Chereads / The Powerof Seven / Chapter 2 - Chapter 1

Chapter 2 - Chapter 1

Tiningnan ko si itay sa kanyang mga mata, kahit 'di niya sabihin alam kong malungkot siya sa aking magiging pag-alis, nakayuko siyang nagtutupi ng mga damit at 'di magawang tumingin sa akin ng diretso. Alam kong kapag nagtama ang aming mga mata ay may babagsak na mga luha na siyang kanina pa namin nilalabanan. Walang naglalakas-loob sa aming dalawa na magsalita at magsimula nang usapan, natatakot na baka mauwi lang sa iyakan ang lahat.

"Ate," mahinang tawag ng bunso kong kapatid. Nakahawak ang mga kamay nito sa gilid ng pinto.

Napalunok ako nang malalim bago nagsalita, "bakit?"

"Sabi ni Aling Kuting sa baba, nandiyan na raw ang sundo mo." Si Aling Kuting ang tsismosa naming kapit-bahay na kahit kailan talaga ang lakas makasagap at makatunog ng mga ganitong bagay.

"Mag-ingat ka, anak" napiyok pang wika ni itay habang sinasara ang aking maleta. Hindi parin niya magawang tumingin sa akin bago man lang ako umalis ang kanyang panganay, nanatiling nakatingin ang mga mata nito sa sahig.

"Ingat din kayo dito ni bunso, itay. Pangako.... mag-iingat ako"

Hinatid ako ni tatay nadala ang aking pulang maleta hanggang sa makarating ako sa labas ng bahay. Bumungad sa akin ang puting sasakyan paglabas, bumababa ang salamin ng sasakyan at sumiwang ang mukha ni Mr. Philip — ang aking amo, ang siyang pumili sa akin upang maging katulong ng pito.

"Magandang umaga po, Mr. Philip" pinilit kong ngumiti matapos ko siyang batiin.

Bumukas ang pinto sa likod ng sasakyan at lumabas roon ang lalaking bodyguard na malaki ang pangangatawan, hindi ito ang unang beses na nagkita kami dahil sa tuwing nagpapatawag ng meeting si Mr. Philip ay lagi itong nakabuntot sa amin.

"Magandang umaga, bouncer." Katulad ng dati ay blanko parin ang ekspresyon ng mukha nito, mahirap parin basahin ang tumatakbo sa isip nito dahil wala itong pinapakitang emosyon.

Bago ako pumasak ng sasakyan ay sinulyapan kong muli ang aking itay at ang aking bunsong kapatid na si Kyle, nakapatong ang mga kamay nito sa balikat ng aking kapatid, sa edad na anim na taong gulang ay mapagkakatiwalaan na bata ang kapatid ko dahil parang matanda na itong mag-isip. Nandoon parin ang pag-aalala ko pero alam kong kakayanin ng kapatid kong 'yon na mabuhay na wala ang kanyang ate. Kabaligtaran naman ni itay dahil mapagmahal ito sa kanyang anak, nahirapan pa nga akong humingi ng permiso sa kanya para pasukin ang trabahong ito.

'Para sa inyo 'to itay, para din kay inay na nasa probinsiya, para kay bunso at para narin sa mga pangarap ko na matagal ko nang minimithi' bulong ko gamit ang aking isip bago pumasok sa loob ng sasakyan at pampalakas-loob man lang.

"Inilagay na namin sa likod ang dala mong maleta, 'wag kang mag-alala, Ms. Ayeng lahat ng mga bagay na tinuro at sinabi ko sa'yo, magagamit mo iyon upang tulungan ang pito"

Katulad ng dati ay malakas parin ang dating ni Mr. Philip, kahit na may katandaan ay tiyak akong marami paring babae ang mangangandarapa dito dahil sa taglay nitong kagwapuhan, morena at maganda ang tindig. Matalino, mayaman at ginagalang ng lahat tila nasa kanya na nga ang lahat kung tutuusin kundi lang maagang nabyudo, edi sana ay masaya sila at maligaya ngayon ng pamilya niya.

"Mr. Philip... gusto ko po sanang magtanong, pwede po ba?" magalang kong wika. Palagi niyang ipinapaala sa akin na huwag masyadong maging mahiyain kapag kaharap ko siya pero hindi ko kase maiwasan dahil sa mga nalaman ko tungkol sa pagkatao niya, sino ba naman ang 'di magiging ganito ang asal kapag siya ang kaharap.

Bahagya siyang ngumiti, "what is it?"

"Kakayanin ko po ba?" nag-aalinlangan kong tanong.

Sa tagal napagturo sa akin ng mga bagay bagay ni Mr. Philip ay 'di parin ako gano'n kasigurado kung kakayanin ba ng isang tulad ko na matulungan ang pito upang magkaisa, lalo na't nalaman kong may iba-ibang paniniwala o karakter ang bawat isa. Detalyado niyang pinaliwanag sa akin kung gaano kahirap para kumbinsihin ang pito na magkaroon ng pagkakaisa na magtulungan ang pito upang makalaya sila at makalabas na sila kung saan man sila dinala ni Mr. Philip.

"Sa layo na nang narating mo, Ms. Ayeng saka mo pa 'yan naitanong sa akin. Base sa personalidad mo ay alam kong hindi ka marunong sumuko at alam kong gagawin mo ang lahat para sa pamilya" wika niya at muling tinuon ang tingin sa rear-view mirror.

