Ingay ng dalawang taong nagtatawanan ang nagpabalikwas ng bangon kay Marble mula sa mahimbing na pagkakatulog.
Naramdaman pa niya ang sariling laway na malagkit na nakadikit sa gilid ng kanyang bibig. Pinunasan niya iyon ng sariling palad.
"Yukkk! Kadiri ang laway mo!" hiyaw ni Vendrick na nakatingin pala sa ginagawa niya at halatang naririnding tumayo saka nagmamadaling lumapit sabay hablot ng unang kanyang ginamit.
"Palabhan mo agad to sa labandera ha? Nakakadiri kang tomboy ka," inis nitong wika.
Pailalim niya itong tinitigan saka inihampas sa mukha nito ang sinasabing unang naruon pa ang palatandaang bumagsak nga do'n ang kanyang laway.
"Ang arte arte mong giatay ka! Para namang 'di ka din naglalaway habang tulog," pambabara niya nang makitang inihagis nito sa sahig ang unan.
Nakaismid siyang bumaba ng kama at nagdadabog na lumapit sa matandang nakaupo sa tiles na sahig at naglalaro ng baraha.
"Anak, halika na! Lumabas na tayo rito't nakakagigil ang pagmumukha ng lalaking to," yaya niya sa alaga ngunit di ito tuminag sa kinauupuan. Sa halip ay ngumisi lang sa kanya at hinila ang kanyang kamay kaya napaupo na rin siya sa tabi nito.
"Halika po Nanay, maglaro tayo ng baraha," anito.
Ngunit hindi pa man nakakaayos ng upo ay isiningit na ng binata ang katawan sa pagitan nila ng matanda.
"Umusog ka nga do'n payatot," utos nito.
Itinulak niya ito. Muntik nang mabangga ang matanda kung 'di nakailag.
"Giatay ka talagang lalaki ka! Ang luwang- luwang ng espasyo, sa'min ka pa sumisiksik," singhal niya.
"Hey, wala kang pakialam kung sumiksik man ako! Pag-aari ko lang naman ang kwartong kinaroroonan mo!" ganting singhal nito.
Iniamba niya ang kamao sa mukha nito.
"Kanina ka pang letse ka ha? Nakakalalaki ka na sa'kin, teka nga lang," aniya't tumayo at akmang makikipagsuntukan nang may kumatok sa pinto at pumasok ang kanyang madam na nangunot agad ang noo pagkakita ng unan sa sahig.
"What's this Vendrick?" takang tanong nito sa binata sabay dampot niyon at ibinalik sa kama nito.
Ang asim ng pagmumukha ng binatang bumaling sa ina ngunit 'di nakapagsalita nang makita itong ibinabalik sa kama 'yong unan.
Lihim naman siyang napangisi. Buti nga dito. Kalalaking tao, ang arte arte!
"O Marble, 'di ba't may lakad kayo ni Gab ngayon? Bakit di ka umalis?" takang baling nito sa kanya.
Matagal bago siya nakasagot.
"Kasi-- po, walang magbabantay kay lolo pag umalis ako eh dito po nakatulog," sagot niya.
"Naku, sinabi ko na kay Vendrick kanina na siya muna ang magbantay kay Papa. 'Di ba niya sinabi sa'yo?" anang ginang.
Biglang umusok ang kanyang ilong sa narinig. Ang walanghiyang lalaking to! Alam pala nitong aalis siya kaya seguro pinaglinis siya ng kwarto nito at kung ano-anong pinagawa sa kanya para lang 'di siya makaalis kasama si Sir Gab.
Kuyom ang kamaong bumaling siya sa binatang sinadyang iiwas ang tingin sa kanya.
"Ayaw daw niyang sumama kasi bigla daw siyang inantok. Ang sarap nga ng tulog niya kanina, 'di ba lolo?" katwiran nito, nagtawag pa ng kakampi.
"Yes!" sagot naman ng tinawag.
Lalo siyang nagngitngit sa galit at palihim uling iniamba ang nakakuyom niyang kamao dito.
'Walanghiya ka talaga! Sinungaling! Bwisiitt!' sigaw ng kanyang isip.
Isang nakakalokong ngisi lang ang isinagot nito.
"O siya, hayaan mo na't alas tres na naman. Ako na muna ang mag-aalaga kay papa. Dadalhin ko siya sa kanyang Geriatrician ngayon," sabad ng madam saka nilapitan ang byenang lalaking busy sa pagbalasa ng mga baraha, walang pakialam sa nangyayari.
Siya nama'y nangangati ang mga kamao para umbagan ang binatang hanggang ng mga sandaling 'yon ay 'di mawala ang nakakainsultong ngisi sa kanya, ngunit nang humarap sa kanila ang madam hawak ang braso ng matanda ay agad silang umayos ng tindig na tila mga maaamong tuta.
