Chereads / My Love Next Door / Chapter 5 - Morning Rush

Chapter 5 - Morning Rush

Alas 8 na nang umaga.

Gising na gising nga ngunit hindi naman bumabangon. Tulala lang na nakatingin sa kisame. Nag-iisip. Nag-iisip nang malalim. Nag-iisip nang nakakalunod.

Maya't-mayang nakatingin sa cellphone, umaasang magriring. Huminga ng malalim at ipinikit ang mga mata. Muli ay kinumbinse ang sarili. Magiging maayos ang lahat.

Bumangon na rin si Sandy sa wakas. Naligo. Nagbihis. Tumingin sa salamin. Tinali ang mahaba niyang buhok. Ngumiti. Handa na siyang magsimula muli.

Lumabas siya ng kuwarto. Huminto saglit upang titigan ang pinto ng kabilang kwarto, saka nagpatuloy sa pagbaba ng hagdan. Ngayo't may liwanag na sa paligid, saka niya lang nagpatanto na maganda at mukhang mapayapa ang lugar.

Sa unang palapag ay isang malawak na sala na maaaring tambayan ng mga tenants. May malaki at malambot na sofa, may coffee table para sa mahilig magkape, at may bookshelf para sa mahilig magbasa.

Sa loob ng sala ay may isang malaking mesa na konektado sa bintana ng isang coffee shop. Sa ibabaw nito ay nakapaskil ang mga katagang "Kape at Tinapay". Sa ilalim naman ng mesa ay may mga matataas na upuan. Naupo si Sandy roon at pinindot ang bell. Ilang segundo lang ang lumipas lumabas ang isang binibining nakasuot ng makapal na salamin, mahaba at tuwid ang buhok at medyo may katangkaran at balingkinitan ang katawan.

"Magandaaaaang umaga!!! Anong atin? Kape, gatas, tinapay o kanin? Ano man ang hanap mo siguradong nandito sa Kape at Tinapay ni Aleng Pepay."

Napaatras nang bahagya at nandilat ang mga mata ni Sandy dahil sa taas ng energy ng binibini. Malaki ang ngiti sa kanyang mukha at napakalambing pang magsalita. Di hamak na siya ay isang masayahing binibini. May hawak itong bolpen at maliit na notebook kung saan isusulat ang order na kanyang customer.

"Teka! Di ka familiar. Ikaw ba 'yung bagong tenant na nakatira sa rooftop?"

"Uhm, oo."

"Ako nga pala si Sabrina. You can call me Sab, Sabby, Sabrina. Ikaw bahala! Welcome sa Bahay Ni Pepay."

"Sandy!" sagot nito. "Uhm, saan ba pwedeng makabili ng breakfast dito?"

"Saan pa nga ba? Dito sa Bahay Ni Pepay hindi lang kuwartong paupahan ang meron. Kita mo naman diba na may café?" sabay turo sa nakapaskil sa ibabaw ng karihan. "Meron ding eatery dito. Nasa likuran nga lang ang pinto. Mura lang at masarap pa."

"Wow. Kompleto pala dito. So, ano bang luto ninyo?"

"Aye, oo nga pala 'no?" Napakamot ng ulo si Sabrina. Nakalimutan niyang magbigay ng menu. "Sandali ah. Kukunin ko lang sa loob."

Pumasok ng eatery si Sabrina upang kunin ang menu. Iisa lang kasi ang kusina ng café at eatery. Habang naghihintay si Sandy, sumisilip ito sa labas glass door upang tingnan ang labas. Napansin nito na may nakaupo sa labas kaya tumayo ito at binuksan ang pinto upang usisahin ang nakita.

Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita niya ang binata na nakahandusay sa labas. Nataranta ito kaya't bumalik siya sa loob at pinindot ng pinindot ang bell upang humingi ng tulong.

Lumabas naman na medyo naiinis si Sabrina dahil sa ingay ng bell.

"Andyan na po! Sandali lang. 'Eto na!"

Inabot naman niya agad-agad ang menu kay Sandy ngunit hindi niya ito pinansin. Taranta ang maipipinta sa mukha niya.

"Uhm, Sabrina! Kilala mo ba ang may-ari ng kuwarto na katabi ng akin?"

"Si Franco? Oo naman. Bakit? Crush mo?"

"Ha? Hindi, hindi!" isang mabilisang pag-iling ang ginawa ni Sandy. "Nasa labas kasi siya … nakahandusay."

Nanlaki ang mga mata ni Sabrina nang marinig niya ang mga katagang "handusay". Agad itong nagsisigaw, may tinatawag sa loob ng kusina.

"Omygosh! Kuya Charlieeee! Kuya Rylieeee!"

Maya-maya naman ay biglang lumabas ang dalawang chinito at bruskong lalaki na may suot na apron at may bitibit na sandok. Lubos na nabahala ang dalawa at kitang-kita ito sa naliligalig nilang mukha.

