Hinatid ni Inigo si Franco sa bahay nila.
Habang nagmamaneho ito, naalala niya ang nangyari apat na taon na ang nakalipas.
Second year high school sila noon, nag-aaral sa isa sa mga prestihiyosong eskwelahan ng San Carlos, ang Don Carlos Academy. Dito lang naman nag-aaral ang mga heredero at heredera ng mayayamang haciendero, bigating negosyante at mga pulitiko ng San Carlos.
Buwan ng Setyembre, sumali si Inigo sa Basketball try-outs para sa Intramurals. Nagkataon na isang miyembro na lang ang kulang upang mabuo ang team. Sadyang magaling sa sports si Inigo kaya naman siya ang napili laban sa tatlong katunggali. Isa roon ay anak ng isang pulitiko na hindi matanggap ang pagkatalo.
Kinabukasan, inabangan siya sa Barangay 13 kung saan siya napadaan pauwi at doon ginulpi. Nabalian siya ng buto sa kanang braso at binti kaya pinayuhan ng doktor na umiwas na muna sa pisikal na gawain tulad ng sports. Dahil sa aksidenteng yun, napalitan ang puwesto ni Inigo at hindi na siya nakapaglaro pa.
Mahalaga kay Inigo ang makapasok sa liga. Matagal na itong inasam ni Inigo. Nais niyang makapaglaro ng basketball upang mapanood siya ng Daddy niya na makakauwi mula Germany.
Nasa ospital na si Inigo nang malaman ng mga kaibigan niya ang nangyari. Kaya binisita siya ni Emari, Zein at Arvin.
"Mahalaga ba talagang makasali ka sa liga, brad?" tanong ni Arvin.
Tumango lang si Inigo.
"Okay lang yan. Pwede ka pa naman maglaro sa susunod na kompetisyon."
Malungkot ang mga mata ni Inigo.
"Gusto kasi sana niyang mapanood siya ni Daddy." Paliwanag ni Chelsea, kapatid ni Inigo. "He wants to make Dad proud. Gusto niyang makita niya na magaling siyang maglaro. Yung Intramurals sana ang saktong panahon kasi nandito pa siya sa Pilipinas. Hindi kasi namin alam kung kailan siya ulit makakauwi kapag bumalik siya ng Germany."
Habang nagkukuwento si Chelsea, nahabag naman ang kanyang ina.
Pinakamalapit talaga si Inigo sa kanyang ama. Basketball ang paborito nilang bonding. Nang ma-promote ang Daddy niya sa kompanya, sa Germany ito nadestino. Mula noon ay laging nang nangungulila si Inigo sa ama.
"Nasaan nga ba si Franco? Bakit kayo lang?" napatanong naman ang Mommy ni Inigo nang mapansin niyang kulang ang magkakabarkada.
"Hindi po namin alam eh. Nang malaman niya ang tungkol kay Inigo, kumaripas siya ng alis. Akala nga namin dumiretso yun dito." Paliwanag ni Emari.
Biglang bumukas ang pinto at mukha ni Franco ang dumungaw mula sa pintuan. Marungis. Sugatan ang kamay. At may pasa sa mukha. Nag-alala ng lubusan ang maawaing ina ni Inigo. Parang anak na rin kasi ang tingin niya kay Franco.
"Franco!!! Anong nangyari sayo? Bakit ganyan ang mukha mo? May mga sugat at pasa ka!" nilapitan niya si Franco at pinaupo upong linisin ang marungis niyang mukha.
"Okay lang po ako, tita!"
"Pare! Sinong may gawa niyan sayo?" nag-aalalang tanong naman ni Inigo.
"Niresbakan ko yung may gawa sayo niyan."
"Ano!!!" sabay na sagot ng magkakaibigan.
"Hindi mo naman dapat ginawa yun, Franco! Makapangyarihan at may pera ang pamilya ng taong yun." Kuwento ni Emari.
"Eh ano ngayon? Hahayaan na lang ba natin na maghari-harian ang gagong yun?"
