Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 59 - THE SPOILED BRAT, THE DAYLIGHT VAMPIRE AND THE RICH OLD MAN

Chapter 59 - THE SPOILED BRAT, THE DAYLIGHT VAMPIRE AND THE RICH OLD MAN

Nagtataka talaga si Marble nang umagang 'yon kung bakit ilang araw na niyang napapansing tila bumibigat ang kanyang alaga. Tumataba ba ito?

Pinagmasdan niya ang buong katawan ng matanda habang binibihisan pagkatapos maligo. Gano'n pa rin naman ang laki nito, mas mataba lang sa kanya ng kunti. Pero bakit parang bumibigat? Napapailing niyang sinuklay ang medyo makapal na nitong buhok.

"Anak, parang kailangan mo nang gumamit ng wheelchair, araw-araw. Bumibigat ka na kasi, baka kung mapa'no ka sa labas 'pag hinayaan kitang maglakad," sambit niya rito.

Mataman lang itong nakikinig, pilit inuunawa ang kanyang sinabi habang nakaupo sa gilid ng kama.

"Nanay, nagtataka po talaga ako sa tawag ni lola sakin at ni Lolo. Bakit po papa ang tawag nila eh mga magulang mo naman po sila?" pakli ng matanda.

Natigil siya sa ginagawa, pasimple itong tinabihan. Ilang segundo muna niya itong tinitigan bago siya nagsalita.

"Ang totoo niyan anak, ako lang naman ang tumatawag sa,yo ng kakaiba eh at ikaw lang tong tumatawag sa'kin ng Nanay. Pero ang totoo niyan, taga-alaga mo lang ako, hindi ako ang nanay mo. 'Tsaka ang sinasabi kong mga magulang ko, hindi totoo 'yon. Si senyor ang anak mo at si madam naman ang manugang mong babae," paliwanag niya sa matandang awang ang mga labi habang tahimik na nakikinig.

Hinagod niya ang buhok nito.

"Pero kahit na hindi kita kaano-ano at taga-alaga mo lang ako, itinuturing pa rin kitang pamilya at aking anak," anya sabay yakap sa matandang hindi niya alam kung bakit biglang napahikbi.

"O bakit?" maang niyang usisa.

"Nanay, kung ga'nong matanda na po pala ako, malapit na po akong mamatay?"

"Ha?" nagulat siya sa sinabi nito, bigla siyang nalito kung anong isasagot.

Buti na lang naalala niya ang sinabi ng ama noong magkasakit ito't iyak siya nang iyak.

'Anak, wala tayong dapat katakutan sa kamatayan kung alam naman nating mabuti tayong tao at 'di natin nilabag ang mga utos ng Diyos na sukat ikagalit niya. Sa halip matuwa pa tayo dahil babalik na tayo sa piling Niya. Ang makapuntang langit at duon manirahan magpakaylanman, iyon ang gantimpla ng Diyos sa kanyang mga matutuwid na nilikha.'

Hindi niya 'yon makalimutan dahil iyon ang nagsilbing panuntunan niya sa buhay kaya nga siya naging tagapagtanggol sa mga inaaping estudyante sa kanilang eskwelahan.

Inulit niya ang mga katagang 'yon sa matandang natigil naman sa paghikbi at tumitig sa kanya.

"Nanay, 'pag namatay po ba ako, mapupunta akong langit?" inosente nitong tanong.

Mabilis siyang tumango.

"Syempre naman. Sabi ni Manang Viola, kahit daw isa ka sa pinakamayamang tao sa buong mundo, pero mabait kang mayaman. Kita mo nga, kahit inapi ka ng mga nurse mo dati, hindi ka lumaban, nagpapakumbaba ka. 'Tsaka, tignan mo ako, mabait ka sa'kin," paliwanag niya.

Napahikbi na uli ito, siya nama'y biglang naging relihiyosa't muli itong niyakap.

"Tahan na, anak. Ang aga-aga, nagdadrama tayo dito. 'Di ba sabi mo mangangaroling pa tayo sa labas?" pakli niya, pilit iniba ang ihip ng hangin.

Dahil masunuring anak, tumahimik na ito't nag-aya nang lumabas ng kwarto, duon na lang daw sila bumaba sa elevator na sinunod naman niya.

Ngunit sa malas nila'y kung kelan sila nasa hallway, siya namang pagsulpot ni Chelsea na nakapustura't papunta sa kwarto marahil ni Vendrick.

