Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 48 - THE VULNERABLE AND YET STRONG MAID

Chapter 48 - THE VULNERABLE AND YET STRONG MAID

"Ayan, ok na ba?" usisa ni Vendrick nang ideretso siya nito sa banyo sa loob ng kwarto ng matanda at iupo sa gilid ng bath tub saka hinilot ang kanyang magkabilang binti.

Nakamasid lang ang tahimik na matandang 'di na nagawang makaligo sa nangyari sa kanya.

Sinubukan niyang iapak ang mga paa at dahan-dahang tumayo hanggang sa mapangiti siya sabay baling sa binata.

"Oo, okey na ako. Sige na lumabas ka na't sabay kaming maliligo ng anak ko sa shower room," aniyang tinandaan kung nong pangalan ng madalas nilang gamitin ng matanda sa pagligo.

Tumaas agad ang isang kilay ng binata.

"Paliguan mo muna si lolo, saka ka maligo. Ayukong magsabay kayo," iritado nitong utos.

Ang dating magkalayo niyang mga kilay ay tila biglang naging isang guhit na lang sa pagtataka.

"Dati naman naming ginagawa yun ah. Ba't ba nagingialam ka? 'Tsaka lolo mo 'yan, hindi ka dapat nandidiri sa kanya," sita niya.

"Hey, hindi ako nandidiri sa kanya. It's you that i'm trying to---- to--" nautal na ito sa sasabihin ngunit halata sa mukhang ayaw nitong magsabay silang maligo ng kanyang alaga.

"Tagalugin mo kasi, paenglis- englis pa eh di naman masabi ang gustong sabihin," nakairap niyang sabad.

Nilamukos ng binata ang mukha.

"Palibhasa kasi'y tomboy ka!" singhal na nito sa kanya saka binirahan ng talikod at tila nagmamartsang lumabas ng banyo.

"Huh? ano'ng nangyari do'n? Ano naman kung tomboy ako?" litong napabaling siya sa alagang naghihikab na nang mga oras na yun, marahil ay inaantok na kaya nagmamadali niya itong pinaliguan, sumabay na siya. Pinauna niya lang itong lumabas ng banyo pagkatapos niyang kuhanan ng damit at bihisan ito. Kumuha na rin siya ng sarling damit sa kabinet para duon na sa loob ng banyo magbihis.

Ang akala niya matutulog na ang matanda dahil naghihikab na ito bago niya paliguan. Pero nang lumabas siya, nakita niya itong seryosong nakikipag-usap kay Gab habang magkatabing nakaupo sa mahabang sofa sa sala ng kwarto.

"Sir Gab! Ang aga niyong bumisita ah," nakangiti niyang bati sa binata.

Ang lapad din ng ngiti nitong agad tumayo at humarap sa kanya saka siya pinagmasdan habang papalapit siya sa dalawa.

"Ok na ba ang pakiramdam mo? Nawala na ang takot mo?" usisa nito.

"Ay opo. Kagagaling nga lang po namin sa swimming pool eh," sagot niya. Ewan ba, mas magaan ang loob niya sa binata kesa lay Vendrick. 'Pag kasama niya ito, madalas ay nakangiti siya. Pero 'pag ang huli ang kasama niya, parang lahat ng buhok niya naninindig sa inis dito.

"'Wag ka munang lalangoy sa pool ha?" payo nito.

Tumango siya agad ngunit 'di tinatanggal ang ngiti sa mga labi.

"Siyanga pala ipinagpaalam kita kina Tita at Titong isasama sa labas para makapamasyal naman tayo," balita nito, biglang namula ng mga pisngi.

"Ows talaga po? Pumayag sila?" 'di makapaniwalang bulalas niya sabay baling sa alagang pansin niyang napapaidlip na sa kinauupuan, kaya seguro walang imik.

"Oo," kumpirma nito.

"Kaso 'yong anak ko, inaantok na. Pano natin siya isasama?" alanganin niyang tanong sabay turo sa matanda.

Sinulyapan muna ni Gab ang huli saka muling bumaling sa kanya.

"Don't worry si Tita daw muna ang magbabantay sa kanya," anang binata.

