Habang mahimbing na natutulog si Sandy, gising na gising at bihis na bihis naman ang may-ari ng katabing kuwarto.
Simpleng gray na v-neck shirt na binalutan ng itim na leather jacket at maong na kupas na may malaking tastas sa magkabilaang tuhod ang suot ni Franco Rizon. Minamasdan ng binata ang sarili sa salamin habang abala ito sa pagtatali ng kanyang mahabang buhok. Makapal na ang balbas sa kanyang baba ngunit nang tingnan niya ang kanyang relo, naisip niyang wala ng oras para mag-ahit. Dahil diyan, naging maangas ang itsura ng binata. Mas lalo pa itong umangas nang lagyan niya ng hikaw ang kaliwang tenga.
Habang abala ito sa pagpapagwapo, ring naman ng ring ang cellphone niya sa ibabaw ng mesa. Matapos niyang isuot ang hikaw ay dali-dali niyang itong sinagot. Sumisigaw ang boses sa kabilang linya. Bagama't naiirita, kalmado pa rin itong sumagot.
"Paalis na! 'Eto na nga. Nagmamadali na! Bye!"
Pinutol niya ang pag-uusap. Hindi man lang pinatapos ang nagsasalita sa kabilang linya. Ipinasok niya sa loob ng leather jacket ang cellphone niya, nagmamadaling dinampot ang gitara na maayos na nakasandal sa pader, kinuha ang mga susi na nakasabit sa likuran ng pinto at saka lumabas ng kuwarto.
Halos tumatakbo na siyang bumababa ng hagdanan. Nang makarating siya ng gate, nakasalubong niya ang landlady, matanda na at uugod-ugod na maglakad.
Isang magandang ngiti ang bati nito sa nagmamadaling binata. Huminto ito saglit sa pagtakbo. Isang matamis na halik ang kanyang idinampi sa noo ng matanda, saka ito sumakay sa kanyang itim na motor. Isinuot niya ang helmet at bago siya umalis ay muli niyang kinausap ang matanda.
"La, may gig po ako! Pahinga na kayo."
"Oh siya-siya! Umalis ka na. Mag-ingat ka sa daan."
Bumusina ng isang beses si Franco at saka humarurot nang takbo papuntang North Avenue, isang sikat na club sa kanilang lugar. Sa loob ng sampung minuto ay nakarating siya sa kanyang destinasyon. Ipinarada niya ang motor sa labas ng club kung saan madali itong mababantayan ng security guard.
"Oy Franco! Kanina pa sila naghihintay sayo!" salubong ng guard sa kanya.
"Pre, pakibantay ng motor at helmet ko ha!" bilin nito sa guard habang nagmamadaling pumasok sa loob ng club.
"Sige na. Ako na bahala dito!"
"Salamat!"
Bitbit ang gitara, nagmadali itong umakyat ng entablado kung saan lahat ng kabanda niya ay handa nang tumugtog. Hinubad niya ang bag ng gitara at agad-agad na ipinansak ang gitara sa amplifier.
Habang inaayos nito ang mga kable at koneksyon ng gitara, bumubulong naman ang drummer sa likuran niya. "Bakit ngayon ka lang? Alam mo bang galit na galit si Mr. Martinez?"
Hindi na niya pinansin ang kaibigan. Namamalayan niyang nakatingin ng masama at naiinip na ang manager ng club. Nang maayos na ang gitara, pumwesto ito sa gitna at nagsalita sa mikropono.
"Magandang gabi sa lahat!!!" isang masiglang bati ang bungad ni Franco upang magising ang mga naiinip na tagapakinig.
"Kami nga po pala ang Banda sa Kalye. Si Arvin, ang komikero naming keybordista…" pakilala ni Franco sa chinitong kaibigan. Ngumiti ito ng pagkalaki-laki na at kumaway sa madla.
"Si Zein naman, man of few words, ang bahista…" hindi pinansin ni Zein ang pagpapakilala sa kanya. Nakatingin lang ito sa hawak na baho at abala sa pagtugtog ng instrumento.
"... ang walang katulad naming drummer, ang nag-iisang bulaklak ng banda, Emari..." isang malakas na palo ang ipinasikat ni Emari nang ipakilala siya ni Franco. Naghiyawan naman ang mga kalalakihang nahuhumaling sa kanya. Iba talaga ang kanyang karisma.
"Ang lead gitarista namin at pinakapogi sa banda, matinik sa chics, ang nag-iisang alamat, Inigo the Gwapo!!!" naghiyawan ang mga kababaihan nang isigaw ni Franco ang pangalan ng kaibigang sobrang tisoy. Ngumiti ito sa madla at mas lalo pa silang nagwala.
"At ako naman po ang inyong lingkod na mang-aawit sa gabing ito, pangalawa lang sa kagwapuhan ni Inigo, Franco po! Handa na ba kayong lahat??!! 1 ... 2 ... 3 ... let's go!" naghiyawan din ang mga kababaihan sa astig na datingan ng binata.
Sikat na sikat ang Banda sa Kalye sa kanilang lugar. High school pa lamang sila nang mabuo ang bandang ito. Mula noon ay tinangkilik na sila sa kanilang lugar. Tuwing Biyernes, tumutugtog sila at laging napupuno ang customers ang North Avenue. Halos tatlong taon na silang tumutugtog sa lugar na 'to at taon-taon, dumarami rin ang pupumunta sa club na 'yun.
Naging maingay at masaya ang gabing yun. Nasiyahan din si Mr. Martinez sapagkat marami ang customer at ilang kaha din ng alak ang naibenta. Tiba-tiba na naman sa pangongolekta ng pera ang matabang panot.