Hindi niya ito pinansin, nagpatuloy lang sa paglakad kahit nang nagmamadali itong unahan sila at sumandal sa pinto ng kwarto ng binata sabay halukipkip.

Subalit 'di niya inaasahang pagkatapat lang nila dito'y patirin siya dahilan upang mawalan siya ng balanse't muntik nang mapasubsob sa tiles na sahig kasama ang matandang inaalalayan kung 'di siya agad nakabawi't itinukod ang isang kamay sa tiles saka iniharang ang katawan sa pabagsak na sanang matanda.

Isang nakakalokang halakhak ang pinakawalan ni Chelsea.

"Lampa ka naman palang bampira ka eh," pang-iinsulto nito.

Tikom ang bibig na itinayo niya ang matanda at pinahawak sa barandilya ng hallway saka nagtatagis ang bagang na nilapitan ang dalagang patalikod na sana. Gigil niyang hinablot ang buhok nito't hinila patalikod dahilan upang napatili ito sa sakit.

"Let me go, you asshole!" sigaw nitong 'di makapalag at pilit inaabot ang kanyang kamay na nakahawak sa buhok nito. Nang 'di magawa'y pilit nitong itinulak ang nahawakan nitong braso niya.

Kahit nagpupumiglas ito'y nagawa pa rin niyang hulihin ang isang kamay nito't ilapit ang kanyang ulo sa tenga nito.

"Balewala sa'kin kahit ilang beses mo akong itulak sa swimming pool, 'di ako lalaban sa'yo," malamig ang boses niyang sambit ngunit ramdam duon ang pinipigilang galit. "Pero 'wag ka uling magkakamaling idamay pati ang alaga ko kung ayaw mong manghiram ng mukha sa aso! Naririnig mo?" banta niyang litid na litid ang mga ugat sa leeg saka ito malakas na itinulak sa sahig, muntik na itong mapasubsob sa tiles.

Muli itong napasigaw dahilan upang maalarma ang mga katulong at magpasukan sa loob ng bahay.

"How dare you do this to me!" sigaw na uli ni Chelsea at akmang susugurin siya nang sumali ang matanda't gusto na nitong ihampas sa mukha ng dalaga ang hinubad na tsinelas.

"Ano, lalaban ka? Lalaban ka?" nanggigigil din nitong wika, sinabayan pa ng paghaba ng baba sa panggigigil sa kalaban.

"Lo, he's just your maid! Why are you protecting that bitch!" mangiyak-ngiyak na hiyaw nito, idinaan na lang do'n ang galit na nararamdaman.

Ngunit sa halip na sumagot ay ihahagis na sana nito sa mukha ng dalaga ang tsinelas kung 'di niya napigilan.

"Halika na, anak. She's not worth our anger," awat niya saka kinuha ang hawak ng matanda at ibinalik sa mga paa nito.

"What?! Damn you!" nanlilisik na ang mga mga matang sigaw ni Chelsea ngunit wala itong magawa para gantihan siya nang mga sandaling 'yon.

Hanggang sa makalayo na sila'y nagtataas-baba pa rin ang dibdib nito sa galit, lalo na nang makita sa baba ng sala ang nag-umpukang mga katulong, kasali pa nga si Manang Viola.

"What are you staring at?! Get lost!" Ang mga ito naman ang napagbalingan nito ng galit.

Mabilis nagtakbuhan sa kani-kanilang trabaho ang mga katulong. Kahit si Manang Viola ay nakitakbo na rin sa takot.

Nanlilisik pa rin ang mga matang hinabol sila ng tingin ni Chelsea, 'di makapaniwalang naging dehado ito sa kanya nang gano'n lang.

"Wait for my revenge, you damn beast! I will make you leave this house so soon!" tila nanunumpa nitong saad saka nagtatagis ang bagang na ikinuyom ang mga kamao.

Siya nama'y napahagikhik habang nasa loob na ng elevator. Tama ba ang englis niya kanina? Hmm! Tama naman yata 'yon. Hindi mapapasigaw ng, "What?! Damn you!" si Chelsea kung 'di nito naunawaan ang kanyang sinabi. Gumagana din pala ang utak niya sa englisan 'pag galit siya.

"Nanay, bakit po kaya galit sa inyo ang magandang pulis na 'yon?"untag ng matanda.

"Ewan ko ro'n." Nagkibit-balikat lang siya.