Chereads / My Love Next Door / Chapter 8 - Ayusin Natin 'To

Chapter 8 - Ayusin Natin 'To

Wasak na nga ang puso, masakit pa ang ulo.

Alas kwatro na ng hapon nang magising si Franco. Nakaupo ito sa sofa kung saan siya nakahiga mula kaninang umaga, hawak-hawak niya ang kanyang ulo na naliliyo.

Habang nakayuko ito, naaamoy niya ang bango ng nilagang baka na siyang pumupukaw sa kanyang sikmura. Maya-maya ay papalapit ng papalapit ang amoy at mas lalo pa itong natatakam.

"Sabaw… para sa hangover mo." Tumingala siya at nagulat na makita si Sandy. May dala-dalang itong isang mangkok ng sabaw. "Ipinabibigay ni Sabrina."

Tinanggap ito ni Franco.

Umupo si Sandy sa tapat na upuan at pinapanood si Franco na walang imik na humihigop ng sabaw. Sa tuwing tumitingin sa kanya si Franco, nagkukunwari itong binabasa ang schedule niya.

Tahimik lang siyang nakikiramdam sa paligid nang biglang kumalabog ang mesa at nagulat si Sandy. Galit na galit na ibinagsak ni Franco ang mangkok. Nanlaki naman ang mga mata ni Sandy at kinakabahang minamasdan ang mga nanlilisik na mata ni Franco. Nakatingin lang ito sa hangin tila malalim ang iniisip.

"Ano bang problema nito?" ang tumatakbo sa isip ni Sandy.

"Uhm ... o-okay ka lang?"

Tinitigan lamang siya nito, ni isang salita wala siyang sinabi. Tumayo siya bigla at pagiwing-giwing na umakyat sa kanyang kwarto.

"Mukhang wala siya sa mood. Tsk! Paano na 'to? Anong gagawin ko ngayon?"

Kinuha nito ang mangkok sa mesa at ibinalik ito sa counter. Napaupo ito at namomroblema.

Samantala, sa loob ng kwarto, tawag naman ng tawag ang biguang binatilyo sa kanyang dating kasintahan, ngunit kahit isang tawag ay walang sinagot. Sa pansampung tawag, na muli ay bigo pa rin, ay itinapon niya ang kanyang cellphone at nawasak ito ng tumama sa dingding.

Nanggigigil ito sa pagkainis.

Nag-isip ito sa kanyang gagawin. Hindi siya mapakali.

Sa ilang minutong pag-iisip, nakapagdesisyon itong umalis at puntahan si Sheena sa kanilang bahay, kaya nagsuot ito ng sapatos at nagmamadaling lumabas. Hindi na naligo at hindi na rin nagbihis.

Nang makalabas siya ulit ng kwarto, nakaw-pansin sa kanya ang dalaga na mukhang hirap na hirap sa pagbukas ng kuwarto. Pwersahan niyang hinihila ang doorknob ng sariling kwarto na gumagawa ng ingay sa bahay.

Nagmamadali man, hindi mapigilan ni Franco na maawa kay Sandy na pawis na pawis. Napansin naman ni Sandy na minamasdan siya ni Franco kaya naman isang kaawa-awa na mukha ang hinarap nito upang humingi ng tulong.

"Kaninang pa ako dito pero 'di ko talaga mabuksan. Humingi na ako ng tulong kina Sabrina pero wala rin silang nagawa."

"Patingin ng susi." Binigay ni Sandy ang susi. Sinuri ito ng maayos ni Franco at napansin na may mali sa susi. "Mukhang nasira ang susi mo. Hindi na makakabukas ng pinto 'to."

"Ha? Paano ngayon 'yan?" nabahala nang husto si Sandy. "Paano ako makakapasok? Paano ako magpapalit ng damit? Saan ako matutulog? Naku namaaaan!"

Hindi na pinansin ni Franco ang namomroblemang si Sandy at tuluyan nang umalis.

Nang makalabas na ito ng bahay, napansin niyang wala ang motor niya. Gayunpaman, nagpatuloy pa rin ito. Nagtaxi na lamang siya papunta sa bahay nina Sheena.

Nang makarating siya roon, sigaw siya nang sigaw sa labas, tinatawag ang pangalan ng dating kasintahan.

"Sheena!!! Harapin mo ko. Pag-usapan natin 'to." Habang nagsisigaw ito sa labas ay inaalog naman nito ang puting gate. Hindi siya titigil hangga't di siya hinaharap ni Sheena. "Sheen! Ano ba! Harapin mo 'ko!"

