Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 54 - VENDRICK HAS CHANGED

Chapter 54 - VENDRICK HAS CHANGED

"Ano ang naging resulta ng examination mo Doc?" usisa ni Cielo sa katabing Geriatrician habang kapwa sila nakatayo at nakamasid sa kanyang byenang naglalaro ng coloring book.

Napabuntunghininga ang kausap.

"Ang alam niya, anim na taong gulang lang siya ngayon," kumpirma nito.

Napaawang ang labi niya sabay kinakabahang napatitig sa doktor.

"You said he's going to be fine. Ba't ngayon ay pabata nang pabata ang tingin niya sa sarili niya?" anyang halata sa boses ang pangambang baka bigla na lang itong mawala sa piling nila.

"Sshhh come down. He's already seventy years old. Pasalamat na lang tayo na kahit ganyan siya'y masaya pa rin siyang nabubuhay na walang iniisip na kahit ano. Hindi ka ba masaya para sa kanya, malaya siyang nabubuhay sa mundo, walang iniisip na responsibilidad? I think it's a blessing for him sa pagiging mabuti niyang tao noong kabataan niya," paliwanag ng kausap.

Tinitigan niya ang matandang napatingin din sa kanya at ngumiti. Napangiti na rin siya.

Marahil nga ay tama ang Geriatrician. Mas mabuti nga segurong tanggapin nila ngayon pa lang ang kapalaran ng kanyang byenan. Maging masaya na lang sila sa nangyayari rito ngayon, ang mahalaga ay masaya ito, laging nakangiti. Walang iniisip kundi ang maglarong parang anim na taong gulang lamang.

"Sa tingin niyo, tatagal pa siya ng isang taon?" tanong niya uli.

"Honestly, I don't know. Subalit nakikita ko sa kanyang katawan ang kasiglahan. Walang palatandaan na mamamatay siya agad. Pero dahil sa sakit niya, I can't assure you of anything," pag-amin nito.

Nanlumo siya at nakagat ang ibabang labi, tumingin na uli ang matanda sa kanya nakangiti pa rin, napilitan siyang ngumiti. Tumayo ito't lumapit sa kanya.

"Lola, umuwi na po tayo. Baka hinahanap na ako ni Nanay? 'Di ba sabi niya magluluto siyang hotdog para sakin? Umuwi na po tayo," yaya nito sabay hawak sa kanyang kamay.

Bumaling muna siya sa Geriatrician. Nang tumango ito bilang pagpayag ay sumama na siya sa matandang kahit uugud-ugod nang maglakad ay 'di pa rin gumagamit ng tungkod lalo na ang wheelchair, kahit papano'y malakas pa rin ang mga tuhod nito.

Pero nang makalabas sa clinic ay agad na sumalubong ang kasama nilang bodyguard at ibinigay sa kanya ang hila niyong wheelchair. Nang makita iyon nang matanda ay tuwang-tuwa itong umupo duon.

"Lola, ang ganda dito. Akin na lang 'to ha?" nakangiting baling sa kanya.

Agad siyang tumango at inutusan ng bodygurad na itulak na ang wheelchair papunta sa gamit nilang van.

Sumunod naman ito agad at nagpatiuna na papunta sa sasakyan. Nakasunod lang siya nang biglang tumunog ang kanyang phone sa loob ng pouch bag na hawak. Kinuha niya sa loob ang phone at sinagot ang tumatawag na kaibigan, ang ina ni Chelsea.

"Eunice, napatawag ka?",usisa niya.

Biglang humagikhik ang nasa kabilang linya.

"Good news Cielo," anito pagkuwan. "Umamin sa'kin si Chelsea na gusto na daw niya si Vendrick. Alam naman nating gusto rin ng anak mo ang anak ko. Matutupad na rin ang matagal nating kasunduang ipakasal ang dalawa pagkatapos nila sa college," dugtong nito at muling humagikhik sa sobrang tuwa marahil.