Halos mapalundag siya sa tuwa pagkarinig sa magandang balita ni Gab. Sa wakas makakapamasyal na siya sa Manila. Ilang linggo na ba siyang andito lang sa loob ng bahay maliban no'ng pinalayas siya ng among lalaki noon.

"Magbihis ka muna. Aantayin na lang kita sa kusina. Kakausapin ko lang si Manang Viola," wika nito saka lumabas na ng kwarto.

Tuwang-tuwa talaga siya, makikita na niya ang iba't ibang lugar sa labas ng bahay na 'to. Malamang sa Jollibee uli sila kakain tulad ng dati.

"Anak, halika na, matulog ka na," yaya niya sa alagang napapapikit na nga nang matagal ngunit nang marinig ang boses niya'y agad itong nagdilat ng mga mata.

"Opo nanay," anito't bumangon na at lumapit sa kama saka agad na tumihaya duon.

Kinumutan niya ito hanggang dibdib nang 'di lamigin at pinahinaan na lang ang aircon.

Maya-maya'y may kumatok sa pinto. Napaharap siya duon at hinintay na may pumasok sa loob pero ilang segundo pa ang lumipas na walang pumapasok. Muling kumatok ang nasa labas, lumapit na siya sa pinto at binuksan iyon.

"Marble..."

"Ate Lorie?" bulalas niya pagkakita ritong mugtong-mugto ang mga mata na halos 'di na niya makilala dahil magulo ang buhok at namumula ang magkabilang pisngi. Yumakap ito agad sa kanya.

Siya nama'y mabilis itong pinapasok sa loob ng kwarto pagkatapos makabawi sa pagkagulat at isinara ang pinto para makapag-usap sila nang masinsinan.

Inalalayan niya ito saka pinaupo sa bakanteng sofa.

"Ate, ano'ng nangyari, bakit ganyan ang itsura mo?" naaawang usisa niya rito saka inayos ang buhaghag nitong buhok.

Hinayaan muna niya itong umiyak nng umiyak, ang tangi niya lang nagawa'y hagurin ang likuran nito upang kumalma ngunit 'di niya pinahalatang siya'y napapaluha na rin. Nang sa wakas ay tumahan ito'y saka niya uli tinanong kung anong nangyari.

"Si Sir Karl kasi, pinapunta niya ako sa kwarto niya kagabi, maglinis daw ako kasi marumi daw ang sahig kaya nilinis ko. 'Di ko naman alam na lasing pala siya at andami niyang sinabi sakin, gusto daw niya ako noon pa. Ako daw ang gusto niyang pakasalan kasi mahal daw niya ako. ako naman si tanga, nagpabola. Pero kanina lang nung mahuli kami ni Senyor, sabi niya pinikot ko daw siya," mahaba nitong kwento habang pahikbi-hikbi lang sa una hanggang sa humagulhol na uli at muling yumakap sa kanya.

"Siraulo pala 'yong lalaking 'yon eh!" gigil niyang sambit, itinuloy ang paghagod sa likod nito. "Walang buto ang pesteng 'yon, Ate," pakikisimpatya niya sa kababayan.

Nagpatuloy lang ito sa pag-iyak, maya-maya'y muling tumigil at nagsalita saka kumawala sa pagkakayakap sa kanya.

"Hindi na ako umaasang paninindigan niya ang ginawa niya. Pero 'di ko alam kung saan ako pupunta ngayon. Marami akong pinag-aaral na mga kapatid. Ako lang ang inaasahan ng mga magulang ko kasi ako ang panganay. Kanina pa ako pinalalayas ni Senyor pero kinakapalan ko lang ang mukha ko baka sakaling magbago ang desisyon nila," muli na naman itong umiyak, siya na ang kusang yumakap rito sa sobrang awa niya.

Walanghiya talaga ang lalaking 'yon. Makita niya lang ang pesteng 'yon at uumbagan niya agad hanggang sa 'di na ito makakilos sa panghihina. Kung malapit lang siya sa kaibigan ng kanyang ninang, talagang ipapakulam niya ang walanghiyang Karl na 'yon. Gustong gusto niyang manapak ng mga sandaling 'yon sa galit sa anak ng kanyang mga amo at awa naman para sa kanyang Ate Lorie.