"Pero kasi… baka gamitin niya ang impluwensya ng pamilya niya para makaganti sayo." Pag-aalala ni Arvin.
"Okay lang. Wala akong pake. Hindi ako natatakot. Ang importante ay basag ang ilong niya." nakangiti pa nang sumagot si Franco.
Pinagmasdan naman ni Inigo ang kaibigan habang ginagamot siya ng kanyang ina. Bilib talaga siya sa tapang at kabaliwhan ng kaibigan. Pakiramdam niya ang suwerte-swerte niya at naging kaibigan niya si Franco, isang kaibigang handang gawin ang lahat para sa minamahal.
"Salamat Franco ha!" tugon ng ina. "Pero hindi violence ang solusyon. Naiintindihan? Ikaw din ang mapapahamak niyan. Gayunpaman, asahan mo, anuman ang mangyari nandito kami para sayo."
"Salamat po, tita! Kaya lang di ko maipapangako na hindi maging bayolente eh."
Natawa na lang ang lahat sa sagot nito.
Sa sumunod na linggo, ipinatawag ng Prefect of Discipline si Franco dahil nakarating sa administrasyon ang ginawa nitong pambubugbog sa anak ng pulitiko. Hinatulan agad nila ito ng expulsion na hindi man lang hiningi ang kanyang paliwanag. Hindi na rin nagtangkang magpaliwanag si Franco. Hindi niya pinilit iligtas ang sarili at tinanggap ang hatol sa kanya.
Nang bumalik ito ng classroom, kinuha niya ang kanyang bag. Ikinagulat ito ng mga kaibigan at mga kaklase niya.
Nag-aalala ni Inigo. "Teka, san ka pupunta? Di pa tapos ang klase, ah!"
"Bored ako eh! Uwi na ko!" Nakangiting sagot ni Franco.
Nainis si Emari. "Magka-cutting ka? Baka gusto mong sipain kita?"
"Bye guys!"
Tuluyang umalis si Franco at hindi nilingon ang mga kaibigang takang-taka sa kinikilos nito.
Kinagabihan...
Ring ng ring ang doorbell ng tahanan nila Inigo. Nang buksan niya ito, hinihingal at alalang-alala ang mukha ni Arvin, Zein at Emari.
"Gabi na ah. Ba't bigla kayong napasugod dito?"
"Haaay! E-wan ko dito kay Arvin." Humihingal pa si Emari dahil sa pagmamadali nila. "Bigla na lang kaming hinila at pinatakbo papunta sa bahay niyo. May masama daw siyang balita."
"Ano ba yun?"
Napayuko sa pagod si Arvin. "Pwedeng pumasok muna sa bahay niyo? Tsaka, penge na ring tubig."
Pinapasok ni Inigo ang magkakaibigan at pinaupo sa sala. Pagkatapos nitong uminom ng tubig, ikinuwento niya ang nangyaring hatol kay Franco. Naroon din ang parents ni Inigo nang magkuwento si Arvin.
Napatayo sa inis si Emari. "Expelled agad? Hindi man lang nila inalam kung anong nangyari? Ang unfair!!!"
Samantalang si Zein naman na minsan lang magsalita ay nagpakita rin ng pag-aalala. "Napaka-bias nila! Dapat inexpel rin nila yung nang-gulpi kay Inigo!"
"Paano mo ba nalaman ang tungkol dito, Arvin?" tanong ni Inigo.
"Ikinuwento ng kuya ko. S.A. kasi siya ng Prefect of Discipline. Naroon siya nang mag-usap sila ni Franco." naghinaing naman ni Arvin. "Hindi dapat natin hayaan mangyari ito kay Franco!"
Huminga ng malalim ang Daddy ni Inigo at tiniklop ang mga braso sa kanyang harap. "Don't worry, kids! We will do something about this. We will talk to the school admin."
"Yes. Leave it to us. Okay? Gagawin naman lahat para mapabalik ng DCA si Franco." paniniguro ng Mommy ni Inigo. "As for all of you, umiwas kayo sa gulo. Naiintindihan?"
