Hindi niya alam kung ano'ng nangyari at kung ano'ng pangyayari ang nagpabago sa desisyon ng kanyang mga amo o dahil nga 'yon kay Vendrick nang sa wakas ay pumayag ang mga itong manatili ang kanyang Ate Lorie sa pamamahay na 'yon ngunit sa kusina na lang ito at tutulungan si Manang Viola sa mga gawain ruon at si Bing ang papalit sa iniwan nitong trabaho.
Nalaman niya yun nang papuntahin si Lorie sa sala at kausapin ng kanyang madam. Pagbalik ng kababayan sa kanya'y masaya na itong nagbalita sa naging desisyon ng mga amo at agad na nagtungo sa kusina para simulan ang trabaho nito.
Naiwan siyang halos lumundag sa tuwa. Ngunit nang maalala ang usapan nila ni Vendrick ay napangiwi siya at mahaba ang ngusong pinatay muna ang ilaw sa loob ng kwarto at halos di maihakbang ang mga paa palabas ng silid na 'yon nang biglang sumulpot si Gab.
"Marble!"
Bigla ang pag-angat ng kanyang mukha at awtomatiko ang pagbabago ng ekspresyon.
"'Di ka pa rin nakabihis? Nakalimutan mo bang may lakad tayo ngayon?" nagtatakang usisa ng binata.
Sa kawalan ng maisip na sabihin ay napakamot siya sa batok.
"Ano kasi, kailangan kong samahan ang alaga ko sa kwarto ni V-- Senyorito Vendrick. Duon kasi siya nakatulog eh," buti na lang kusang bumukas ang kanyang bibig para magdahilan.
"Hindi pa ba nagpunta rito si Tita para alagaan muna si Lolo?" dismayado nitong tanong.
"Ewan ko. Ahmm--wala eh, baka busy si madam ngayon. Pwede bang saka na pag nagising mamayang tanghali ang anak ko? Balik ka na lang dito mamaya," pautal niyang sagot, nag-aalangan sa magiging reaksyon ng kausap.
Sandali itong natahimik, pagkuwa'y pilit ang ngiting bumaling sa kanya.
"Sige, mamayang 1pm. Babalik ako rito. Seguro naman gising na si Lolo sa mga oras na 'yon para maisama na lang nating mamasyal," pagpayag nito.
Malapad ang ngiting kanyang pinakawalan, nalantad ang mga pangil niya. Pero balewala 'yon sa binata't gumanti rin ng matamis na ngiti.
"Sige, aantayin kita mamaya," sagot niya at hinintay munang makaalis ito bago siya nagtungo sa kwarto ni Vendrick.
Kumatok siya sa pinto.
"Bukas 'yan!" sigaw ng nasa loob kaya kusa na siyang pumasok.
Halos manindig lahat ng kanyang mga buhok pagkakita sa loob ng kwarto ng binata.
"I---ito ang li--lilinisin ko????" dismayado niyang tanong sa binatang nakaupo sa mahabang sofa at nakapatong ang mga paa sa kaharap na center table habang nanonood ng basketball sa flatscreen TV.
Iniikot niya ang paningin sa buong kwarto.
Nagkalat ang mga balat ng mga pinagkainan nitong chichirya. Pati medyas nito, kung saan-saan nakalagay, ang mga hinubad na damit, nagkalat din sa sahig. Ang mga libro nito merung nasa center table, merung nasa bedside table, at nasa sofa. Merun pa ngang hugasang plato sa tabi ng paa nitong nakapatong sa center table.
Halos lumuwa na ang mga mata niya sa laki pagkakita sa magulong kwarto ng binatang parang isang taong 'di nilinis.
"Yup!" pakaswal lang na sagot ng lalaki nang sumulyap sa kanya at ibinalik agad ang paningin sa pinapanood.
Ilang beses ba siyang napalunok, hindi pa nga nagsisimulang maglinis, pagod na agad siya kakatingin lang sa mga dumi.
Gusto niyang umiyak nang walang luha nang mga sandaling 'yon. Sana'y 'di na lang siya pumayag sa gusto nitong mangyari kung ganto lang din kadumi ang kanyang madaratnang silid.
"Ilang buwan bang hindi to nalinis?" nanghihina niyang usisa.
"Ngayong umaga lang," sagot nitong hindi inaalis ang mga mata sa harap ng TV.
Napapahikbi siyang napakapit sa nakasarang dahon ng pinto. Kanina lang to 'di nalinis sa lagay na yung tila binagyo sa gulo, para nang basurahan sa sobrang dumi?
"O, magsimula ka na. Hindi mo malilinis yan kung nakatunganga ka lang d'yan," sita nito nang mapansing tila na siya naging tuod sa kinatatayuan.
"Ilang katawan ba merun kang giatay ka? Bakit gan'to kadumi at kagulo ang kwarto mo?" napapangiwi niyang bulong.
"What did you say?" usisa nito nang makitang kumikimbot-kimbot ang kanyang bibig.
