Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 64 - SLIP OF THE TOUNGE

Chapter 64 - SLIP OF THE TOUNGE

"Ano ba'ng nangyari, Ate?" nag-aalala niyang usisa sa kababayan nang makapasok na sila loob ng kwarto ng matanda habang ang mga mata'y nakatingin sa alagang hanggang nang mga sandaling 'yon ay humahaba pa rin ang nguso sa galit.

Nang mga oras na 'yon gusto niya itong yakapin para magpasalamat at iniligtas sila mula sa anak nito. Pero nakapagtatakang ang bilis nitong rumesponde gayo'ng iniwan niya ito sa kwartong 'yon. Sabagay, baka humabol ito sa kanya sa baba nang marinig din ang sigaw ng kanilang amo, sa elevator marahil bumaba.

Narinig niyang suminghot ang babae ngunit di sumagot. Saka lang ito nagsalita ng "Okay lang ako" nang maiupo na nila ang kanyang alaga sa sofa, umupo din ito sa tabi ng matanda sabay yuko.

Siya nama'y 'di alam kung sino ang uunahing aluin sa dalawa---ang alaga niyang gigil pa rin hanggang ngayon, o ang kababayan niyang nagsimula nang yumugyog ang mga balikat ngunit ayaw mag-angat ng mukha?

Sa huli'y napayukod siya sa harap sabay yakap sa dalawa at hagod sa likod ng mga ito.

"Anak, tama na ang galit. Wala na'ng kalaban. Ikaw din Ate, sagutin mo muna ang tanong ko bago ka umiyak," sambit niya sa nang-aalong boses.

Kumalma naman ang matanda't nakihagod din sa likuran ni Lorie na sa halip na tumahan ay lalong napahagulhol ng iyak. Napapaiyak na tuloy ang kanyang alaga, 'wag na siyang isali't talagang nagpipigil siya. Sa totoo lang ayaw talaga niya ng drama, kaekekan lang 'yon. Ang gusto niya, laging comedy. Pero ngayon, napapakagat na lang siya sa labi sa awa kay Lorie.

Pagkaraan ng halos limang minuto ay nagkwento na rin ito sa wakas.

"Nagkukulitan kasi kami ni Manang Viola sa loob ng kusina. Gusto ko pa kasing kumain pero pinipigilan niya ako. Ang sabi niya, 'yon daw ang palatandaan ng isang buntis, matakaw sa pagkain. 'Di namin alam na nasa likod pala namin sina Senyor at Madam," sa pagitan ng paghikbi ay kwento nito.

Nakisabay sa paghikbi ang matanda.

Siya nama'y do'n lang nanggigil sa inis habang nakaupo na sa tabi ng babae.

"Ano ngayon kung matakaw ka sa pagkain? Buntis na agad, 'di ba pwedeng gutom ka lang lagi? Punishment agad, wala nang tanong-tanong kung totoo nga? Ano bang nangyayari sa earth ngayon? 'Tsaka kahit nabuntis ka ng walanghiya nilang anak, bakit kailangang ipalaglag nila ang bata? Kasalanan 'yon kay God!" Walang preno ang bibig na daldal niya para lang iparamdam sa kababayang nakikisimpatya siya rito.

"Oo nga po, Nanay. Gusto niyo po sugurin natin sila at hambalusin natin!" segunda ng matanda, nakaramdam na uli ng galit.

"Relaks ka lang d'yan anak. Ako muna ang magagalit ha? Moment ko muna ngayon. Pahinga ka muna," payo niya rito.

"Opo, sige po," parang bata nitong sagot at umayos ng upo saka bumaling sa katabing si Lorie, hinawi nito ang buhok na nakatakip sa mukha ng babae.

"Hayaan mo na sila, Marble. Kung buntis nga ako, ako na ang kusang aalis rito," tila sumusukong sambit nito.

Naaawang napatitig siya sa kababayan. Dati, ang tapang tapang nito, pero ngayon tila ito asong bumahag ang buntot, mas gusto na lang magpakumbaba kesa lumaban.

Hinawakan niya ang kamay nito.

"'Wag kang mag-alala Ate. Hindi ko hahayaang saktan ka nila," pangako niya dito.

Doon lang ito tumingin sa kanya kasabay ng isang ngiti.

"Kaya ko ang sarili ko. 'Wag kang mag-alala sakin."

Nakihagod na rin sa kamay nito ang matanda.

"Kaya mo 'yan, matapang ka eh," anang matanda.

Napatitig dito si Lorie. Matamis ang ngiting pinakawalan ng huli at muling hinagod ang kamay ng babaeng muntik na namang maiyak.

