"Sasakay ako diyan?"
"Oo. Bakit? Mas gusto mo bang maglakad? Hmmm ... medyo may kalayuan din 'yon pero kung feel mo maglakad, hihintayin na lang kita dun."
"Ang funny mo no?" sarkastikong sagot ni Sandy.
"Joke lang. Halika na." Binuksan ni Sandy ang pinto ng sasakyan sa likuran na agad namang inangalan ni Inigo. "Driver mo ba 'ko? Ba't diyan ka uupo sa likod? Dito ka sa front seat."
"Aye sorry." Natatawang isinara ni Sandy ang sasakyan at lumipat ng upo sa front seat. Nilisan nila ang eskwelahan at tumungo sa cake shop na gustong-gusto ni Inigo.
Habang nagda-drive ang binatilyo, di naman mapigilang mamangha ni Sandy.
"Sayo ba 'to? Bigatin ka pala! Ang yaman mo!"
Umiling si Inigo.
"Hindi ah. Parents ko ang mayaman, hindi ako. At saka itong sasakyan, nakikigamit lang ako. Sa Daddy ko talaga 'to. Hiraman pa nga kami ng kapatid ko eh."
Bumilib si Sandy sa pagiging humble ni Inigo. Kahit naman na obvious ang pagiging rich kid niya ay hindi niya ito ipinagmamayabang.
Nang makarating na sila, huminto sila sa harap ng pink na shop na may nakasulat sa labas na 'Sweetness Overload'. Tumunog ang wind chimes na nakasabit sa may pinto nang pumasok ang dalawa. Namangha naman si Sandy sa interior design ng shop. Ang mga customer ay nakalupasay sa sahig na pinapalibutan mga kutson at stuffed toys habang kumakain sa isang maliit na mesa.
"Ang ganda naman dito."
"Halika! Doon tayo!" hinila ni Inigo si Sandy sa sulok, ang paboritong lugar niya sa shop na 'yon.
Tinawag niya ang crew na may dala-dalang menu.
"The usual po ba sir?" tanong ng lalaking crew.
"Oo dalawang order at saka, sandali ..." huminto siya saglit para tanungin si Sandy "... mahilig ka ba sa whip cream?"
Yumango si Sandy. "... at saka, pakilagyan ng extra whip cream at extra chocolate chip ang frappe."
"Okay po sir."
"Mukhang alam na alam nila 'yong gusto mo ha. Regular customer?"
"Uhm, oo. Madalas ako dito magpalipas ng oras. Dito rin ako tumatambay para mag-aral."
"Ano bang inorder mo?"
"Yung bestseller nila dito."
Sinuri ni Sandy ang pitaka niya upang tingnan kung magkano na lang ang laman nito. Medyo kinakabahan siya dahil baka hindi niya kayang bayaran ang inorder ng kasama. Natatawa namang pinapanood ni Inigo si Sandy na bakas sa mukha ang pag-aalinlangan.
"Itago mo nga 'yan. Nagi-guilty tuloy ako sa pagpapalibre ko sayo."
"Siyempre kailangan kong masiguro na kaya kung bayaran 'yong inorder mo. Magkano ba lahat?"
Umiling na lang natatawa si Inigo.
"Mamaya mo na isipin yan. Kung hindi mo naman mabayaran, eh di ..." lumapit ito kay Sandy, sobrang lapit sa kanyang mukha at bumulong "... aalis tayo dito at tatakbo."
Pagkatapos nitong bumulong sa tenga ni Sandy, tumingin ito sa kanyang mga mata. Pagkatapos ay ngumiti siya, 'yong ngiting nakakahalina. Nakaramdam ng pagkailang si Sandy kaya nama't naitulak niya ng malakas si Inigo.
"Hoy!" napasigaw ito na ikinagulat ni Inigo. "... wag ganun! Panloloko yan. Hindi ako tinuruan ng tatay ko na manloko ng tao."
Napahalakhak si Inigo sa naging reaksyon ng kausap. Ang mga kilay ni Sandy ay nagtatagpo sa gitna tila di makapaniwala.
"Hahaha! Biro lang. Ano ka ba! Masyado kang seryoso." Hindi umimik si Sandy. "Basta 'wag kang mag-alala, okay? I-enjoy mo lang 'yong pagkain."
