Nandilat ang mga mata ni Franco. Hindi sigurado sa nakikita.
Samantala, nasa likuran lang ang mga kaibigan niya at naghahanda sa anumang gagawin nito. Biglang sinugod ni Franco ang dalawang mag-irog at nataranta naman ang mga kaibigan niya.
"Parts!" sigaw ni Emari na sumusunod sa galit na galit na kaibigan.
"Pare! Relax ka lang! Hoy!" sinubukan namang pigilan ni Inigo si Franco ngunit tinulak lang siya nito.
Nilapitan niya ang dalawa at pinaghiwalay upang masigurado niya kung si Sheena nga ba talaga ang nakita niya.
"Hey!!!" reklamo ng babae. Nang makita niya ang mukha ni Franco, bigla itong namutla.
"Ikaw nga!" ang bungad ni Franco.
"Franco!" mahinang sagot ng Sheena.
"What do you think you're doing, asshole?" pang-iinsulto naman ng kasamang lalaki.
"Asshole yang mukha mo!!!"
Isang malakas na suntok ang inimbay ni Franco sa mukha ng lalaking kasama at tumilapon ito sa lupa.
"Yuan!!!" Napasigaw si Sheena.
Hindi pa nakontento si Franco, sinipa niya pa ito habang subsob pa sa lupa.
Pinipigilan naman siya ng babae. "Franco, stop! Please! Tama na!"
Ngunit ayaw nitong magpaawat.
Sumugod na rin si Arvin at Emari upang pigilan ang kaibigan. Nang tumayo naman ang kaaway, hinawakan agad ni Inigo ang kanyang mga kamay upang hindi ito makaganti.
"Pare, tama na!" pakiusap ni Arvin kay Franco.
"Franco!" ang tanging nasabi ni Sheena. Galit ang mukha nito. "Sabing tama na eh!"
Samantalang nanlilisik naman ang mga mata ni Franco at isang mahabang titigan ang namagitan sa kanila ni Sheena. Binasag naman ni Franco ang sandaling katahimikang yaon.
"Ano 'to? Anong kagaguhan 'to?"
Hindi siya makasagot, tila naghahanap ng ipapaliwanag.
Humihingal sa galit si Franco. Hindi niya inaalis ang mga nanlilisik niyang tingin sa kausap. "Bakit? Bakit, Sheena? BAKIT!!!?"
"Anong bakit?" sagot naman ni Sheena na bahagyang natatawa. Matapang ang mukha niya tila hindi nagsisisi sa nangyari. "Tinatanong pa ba yun? Alam mo Franco? Mabuti na rin talaga na nahuli mo rin ako, eh! Nang sa gayon ay hindi na ako mahirapang tapusin kung anong meron tayo."
Kumawala si Franco sa mga kamay ng kaibigan at marahan na lumapit kay Sheena.
"Diyan ka lang! Wag kang lalapit!"
"Ano bang sinasabi mo?"
"Ang sinasabi ko ... ayoko na sa'yo!"
Sa galit, hinampas ni Franco ang mga kamay sa kotse na siyang nagpatunog ng alarm nito.
"Anong bang nagawa ko sa'yo at ginagago mo 'ko ng ganito? HA!!! Ginagawa mo pa akong tanga, eh!" nagsisigaw sa galit ang binata.
Hindi ulit nakasagot agad si Sheena.
"Ano ba!? Sumagot ka!"
"Hindi na kita mahal!" mahinang sagot ni Sheena.
Tila hindi ito narinig ni Franco nang maayos. "Ano? Anong sinabi mo?"
"HINDI – NA – KITA – MAHAL!" sa pagkakataong ito malakas na ang boses ni Sheena na halos marinig na siyang ng lahat ng taong nandoon. "Kaya tantanan mo na 'ko!"
Parang binuhusan ng isang baldeng yelo si Franco sa sinabi ni Sheena. Naninigas ang buong katawan. Humihiyaw ang kalooban. Umatras ang dila. Hindi na siya nakapagsalita.
"Halika ka na Yuan."
Kumawala ang lalaki sa hawak ni Inigo at pumasok sa loob ng kotse.
"Sheena!" naging mahinahon ang boses ni Franco. "You don't mean what you say!"
"I mean it! Tapos na tayo Franco!" ang huling mga salita ni Sheena. Pumasok siya ng kotse at binagsak ang pinto.