Nakagat na uli niya ang ibabang labi. Buti na lang hindi pa niya nakikita ang lalaking magpapaiyak sa kanya at sana 'wag niya itong makita. Ayaw niyang matulad kay Lorie, parang pasan ang buong daigdig sa laki ng problema.

"Oo kaya mo 'yan. Matapang ka di ba?" Inulit niya ang sinabi ng matanda.

Tuluyan nang napahagulhol muli ang dalaga.

**********

Maaga pa lang ay naghahalo na sina Vendrick at Gab ng semento kasama si Mang Luis, pang finishing sa dingding ng bahay.

At umagang-umaga pa lang, marami nang mga kapitbahay ang nakikiusyuso sa labas ng bakuran, nagtsitsismisan ang ilang mga ginang habang nakamasid sa kanila. Ang ibang kadalagahan naman ay nagpapapansin sa kanila.

"Ahemm! Kung makatingin naman kayo mga mare, para namang kakainin niyo nang buhay ang mga trabahador namin," malakas ang boses na puna ni Aling Linda sa mga kapitbahay saka pinandilatan ang mga kadalagahang nagpakanganga kakamasid sa kanila.

"Umagang-umaga nagpakanganga kayo sa harap ng bahay namin. Mayayaman kayo? Wala kayong trabaho sa inyo? Hala tsupe! Tsupe!" pagtataboy ng ginang sa mga ito.

"Ito naman si Manang. Para nakatingin lang, ang sungit mo talaga!" nakairap na sagot ng isang dalaga.

"Tyang!" Mula sa labas ng bahay ay narinig nilang tawag ng isang babae.

'Di sinasadyang mapatingin si Vendrick dito.

Maganda ang dalagang papalapit. Kahit luma na ang suot nitong fitted blouse at shorts na maong ay bumagay pa rin ang mga 'yon sa ganda nito na kung titignan ay halos perpekto ang hugis ng katawan, makinis pa ang balat.

Napatayo siya't pinagmasdan ang babaeng takang napatingin din sa kanya habang papasok ng bahay at papalapit sa tinatawag na si Aling Linda.

Natigilan siya sandali. Pa'no kung gano'n kaganda si Marble, makinis ang balat at walang pimples sa mukha, walang mahahabang pangil na ipin, magkagusto kaya siya dito sa unang tingin lang? Pa'no kung--kung---

"Hey Dude! Do you like her?" hinampas siya sa braso ni Gab at tila nanunudyong untag nito sa naglalakbay niyang isip.

Tumawa lang siya.

'Hindi naman ang babae ang iniisip ko, kundi 'yong mukhang kabayo sa bahay.' Muntik na niyang isagot, buti 'di niya naibulalas at ipinagpatuloy ang ginagawa.

"Sino ang mga 'yan, T'yang?" usisa ng dalaga.

"Mga katulong ni Tyong Luis mo sa paggawa nitong bahay. Bakit ka napasugod dito nang gan'to kaaga? Wala ka na bang gawain sa inyo?" pambabara ng ginang.

"Si T'yang talaga. Hanggang ngayon 'di pa rin ibinibigay sakin ang number ni Marble," tila nagtatampong saad ng dalaga.

Muli siyang napasulyap ditong katabi nang nakatayo sa ginang na nagdidilig ng mga halaman sa loob ng bakuran.

"Aysus! Ang sabihin mo, gusto mo lang malaman ang number ni Binbin namin. Naku 'wag na. Ang sabi ni Binbin, bawal daw ipamigay ang number ni Marble. Mamaya magtsismisan lang kayo tungkol sa jowa mong iniwan ka at naghanap ng iba!" nakairap na sagot ng ginang.

'Di sinasadyang matawa siya sa sinabi ng ina ng payatot na 'yon. "Binbin namin." Paulit-ulit iyong umalingawngaw sa kanyang pandinig. Parang ang sarap pakinggan.

Ang tamis ng ngiti niyang napatingin sa kaibigang nagsalubong agad ang mga kilay at lumapit sa kanya.

"Dude, what's with Binbin, really? Bakit gano'n na lang ang paghanga nila sa'yo?" nagugulumihan nang ungkat nito habang hawak ang pala.

"Honestly, I don't know," tipid niyang sagot.

"Drick! Semento!" hiyaw ni Mang Luis na siyang naglalagay ng semento sa dingding ng bahay.

"Opo!" sagot niya.

Tumalima siya agad at pinuno ng semento ang katabing timbang maliit.

'Di na siya kinausap uli ng kaibigan.

"Drick? 'Yan ang pangalan nung lalaking 'yon?" tanong ni Ynalyn sa ina ng kaibigan.