Bumukas ang maliit na pintuan ng puting gate ngunit sa halip na kulot at petite na babae ang lumabas, isang matandang mama ang humarap kay Franco.

Nakasimangot itong hinarap ang binata. "Ano bang kailangan mo, Franco?"

"Tito! Kailangan ko lang makausap si Sheena."

"Ayaw kang kausapin ng anak ko. Umalis ka na."

"Tito, gusto ko lang naman magkaayos kami. Please, Tito!" pinagpilitan pa rin ni Franco ang kanyang sarili sa kabila ng pagtanggi sa kanya ng may bahay.

"Paprankahin na kita, Franco! Sa totoo lang, ayoko sayo para sa anak ko. Anong klaseng buhay ba ang kaya mong ibigay sa anak ko? Wala kang plano sa buhay. Walang pangarap. Walang kwenta. Salot sa lipunan. Tantanan mo na ang anak ko. Ayusin mo muna ang buhay mo. Ayusin mo ang sarili mo."

"Tito..."

"Kung hindi mo kayang respetuhin ang desisyon ng anak ko sana kahit ako na lang na ama niya ay respetuhin mo." Tumigil si Franco. "Umuwi ka na."

Pinagsarhan siya ng pinto at naiwang biguan si Franco sa planong makipag-usap at makipag-ayos sa dating kasintahan.

Beep! Beep!

Busina ng sasakyan ang umagaw sa kanyang pansin. Nang lingunin niya ang daan, mukha ni Inigo na nakadungaw sa bintana ng sasakyan ang kanyang nakita. Hindi nagdalawang isip, sumakay si Franco. Nang makapasok na ito sa loob, humarurot ang drayber papuntang North Avenue.

Tiningnan ng kaibigan ang seryosong mukha ni Franco at bahagyang natawa.

"Anong nakakatawa?" inis nitong tanong kay Inigo.

"Ikaw. Nakakatawa ka." sagot naman nito na nakangiti pa rin.

Lalo pa itong nainis. "At bakit?"

"Eh kasi nagpapakabaliw ka sa babaeng ayaw na sa'yo. So uncool, dude! At saka tingnan mo nga 'yang sarili mo. Halatang hindi ka pa nakaligo."

Umiling lang si Franco sa sinabi ni Inigo. "Palibhasa sayo hindi pa naka-experience ng serious relationship. Puro ka kasi laro at fling. Do you even know what love is? I doubt it."

"Sakit sa ulo lang 'yan."

"Hindi mo alam kung anong namimiss mo kung puro ka laro."

"Love?" natawa si Inigo. "Pinapahina lang tayo niyan, ginagawang baliw, tanga... ayoko niyan. Ang gusto ko lang ay mag-enjoy."

Hindi na sumagot si Franco. Kilala niya ang kaibigan niya. Hindi madaling baguhin ang takbo ng isip nito kahit gaano mo pa siya kumbinsehin. Sa katunayan, may pagkakapareho ang dalawa. Pinapaniwalaan nila ang gusto nilang paniwalaan, gagawin ang anumang gustong gawin at kukunin ang kahit anong gustong makuha. Pareho silang may katigasan ang ulo. Maprinsipyo! Magkaiba lang sila sa pag-uugali, kalmado lang si Inigo, samantalang kulang sa pasensya naman itong si Franco.

"Saan ka ba galing?" tanong ni Franco.

"Sa cake shop." sagot ni Inigo.

"Ang tagal na nating magkaibigan pero ni minsan di mo pa ako nalibre diyan."

"Hindi ka bagay dun."

Sumimangot uli ang mukha ni Franco. "At bakit?"

"Hindi bagay ang mga taong bitter at gloomy sa isang makulay at maliwanag ang lugar tulag ng Sweetness Overload."

"Alam mo? Minsan napapatanong ako kung bakit kita naging kaibigan."

"In love ka kasi sa 'kin."

"Pwet mo."

"Oo kaya. Sa akin ka nga laging nakabuntot dati eh. Kung di mo lang talaga nakilala si Sheena baka tayo na nagkatuluyan."

"Wag ka ngang kadiri diyan! Isa pa, kung babae man ako, di kita type noh!"

"Sino ba type mo? Si Arvin? hahaha! Kaya pala minsan nahuhuli kitang malagkit ang tingin sa kanya ah."