"Ha?" nasambit lang niya, ni hindi halos lumbas ang katagang 'yon sa kanyang bibig.

Ang pagkakatanda niya, 'yon ang kasunduan nila noong kapwa nila ipanganak ang dalawa, pero nang malaman nilang mag asawa na iba ang gusto ni Chelsea, hindi si Vendrick, hindi na sila umasang matutupad ang kasunduang 'yon. Subalit ngayong malalaki na ang mga bata at narinig niya ang balitang 'yon mula mismo sa bibig ng kaibigan, parang may tinik na biglang bumara sa kanyang lalamunan.

Alam niyang gusto ni Vendrick si Chelsea kaya kahit saan mapunta ang huli, ando'n lagi nakabuntot ang kanyang anak. Pero ngayo'y napapansin niya itong 'di na naglalalabas ng bahay kung 'di niya inuutusan. Ni 'di na naglalakwatsa kina Gab. Bihira na ring magpunta sa mga barkada nito na dati'y lagi niyang napapagalitan dahil halos hatinggabi na ito kung umuwi. Pero ngayon, kapansin-pansin ang pagbabago nito ng ugali. Binata na si Vendrick. Ayaw niyang higpitan ang kanyang bunso at ayaw niyang ipilit dito ang gusto nilang mga magulang.

"O, 'di ka na nakapagsalita d'yan Cielo," untag ng kaibigan niya sa kabilang linya.

"Ha? Ano kasi, busy ako kay Papa. Narito kasi kami sa Geriatrician niya. Pwede bang mamaya na lang tayo mag-usap. Bye muna ha?" anya sa kaibigan at agad nang pinatay ang tawag, saka lang siya nakahinga nang maluwang at nagmamadaling sumunod sa dalawang papasok na sa loob ng van.

*************

Nakapasok na sila sa loob ng kwarto, naiupo na siya ni Vendrick sa ibabaw ng mahabang sofa, pero kahit nung hinihilot na nito ang kanyang binting napilayan ata sa sakit ay 'di man lang ito nagsalita.

"Aray naman!" sigaw niya nang muling lumagutok ang buto niya sabay hampas sa balikat nito.

Duon lang ito matalim na sumulyap sa kanya pero 'di pa rin nagsalita. Naninibago tuloy siya. Galit ba ito? Nakakatakot naman pala ito pag tahimik masyado.

Ilang minuto siyang nakiramdam habang napapangiwi sa ginagawa nito sa kanyang binti.

"Aray! Dahan-dahan naman!" muli niyang hiyaw nang maramdamang sa halip na kumakalma ay lalo pang sumasakit ang diin nito sa balat niya.

"This will hurt a bit. Can you endure it?" sa wakas ay nagsalita ito. English nga lang, kailangan pa niyang unawain ang gusto nitong sabihin bago tumango. Pero 'di niya mahalata sa boses nito kung galit ba o nag-aalala lang sa kanya o naiinis.

Tumango na lang siya't inilagay ang isang kamay sa balikat nito at duon humawak nang mahigpit hanggang sa isang iglap ay muli na namang lumagutok ang buto niya sa binti. Syempre napalakas ang "aray" niya pero himalang nawala ang sakit niyon pagkatapos.

"Does it still hurt?" muli nitong tanong sa malamig na boses.

Hindi niya alam kung iiling o tatango. Duon na siya binatukan ng binata.

"Palibahasa'y bobo ka kasi kaya simpleng english lang di mo alam pano sumagot," sa wakas ay nakasimangot nitong wika.

"Mas engot ka pala eh. Alam mo namang di ako magaling sa englis, englis ka pa nang englis d'yan, pwede mo namang tagalugin," pairap din niyang sagot habang hinihimas ang nasaktang batok. Pero lihim siyang napangiti. Mas sanay siyang nakikipagsagutan dito kesa sa seryoso ang usapan nila.

