Chapter 44 - RESCUING HER

Halos dalawampung minuto na siyang nagpaparuo't parito sa loob at labas ng bahay pero 'di niya makita ang hinahanap at wala din siyang kakilalang pwedeng mapagtanungan duon kaya minabuti niyang tumambay muna sa malapit sa swimming pool at pagmasdan ang mga naruong nagsisipaglangoy.

Kung 'di lang siya takot sa malalim na tubig ay kanina pa siya lumusong duon at nag-enjoy na ring lumangoy. Kaso takot agad ang biglang bumalot sa kanya nang maalala ang ginawa ng jowa ni Gab noon.

Pinagmasdan niya ang madilim na parte ng swimming pool.

May nag-uumpukan sa gitna niyon, naririnig pa niya ang hiyawan ng ilang kalalakihan na tila may tinutukso ngunit nangingibabaw ang tila nagsasagutang magjowa sa gitna ng mga kalalakihang naruon. Bahagya pa nga niyang naririnig ang usapan ng mga ito.

"Tell me, she isn't the one you're talking about!"

"Unfortunately she is. I'm not just joking. I'm telling you the truth!"

Tsk! Tsk! Tsk! Napapailing na lang siya habang pumapalatak. Ganyan ang nangyayari sa magjowang nagkakasawaan na, wala nang pinipilang lugar kapag nag-aaway.

Biglang umihip ang malamig na simoy ng hangin dahilan upang mayakap niya ang sarili.

Weew! Kung gantong 'di niya mahanap ang kanyang madam at alagang matanda, mas mabuti na segurong bumalik na lang siya sa kwarto nila at duon na lang maghintay.

Nakapagdesisyon na siyang papasok sa loob ng bahay at nagsimula nang maglakad nang biglang may unalingawngaw na boses sa kanyang likuran.

"Hey you!"

Napalingon siya agad sa tumawag. Medyo madilim ang parteng 'yon ng likod-bahay kaya 'di niya ito masino at di siya segurado kung siya nga ang tinatawag kaya lumingon muna siya sa buong paligid pero maraming tao ang naruon ngunit walang pumapansin sa babae kaya 'di na rin niya ito pinansin at nagpatuloy sa paglalakad.

"Marble!" sigaw nito.

Napahinto siya bigla. Aba'y siya nga ang tinatawag nito. Baka isa sa mga katulong duon kaya muli siyang napalingon rito ngunit nakasuot itong two piece swimsuit, ibig sabihin, isa ito sa mga bisita do'n. Pa'no nitong nalaman ang kanyang pangalan?

"Come here!" muli nitong sigaw kaya napilitan siyang lumapit.

Sa una'y puno ng pagtataka ang nakarehistro sa kanyang mukha, ngunit nang masino ang babaeng tumatawag ay napangiwi siya.

Nakupo! Bakit ba 'di niya agad ito namukhaan? Ito pala ang jowa ni Gab.

"Hey joe, wazzup!" alanganin ang ngising kanyang pinakawalan saba'y pa-slang na sagot tulad ng itinatawag nila sa mga kanong dumadayo sa kanilang lugar.

"Ikaw nga tong bampira ka!" nanggigigil agad na kumpirma ni Chelsea.

Tumaas bigla ang isa niyang kilay.

"Hey joe, Wazzrong?" takang usisa niya.

Bakit tila yata ito galit sa kanya? Whyy???

Sa halip na sumagot ay tikom ang bibig na pinasadahan siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa pabalik sa ulo saka humalukipkip pagkuwa'y itinuro ang isang bathrobe sa tabi ng swimming pool.

"Kunin mo 'yong bathrobe ko," tila ito ang kanyang amo kung makautos.

'Hey joe. 'Di ako utusan dito bro.'

Pero nagpigil siya lalo na't napansin niyang nakatingin na sa kanila ang mga kasama nitong paahon na mula sa swimming pool.

Sumunod na lang siya upang 'di ito mapahiya at kinuha ang itinuro nitong bathrobe sa gilid ng pool ngunit di niya napansing sumunod din sa kanya ang dalaga.

"Marble?"

Nagulat pa siya nang sa pag-angat niya ng mukha ay makita si Gab sa gitna ng swimming pool.

"Sir Gab?"

"Hey, bitch!"

"Ha?"

Lalo siyang nagulat nang sa pagharap niya sa dalaga ay bigla siya nitong itinulak dahilan upang mawalan ng balanse ang kanyang katawan at mapaatras pabagsak sana sa swimming pool.

Napasigaw siya sa takot. Pero mas nakakagulat ang lumabas sa kanyang bibig.

"Venddricckkkk!!!"

Iyon na ang pinakamalakas na sigaw niyang ginawa sa buong buhay niya sa takot na malunod subalit bago pa siya mahulog sa tubig ay nahablot pa niya ang isang kamay ng nagulat ding si Chelsea.

"Ayyy!" hiyaw din nito.

Dalawa silang bumagsak sa tubig.

Sandaling natigilan ang lahat lalo na nang si Chelsea lang ang lumutang sa tubig. Kahit si Gab ay natigagal din ngunit agad na sumaklolo sa kanya nang 'di siya nito makitang lumutang.

Nahuling dumating si Vendrick.

"Drick! Pinupulikat ako!" tawag agad ni Chelsea.

Segurado itong boses niya ang narinig pero di siya nito nakita duon. Naguguluhan itong napatingin sa buong paligid.

"Dude, may tomboy na nahulog sa tubig. Di ata marunong lumangoy," pagbibigay alam ni Paul na nang mga oras na 'yon ay nakatayo na sa tabi ng pool.

"Drick help me! Pinupulikat ako!" umiiyak nang sigaw ni Chelsea kaya wala itong magawa kundi saklolohan ang dalaga.

Pakiramdam ni Marble, may sampung bloke ng yelong nakatali sa kanyang paa na kahit anong tulak niya paitaas ay 'di niya magawa, sa halip ay lalo siyang lumulubog sa kailaliman ng tubig.

'Tatay! Nanay! Tulungan niyo ako!' hiyaw ng kanyang isip sa takot.

Ito na yata ang kanyang katapusan. Ano'ng gagawin niya, mangungumpisal na ba siya sa kanyang mga kasalanan bago mapugto ang kanyang paghinga?

'Diyos ko! Magpapakababae na po ako, iligtas niyo lang ako rito.' Nagsimula na siyang magdasal.

Ngunit sa kasamaang palad, lumapat ang kanyang mga paa sa tiles na sahig ng swimming pool at 'di na niya maigalaw ang mga 'yon upang maitulak ang katawan paitaas.

Hindi na siya makahinga. Mamamatay na nga seguro siya. Mamamatay siyang 'di man lang makikitang muli ang kanyang mga magulang. Mamamatay siyang 'di man lang masisilayang muli ang kanyang first love na si Aldrick at 'di makikilala ang kanyang true love. Bakit ba kay saklap ng kanyang naging kapalaran dito sa mundo?

Humalo sa tubig ang luhang pumatak sa kanyang mga mata sa kamalasang pinagdaraanan kasabay ng pagpikit ng kanyang mga mata at kung kelan mawawalan na siya ng ulirat ay saka naman may kamay na humawak sa kanyang beywang saka siya siniil ng halik upang bigyan siya ng hangin. Duon lang siya napadilat uli.

Madilim ang lugar na kinaruruonan nila kaya 'di niya malaman kung sino ang pangahas na gumawa niyon subalit bakit tila siya nanghihinayang nang bigla siya nitong pakawalan at hilahin pataas saka siya binitawan.

Muli niyang naramdaman ang muling paghila sa kanya paitaas hanggang sa tuluyan siyang mawalan ng malay.

***************

Lahat ng mga nakasaksi sa nangyari ay namutla nang makita ng mga ito ang isang tomboy na sinaklolohan ni Gab at iniahon sa tubig habang si Vendrick ay si Chelsea naman ang tinulungang makaahon at inilapag sa tabi ng swimming pool.

Nang makitang nahihirapan si Gab na iakyat ang katawan ni Marble sa taas ay saka lang sumaklolo ang mga barkada nito at dinala sa tuyong parte ng semento ang katawan ng dalaga. Lumuhod si Gab sa tabi niya at akma na siyang bubugahan ng hangin nang biglang sumulpot si Vendrick sa tapat ng una at ibinuka agad ang bibig niya saka siya binigyan ng resuscitation pagkuwa'y ilang beses na ini-pump ang kanyang dibdib.

Wala halos makapagsalita sa nangyayari habang si Chelsea ay nanggagalaiti sa galit sa isang tabi lalo na nang bigla na lang itong iwan ng binata.

"Breathe! Breathe! C'mon," nag-aalala nang sambit ni Gab, walang magawa kundi tumingin na lang sa ginagawa ni Vendrick.

" Breathe honey, breathe. Please."

Ang mahinang usal na 'yon habang binubugahan siya ng hangin sa bibig ang nagpabalik sa ulirat ni Marble.

Bigla siyang inubo at lumabas ang madaming tubig mula sa kanyang bibig, kasunod ay ang pagdilat ng kanyang mga mata.

Dalawang mukha ang una niyang nasilayan, ang nag-aalalang si Gab at ang salubong ang kilay na si Vendrick.

Agad na ibinagon ni Gab ang kanyang katawan saka siya niyakap.

"Thank God, you're alive," sambit nito.

Ito ba ang nagligtas sa kanya mula sa pagkakalunod? Salamat dito.

"Salamat Gab," sa nanghihinang boses ay usal niya.

Nasa gano'n silang kalagayan nang marinig niya ang malamig na boses ni Vendrick.

"Bring her inside," anito kay Gab saka nagmamadaling tumayo at umalis sa lugar na 'yon.

"Vendrick what happened?" salubong ng ina nitong nakiusyoso sa mga bisitang nag-umpukan sa may swimming pool habang ang iba'y walang pakialam sa nangyayari at walang kaalam-alam sa nangyayari lalo na 'yong mga nasa loob ng bahay.

Hindi sumagot ang binata, nagtuluy-tuloy lang sa loob.