Maya-maya ay dumating din ang order nila.
"Dalawang double chocolate cake in a jar at dalawang chocolate chip frappe with extra whip cream and chocolate chip." sabi nung crew habang nilalagay ang order nila sa mesa. "Anything else, sir?"
"Wala na. Salamat."
"Okay sir." sagot ng crew at saka bumalik sa kanyang poste.
"Mukhang masarap ah." komento ni Sandy.
"Masarap talaga yan." panigurado naman ni Inigo.
Tinikman ni Sandy ang cake at nagustuhan niya ito. Sa sobrang sarap ay pakiramdam niya ay nakalutang siya sa langit. Samantalang ini-enjoy ng dalaga ang pagkain na tila isang bata na minsan lang makakakain ng matamis, natutuwa namang pinagmamasdan siya ni Inigo.
Habang kumakain ay napansin ni Sandy ang isang poster na nakapaskil sa dingding ng shop. Binasa niya ang nakasulat - "Be part of Sweetness Overload Crew. Now Hiring!"
"Hiring pa ba ang shop na 'to? Pwede kaya ako mag-apply ng part-time job?"
Lumingon si Inigo upang tingnan ang binabasa ni Sandy.
"Kailangan mo ng trabaho?"
Yumango si Sandy. "Kailangang-kailangan. Wala kasi akong pamilya dito sa San Carlos. Umaasa lang ako sa padala ng kuya ko at saktong-sakto lang para pambayad ng upa, pambili ng pagkain at saka gastusin sa school. Maganda din naman 'yong kahit papaano may extra ako, di ba?"
"Kilala ko ang may-ari nito. Gusto mo tulungan kita?"
Nandilat ang mga ni Sandy sa tuwa at pananabik.
"Pwede? Sige ba!"
"Kung ganun, mag-apply ka na agad. Baka maunahan ka pa."
"Oo nga no? Sige bukas mag-aapply ako." pagtanto ni Sandy habang iniinom ang frappe.
"Sandali lang. CR lang ako." Pahintulot ni Inigo.
Tumayo si Inigo at iniwan sandali si Sandy. Mga ilang minuto ang nakalipas, bumalik rin ito. Umupo ito sa kanyang tabi at nakipagkuwentuhan.
"So, bakit Literature?"
"Pangarap ko kasing makapag-publish ng isang nobela o di kaya ng children's book. Mahilig kasi akong magsulat. Eh, ikaw? Bakit Fine Arts?"
"Mmm, di ko alam." Natawang sagot ni Inigo.
"Huh? Paanong di mo alam?"
"Mmm… ang alam ko mahilig ako sa arts, sa paintings, sa designs, mahilig rin akong mag-drawing pero hindi naman ako ganun kagaling. Nakaka-frustrate ngang isipin minsan kung bakit ito ang pinili ko kung hindi ko naman pala kayang panindigan. Hindi talaga ako ganun kagaling eh."
"Ano ka ba! Hindi bale kung magaling ka o hindi. Ang mahalaga mahal mo ang ginagawa mo. At saka kung magpa-practice ka lang ng magpa-practice diyan sa forte mo, mag-iimprove ka rin. Wala namang magagaling na pintor na nagsimulang magaling agad. Nagsimula din sila sa scratch."
Napangiti si Inigo sa mga sinabi ni Sandy. Lalo pa itong naging interesado sa kanya.
Tumingin si Sandy sa kanyang relo. "Naku! Kailangan ko ng umalis. Kailangan ko pang mamili ng mga gamit sa bahay at eskwelahan eh. Babayaran ko na 'to ha ... excuse me!"
Sumenyas ng bill out si Sandy sa isang crew na siya namang lumapit agad. Binasa niya ang pangalang nakapaskil sa kanyang uniporme. "Uh, Tristoffe, magkano ba lahat ng kinain namin?"
"Ah, actually ma'am may good news po kami sa inyo. Kayo po ang pang-isang daang costumer namin sa linggong ito kaya naman lahat ng kinain niyo ay libre na po."
Manghang-manghang si Sandy sa narinig. Tila di makapaniwala. Bakas sa kanyang mukha ang galak sa mga pangyayari.