"Anong nangyari?" pag-aalala ni Charlie.

"May gulo ba? Asan?" paghahamon naman ni Rylie.

"Wala! Walang gulo." pilit na nagpapaliwanag si Sabrina. "Si Franco daw kasi eh …"

At lalo silang nabahala.

"Bakit? Anong nangyari sa kanya?" nanlilisik ang mga mata ni Rylie.

"Nakahundasay daw siya daan!" pagtataranta naman ng dalaga.

"Ano!!!" tanong ni Charlie.

"Nasaksak ba siya?" panghuhula ni Rylie.

"Nabugbog?"

"Nabaril?"

"Nasagasaan?"

"Teka lang!" isang malumay na sigaw mula kay Sandy ang nagpatigil sa panghuhula ng dalawang magkapatid. "Wala pong ganyan... uhm, puntahan niyo na lang siya sa labas nang malaman niyo po."

Agad na sumugod sa labas ang tatlo. Sumunod si Sandy.

Nang makarating siya roon, nakatayo lamang silang pinagmamasdan si Franco habang kinakamot ang kanilang ulo.

"Kung makahandusay naman kayo, akala namin duguan na." ani ni Charlie.

"Lasing lang pala!" pagka-inis naman ni Rylie "Haaay naku! 'Likana nga Charlie. Tulungan mo na lang akong buhatin 'tong batang 'to."

Binuhat ng magkapatid si Franco at ipinasok sa loob. Pinahiga nila ito sa sopa.

"Hindi niyo ba siya ipapasok sa loob ng kuwarto niya?" tanong ni Sandy.

Umiiling si Rylie. "Ayaw na ayaw niyang may pumapasok sa kuwarto niya. Kaya hayaan na natin siya diyan. At least komportable kesa sa labas."

Dahan-dahan namang tinanggal ni Sabrina ang mga sapatos nito. "Ito ang unang beses na umuwi siya ng lasing ah."

"Baka napasarap lang sa barkada." Sabi ni Charlie. "Hayaan na nating matulog 'yan diyan. Kailangan na nating bumalik ng kusina."

Bumalik ang dalawang lalaki sa loob ng kusina habang nag-aalala naman si Sabrina kay Franco. "Ano kayang pinagdadaanan nito?"

"Baka naman napasarap lang talaga sa barkada."

"Sana nga!" nanlumo ang mga mata ni Sabrina habang pinagmamasdan ang lasing na lasing na binata. "Haay! Halika na. Pumili ka na ng makakain mo."

Hinayaan na nilang mag-isa si Franco sa sopa at bumalik sila sa karihan.

Kinuha ni Sandy ang menu upang pumili ng makakain.

"Isang special longsilog."

Sinulat ni Sabrina ang order ni Sandy at agad itong inabot sa kusinero upang maihanda. Maya-maya ay dumating na rin ang pagkain ni Sandy.

"Isang order ng Special Longsilog!" sigaw ni Charlie.

Kinuha ito ni Sabrina at dahan-dahang inilatag sa mesa kung saan nakaupo si Sandy. Habang kumakain ito, nakipagkwentuhan sa kanya si Sabrina.

"Taga-saan ka ba, Sandy?"

"Uhm... taga-Maynila."

Umupo na rin si Sabrina para makausap ng maayos si Sandy. "Anong ginagawa mo dito sa San Carlos?"

"Mag-aaral ako dito ng kolehiyo. Magpapa-enrol nga ako pagkatapos kong kumain."

"Bakit dito pa eh mukhang marami namang magandang eskwelahan sa Maynila."

"Uhm… balita ko maganda daw mag-aral dito ng Literature."

Napanganga si Sabrina dala ng paghanga. "Mahilig kang magsulat ng mga kuwento at tula?"

Yumango si Sandy na nakangiti.

Bigla naman nanabik si Sabrina. "Mahilig ka rin ba sa Spoken Poetry?"

"Mmm... may naisulat lang ako pero di ko pa nasubukang mag-perform."

"Nakuuu! Subukan mo. For experience lang."

"Sige. Kung may chance... anyway, ang sarap ng pagkain. Salamat. Magkano lahat?

"Animnapu at limang piso lang lahat."

Binayaran ni Sandy ang kanyang kinain at tumingin sa kanyang relo.

"Mukhang kailangan ko ng umalis. Mauuna na ako. Nagagalak akong makilala ka Sabrina."

"Ako din Sandy. Ingat ka sa lakad mo."

Isang malaking ngiti ang kanyang ibinungad kay Sabrina saka ito lumabas.

Nakapinta pa rin ang ngiting yun nang harapin niya ang bagong mundong kanyang gagalawan. Handa na siyang yakapin ang bagong buhay ng kanyang sisimulan pa lamang.

"San Carlos, andito na 'ko!" bulong niya sa sarili.