Sumang-ayon naman ang apat.
Kinabukasan, buong araw iniisip ni Inigo ang kaibigan. Pagkatapos ng klase, agad nitong pinuntahan ang administrasyon ng paaralan. Kahit nahihirapan maglakad dahil sa natamong pilay, inakyat pa rin nito ang pang-apat na palapag. Kahit na ang buong faculty ay nasa kalagitnaan ng meeting, pinasok niya pa rin ang bulwagan upang umapila para sa kaibigang hinatulan ng expulsion.
"Magandang hapon po sa lahat." bati niya.
Tumingin ang lahat ng guro at staff ng Don Carlos Academy sa biglang pumasok na estudyante. Nagkataon na naroon din ang may-ari ng paaralan. Nagtinginan sila sa isa't-sa at nagbulungan.
"Hindi ba't siya yung nabugbog sa Barangay 13?"
"Siya ba yun? Bakit siya nandito?"
"Anong kailangan niya?"
"Hindi man lang kumatok. Nasaan na ba ang manners ng mga kabataan ngayon?"
Huminga ng malalim si Inigo. "Marahil ikinagulat po ninyong lahat ang biglaang pagsulpot ng isang estudyante sa kalagitnaan ng inyong meeting. Ako nga po pala si Inigo Rosales. Kung inyong makikita, ako po ay sugatan, may mga pasa at napilayan. Marahil ay narinig niyo na rin ang tungkol sa akin. Ako po ay biktima ng pambubugbog ng isa sa mga estudyante dito sa Don Carlos Academy."
Nandilat ang mga mata ng iilan sa mga guro. Pati na rin ang principal.
"Estudyante natin ang nambugbog sa kanya?"
"Akala ko ba na mga sanggano sa Barangay 13 ay may gawa sa kanya niyan?" bulungan ng mga guro.
"Sino kaya may gawa niyan? Si Rizon din kaya?"
"Sinong Rizon? Siya ba yung nambugbog sa anak ni Vice Mayor Solaiman?
"What's going on Mrs. Abragan?" bulong ni Mr. Dantes, ang may-ari ng paaralan, sa prinsipal.
Tumayo si Mrs. Abragan. Inayos ang salamin. At kalmadong hinarap ang mag-aaral.
"Mukhang may mahalaga kang sasabihin, Mr. Rosales. What can we do for you?"
"Tama po ang narinig ninyo. Ako po ay binugbog ng isa sa mga estudyante ng Don Carlos Academy. Dahil sa insidenteng yun, nanakawan po ako ng oportunidad."
Nakinig ang lahat sa kuwento ni Inigo. Samantalang sinusuri naman ni Mrs. Abragan ang motibo ni Inigo. "Nandito ka ba para humingi ng hustisya sa nangyari sayo?"
"Parang ganun na rin po. Naniniwala po ako sa hangarin ng paaralang ito na hulmahin ang bawat mag-aaral na hindi lang maging magaling sa akademiya at sa larangan ng talento at galing kung hindi pati na rin ang disiplina sa sarili at pakikipagkapwa tao. Ang estudyanteng may gawa po sa akin nito ay walang iba kung hindi si Ben Solaiman, ang estudyanteng nabasag ang ilong dahil sa pambubugbog ni Franco Rizon."
Muling nagbulungan ang mga tao sa bulwagang yaon.
"Kaibigan ko po siya. People judge him as violent, basag-ulo, masama ang ugali at mainitin ang ulo. Totoo po yun. Gayunpaman, alam ko, bilang kaibigan niya, lahat nang ginagawa niya ay may dahilan. Alam ko pong mali ang ginawa niya. Subalit nagawa lang po ni Franco yun dahil sa nangyari sa akin."
"Mr. Rosales, the ends do not justify the means." nagsalita si Mr. Uy, ang prefect ng school. "Ano man ang dahilan ng kaibigan mo, ang mali ay mali pa rin."