"Talaga? Wow naman! Kapag sinuswerte ka nga naman oh!" Umalis na ang crew at iniwan ang customer na namamangha pa rin. "Bakit parang ang swerte ko ngayon?"
"Mmm ... baka ako nagdadala ng swerte sayo?" suhestiyon ni Inigo.
"So feeling mo lucky charm kita?" Namangha si Sandy.
"Mmm... siguro!" mapang-asar ang ngiti ni Inigo. Ngunit napakagwapo pa rin.
"Kumapit kaya ako lagi sa'yo, no? Baka kung anu-ano pang swerte ang matanggap ko."
"Magtitiwala ka sa 'kin?"
"Bakit hindi? Mabait ka naman, diba? Mukha ka ngang anghel eh. Kaso medyo mandurugas nga lang."
Napatawa si Inigo sa sinabi ni Sandy at napa-isip din. Ang mga anghel sa lupa ay hindi mabait. Kaya nga nasa lupa sila kasi hindi sila tanggap sa langit.
"Ikaw ang bahala."
"Salamat ulit sa araw na 'to Inigo ha. Mauuna na ako sa'yo. See you around sa school?"
"Yeah! See you na lang sa school."
"Bye." kinuha ni Sandy ang kanyang bag saka lumabas ng shop at naghanap ng taxing masasakyan.
Pinapanood naman siya ni Inigo habang nakasandal ito sa may counter.
Maya-maya ay tinabihan ito ng isa sa mga crew, isang dalagang singkit ang mga mata, mahaba at tuwid ang buhok, maganda pero astig umasta.
"Bagong biktima?"
Kumunot ang noo ni Inigo at napatingin sa babae na may inis sa mukha.
"Ha? Ano bang pinagsasabi mo diyan, Ram? Ano bang tingin mo sa 'kin? Pa-fall? Play boy? Naglalaro ng babae?"
Natawa si Ramsha at sarkastikong ito sumagot. "Aye hindi po. Anghel ka nga diba sabi nila. Ang bait mo kaya."
"Hoy wag mo nga akong i-judge. Kung makapagsalita ka, close ba tayo?"
Namemeywang at tinaasan ng kilay ni Ramsha si Inigo at mataray itong sinagot ang binata. "Hindi naman kailangang maging close para maamoy ang baho ng may baho. Mata lang naman kailangan kong gamitin para kumilatis ng tao."
Mas lalo pang nainis si Inigo kay Ramsha.
"Bakit ba ang suplada mo sa 'kin, ha? May nagawa ba ako sayo? At saka, hoy, umayos ka. Ate ko may-ari ng shop." pagbabanta naman ni Inigo sa kausap.
"Eh, ano ngayon?" matapang na sagot ng chinita, tila hindi nadadala sa kanyang banta.
"Tsk! Mukhang hindi na umuubra ang mga pananakot ko sa'yo ah."
Umirap si Ramsha at tiningnan si Inigo na nakangiwi ang mukha. "Eh paano naman kasi, paulit-ulit lang naman kasi 'yang istilo mo. Kunwari magsusumbong ka sa ate mo, eh wala ka namang maisumbong na masama. Kung may sasabihin ka naman, di ka naman niya pinaniniwalaan."
Umirap na lamang si Inigo sa kausap at di na siya sinagot.
"Oy Tristoffe!" tawag niya sa isa pang crew.
"Yes sir?"
"Salamat pala kanina."
Ngumiti si Tristoffe at bahagyang iniyuko ang ulo. "Walang anuman, sir. Sige po. Babalik na po ako sa station ko."
"Hoy, hoy! Anong salamat?" sumabat ang chinita. "Babayaran mo 'yon, hoy!"
"Oo naman babayaran ko 'yon. Alam mo Ramsha, bakit di mo gayahin si Tristoffe? Magalang kausap."
"Ayoko nga!" Pinandilatan ni Ramsha si Inigo at saka bumalik sa counter.
Hindi na niya ulit pinansin ang pagsusuplada ng chinita at inisip na lang si Sandy. Isang matamis na ngiti ang nakapinta sa kanyang mukha nang ito'y kanyang iniisip.