Ala tres na ng umaga nang matapos ang tugtugan. Medyo marami pa rin ang mga nag-iinuman. Tulad ng nakasanayan, marami ding nagpapa-piktyur sa kanila lalo na kay Inigo na laging dinadagsa ng kababaihan. Kahali-halina naman kasi ang malalim nitong biloy sa pisngi at napakatisoy na mukha, 'yong tipong lalaki na kapag tiningnan mo para kang nakakita ng anghel sa lupa. Kung naging babae lang siya, siguradong marami siyang manliligaw.
"RIZON!!!" sigaw ni Mr. Martinez nang papalapit ito kay Franco.
Buo at malaki ang kanyang boses kaya kung sino man ang tatawagin nito ay talagang manginginig sa takot. Kilala si Martinez na isang istriktong manager. Gayunpaman, hindi nababakas sa mukha ni Franco ang pag-aalinlangang harapin si Mr. Martinez. Mas matangkad pa siya kay Mr. Martinez kaya naman hindi ito nasisindak sa kanya. Tumayo ito sa harap niya, nakatiklop ang mga braso sa kanyang dibdib at walang imik itong tinitigan ang amo.
Ikinagalit naman ni Mr. Martinez ang asta ni Franco.
"Ang yabang mong umasta ah? Ano bang ipinagmamalaki mo?"
"Ano po bang kailangan niyo?"
"Huy Franco ha! Ilang beses ka ng laging late. Binabalaan kita! Kapag hindi ka umayos ..."
"Kung tatanggalin niyo 'ko, wala pong problema ..." sabat nito sa nangangaral na amo.
Natahimik si Mr. Martinez sa waring nagbabantang bokalista. Wari'y nag-iisip ng isasagot.
"Pasalamat ka may awa ako sayo! Kung mawawalan ka ng trabaho, ewan ko na lang kung saan ka pupulutin!" at umalis ito na galit na galit sa kausap.
Umirap ang binata.. Umupo siya sa bar at kumuha ng isang bote ng beer. Kinuha niya rin ang cellphone niya sa loob ng leather jacket upang tingnan kung nagreply ba ang girlfriend niya. Kaninang umaga pa siya nagtetext ngunit wala ni isang reply man lang.
Biglang tumabi ang kaibigang si Emari.
"Boss, isang bote nga." tawag nito sa waiter ng bar na agad-agad namang nag-abot ng isang bote ng beer. "Uy, parts! Okay ka lang?"
"Ba't mo naitanong?"
"Lately kasi lagi kang late eh."
"Ang tagal ko kasing magising sa tuwing natutulog ako sa hapon."
"Aah. Akala ko kasi ayaw mo na mag-banda. Baka nagsasawa ka na. Ganun!"
Napakunot ng kilay si Franco sa tanong ni Emari habang lumulunok ito ng beer. "Bakit mo naman naisip yan?"
"Kamakailan kasi napapansin ko na lagi kang matumal kapag may gig tayo. Lagi mong ginagalit si Mr. Martinez. Paano kung maubos ang pasensya niya at tuluyan niya tayong sibakin sa club? Paano tayo? Paano ang banda? Natatakot lang ako, Parts!"
Napatawa ang kausap. "Di mangyayari yan. Tayo ang nagdadala ng pera kay Martinez kaya hinding-hindi niya hahayaang mawala tayo sa club."
"Franco, di dapat tayo magkumpyansa. We're not the only local bands sa syudad na 'to at hindi rin tayo ang pinakamagaling."
Naubos na ni Franco ang isang bote. Tumayo ito at umakmang aalis. Ipinasok niya ang mga kamay sa loob ng leather jacket niya at tiningnan lang si Emari. "Hindi nga ba? Hindi ka ata bilib sa sariling mong banda, Parts, ah!"
"Franco, ang sinasabi ko lang ..."
Biglang naputol ang pag-uusap ng dalawa ng biglang sumulpot si Arvin at Inigo na tila may dalang masamang balita.
"Franco! May kailangan kang makita!" natatarantang pambungad ni Arvin.
"Ano yun?" tanong ng binatang nagtataka.
Bagama't bakas sa mukha ang pag-aalinlangan ay nanatiling kalma si Inigo nang sinubukan niyang magpaliwanag sa kaibigan. Alam niyang mainitin ang ulo ni Franco.
"Pare, kasi ano... may nakita kami sa labas... medyo ikagugulat mo ..."
"May nangyari ba sa motor ko?" nag-iba bigla ang timpla ng mood ni Franco.
"Wala nangyaring masama sa motor mo." sagot ni Arvin. "Pero, kasi si Sh--"
Agad namang siniko ni Inigo ang taklesang si Arvin. Aakmang lalabas si Franco ngunit pinigilan siya sandali ni Inigo.
"Teka lang pare! Mag-promise ka muna na kakalma ka, na di ka magagalit..."
Kumunot ang noo ni Franco dahil sa mga kilos ng mga kaibigan. "Naiinis na nga ako, eh! Paano pa ako kakalma?"
Itinabi niya si Inigo at tumungo palabas. Sumunod na rin ang tatlong kaibigan nito.
Una niyang sinuri ang motor. Naging kampante siyang makita na maayos lang ito. Dumiretso naman ang tingin niya sa sasakyang naka-parke katabi ng motor niya. May dalawang taong naglalandian sa ibabaw ng kotseng 'yon at pinandirihan niya ang mga ito. Habang pinapanood niyang naghahalikan ang dalawa, napansin niyang pamilyar ang pigura ng babae -- kulot ang buhok, napakaganda, maputi, makinis, balingkinitan.
"Sheena?"