Agad siyang umiling at pilit ngumiti.
"Ah, wala, wala. Magsisimula na akong maglinis. Asa'n ba ang mga gagamitin ko?"
Itnuro nito ng isang saradong pinto.
"Nasa loob ng banyo. Pagkatapos mo gamitin, ibalik mo sa lagayan ha? Ayuko nang nakakalat sa kung saan ang mga 'yon," anitong nasa boses ang pagiging palautos, spoiled talagang anak.
Isang nakamamatay na irap ang kanyang isinagot.
"Siyangapala, tumawag na uli ang Nanay mo, kailangan na daw niya ng pera kasi wala daw pambili ng gamot para sa mga kapatid mo," pagbabalita nito ngunit pasulyap-sulyap lang sa kanya.
"Sabihin mo bukas na bukas din, magpapadala ako," para siyang nabuhayan ng dugo sa narinig. Tila nagkaruon siya ng dahilan para magpursige. Kaya niya to. Hindi siya pwedeng sumuko ngayon. Kailangan pa niyang tapusin ang ginagawa niya sa swimming pool para magkaruon siya ng instant money. Pero uunahin niya muna rito. Mamaya na siya babalik sa swimming pool.
Napansin ng binatang nagmamadali siyang pumasok sa banyo para umpisahan nang maglinis. Lihim itong napangiti at nagmamadali ring dinampot ang chichirya sa tabi ng pinagkainang plato kanina saka inihagis sa sahig ang laman niyon pagkuwa'y nakakalokong ngumisi at muling ibinalik ang kanina'y pagkakaupo na nakapatong ang mga paa sa center table, kunwari hindi ito gumawa ng kalokohan.
Nang sa paglabas niya ng banyo bitbit ang basahan at timbang may tubig ay napansin niya agad ang mga checheriang nagkalat sa sahig. Nagtatakang sumulyap siya sa binata.
Bakit parang dumami yata ang kalat?
Kesa mag-isip ng kung ano pa, sinimulan na lang niyang iligpit ang mga hinubad na damit ng binata pati mga medyas nito at dinala ang mga 'yon sa basket sa loob ng banyo. Nang lumabas na uli siya'y bitbit na ang dustpan at walis at sinimulang linisin ang sahig.
"Hep! Hep! Parang may mali yata sa ginagawa mo," puna ng lalaki.
Kitang-kita sa mukha niya ang pagod nang bumaling rito.
"Bakit ba?" aburido niyang tanong.
"'Di ba dapat unahin mo sa mga dingding tsaka punasan mo 'yong bookshelf ko at ayusin mo 'yong pagkakalagay ng mga libro. Saka isunod mo 'yong loob at labas ng kabinet at punasan mo rin 'yong ibabaw ng lagayan ng mga trophy ko. Kailangan ko pa bang isa-isahin sayo ang dapat mong gawin?" nakataas ang kilay na mahabang mando nito.
Sa sobrang talim ng titig niya rito, kulang na lang ay mabuwal ito sa kinauupuan. Halata nang gusto siya nitong pahirapan. Grrrrrr! Pesteng lalaki to. Bakit ba kasi pumayag siya sa kondisyon nito noon?
Tikom ang bibig at pairap na dinampot niya ang feather duster sa gilid ng kabinet kung saan nakapatong ang mga trophy nito at 'yong iba'y nagpakalagay sa loob ng kabinet. Inuna niyang linisin ang nakadikit sa dingding nitong bookshelf, pagkatapos ay ibinalik at inayos ang pagkakalagay ng mga libro nito pati na 'yong nagkalat sa sahig. Duon pa lang, halos kalahating oras na ang iginugol niya.
Sunod niyang nilinis ay ang loob ng kabinet na nasa bandang kaliwa ng bookshelf.
Binuksan niya ang glass door niyon at isa-isang inilabas ang mga naruong trophy para malinis niya nang maayos ang loob niyong gawa din sa makapal na salamin ang mga patungan.
Kalahating oras na uli ang naubos niya sa paglilinis lang sa kabinet na 'yon at pag-aayos ng mga nasa loob niyon maliban pa sa mga nakapatong sa ibabaw niyon.
Sige lang siya sa paglilinis hanggang sa mahalata ng binatang tahimik siya habang ginagawa ang utos nito.
Malakas ang aircon sa kwartong 'yon ngunit tagaktak pa rin ang kanyang pawis, bagay na napansin ng lalaki ngunit 'di ito kumibo.
Eksaktong alas onse nang umaga nang matapos niyang linisin ang buong kwarto ni Vendrick.
Ibabalik na sana niya ang mga ginamit nang magsalita ito.
"Isabay mo na 'yong banyo ko tutal eh masarap pa ang tulog ni lolo," pasimple nitong utos.
Talagang nakamamatay ang talim ng titig na ipinukol niya sa binata, wala siyang pakialam kahit magtama ang mga mata nila, pero 'di ito sumulyap man lang sa kanya.