"Oo, Drick. Kasingtunog ng pangalan ng jowa mo. Pero 'wag kang lalandi d'yan at hindi 'yan kasing talino mo. Medyo ingot 'yan. Bupols kumbaga," sagot ng kausap.

Humagikhik ang dalaga at mataman siyang pinagmasdan mula sa 'di-kalayuan hanggang sa pagbalik niya sa kinaruruonan ng hinahalo nilang semento ni Gab habang si Gab naman ang lumapit sa ginoo, may dala ring timbang puno ng semento.

"Mukhang mayaman T'yang ah. Ang gaganda ng kutis lalo na 'yong si Drick, macho." Narinig niyang wika ng dalaga.

Hindi siya kumibo, ni hindi ito tinapunan ng tingin.

"Aysus! Mas gwapo pa d'yan si Binbin! Boses pa lang nakaka-inlove na. Sayang nga lang at alalay lang siya ng matandang umampon kay Marble," biglang sambulat ni Aling Linda.

Muntik na siyang humgalpak ng tawa sa narinig.

"Bakit kasi ayaw niyo ibigay sa'kin ang number ni Marble Tyang nang magkausap kami?" pangungulit ng dalaga.

"Sinabi ko naman. sa'yo, walang number si Marble at laging busy 'yon. Si Binbin nga lang ang panay tawag sa'kin eh. Ayaw mo lang kasing amining si Binbin ang gusto mong makausap at hindi ang kaibigan mo!" pambabara ng ginang.

"Dude, tinatawagan mo sila?"

Bigla ang pagbaling niya sa nakikinig palang kaibigan sa kanyang likuran.

Pa'no ba niya sasabihin ritong hindi naman niya talaga sadyang ibigay ang number niya sa mga magulang ni Marble? Gusto niya lang asarin ang payatot na si Marble noon pero naawa siya sa mga magulang nito lalo nang palayasin ng lola ng dalaga. Subalit pa'no niya 'yon ipapaliwanag sa kaibigan nang hindi ito nag-iisip ng kung ano pa man?

Napabuntunghininga siya saka kusa nang umakbay sa kaibigang naghihintay ng kasagutan sa mga tanong.

"Nakakaawa kasi sila noon, Dude. Pinirahan sila ng kapatid ni Nanang Linda. Tapos ibinenta pa nila ang dating bahay kasi naospital daw si Marble sabi ng nang-iwan sa kanya sa Rizal Park. Tapos pinalayas din sila ng Mama ni Tatang Luis kaya wala silang matirhan. Naawa naman ako kaya ipinabigay ko kay Marble 'yong number ko para do'n sila tumawag. Pinautang ko din ang tomboy na 'yun ng pera para pampadala niya sa mga magulang. Eh 'di ko naman masabing 'wag na silang tatawag kasi walang Cellphone 'yung payatot na 'yon kaya hinahayaan ko na lang silang tumawag sakin," mahaba niyang paliwanag dito.

Marahan siya nitong hinampas sa tyan.

"Ba't di mo sinabi sa'kin Dude nang mabigyan ko ng pera at Smartphone si Marble. Alam mo namang sa kanya lang ako nagkagan'to," tila nagtatampong pahayag nito.

"Dude, tingin mo ba papayag ang mukhang kabayong 'yon na bigyan mo ng pera eh ang sabi sa'kin ni Tatang Luis, 'di daw 'yon humingi minsan lang sa kanya kahit piso," giit niya.

"Dude, ba't ba gan'yan kang makapanlait kay Marble? Siya ang mapapangasawa ko, Dude. Ayukong iniinsulto mo siya kahit ala siya rito," saway sa kanya.

"Okay. Ayuko lang talaga sa pagmumukha niya pero dahil kaibigan kita kaya supportive ako sa'yo," paliwanag niya saka kumawala dito.

"Pag-uwi natin Dude, bibigyan ko siya ng Phone tsaka pera. Ayukong nanghihiram siya ng pera liban sa'kin," puno ng kumpyensang saad ni Gab saka kumawala na sa pagkakaakbay niya at itinuloy ang ginagawa.

"Binbin! Semento!" nadulas si Mang Luis.

"Opo!" sabay silang sumagot ni Gab.

Napanganga ang dalawang nakamasid pala sa kanila.

Nagkatinginan silang magkaibigan.

"Giatay kang Luis ka! Bakit 'di mo sinabing andito pala si Binbin?!" sigaw ng ginang sa asawa.

Nahuli niyang nakatitig sa kanya ang dalagang kaibigan ni Marble pero iniiwas niya agad ang tingin na tila nagi-guilty.