Nagtawanan na lamang ang dalawa sa kalokohang pumapasok sa isip nila. Sa mga kalokohang iyon, nabawas-bawasan din ang init ng ulo ni Franco. Nang makarating naman sila sa North Avenue, nadatnan nilang nagjajamming sina Emari, Arvin at Zein.

Lumapit si Franco sa grupo at dinampot ang gitara na naiwan niya kagabi. "Nandito rin pala kayo. Wala namang gig ah!"

"Ang boring sa bahay." sagot ni Arvin.

"Tinawagan ako ni Mr. Martinez. Tinanong niya sa 'kin kung bakit daw nabutas 'yong istante hahaha." natatawang paliwanag ni Emari.

"Anong sinabi mo?" usisa ni Franco.

"Sabi ko sinira ng mga rugby boys. Siyempre di kita ilalaglag noh."

Napangiti si Franco. Alam niyang 'yon ang sasabihin ni Emari. Sa tuwing may ginagawa siyang kabaluktutan, lagi siyang pinagtatakpan ng kaibigan. Kaya naman malaki ang pasasalamat niya kay Emari.

"Eh ikaw Zein?" si Inigo naman ang nagtanong. "Bakit ka nandito?"

Hindi agad sumagot si Zein. Tumingin lang ito kay Inigo at ngumiti na parang may ibig sabihin, na parang may sekreto siyang nalalaman.

"Actually ... nagbabakasali ako na baka nandito ka."

"Naku Zein ha! May pagnanasa ka na rin ba sa 'kin?"

Nagtawanan at nagtuksuhan ang mga kaibigan.

"Sira ka talaga." umiling lang si Zein na natatawa. "Gusto ko lang itanong kung sino 'yong kasama mo kanina?"

Naintriga ang magkakaibigan sa sinabi ni Zein. Medyo kinabahan naman ng konti si Inigo.

"Woah! May bago na?" usisa ni Arvin.

"Ano na ang nangyari dun sa isa? Ano ulit ang pangalan nun? Myka? Karissa?" tanong ni Emari.

"Hindi, hindi! Si Myka, 'yon yung last year na sobrang assuming na may sila ni Inigo. Siya yung nagwala dito sa club nang makita niya na may kasama siyang iba. Si Karissa naman 'yong medyo may sayad, 'yong obsessed? Naalala mo 'yon? Pero matagal na atang hindi kinakausap ni Inigo yun eh." dagdag ni Arvin.

"Ah oo. Naalala ko. Eeeeh! Ang creepy nun. Stalker!" Dagdag ni Emari.

"Si Realin 'yong recent. Pero wala na 'yon. Lumuwas ng Maynila kasi hinahanap ang sarili." Paliwanag naman ni Franco.

"Napaka-heartbreaker mo talaga, Inigo! Sanaol gwapo!" hinaing ni Arvin.

Ipinikit ni Inigo ang kanyang mga mata habang nakikinig sa pag-usuap ng magkakaibigan. Hangga't sa hindi na niya ito kinaya.

"Teka lang ha! Wala naman akong ginawa sa kanila ah. Tinulungan ko lang sila. Nilagyan nila ng meaning. Tapos ako pa ngayon ang masama. Haaay!"

Natawa na lang sila kay Inigo na parang di naniniwala.

Tumigil sa pagda-drum si Emari at naisipang punasan ang mga cymbals at drums. "So, sino naman yung babaeng tinutukoy ni Zein?"

"Bagong salta sa San Carlos. Tinutulungan ko lang."

"Mmm … ganuuun?" may dagdag pa si Zein habang nagpupunas na rin ng baho. "… pero parang may iba eh."

Tumigil sila saglit sa ginagawa nila upang makinig sa sasabihin ni Zein, maliban kay Franco na umiikot-ikot lang sa upuan tila hindi interesado sa sasabihin ni Zein. Si Inigo man ay napapaisip sa opinyon ni Zein.

"Paanong iba, Zein?" pangungulit ni Arvin.

"Kanina kasi nakita ko siyang kumain ng street food kasama 'yong babae. Nakakapagtaka lang kasi hindi naman siya kumakain ng street food, diba? Pero kumain siya! Kaya naisip ko na … baka iba 'to."

Natahimik si Inigo. Gulat na gulat naman si Emari at Arvin. Sekretong natawa si Franco.

"Seryoso? Kumain ka ng street food? Para sa babae?" bumaba ng stage si Emari para lapitan si Inigo.