"Kinausap ako nang sarilinan ni Sir Karl kanina. Sabi niya, may gusto naman daw talaga siya sakin pero wala daw siyang lakas na suwayin ang kanyang papa dahil tatanggalan daw siya nito ng mana pag 'di siya sumunod sa gusto nito," muli nitong kwento nang mahimasmasan na. Sa wakas ay tumigil na ito sa pag-iyak.

"Gago pala siya eh! Bahag ang buntot niyang tarantado siya. Ginalaw ka niya tapos matatakot siyang panagutan ka? Gunggung na 'yon. Teka nga't masampulan ko ang hayup na 'yon," sa sobrang gigil niya sa kapatid ni Vendrick at dalang-dala sa sumbong ng kababayan sa kanya, siya itong nagpupuyos sa galit na kung 'di niya ilalabas ay talaga namang sasabog na siya nang tuluyan.

Kung 'di siya muling niyakap ni Lorie, paneguradong lalabas na siya ng kwarto at makikipagsuntukan sa walanghiyang lalaking 'yon. Gago 'yon, bahag ang buntot! Tarantado! Siraulo! Walang paninindigan. Mapagsamantala! Bwiisiiit! Nakakagigil talaga!!! Grrrr!!!!

Mabuti na lang naging pangit siya at napagkakamalang tomboy kaya walang nanliligaw sa kanya. Kung naging kasing ganda siya ng kababayan niyang 'to, nakupo, marami na seguro siyang inumbagang lalaki, mga walang paninindigan. Iisa lang ang gusto sa babae. Mga walang isang salita, mga walang buto, mga animal! Teka--teka, hindi kasali syempre si Sir Gab at ito ang kanyang tagapagligtas.

Bwisit na bwisit talaga siya ngayon.

"Hayaan mo na, Marble. Tanggap ko na ang lahat," pigil nito sa kanya.

"Pero ate, pinaglaruan ka lang niya. Tapos ipinahiya ka pa niya sa harap ng mga amo natin," sagot niya.

"Okey na ako ngayon. Nagpunta lang ako sayo para magpaalam na aalis na ako kung 'di ko na talaga sila makukumbinsing 'wag akong paalisin dito," kampante nang sambit ng dalaga.

"Nanay, ang ingay niyo naman po. Gusto ko na pong matulog pero 'di ko magawa kasi ang ingay niyo po," reklamo ng matandang napilitang bumangon.

"May problema kasi ang Ate ko, anak," sagot niya sa matandang dahan-dahang bumangon at bumaba sa kama saka lumapit sa kanila.

"Kaya pala siya umiiyak, Nanay?"usisa nito, tila lasing kung magsalita saka humilata sa sofa at muling pumikit.

"Oo, wala namang gustong magtanggol sa kanya, kawawa naman siya," an'ya kahit alam niyang tulog na ang kausap.

"Marble, kausapin mo kaya si Madam. Sabihin mo, kahit ano'ng iutos nila sakin dito, kahit tambakan nila ako ng trabaho basta wag lang nila akong palalayasin. Basta dito lang ako," suhestyon ni Lorie.

Natahimik siya bigla. Makinig naman kaya ang kanilang madam? Kung makinig man, mapapayag naman kaya nito ang asawang may pagkamatapobre sabi ni Manang Viola?

Matagal bago siya nakapagsalita. Nang mapansin nang dalagang hindi rin niya alam ang gagawin ay muli itong ngumiti.

"Hayaan mo na lang, Marble. Seguro naman, may tatanggap pa rin sakin sakaling maghanap ako ng trabaho sa iba. Basta 'wag mo na lang pabayaan si Senyor, ha? Kasi no'ng 'di pa siya nag-uulyanin, mabait siya sa aming lahat," anito sa kanya.

Lalo siyang 'di nakapagsalita. Ano'ng gagawin niya? Pa'no niya mtutulungan si Ate Lorie niya?

Si Vendrick kaya? Matutulungan kaya sila nito?