"Sheena!!!" sinubukang pigilan ni Franco ang kotse ngunit kumaripas na ito sa pagtakbo. Sa galit niya, kinuha niya ang kanyang helmet at ibinagsak sa lupa.
"Ooy! Sayang naman ng helmet mo brad!" reaksyon ni Arvin. Siniko naman siya ni Emari.
Tumabi si Inigo at tinapik ang balikat. Kahit anong sabihin niya, alam niyang hindi niya mapapakalma ang kaibigan. Bagama't nais pa rin niya itong damayan. "Inom tayo?"
Pumasok muli ang apat sa club at kumuha na isang timba ng inuming nakakalasing. Ganun naman talaga ang tao, hindi ba? Kapag ang puso ay wasak, kumakapit sa alak.
Ang limang taon nilang pagsasama ay tinapos lang sa apat na salitang 'Hindi na kita mahal!'
Kailan pa?
Paano nawala ang pag-ibig?
Biglaan ba? O baka sa tagal ng panahon ay dahan-dahan itong nilamon ng konting di pagkakaintindihan, o ng mga hiling at oras na hindi maibigay, o di kaya ang kakulangan sa pag-unawa.
Ako ba ang nagkulang? O siya ang hindi nakontento?
Dumaragsa ang mga tanong sa isip ni Franco na pilit niyang nilulunod sa alak.
Buong umaga nag-inuman ang apat. Limang bucket ng inumin din ang naubos nila. Lasing na lasing na si Franco at Arvin. Samantalang si Emari ay naisipang kontrolin ang sarili para sa mga kaibigan. Hindi rin nagpasobra ng inom si Inigo dahil magmamaneho pa ito ng sasakyan.
"Huy, Arvin! Ang OA mong uminom. Hindi ikaw yung iniwan, huy!" sita ni Emari.
"Iuwi na natin 'to! Mukhang babagsak na, eh." sabi ni Inigo. "Nasaan nga pala si Zein?"
"Umuwi na agad pagkatapos ng gig." sagot ni Emari habang pinapatayo si Franco. "Parts, tayo ka na. Uwi na tayo."
Bitbit ng dalawa ang mga kaibigan nila nang biglang nagwala si Franco sa labas ng club, nagmumura sa hangin, tinatawag ang pangalan ni Sheena at sumisigaw na hindi siya maghihinayang, na wala siyang pakialam. Ngunit maya-maya ay hahagulhol ito na parang bata at sasabihing hindi niya kayang mabuhay na wala siya. Minsan naman ay tatawa na parang baliw.
"Awat na Franco!" pakiusap ni Emari.
Tinangkang pakalmahin ito ngunit mas lalo pa itong nagwala. Sinipa niya ang stante ng North Avenue at nasira ito. Hindi pa siya nakonteto. Pinagsusuntok niya ang pader hangga't sa nagkasugat-sugat ang kamay.
"Arrgh! Paano ba 'to! Inigo! Awatin mo nga!" reklamo ng kaibigang walang magawa. Sobrang frustrated ang pakiramdam ni Emari sa nakikita.
Gusto mang awatin ni Inigo si Franco, nahihirapan ito sa pag-alalay kay Arvin na tulog na tulog sa kalasingan. "Sandali! Ipapasok ko lang si Arvin sa loob ng sasakyan."
Sa inis ni Emari, kinuha niya ang helmet ni Franco at hinampas sa mukha niya. Nawalan ito ng malay at nagkapasa sa mukha.
"Sorry parts!"
Nang maipasok na ni Inigo si Arvin sa loob ng kotse, tinulungan naman nito si Emari kay Franco. Nagulat naman ito nang makitang bagsak na sa lupa si Franco.
"Anong ginawa mo?"
"Pinatumba ko! Ayaw magpaawat eh!"
"Okay na rin yan! Haaay! Tahimik siyang tao pero kapag nagalit, di mo talaga maaawat."
"Ganyan talaga siya no? Naalala mo ba noong high school tayo? Nung sophomore years? Nung pinagtripan ka ng mga juniors? Galit na galit siya para sa'yo. Bespren niya ang inagrabyado eh!" alala ni Emari.
"Siyempre di ko malilimutan yun! Muntikan na kaya siyang makick out nun dahil binasag niya ang ilong ng estudyante. Buti na lang tinanggap nila ang excuse natin kung bakit niya nagawang makipag-away."
"Di niya talaga makontrol sarili niya kapag nagagalit siya. Naninira ng mukha. Haaay!"