Mangani-nganing ihampas niya sa pagmumukha nito ang bitbit na timbang may tubig, kesehodang magalit ang animal na to.
Ngunit nagtimpi siya. Hindi siya pwedeng sumuko ngayon. Kailangan niya ng perang pampadala sa bahay nila para sa kanyang mga kapatid na nasa ospital kaya sa halip na magwala sa galit ay nagmamartsa na lang siyang pumasok sa banyo nito at kahit pagod na'y nagawa pa rin niyang linisin nang maayos ang loob ng CR na kasinluwang yata ng sala-kusina nila sa probinsya. Pasado alas dose na nang matapos siya sa banyo.
Paglabas niya, agad siyang naghikab at pagod na pagod na tumabi sa pagkakahiga ng matanda sa kama ni Vendrick.
Ilang minuto lang ang lumipas, humaharok na siya sa sarap ng pagkakatulog.
Duon lang tumayo ang binata para iayos siya ng higa at lagyan ng unan sa pagitan nila ng kanyang alaga nang di magdikit ang kanilang mga katawan.
Ilang minuto siya nitong pinagmasdan, nang magsawa sa kakatitig ay saka lang siya kinumutan at muling bumalik sa pagkakaupo sa sofa.
*************
Wala pang ala-una ay kumakatok na si Gab sa pinto ng kwarto ng binata.
"Dude, is Marble here?" tanong agad ng kaibigan.
"Yup!" pakaswal niyang sagot saka ito pinapasok.
"Tulog sila ni lolo. Bakit?" pasimple pa rin niyang wika, kunwari ay 'di alam kung bakit ando'n ang kaibigan.
"Wala. 'Di bale sa sunod na lang," ani Gab habang tinatanaw si Marble na dinig na dinig sa buong kwarto ang harok sa sobrang pagod.
"Dude, 'di mo pa ba nakakausap si Chelsea? 'Di niya kasi sinasagot ang tawag ko kanina pa," baling nito sa kanya.
"Hindi pa. Busy din ako dude. Sensya ka na, 'di kita maaasikaso ngayon," aniyang halatang umiiwas makipag-usap dito.
"Dude, galit ka ba dahil ako ang dahilan kung bakit itinulak ni Chelsea si Marble sa swimming pool kagabi?" usisa nito.
Kumunot bigla ang noo niya. Si Chelsea ang dahilan kung bakit nahulog 'yong tomboy sa swimming pool? At ang kaibigan ang pinagmulan ng gulong 'yon? 'Di niya alam kung bakit uminit agad ang kanyang pisngi sa narinig.
"Wala akong pakialam sa inyo. Buhay niyo 'yan," pero nagawa pa rin niyang itago ng nararamdaman.
"Dude, di ka galit?" Paniniyak nito habang nakatitig sa kanya.
Ilang beses siyang umiling sabay ngisi pero agad ding yumuko.
"Dude, sensya na, inaantok din ako eh. Matutulog muna ako sa sofa. If you want to stay here, fine. Pero matutulog lang ako sa sofa," aniya't tumalikod na rito.
"Dude, nakita mo ba kung sino ang nakakita kay Marble sa ilalim ng pool? Ang alam ko kasi tatlo tayong lumusong sa tubig para saklolohan siya.
Salubong ang kilay na muli siyang lumingon.
"Nakita mo? 'Di ko kasi alam eh, si Chelsea ang sinaklolohan ko. Wala akong pakialam sa crush mo. Pero ayuko ding mamatay siya sa pool ko kaya ko ginawa 'yon kagabi," malamig niyang sagot na ang tinutukoy ay ang pagbuga niya ng hangin sa bibig ni Marble at nagpatuloy sa paglalakad hanggang sa marating ang sofa.
Hindi umimik ang kaibigan, halatang nag-isip.
"Baka 'yong isa nating tropa. Salamat nga pala sa ginawa mo. Kaibigan talaga kita dude," anito.
Hindi siya umimik at tumihaya na sa malambot na sofa saka ipinatong ang isang braso sa kanyang noo at pumikit. Nang maramdaman niyang sumara ang pinto ng kwarto ay saka siya mabilis na bumangon at gigil na inihagis sa sahig ang nahawakang cushion pagkuwa'y nagtaas-baba ang dibdib sa galit.
Nang mahimasmasan ay nilamukos niya ang mukha. Ba't nga ba siya nagagalit dahil lang sa nalaman niyang si Gab ang dahilan kung bakit itinulak ni Chelsea si Marble sa pool? Kanino ba siya nagagalit? Kay Chelsea dahil 'di siya nito magustuhan? kay Gab dahil ito ang crush ng kanyang childhood crush o kay Marble dahil engot ito't 'di magaling lumangoy?
Damn! Ba't ba laging kasama sa equation ang mukhang kabayong 'to? Matalim niyang sinulyapan ang kamang kinahihigaan nito.
Ano ba 'tong nararamdaman niya? Nalilito na siya.