Chereads / MARBLE: NEGATIVE ATTRACTION EQUALS LOVE / Chapter 65 - MISTAKEN IDENTITY

Chapter 65 - MISTAKEN IDENTITY

"Giatay kang lalaki ka! Ba't 'di mo sinabing andito pala si Binbin?" tila umuusok ang dalawang butas ng ilong ni Aling Linda nang lumapit sa asawa't inihampas ang bitbit na tabo sa huli.

'Di naman makapalag si Mang Luis at nahihiyang tumingin kay Vendrick.

"Alin sa dalawang 'yan si Binbin?" Mahaba ng ngusong hiyaw na muli nito sa asawa.

'Di nakapaghintay ng sagot si Aling Linda't lumapit na sa kanila, pinaglipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa saka biglang ngumising lumapit kay Gab.

"Ikaw si Binbin namin no?" anitong may kaseguraduhan sa hula.

"Ahmm, manliligaw po ako ni Marble pero--" sabad ng binata.

"Manliligaw ka ni Marbel? Magkasama nga kayo ni Marble! Ikaw nga si Binbin!" putol nito sa sinasabi ng binata, halos mapalundag sa tuwa.

Napakamot na lang siya sa batok.

Si Gab nama'y alanganing ngumiti, hindi rin alam ang isasagot lalo na't hinablot ng ginang ang braso nito't ipinasok sa loob ng bahay.

"Luis, bumili ka ng isang kilong manok, magluluto ako ng masarap na tinola ngayon!" habol nito sa natamemeng ginoo at lumapit na sa kanya.

"Pagpasensyahan mo na ang asawa ko. Ganyan lang talaga 'yan," anito sa kanya, sinabayan pa ng iling nang marinig ang ginang na humahagikhik sa tuwa sa loob ng bahay.

"Wala po 'yon, Tatang. Nakakatuwa nga po siya eh," pag-amin niya. Nakakatuwa naman talaga ang ina ni Payatot.

"Hi, I'm Ynalyn." Nagulat pa siya nang magsalita sa kanyang likuran ang dalagang bisita at nakangiting inillahad sa kanya ang kamay.

"Bestfriend ako ni Bakla, I mean ni Marble. Bakla kasi ang endearment ko sa kanya," dugtong nito.

"I'm Drick," pakilala niya pero hindi pinansin ang nakalahad nitong kamay at bumaling sa ama ni Marble.

"Ano po'ng balak niyo sa bakod, Tatang? Para habang nandito pa kami'y matapos na lahat ng gagawin niyo. Mahirap po kasing kayo lang ang solong gumagawa nito," usisa niya sa ginoo.

"Ah, kawayan na lang ang ipambabakod ko, madami kasi kaming kawayan dito. Ang bubong na lang ang problema ko kasi wala na talaga kaming budget."

"Sige po, ako po bahala. Sasabihin ko na lang kay Marble," an'yang tiningala ang bubong ng bahay.

Base sa laki at luwang ng bahay, marahil ay aabot sa dalawampung yero ang makukunsumo ro'n.

"T'yong, dito muna ako sa loob ha?" paalam ni Ynalyn nang mapansin wala siyang balak makipag-usap dito.

"O sige. Samahan mo muna ang T'yang mo do'" sagot ng ginoo.

Samantala'y 'di mawala sa mukha ni Aling Linda ang tuwa nang mapagkamalan nito si Gab na si Binbin.

Panay ito pilantik. "Sabi ko na nga ba't mayaman si Binbin namin eh. Iyo ba kamo ang kotseng 'yon sa labas? Marami kayong sasakyan? Apo ka ng matandang umampon kay Marble? Ayeeeee! Ang gwapo-gwapo mo talaga Binbin."

Hindi malaman ni Gab kung tatango o iiling sa mga tanong ng ginang lalo't kitang kita nito ang tuwa sa mukha ng ginangkaya hinayaan na lang nito ang sinasabi ng huli.