Ipinikit saglit ni Inigo sa inis ang kanyang mga mata, mga kamay nakatupi sa kanyang harap.

"Teka nga! Sino ba ang may sabi sa inyo na ayokong kumain ng street food? Oo, hindi pa 'ko nakakakain nun kasi nga pinagbabawalan ako ng health conscious kong nanay PERO siyempre, curious din kaya ako kung anong lasa nun."

"Weh! Eh dati nga, kahit anong pilit namin sa'yo ayaw mong tumikim. Kwek-kwek nga lang yun eh." pang-aasar ni Arvin.

"Ah, eh dati naman 'yon. Takot akong mahuli eh. Ngayon break the rules na 'ko."

Tumingin lang ang tatlo kay Inigo na tila hindi naniniwala sa palusot ng kaibigan. Hindi na sila dumagdag sa usapan at nagpatuloy na lamang sa paglilinis ng instrumento. Huminto na rin sa kakaikot ng upuan si Franco. Tumingin kay Inigo at inasar ng ngiti.

Kumulubot naman ang noo ni Inigo. "Wag kang ngumiti diyan. Ang pangit mong gunggong ka!"

Mas lalo pang napangisi si Franco. Patuloy pa rin ito sa pang-aasar. "Ingat ka, pre! Baka tamaan ka niyan at manghina ka! HA HA HA!"

"Asa ka pa! Di mangyayari 'yan."

Umiling na lamang na natatawa sa kaibigan si Franco. Tumayo ito mula sa pagkakaupo at dinampot ang gitara. "Mauuna na ako sa inyo. Baka maabutan pa ako ni Mr. Martinez. Tiyak na sermon na naman ang pasalubong sa 'kin nun."

"Mabuti pa nga." Sang-ayon ni Inigo. "Nang sa ganun ay makaligo ka na rin. Ang baho mo!"

"Uuwi na rin ako." Sabi ni Emari na nagmamadaling kumuha ng bag na iniwan niya sa tabi ng drums.

Kinuha na rin ni Arvin ang bag niya. "Em! Pahatid ako!"

Tumigil na rin si Zein sa pagpupunas ng bass guitar at naisipan nitong sumabay na lang din. "Arvin! Pwedeng makitulog sa inyo?"

"Ha? Bakit?" tanong nito habang naglalakad palabas ng club kasama ng iba.

"Nagbakasyon kasi ang parents ko eh. Nakalimutan nilang iwan ang susi ng bahay. Di ako makapasok."

"Ano ba yan! Oh sige, sa bahay ka na matulog."

Pumayag si Arvin na sa bahay nila matutulog si Zein, nang bigla maalala ni Emari ang tungkol sa lolo niya. "Alam niyo bang locksmith ang lolo ko. Gusto mo puntahan namin bahay niyo bukas para magawan ka ng susi?"

"Sige ba. Anong oras?" sang-ayon ni Zein.

"Pwede na ang alas 9."

"Sige kita tayo bukas."

Nagsipasok na sila sa kani-kanilang mga sasakyan, mag-isa si Inigo sa sasakyan niya, samantalang si Arvin at Zein ay kasabay ni Emari. Si Franco naman ay magmamaneho ng kanyang motor. Bago pa man makaalis ang lahat, bumaba sandali si Franco at kinatok ang bintana ng sasakyan ni Emari.

"Bakit parts?"

"Pupunta lolo mo sa bahay ni Zein bukas?"

"Oo. Bakit?"

"Pagkatapos niyo dun, sa amin naman. May nangungupahan kasi sa amin na di makapasok ng kwarto kasi sira ang susi."

"Sige. Walang problema."

At nagkanya-kanya na sila sa paglakad.

Nasasaktan pa man ang puso, nabawasan naman ang sakit ng ulo.

Wala nang hangover si Franco. Maayos na ulit ang kanyang mood at maayos na rin siya mag-isip, kaya naman naisipan nitong padalhan ng mensahe si Sheena bago sumakay ng motor.

"Sheen! Pakiusap, kausapin mo naman ako. Ayusin natin tu!"

Huminga ng malalim at tumingin sa itaas. Ipinikit saglit ang mga mata at naalala ang nakalipas. Ang dating masasayang araw ay tila hindi na sisikat pang muli.

"Paano nga ba mabuhay na wala ka … kung limang taon akong nasanay na laging kang kasama?"