Chereads / My Love Next Door / Chapter 6 - New Found Friend

Chapter 6 - New Found Friend

Sa dinami-rami ng pwedeng puntahan, sa bayan ng San Carlos napadpad si Sandy. Sa katunayan, personal niya itong pinili dahil sa isang mahalagang misyon.

Suot-suot ang maong na jumper at dala-dala ang maitim na sling bag, nagpatuloy si Sandy sa kanyang lakad. Dahil hindi pa pamilyar sa kanya ang lugar, nagtatanong ito sa mga drayber at tindera sa daan kung paano makakarating sa eskwelahan kung saan siya magpapaenrol.

Sakay ng taxi, nahanap niya rin ang Unibersidad ng San Carlos. Ibinaba siya ng taxi driver sa harap ng malaking pulang gate at isang malaking ngiti ang nakapinta sa kanyang mukha habang minamasdan ang eskwelahang matagal na niyang pinangarap na mapasukan.

Pumasok siya sa loob at dumiretso sa gusali ng College of Arts. Pagdating niya roon ay kumuha agad ito ng form at naghanap ng bolpen sa loob ng bag. Sa dami ng laman at sobrang gulo ng bag niya, nahirapan itong hanapin ang bolpen. Kinailangan pa niyang ilabas lahat ng gamit niya upang mahanap lang ang bolpen. Sa paghahalungkat niya nahanap niya rin ito sa wakas.

Nagpatuloy siya sa pagfi-fill up ng form. Masaya siyang isulat ang kursong Bachelor of Arts in Literature sa papel na 'yon. Pagkatapos niyang magsulat ay ipinasa niya ito agad sa registrar. Ilang minuto ang kanyang hinintay matapos ibigay muli sa kanya ang papel.

"Punta ka lang ng cashier, Miss. Kapag nakapagbayad ka na ng down payment, may matatanggap kang COR, patunay na officially enrolled ka na." paliwanag ng registrar.

"Salamat po."

Tumungo na ng cashier si Sandy. Nang makarating siya sa cashier, umakma itong kunin ang pitaka sa loob ng bag ngunit hindi niya mahanap. Hinalungkat niya ito ng maigi ngunit sadyang wala sa loob ang pitaka niya.

"Miss, may problema ba?" tanong ng kahera.

"Di ko po mahanap ang pitaka ko." paliwanag ni Sandy.

"Baka naiwan mo sa bahay? Kung hindi naman, balikan mo na lang 'yong dinaanan mo. Baka nahulog mo lang."

"Sige po. Babalik na lang po ako."

Sigurado si Sandy na hindi niya ito naiwan sa bahay dahil nakapagbayad pa siya ng taxi. Sigurado din siya na hindi niya ito naiwan sa taxi dahil tandang-tanda niya na ipinasok niya ito sa loob ng bag. Bumalik siya ng gusali ng College of Arts at nagbabakasakaling mahanap niya roon ang pitaka.

"Nasaan na kaya yung wallet ko? Paano ko naman kaya nalaglag 'yon?" gulong-gulong si Sandy. Kung saan-saan na siya naghahanap ngunit di niya makita. "Paano kung may nakapulot na sa pitaka ko? Nandun pa naman ang allowance ko, perang pang-enroll at mga ATM cards ko. Haaai naku, Sandy! Burara ka talaga! Paano na 'to ngayon?"

Sobrang nabahala si Sandy sa pagkawala ng pitaka niya. Ngunit hindi pa rin ito sumuko. Nakatingin ito sa daan habang naglalakad. Sinuri niya ang paligid at loob ng gusali nagbabakasakali na baka mahanap niya roon ang hinahanap.

Habang naghahanap ito, isang binata naman ang biglang sumulpot sa kanyang harapan kaya naman nabangga siya sa dibdib nito. Tumingala si Sandy at sinalubong siya ng isang matamis na ngiti. Nagulat si Sandy kaya bahagya itong napaatras at muntikan ng natumba.

Mabilis naman ang galaw ng binata. Agad niyang niyakap si Sandy upang hindi tuluyang matumba at hinila ito palapit sa kanya. Ang lapit-lapit ng mukha nila sa isa't-isa. Sa sobrang lapit, hindi naiwasan ni Sandy na suriin ang pagmumukhang iyon.