"Narinig ko pa ang hatol ninyong expulsion sa kaibigan kong si Franco. Hindi po ba't unfair na na-expel po siya samantalang ang may gawa nito sa 'kin ay malayang naglalakad sa school grounds ng akademiyang ito?"
Nahabag sa kuwento ang maawaing si Mr. Ferrer, ang assistang prinsipal ng DCA. "Mrs. Abragan, inalam po ba natin ang side ni Mr. Rizon bago siya nahatulan ng expulsion?"
Tumingin si Mrs. Abragan kay Mr. Uy. "Hindi nakarating sa akin ang sitwasyon ni Mr. Rizon at Mr. Solaiman. Mr. Uy, maaari mo bang ipaliwanag sa akin ito? Paanong may expulsion na nangyari nang hindi man lang napagkasunduan ng Faculty?"
Hindi nakasagot si Mr. Uy.
"This is unfair." Pahiwatig ni Mr. Ferrer. "Kung hahatulan ng expulsion si Mr. Rizon, hindi ba dapat hatulan din natin ng expulsion si Mr. Solaiman. Kung inyong titingnan, mas malaking damage ang nagawa niya kay Mr. Rosales."
"That's enough!" mahinahong pag-awat ni Mr. Dantes. Tumayo ito at kinausap ang lahat. "It is clear that we have become bias in our decisions in terms of handling our students' misbehavior. Thank you for the clear story, Mr. Rosales. Please tell your friend that his expulsion is void and nulled. Subalit asahan niyang may kakaharapin pa rin siyang parusa. A suspension perhaps? The same thing goes for Mr. Solaiman. If you have no other concern, you may leave in peace at mukhang mayroon kaming mahalagang pag-uusapan with Mr. Uy. Okay lang ba yun?"
Parang nabunutan ng tinik si Inigo sa narinig niya kay Mrs. Abragan at hindi napigilang ngumiti. "Maraming salamat po!"
Dali-daling umalis si Inigo upang puntahan si Franco sa bahay nila. Nahanap niya ito sa balkonahe tumutugtog ng gitara.
"Huy gunggong!" tawag ni Inigo.
Lumingon sa kanya si Franco. "Gunggong ka rin! Bakit ka nandito?"
"Absent ka eh."
"Nakakatamad pumasok eh."
"Gunggong ka talaga. Alam namin na-expel ka."
Napatigil saglit si Franco at nahiya. "Alam mo na pala eh ba't ka pa nagtataka kung bakit ako absent."
"Pasok ka bukas ha?"
"Gunggong. May expelled bang papasok pa?"
"Binabawi na nila expulsion mo."
Nagulat si Franco. "Ano? Paano? Anong ginawa mo?"
"Basta! Siyempre ginawa mo yun para sa 'kin, di ba? Alangan naman na iwan kita sa ere."
Tumingin ito kay Inigo. Sekreto itong ngumiti. Hindi man niya masabi, nagpapasalamat ito sa kaibigan.
"Ang korny mo. Kunin mo na nga lang yung beatbox sa loob. Jam tayo."
"Okaaay!"
----------------------------
"Para sa kaibigan gagawin mo talaga lahat."
Nang dumating sila sa bahay ni Franco, sarado ang gate.
"Iwanan na natin 'to dito." mungkahi ni Emari.
"Ha? Bakit naman?" sagot ni Inigo.
"Lalabas na rin naman si Lola Pepay maya-maya. Kapag nakita nila si Franco, tutulungan din nila yan. Kailangan na nating iuwi si Arvin. Iihi na 'yon sa sasakyan."
Nataranta si Inigo sa sinabi ng kaibigan kaya ginawa niya ang mungkahi nito. Iniwan nila si Franco na nakasandal sa labas ng pintuan saka sila tuluyang umalis.
Si Franco ang halimbawa ng taong nagmahal, nasaktan, nag-inuman at iniwan ng lasing sa daan.
Ano kaya ang kahahantungan ng binata? Isang palaisipan lalo na sa nag-aalalang kaibigan.