda ang doorknob sa pinto at sinubukan ang susi.
"Ayos na!" ulat ng matanda.
"Tapos na po ba, lo?" usisa ni Emari.
Inabot ni Franco ang susi kay Sandy. "Bago na ang doorknob mo. Hindi ka na mahihirapang buksan 'yan."
Tumayo si Sandy mula sa kinauupuan at masayang-masayang tinanggap ang susi.
"Naku! Maraming salamat ha." Bigkas nito kay Franco.
Aakmang aalis ang kausap ngunit saglit niya itong pinigilan.
"Sandali."
Hinarap siyang muli ni Franco. "Bakit?"
"Ilang beses na tayong nagkakasulubong dito sa bahay at ilang beses mo na rin akong natulungan." Bahagya itong lumapit at tumayo sa kanyang harapan. "Ngunit hindi pa tayo pormal na nagkakakilanlan."
Napagtanto rin ito ni Franco.
"Mmm… Franco. Franco ang pangalan ko." Pagpapakilala ng binata na nakatago lang ang mga kamay sa loob ng pantalon.
"Sandy!"
Tiningnan niya ang mga kamay nito at hindi na niya sinubukang makipagkamay pa. Sa halip ay ngumiti na lamang.
"At ako naman si Emari…" isang malaking ngiti ang ibinungad ni Emari kay Sandy sabay akbay sa kanyang balikat. "Bespren ako niyan."
"Ako naman si Arvin. Bespren din ni Franco." Tumabi si Arvin kay Zein at inakbayan ito. "Ito namang papogi naming kaibigan ay si Zein. Wala pa siyang girlfriend kasi torpe."
Naiiinis, inalis ni Zein ang kamay ni Arvin sa kanyang balikat.
"Tumahimik ka nga diyan."
Ngunit hindi siya tinigilan ni Emari at Arvin. Inakbayan siya ulit ng dalawa sa balikat at inasar nila.
"Okay lang yan, Zein! Normal lang naman ang may crush eh. Oooy! Nagbibinata na siya." Pang-aasar ni Emari.
"Di ko naman siya crush, eh! Tigilan niyo nga ako!" sagot ni Zein na pilit kumakawala sa dalawa.
"Aminin mo na kasi. Maganda din naman kasi si Sandy kaya di na kami magtataka."
"Tama na yan. Nakakahiya na kayo." Suway ni Franco. "Umalis na tayo."
At lumabas ng bahay ang magkakaibigan. Pinapanood naman ito ni Sandy na tila natutuwa sa kanilang kakulitan.