Nagsisigaw ang isip ni Sandy habang pinag-aaralan nito ang mukha ng binata. "Ang gwapo naman ng lalaking 'to! Parang anghel! Nakakainis! Ang kinis ng balat! Mas makinis pa sa 'kin. Sana all walang pores! Ano ba yan! Nakaka-insecure!!!"

"Nakita rin kita. Kanina pa kita hinahanap." napakalambing ng boses ng binata at ang mga mata niya'y nangungusap.

"Ha?" ang tanging lumabas sa bibig ng dalaga. Agad-agad naman itong kumawala sa hawak ng binatang kausap.

Nagharap sila ng maayos. Napatingala na lang si Sandy sa tangkad ng kanyang kaharap. Samantala, may hinuhugot naman ito sa bulsa ng kanyang pantalon at nagpakita ng isang pink na leather wallet.

"Sayo 'to, hindi ba?"

Napanganga sa tuwa si Sandy. "Wallet ko!!!"

"Naiwan mo kanina sa mesa habang nagfi-fill up ka ng form."

"Dun ko pala naiwan?" naguguluhan pa rin si Sandy kung paano niya ito nahulog. Gayunpaman hindi niya na ito inisip. Ang mahalaga ay naibalik na sa kanya ang pitaka niya.

"Sinubukan kitang habulin kanina kaya lang ang bilis mong maglakad eh. Hangga't sa nawala ka sa paningin ko at di na mahanap. Buti na lang bumalik ka."

"Oo nga eh. Salamat ha."

"Walang anuman. Pero sa susunod mag-ingat ka na kasi hindi lahat ng tao capable of doing good."

Yumango si Sandy at ngumit na lamang. "Noted."

"Inigo Rosales, Fine Arts, sophomore." inabot ni Inigo ang kanyang kamay kay Sandy at ipinakilala ang sarili.

"Sandy Mallari, Literature, freshman." tinanggap niya ang kamay ni Inigo at ngumiti.

"Gusto ko sanang i-welcome ka dito sa USC kaso hindi ka pa enrolled." natawa si Sandy sa sinabi ni Inigo. "Tara! Sasamahan na kita."

"Ha? Wag na. Nakakahiya naman sayo. Di na kailangan."

"Bakit ka naman mahihiya eh ililibre mo naman ako mamaya? Siyempre may bayad ang pagsauli ko ng pitaka no."

Nawala ang ngiti sa mukha ni Sandy at nanghuhusga ang isipan niya. "Mukhang anghel lang pala 'to pero mandurugas naman pala."

"Disappointed ka?" nang-aasar na ngumiti si Inigo.

"Sobra!" Umiling ng natatawa si Sandy, naghihintay na bawiin ni Inigo ang sinabi niya. Ngunit mukhang seryoso ang binata sa kanyang sinabi. "Sige na nga. Manlilibre na!"

Natuwa naman si Inigo sa naging response ng magandang dalaga.

"Niiice! Tara!"

Naglalakad patungong cashier ang dalawa. Mahaba ang pila. Sa sobrang haba, tinanghali na sila. Nang makapagbayad na si Sandy, natanggap niya na rin ang Certificate of Enrolment na siyang ikinatuwa niya dahiil sa wakas ay parte na siya ng institusyon.

"Ayos! Ngayon pwede na kitang i-welcome." Tumayo ito ng tuwid at itinaas ang dalawang kamay sa hangin at sumigaw. "WELCOME TO THE UNIVERSITY OF SAN CARLOS!"

Tiningnan lang ni Sandy ang masayahing binata at natawa sa pinanggagawa nitong kalokohan.

"Salamat ha... pero para kang t----!" hindi na itinuloy ni Sandy ang sasabihin niya dahil ayaw niyang maka-offend. Lalo na't hindi niya pa gaanong kilala si Inigo. "... baka gutom lang yan. Saan mo ba gustong kumain?"

"Hmmm ... may paborito akong cake shop dito sa San Carlos. Pero wag kang mag-alala. Hindi naman mahal."