"Kumusta si Marble? Maganda ba ang lagay niya do'n? Nag-aaral na ba siya? 'Di ba sabi mo baka makapag-aral na siya?" sunud-sunod nitong tanong.

Kumunot ang noo ng binata, halatang walang alam sa sinasabi ng kausap pero bigla itong ngumiti sabay tango.

"Ayeeee!" pumalakpak na uli sa tuwa si Aling Linda at tumabi na sa pagkakaupo kay Gab sa isa pang silyang naruon.

"'Di ba sabi mo gusto mong manligaw kay Marble kaya ka andito?"

"Opo!"

Tinapik nito ang braso ng binata.

"'Wag kang mag-alala. Ipupus kita sa anak ko! Ipupus kita!" sinabayan pa ng kindat ang sinabi nito.

Sandaling nalito ang kausap pero nang makuha ng ibig sabihin ng ginang ay napangiti ito.

"D'yan ka lang. 'Wag kang tutulong sa labas. 'Yaan mo sila do'n. Andun naman ang alalay mo eh. Relaks ka lang d'yan. Bisita ka namin kaya dapat ka naming pagsilbihan at malaki ang utang na loob namin sa'yo," bilin ng ginang saka nagmamadaling lumabas ng bahay, nakasalubong pa nga si Ynalyn pero tuluy-tuloy ito papunta sa kinaruruonan nina Vendrick.

*************

"Wala akong nakitang kakaiba sa kanya ngayon malibang medyo mabilis ang heartbeat niya," Anang Geriatrician matapos na kausapin ang matanda at i-examine ito.

"Pero Doc, madami ang nakarinig ng mga sinabi niya kanina. Gano'n si papa 'pag nagagalit," giit ni Keven.

"That was just out of impulse," maagap na sagot ng doktor. "Subalit 'pag nawala na ang kanyang galit, bumabalik na din siya sa dati," paliwanag nito.

Napabuntunghininga ang lalaki saka tumingin sa amang nakasimangot na nakaupo sa tiles na sahig at nagbabasa kunwari ng nagpakakalat na magazine.

Si Marble nama'y nanatili lang nakaupo sa sofa katabi ni Lorie na tumigil na sa pag-iyak at inayos ang sarili.

Pasulyap-sulyap siya sa mga amo habang nakikipag-usap ang mga ito sa doktor ng kanyang alaga 'di-kalayuan sa kanila.

Maya-maya'y umalis na ang doktor, lumapit naman sa kanila ang madam, ang asawa nito'y sumunod sa Geriatrician palabas.

"Lorie. Gusto mo bang samahan na lang dito si Marble at magbantay kay papa?" tanong ng madam sa kababayang nagliwanag agad ang mukha sa narinig at mabilis na Tumango.

"Opo! Gusto ko po," sagot nito't napahawak agad sa kanyang kamay.

"Sige, tutal ay gustong mag-aral nitong si Marble. Habang abala siya sa pag-aaral, ikaw muna ang mag-aalaga kay papa. Magtulungan na lang kayo. Per---" putol nito sa sasabihin.

"Ano po 'yon?" usisa ni Lorie.

"'Pag na-confirm naming buntis ka, hindi ka na pwedeng manatili dito. Don't worry, bibigyan ka namin ng pera 'pag umalis ka," pakaswal na wika ng madam.

Agad na tumango ang babae, 'di na nagdalawang-isip pa.

"Ate, ba't ka pumayag?" tila nagtatampo niyang untag dito nang makalabas na ang kanilang among babae at sandaling natahimik ang katabi.

"Marble, maganda nang kondisyon para sa'kin 'yon. Kahit papano'y may pera pa rin akong makukuha kahit umalis ako rito. 'Wag kang mag-alala sa'kin. Kaya ko ang lahat ng 'to," matatag na sagot ng dalaga.

Nakita naman niyang medyo magaan na ang pakiramdam nito, matamis nang nakangiti kaya hinayaan na lang niya.

Sabagay, mas maganda na ang gano'n kesa piliting ipalaglag ang bata kung totoo ngang buntis ito.