Tama siya wala akong hindi kayang gawin sa ngalan ng aking pamilya. Hindi ko dapat isipin kung kakayanin ko ba dahil alam kong makakaya ko sa abot ng aking makakaya, 'di yata nagpapatalo ang isang tulad ko. Si Ayeng Dela Cruz kaya 'to.

Sa higit daang libo na nakipagsapalaran sa posisyon ko na kinuha ay sino ba naman ang 'di manghihinayang na makuha ang katayuan ko ngayon. Oo, daig ko pa ang nag-audition sa pinoy big brother dahil sa haba ng pila at sa daming sumubok na mag-apply para lang maging maid. Lalaki, babae, bakla at tomboy ay pwedeng sumubok na makipagsapalaran pero sa huli ako ang nagwagi. Diba, ang galing ko!

Mabuti nalang ay marunong akong kumanta at hindi naman ako boses baka, siguro kundi ako pinalad na magkaroon ng magandang boses ay malamang na mauuwi sa lahat ang pinaghirapan ko. Ang una kase hinahanap nila ay kayang kumanta ng Twinkle twinkle little star at Johnny, Johnny yes papa. Nakakaloka! Pangalawa ay marunong sumayaw kahit ano basta pasasayawin ka nila, mabuti nalang may kakapalan ang mukha ko dahil sigurado ako na baka umuwi akong luhaan at ang huli ay parang sumasali kalang sa pageant kase may answer and question sila, isang tanong lang naman ang binigay nila pero kailangan yata galing sa puso, 'di ako sigurado, marahil tadhana nalang talaga ang gumawa ng paraan para ako ang mapili.

Matapos ko noon makatanggap ng tawag mula sa kanila ay kaagad na kinausap ako ni Mr. Philip hinggil sa kontrata, nakakabigla nga ang inaalok nilang pera bilang katulong dahil isang milyon ang ibibigay nila kung sinuman ang mapipili at ako iyon. Isang milyon, di nga? iyan agad ang unang pumasok sa isip ko nang ibungad ko sa akin ni Mr. Philip ang kanyang inaalok, napakalaki naman yata nun para sa lang sa isang katulong dahil daig ko pa ang magtatrabaho sa ibang bansa kung magkataon. May mga pinaliwanag na maraming bagay si Mr. Philip bago ko pirmahan ang kontrata, mabibigat na responsibilidad, at mga sikretong kami lang dapat ang makaalam.

"Malayo pa po ba ang pupuntahan natin, Mr. Philip?" napatanong kong wika dahil sa nangangalay na ang aking pwetan sa matagal na pagkakaupo.

"Siguro, mga limang oras pa dahil sa sobrang traffic na sumabay pa ngayong araw"

Kahit kailan hindi na talaga nawala ang traffic sa Manila, kitang-kita naman 'yon sa bintana ng sasakyan, buhol-buhok na traffic ang siyang makikita mo kahit saan dako ka tumingin. Ayoko pa naman ng ganitong pakiramdam dahil masyado akong mainipin, ayokong naghihintay kagaya nang ginagawa naming paghihintay sa pagbabalik ni inay mula sa probinsiya, pinili niyang doon muna manatili ng ilang taon habang kaming mag-ina niya ay umaasa sa kanyang pagbabalik. Ito ang isa sa mga rason kung bakit nakipagsapalaran akong mangatulong upang mapauwi ko si inay kasama si lola na may sakit na Alzheimer's disease, mas pinili ni inay na siya ang magsakripisyo dahil walang balak ang malalapit na kamag-anak nito na nakatira doon sa probinsiya ng kanilang ina na sila ang mag-alaga at mag-asikaso sa bumuhay at ang nagluwal sa kanila sa mundo.

"Kumusta ang ginawa mong pagpapalam sa iyong itay, Ms. Ayeng?" tanong nito na tiningnan lang ako sa rear-view mirror.

"Ayun po, 'di ako magawang matingnan sa mga mata bago man lang umalis 'yong anak niya. Hindi tuloy kami nakapagpaalam nang maayos sa isa't-isa" malungkot na wika ko na tumingin sa bintana ng sasakyan dahil baka biglang tumulo ang mga luha ko.

"Gano'n lang talaga kaming mga tatay, ayaw namin na nagpapakita nang kahinaan sa mga anak namin. Bilang haligi ng tahanan dapat ay matibay at matatag kami palagi"

"Parang si bouncer po ba?" biro kong wika.

"Binata pa 'yan, Ms. Ayeng" natawa si Mr. Philip sa naging hirit ko pero si bouncer ang tibay talaga hindi man lang magawang ngumiti.

Naging matagal ang kwentuhan namin tungkol sa mga bagay-bagay, napunta sa driver na katabi ni Mr. Philip, si bouncer at minsan sa mga walang kwentang bagay. Sa tagal na naging pag-uusap namin ay hindi parin humihinto ang sasakyan, sobrang nang nakakainip at nakakaantok. Iidlip na nga muna ko ng saglit at baka sakaling paggising ko ay nandoon na kami. Nakarinig ako ng mga nagbubulungan, gusto ko sana imulat ang mga mata ko pero nakulangan pa ako sa ginawa kong pag-idlip, gusto ko pang matulog.

Pinakiramdaman ko nalang ang paligid parang may nag-iba, sa tingin ko nakahiga ako ngayon sa isang malambot na sahig, nilabanan ko ang antok at sapilitang minulat ang mga mata. Chandelier, salamin na mesa, flat screen na telebisyon at malambot na sofa kung saan ako kasalukuyang nakahiga ngayon. Naidlip lang ako at paggising ko nasa isang 'di pamilyar na bahay na ko.