"Cake shop? Di ka ba manananghalian? Tanghali na kaya."

Napakamot ng ulo si Inigo. "Oo nga noh? Hmmm ..."

"Aah alam ko na!" lumiwanag ang mukha ni Sandy nang makaisip siya ng isang ideya. "Ba't di na lang tayo mag-siomai o kwek-kwek sa daan? Kanya-kanyang bayad muna, pagkatapos, saka tayo pumunta dun sa gusto mong cake shop. Game?"

Nag-alinlangan si Inigo. Nagtatalo ang isip nito. "Street foods? Eh bawal ako nun! Pero teka, okay lang naman siguro kahit once lang."

Kailanman ay di pa siya nakakakain ng street food dahil sobrang health conscious ng parents niya.

"Hindi naman kailangan malaman ni Mama." Argumento nito sa sarili. "Sige! Tara!"

Naglakad ang dalawa papunta sa labas ng gate kung saan nakahilera ang iba't-ibang klase ng street food - siomai, fishball, kwek-kwek, proven, boopies at iba pa. Takam na takam na tinitingnan ni Sandy ang mga pagkain sa stall.

"Gutom na gutom na ako. 'Lika na!" hinila ni Sandy ang braso ni Inigo at nakipagsiksikan sa mga taong bumibili at kumakain.

Proven at siomai ang naisipang kainin ni Sandy kaya naman ay doon siya nakipagsiksikan. Nakisabay na rin si Inigo. Pinapanood niya ang mga kilos ng tao upang pag-aralang kung paano kumain ng street food.

"Kuya, magkano po ang isang stick ng proven?" tanong ni Sandy sa tindero.

"Limang piso lang, miss."

"Eh, ang siomai po?"

"Sampung piso ang tatlong piraso."

"Nice! Makakamura talaga tayo basta street food, no?"

Habang masayang kumakain ng proven at siomai si Sandy, halatang-halata naman kay Inigo ang pag-aalinlangan sa pagkain. Napansin ni Sandy na nakatayo lang ito at nakatingin lang sa pagkain.

"May problema ba?" tanong ni Sandy.

Umiling lang si Inigo na nakangiti. Kumuha ito ng isang stick ng proven at sinubukang kumain ngunit nagdadalawang isip pa rin.

"Di ka ba kumakain nito?" hula ni Sandy.

Tiningnan niya si Inigo mula ulo hanggang paa at saka niya lang napansin na bihis-mayaman pala ang kasama niya, branded ang suot na damit at sapatos, malinis at makinis din ang balat. "

"Naku! Sana sinabi mo na di ka kumakain ng ganito. Pwede namang sa fast food na lang tayo kumain."

"Uy, anong hindi. Kumakain ako nito no. Ano ka ba?"

"Weh? Parang di ka nga marunong eh!"

"Huy marunong ako! Wag kang judgemental!"

Agad na isinubo ni Inigo ang hawak na proven. Hindi niya inasahan na magugustuhan niya ito. Nakakain siya ng sampung stick ng proven at dalawang set ng siomai. "Mmm… In fairness, mas masarap pa ang siomai nila dito kesa siomai sa mga restaurant na kinakainan namin ng parents ko."

"At mura pa!" dagdag ni Sandy. Pinagmasdan nito si Inigo na nagdagdag pa ng isang set ng siomai. "First time mo ngang kumain dito."

"Hindi nga."

Natatawa si Sandy sa kasama na panay ang deny. Natutuwa rin itong isipin na nagkaroon siya ng bagong kaibigan.

Pagkatapos nilang kumain ay bumalik sa loob si Inigo.

"Sandali lang Sandy ha. Antayin mo lang ako dito. May kukunin lang ako sa loob ng school. "

Habang naiinip sa paghihintay si Sandy at naiinitan sa panahon, isang magarang Aston Martin ang sumulpot sa tabi niya at bumusina. Bumaba ang car window sa driver's seat at bumungad ang gwapo at nakangiting mukha ni Inigo.

Napanganga naman si Sandy.

Kumpirmado! Ang yaman-yaman nga ng bago niyang kaibigan.