Nakailang beses nang nagpapabalik-balik si Marble sa kwarto ni Vendrick at kumakatok pero walang nagbubukas ng pinto. Wala seguro ito do'n. Sa'n naman kaya ito nagpunta?
Sa huli'y bumalik na lang siya sa loob ng kwarto nila ng matanda at sinamahan itong magbuklat ng mga magazines na hiniram niya sa kanyang ate Lorie. Maganda daw basahin ang mga 'yon kung gusto niyang maging Secretary.
Bata pa lang kasi gusto na niyang magtrabaho sa opisina at maging secretary ng boss niyang pagkagwapo-gwapo, at ang naiisip pa niyang boss ay si Aldrick, ang kanyang childhood crush na bf ng kanyang bestfriend.
Pero ngayon, kahit 'di na ito ang maging boss niya basta makapagtapos lang siya ng secretarial. Seguro naman hindi gano'n kahirap 'yon at madali siyang makakapasa sa exam. Ang sabi ng madam niya, pwede naman daw siyang mag-aral kahit nasa kwarto lang siya ng matanda at nagbabantay dito. Ano ba'ng tawag sa sinabi ng kanyang amo? Ah, Alternative Learning System. Pero kailangan pa rin daw niyang pumasa sa mga tests na ibibigay sa kanya para makakuha ng diploma, katumbas na daw 'yon sa mga nakapag-aral ng college.
"Anak, marunong ka ba'ng magbasa ng mga 'yan?" usisa niya rito nang makalapit at tiningnan ang pinagmamasdan nito saka ginaya ang pagkakadapa nito sa tiles na sahig.
"Hindi po. Turuan niyo po ako nanay," anito sa kanya.
Tinignan niya ang binabasa nito.
"Ano po ito nanay, Tom Hug---?" inosenteng tanong ng matanda sabay turo sa binabasa.
Idinikit niya ang mukha sa itinuturo nito.
"Ah, madali lang yan basahin anak. Si Tom Hagis 'yan. Alam mo 'yong diaper na Huggies, ganyan ang pagbasa niyan. Tom Hagis," sagot sabay kindat dito.
"Wow galing naman ni Nanay," pumapalakpak ang matanda, ngumisi siya, maangas na hinawi ang buhok na tumakip sa mukha.
"Ano pa anak? Magtanong ka lang."
"Eh ito po Nanay, Av-?" tanong na uli nito nang makita ang litrato ng isang babae.
Pinagmasdan niyang maigi ang pangalan sa ilalim ng larawan.
"Ang bobo mo naman anak. Si Avril Lavigne 'yan. Sige, gayahin mo ako. Av-ril La-vig-ne," an'ya habang binibigkas ang pangalan, inartihan pa ang "V" para magaya ng matandang gumaya naman sa paraan ng kanyang pagbigkas.
"Ako na nga lang ang magbabasa anak. Makinig ka lang." Bagot na kinuha niya ang magazine sa katabing matanda at siya na ang nagbasa.
'Seventeen years after her angsty pop-punk made her a global star, Avril Lavigne is back with a sixth album. And having survived illness and divorce, she's in no mood to compromise,' ang nakasulat sa magazine.
Ilang beses niya iyong tinitigan at kumibot-kibot ang bibig upang basahin nang tahimik ngunit umangal ang matanda.
"Lakasan niyo po Nanay nang marinig ko. Nagagandahan po kasi ako sa kan'ya," anito.
"Sige na nga," nakairap niyang sagot saka nilakasan ang basa, ang bilis na halos walang marinig na salita sa kanyang bibig.
Umangal na uli 'yong matanda.
"Ano po'ng ibig sabihin nun Nanay?"
Binasa na uli niya nang mas mabilis pa saka sumulyap sa kausap.
"Maganda nga anak pero ang sabi dito, nung seventeen daw siya, nag popo daw siya, o basahin mo, Apter her angsty pop punk maid her a global star. Kaya daw siya naging sikat na artista dahil sa ginawa niya. Nakakahiya naman yun anak," komento niya sabay ngiwi.
"Tapos nagkasakit siya at hiniwalayan ng asawa pero nagpromise siyang 'di na gagawin 'yon," paliwanag niya sa matandang biglang nalungkot ang mukha.
"Sayang po Nanay, maganda pa naman," susog ng matanda.
"Kakaiba din ang mga artista. Nag-popo lang naging sikat na agad? Kaso hiniwalayan ng asawa dahil nakakahiya ang ginawa," napapailing niyang sambit saka pumalatak.
Nang bigla nilang marinig ang sigaw sa labas.
"Ano 'yon?" gulat niyang sambit at nagmamadaling tumayo.
"Dito ka lang anak ha, magbasa ka lang d'yan. 'Wag kang lalabas ng kwarto," bilin niya saka nagmadaling inusisa ang ingay upang makita lang sa labas ng kusina si Lorie na nakasubsob sa sahig at ang madam na hawak sa braso ang asawang nanggagalaiti sa galit.
Sa may pinto ay ang mga katulong na 'di makakilos sa takot.