"Marble, hindi na kita isasama. Maglinis ka na lang sa kwarto niyo ni papa. Ikaw naman Vendrick, puntahan mo muna si Chelsea sa kanila. Siya lang daw mag-isa sa kwarto, sabi ng Mommy niya. Baka kung ano na namang kalokohang gawin nun at ang sumbong sa'kin ng ina ay nagtatantrums daw dahil iniwan mo siya kagabi sa pool kahit alam mong pinupulikat siya," baling nito sa kanilang dalawa.
"Opo" lang ang isinagot niya. Pero ang binata nagtaka siya nang mawala ang ngisi nito at napalitan ng pagsasalubong ng mga kilay. Bakit kaya?
"Nanay, ipagluto mo ako ng hotdog mamaya pagbalik ko ha?" sabad ng matanda.
"Oo sige. Magpakabait ka do'n sa pupuntahan niyo anak. 'Wag kang magpapasaway," bilin niya.
"Opo," sagot nito.
Kapwa sila natahimik nang lumabas ang magbyenan sa kwarto. Kung 'di niya napansin si Vendrick na patungong kabinet at magbibihis ng damit ay 'di siya maglalakas-loob na tawagin ito.
"Hoy, teka muna. Kailangan nating pag-usapan ang tungkol sa 50k na ibibigay mo pag nagawa ko ang usapan natin sa pool," habol niya.
"Tapos na 'yon, walang 50k. 'Di mo naman natapos 'yong pinapagawa ko sa'yo kanina," anang binata at nagtuluy-tuloy sa harap ng kabinet nito pero tinakbo niya ito't iniharang ang katawan sa pinto.
"Ano na namang kailangan mong payatot ka?" aburidong usisa nito.
"Gagawin ko 'yon, promise. Kaya ko 'yon. Basta 'pag nagawa ko, ipadala mo agad ang pera sa bahay bukas. Alam mo namang kailangan nila 'yon," pakiusap niya, puno ng tiwala sa sarili ang bawat salitang lumalabas sa bibig.
Matagal siya nitong tinitigan. Nang 'di pa rin ito makasagot ay hinawakan na naman niya ang braso nito't niyugyog.
"Sige na, Binbin. Pumayag ka na," nagpaawa na naman.
"Oo na, sige na," tila sumusukong sagot ng binata sabay tapik ng kamay niya't bahagya siyang itinulak palayo sa pinto ng kabinet. Nagpatianod naman siya.
"Tsaka sa paglilinis pala ng kwarto mo, merun lang akong babaguhin sa usapan natin. Hindi na kada oras ang bayad mo dapat. Gusto kong kada piraso ng kalat at duming makikita ko sa sahig mo," sinamantala niya ang pagkakataong 'yon at binirahan ng isa pang kondisyon.
Natigil sa pagbubukas ng kabinet ang binata at dismayadong bumaling sa kanya.
"What? Aba't parang dehadong-dehado ka sa nangyari kanina ah. Buti nga't gano'n lang ang pinagawa ko sa'yo," 'di nito mapigilang mapataas ang boses.
Pero 'di siya nagpatinag at nakipagsagutan din.
"Aba! Malay ko bang dumping site ang madaratnan ko pagpasok ko dito. Talagang dehado ako do'n. Ibahin natin ang usapan. 'Pag 'di ka pumayag, hintayin mong magkapera ako para mabayaran kita," pakikipagmatigasan niya't ipinameywang na ang mga kamay.
"Namumuro ka na saking bampira ka ah," salubong ang kilay na saad nito.
Nang mapansin niyang ayaw nitong pumayag ay ginawa na naman niya ang kanyang strategy, hinawakan na naman ito sa braso at niyugyog nang bahagya.
"Binbin, pumayag ka na. Nakakapagod kaya maglinis ng kwarto 'pag ganyan lagi karumi. 'Di ka ba naaawa sa katawan ko, payatot na nga, pinahihirapan mo pa ako," pangungunsensya niya.
'Di ito agad nakapagsalita. Maya-maya'y tinapik uli ang mga kamay niya.
"O siya, siya, sige na. As you wish," sa wakas ay pagpayag nito.
Napalundag siya sa tuwa at nagmamadaling tumakbo palabas sana ng kwarto, bago pa magbago ang isip nito, pero tinawag din siya agad hindi pa man niya nabubuksan ang pinto.
"Magkano ba ang gusto mong ibayad ko kada kalat?" tanong nito.
"Singkwenta!" mabilis niyang sagot at agad binuksan ang pinto saka kumaripas ng takbo palabas.
"Hoy teka! Hindi pwede 'yon! Marble!" habol nito ngunit wala na siya, panay na hagikhik habang naglalakad sa hallway ng ikalawang palapag ng bahay.
Naiwang nanggigigil sa inis ang binata.
"Naisahan ako do'n ah. Engot na 'yon," nasambit na lang nito.