BINAYBAY niya ang kahabaan ng boulevard. Kaliwa't kanan ang makikitang tindahan, kainan, at establisyimento. Malayong-malayo sa dating itsura ng lugar. Dati'y puro kabahayan ang nakatayo doon kasama ang bahay ng kanyang Lola kung saan sila nakatira noon pero na-demolish 'yon dahil ginawa ang boulevard.
Noong panahon na 'yon ay nasa Amerika na siya. Nagpabayad sa gobyerno ang kanyang abuela imbes na lumipat sa relocation site kaya napilitang pumisan ang kanyang pamilya sa kamag-anak ng kanyang ina sa kabilang lalawigan. Ang Lola niya naman ay nakitira sa kapatid ng kanyang ama.
Napahinto siya sa paglalakad nang makarating sa pinaka-memorableng lugar para sa kanya. Doon sila madalas tumambay ng kaibigan niyang si Kristine at doon sila palihim na nagkikita ni Dustine. Tago kasi ang lugar na 'yon dahil maraming punong-kahoy subalit ngayo'y ginawa 'yong public playground.
Malungkot siyang ngumiti habang pinagmamasdan ang lugar. Napapaisip siya kung ano ang posibleng nangyari kung hindi siya umalis ng bansa. Magiging successful kaya siya? Magkakatuluyan kaya sila ni Dustine o maghihiwalay din?
"Jade," tawag ng lalaking naglalakad patungo sa direksyon niya. Hindi niya napansin ang pagdating nito. "Gusto mo daw akong maka-usap." Walang kagana-ganang wika ni Dustine.
"Oo," halos pabulong niyang tugon. Mahigpit niyang kinulong sa palad ang hawak niyang medalya. Ngayong kaharap na niya ito ay parang ayaw niyang ibalalik sa lalaki ang bagay na 'yon. "Salamat dahil pumayag kang makipagkita sa akin."
"Napilitan lang ako dahil inaabala ako ni Kervin sa trabaho." Paglilinaw nito. "Ano bang sasabihin mo? Pagod ako galing sa trabaho kaya gusto ko na sanang magpahinga."
"I'm sorry for bothering you." Unti-unti niyang niluwagan ang pagkakahawak sa medalya. Kailangan niya na 'yong pakawalan. "Isasauli ko 'to sa'yo." Inabot niya sa lalaki ang hawak ng kamay.
Ilang saglit munang tinitigan ng lalaki ang hawak niya bago nito marahas na kinuha mula sa kanyang kamay. "Ito lang ba ang dahilan kung bakit gusto mong makipagkita sa akin?" iritado nitong tanong. Marahan siyang tumango bilang tugon. "You're just wasting my time."
Walang kaabog-abog nitong tinapon ang medalya. Sinundan niya ng tingin ang lumipad na gamit hanggang sa hindi niya na makita. Malakas ang pagkakahagis ng binata sa medalya kaya tumawid 'yon sa kabilang dako ng kalsada. Hindi siya sigurado kung sa buhangin 'yon l-um-anding o sa dagat ngunit isa lang ang natitiyak niya, nasaktan siya, sobra.
"Dapat matagal mo na 'yong tinapon dahil walang halaga sa akin ang bagay na 'yon." Kaswal nitong pahayag bago siya tinalikuran at naglakad palayo.
Naiwan siyang tulala at ninanamnam ang bawat salitang binitawan ni Dustine. Walang halaga… iyon ang tumatak sa kanyang puso't isipan. Kung walang halaga ang bagay na 'yon para sa lalaki, ibig sabihin wala rin siyang halaga dito.
Pumatak ang luha sa kanyang mukha subalit mabilis niya 'yong pinahid. Hindi 'yon ang tamang oras upang humagulhol siya. Kailangan niyang mas maging matatag dahil haharapin pa niya ang ina nito.
HINDI SIYA MAPALAGAY. Hindi mawala sa isip niya ang imahe ng dalaga. Kitang-kita niya ang pagbabago ng ekspresyon ng mukha nito nang itapon niya ang medalya. Kung hindi siya namamalik-mata'y nanunubig ang sulok ng mga mata nito at mababanaag ang sakit na nararamdaman nito.
"Damn it!" Hinamapas niya gamit ang kamay ang manibela ng kotse. "Kailangan mo siyang balikan Dustine."
Nag-u-turn siya at mabilis na pinatakbo ang sasakyan. Kaagad siyang umibis sa kotse nang maihimpil 'yon subalit wala na doon ang dalaga pagbalik niya. Nanghihinang napaupo siya sa bench na malapit sa kinatatayuan niya.
Nilibot niya ang tingin sa paligid. Malaki ang pinagbago ng lugar na 'yon subalit mananatili 'yong espesyal sa kanya. Madalas siyang pumunta doon kapag naaalala niya ang dalaga. Binabalik-balikan niya ang magagandang alaala na pinagsaluhan nila subalit ngayon ay wala na siyang babalikang magagandang alaala. Kasabay nang pagsauli ng dalaga ng medalya sa kanya ay parang sinauli rin nito ang pag-ibig na alay niya dito. Nasaktan siya sa ginawa nito kaya ang unang naging reaksyon niya ay ang itapon 'yon.
Dahil sa ginawa mo Dustine ay parang tinapon mo rin ang pagmamahal mo sa kanya. Labing-limang taon mo siyang hinintay. Sayang ang paghihintay mo kung basta-basta ka lang susuko. Kastigo niya sa sarili.
Nagtampo, nagalit, at nasaktan siya pero kasama 'yon sa package deal kapag nagmahal ang isang tao. Kung paiiralin niya ang galit kaysa pagmamahal ay talo siya. Kailangan niyang mabawi si Jade at kung hindi man siya magtagumpay, kahit masagot man lang ang tanong niya kung bakit siya nito iniwan ay makaka-move on na siguro siya.
Bigla siyang napatayo. Kailangan niyang mahanap ang bagay na tinapon niya. Hindi 'yon puwedeng mawala sa kanya.
Soon to be published under Bookware Publishing Corp.
LAST GOODBYE is also available on other writing platforms.
Last Goodbye by Carmie Lopez
https://www.facebook.com/carmie.lopez.7311
https://www.wattpad.com/user/Carmie_Lopez