Halos hindi niya maramdaman ang mga paang umaapak sa hagdanan sa sobrang pagmamadali makababa lang agad at saklolohan ang kababayang di niya alam kung ano na namang ginawa para masaktan.
"Tandaan mo! Sa oras na mapatunayang nagdadalang-tao ka, ipapapatay kita 'pag 'di mo ipinalaglag ang ipinagbubuntis mo!" litid ang mga ugat sa leeg na sigaw ng among lalaki.
Wala siyang pakialam kahit sino pa ang magalit nang mga sandaling 'yon dahil ang nasa isip ay tulungan ang kanyang Ate Lorie kaya nang patakbo niya itong lapitan at itayo ay lalong nagngitngit sa galit ang Senyor.
"Hindi ko po alam na ganyan kayo kasamang tao, gustong ipapatay ang isang kawawang buntis," mahina ngunit matigas niyang wika habang hawak ang braso ni Lorie na ramdam niya ang panginginig ng katawan sa takot.
"You dare to talk back at me?!" nanlilisik ang mga matang sigaw nito sa kanya sabay baling sa asawang di alam ang gagawin.
"Is this the one you brought here back? Palayasin mo ang tarantadong 'yan!" sigaw nito sa kabiyak habang nakaduro sa kanya.
"Please calm down Keven. Hindi natin 'to maaayos kung ganyan ka makipag-usap. Hindi pa naman confirmed na buntis nga siya. Ba't ka ba nagkakaganyan?" nababahala nang saway ni Cielo sa asawa sabay baling sa kanya.
"Marble umakyat ka taas! Bantayan mo si papa!" mariing utos ng madam sa kanya, pinandilatan pa siya ng mata.
Pero hindi siya tuminag sa kinatatayuan at matapang na sumagot sa amo.
"Senyor, hindi niyo naman po kailangang saktan si Ate Lorie lalo kung totoong buntis siya. Apo niyo naman ang ipinagbubuntis niya kung sakaling totoo 'yon. Bakit po kailangan niyong maging masama sa kanya?" pagtatanggol niya sa kababayang napakapit sa kanyang braso, gusto marahil siyang patigilin ngunit nanginginig ang katawan nito kaya 'di makapagsalita.
"Shut up!" lalong nanggalaiti ito sa galit at pumiglas mula sa pagkakahawak ng asawa saka siya susugurin sana nang biglang bumalandra sa pagmumukha nito ang likod ng isang tsinelas.
Nagulat ang lahat sa nakita.
"Papa?" bulalas ng among lalaki pagkakita sa amang nanginginig ang mga kamay sa galit habang gigil na nakatitig dito at nakaharang ang katawan sa kanila ni Lorie.
"Ano, lalaban ka? Lalaban ka? Bakit mo sasaktan ang Nanay ko, ha? Viola! Asan ang baston ko! Walang galang ang lalaking 'to! Viola!" hiyaw din ng matanda na lalong ikinagulat ng lahat, pati ang mag-asawa ay natigagal sa narinig.
"A-anak?" hindi halos lumabas yun sa kanyang bibig. Bigla bang gumaling ang kanyang alaga nang makita siyang sasaktan ng anak nito?
"Nanay, nasaktan po ba kayo?" parang bata na uling tanong sa kanya.
Mabilis siyang umiling.
"Anak, ayos ka lang? Hindi ka ba nagdedeliryo?" nag-aalala niyang usisa dito.
"Hindi po ako magdedeliryo Nanay. Nagagalit ako." gigil na sambit nito saka bumaling muli sa kalabang tila nahimasmasan nang mga sandaling yun.
"Papa, is that you?" di makapaniwalang sambit ng lalaki ngunit muling iniamba ng matanda ang kamay hawak ang tsinelas.
"Alis! Alis!" sigaw nito sa anak.
Hinablot na ng kanyang madam ang braso ng asawa para pigilan ito sa gagawin.
"I already told you to stop! Can't you see? Papa is trembling out of anger. Umalis ka na kasi. Umalis ka na." mangiyak-ngiyak na pakiusap nito sa lalaking tila naging maamong tuta habang nakatitig sa galit na ama.
"Papa, are you alright now? Magaling ka na ba?" lumambot na ang boses nito.
"Alis!" ngunit di pa rin nawawala ang galit ng matanda kung di niya ito hinawakan sa kamay at inagaw ang hawak nitong tsinelas na ihahampas sana uli sa anak.
"Anak, akina yan. Umalis na tayo rito. Halika na, akyat na tayo." yaya niya, ngunit hawak pa rin ang kamay ni Lorie.
"Ate, tulungan mo akong dalhin siya sa taas." pakiusap niya sa babaeng hinawi ang buhok na kumalat sa mukha at inalalayan din ang matanda hanggang sa makapasok sila sa elevator.
Naiwang nagpakanganga ang mga katulong kasama si Manang Viola. Tahimik din ang mag-asawa, ngunit maya-maya lang ay humarap si Keven kay Cielo.
"Call the Geritrician, Cielo. Baka nga magaling na si Papa." anitong ang galit kanina'y napalitan ng tuwa.
Tumalima naman ang babae at tinawagan nga ang Geritrician ng matanda.