Nakasimangot pa rin ito nang tumayo at tumalikod sa kanya.

"Hoy teka! 'Yong 50k ko?" habol niya nang akmang lalabas na ito ng kwarto.

Bigla itong huminto sa paglalakad saka humarap sa kanya at matalim siyang tinitigan.

Hindi niya alam kung bakit nakaramdam siya ng takot lalo nang pagalit itong lumapit na uli sa kanya.

"Kaya ba gusto mong magpakamatay dun dahil sa 50k na 'yon?" paasik na singhal nito.

Namula agad ang pisngi niya, sa takot ba o sa inis, ewan.

"'Di ba't ikaw naman ang naglagay no'n duon? Ikaw ang din ang nagbigay ng kondisyon sakin para makuha ko 'yong 50k. Alam mo namang nangangailangan ako ng pera. Pero ngayong nagawa ko na, bakit ikaw pa ang may ganang magalit? Ayaw mo lang yatang ibigay sakin 'yong premyo ko eh," pang-aakusa niya.

"You're such an idiot beast! Hindi mo ba alam kung ga'no kalalim 'yong pool na 'yon para lumangoy kang mag-isa dun nang walang nakatingin sayo? Hindi mo ginagamit yang kukuti mo!" sigaw nito, dinuro pa siya.

Napayuko siya. Sa lahat ng sinabi nito, sa isang salita lang siya natameme, parang nasaktan siya. Hindi, nasaktan nga talaga siya. Tinawag na nga siyang "idiot" dinugtungan pa ng "beast". Double-murder naman ata 'yon. Sanay naman na siyang tinatawag ng kung ano-anong pangalan dahil sa itsura niya, pero bakit 'pag sa giatay na 'to nanggagaling, parang ang sakit pakinggan?

Hindi niya alam kung bakit napahikbi siya at napansin 'yon ng lalaki. At 'di rin niya alam kung bakit sa galit nitong mukha ay bigla na lang siyang kinabig ng yakap. Marahil ay nakunsensya ito sa pingsasabi sa kanya, tuluyan na tuloy siyang napaluha kahit 'di siya sanay umiyak.

"Tanggap ko naman lahat ng sasabihin mo eh. Basta ,wag lang 'yong double-murder. May idiot na nga, may beast pa," himutok niya sabay hikbi.

At lalong hindi niya alam kung bakit bigla itong humalakhak sa sinabi niya. Praning yata 'to eh.

"Engot ka kasi. Pwede mo naman akong hintayin kanina para mabantayan kita. Hindi 'yong magyayabang kang kaya mo. Pa'no kung wala si Gab doon habang wala ako," pagpapaunawa nito, lumambot na ang boses.

"Kaya ko nga 'di ba? Nakita mo naman kinaya ko," pagdadahilan niya, hinayaan lang yakapin siya ng lalaki.

"O siya, 'wag ka nang umiyak d'yan, lalo kang pumapangit," anitong sumusuko na sa kanya, saka lang siya pinakawalan.

"'Yong 50k ko?" usisa niya agad.

"Mukhang pera ka talaga," inis nitong sambit.

"Sige na, ipapadala ko na sa inyo 'yong 20k at 'yong 30k, pambayad mo sa utang sakin," anitong tila nawala na ang galit-- galit o pag-aalala.

"Bale, bawas na ako ng 30k sa 70k kong utang sa'yo. Tapos, kanina may 350 pa ako sa paglilinis ng kwarto mo, bale 39,650 na lang ang utang ko sa'yo," heto na uli, nagkwenta na naman siya.

"'Di ka talaga mautakan pagdating sa pera noh?"

"Aba, dapat lang. Pera---" sasabad pa sana siya nang makita ang madam sa may pinto, tulak nito ang wheelchair kung saan nakaupo ang tulog na uling matanda.

"Madam--" tawag niya.

Agad namang humarap dito ang binata, nagulat pa pagkakita sa inang pinaglipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa.